2021
Pagiging Masaya sa Panahon ng Katandaan
Enero 2021


Lalong Nagiging Tapat Habang Tumatanda

Pagiging Masaya sa Panahon ng Katandaan

Ang panahon ng katandaan ay maaaring maging magandang panahon ng pagsulong at pag-unlad.

Larawan
illustration of hands holding an apple

Mga larawan mula sa Getty Images

Sa pagsapit ng panahon ng “katandaan,” natanto ko na nagbabago ang buhay ko. Bagama’t gusto ko pa ring makibahagi sa mga aktibidad ng pamilya ko at ng Simbahan, hindi na ako tulad ng dati na aktibo sa pisikal, at tila maayos naman ang lahat naroon man ako o wala.

Ngunit narito ang isa pang natutuhan ko: ang panahong ito ng buhay ay hindi naman masama. Oo, may mga pighati at mga sakit at iba pang mga hamon, ngunit ang pagtanda na ito ay bahagi ng likas na daloy ng buhay, at ang kabanatang ito ay naghahatid ng mga bago at makabuluhang pagkakataon. Napapanatag ako dahil alam kong mahal ako ng aking pamilya at mga kaibigan. Alam ko na may halaga pa rin ako sa Simbahan. At, higit sa lahat, alam ko noon pa man na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay totoo.

Pagtanggap sa Hamon

Talagang nagbabago ang buhay. Nag-iiba ito. Kaya bagama’t maaaring hindi natin nais magbago ang ating mga kalagayan o ugnayan, ang mga pagbabago ay mangyayari. Tulad ng napakagandang sinabi sa mga banal na kasulatan:

“Sa bawat bagay ay may kapanahunan, at panahon sa bawat bagay sa silong ng langit:

“Panahon upang isilang, at panahon upang mamatay; panahon ng pagtatanim, at panahon upang bunutin ang itinanim; …

“Ginawa [ng Diyos] ang bawat bagay na maganda sa kapanahunan niyon” (Eclesiastes 3:1–2, 11).

Maaaring maging komportable tayo sa pagkakaayos ng mga bagay-bagay, at ayos lang na mayroon tayong hindi nagawa noong kabataan natin. Ngunit maaari din tayong manampalataya na marami pa ring matututuhan habang patuloy nating tinatahak ang landas na ito ng kaligayahan. Ang paraan kung paano tayo aangkop at tutugon sa pagbabago ang magtatakda ng ating pag-unlad sa panahon na ito ng katandaan. Sa pagtanggap ng mga pagbabago sa halip na labanan ang mga ito, napapalaya natin ang ating sarili kaya napapansin natin ang mga bagong oportunidad at nauunawaan ang mga bagong bagay.

Napansin ko na kapag sinisikap kong sundin si Jesucristo, mas napapalapit ako sa Kanya sa mga paraang hindi ko nagawa noong kabataan ko. Sa Kanyang panahon dito sa lupa, naunawaan ni Cristo kung ano ang pakiramdam ng malapit nang matapos ang mortal na buhay (tingnan sa Mateo 16:21). At sa paraang hindi natin lubos na nauunawaan, nalalaman Niya nang lubos kung ano ang partikular na nadarama natin dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala. Maaari nating hilingin sa Kanya na tulungan tayong maging kung ano ang nais Niyang kahinatnan natin sa anumang panahon na nalalabi sa atin (tingnan sa Moroni 7:48).

Patuloy na Maglingkod

Anuman ang edad natin, maaari pa rin tayong maghanap ng mga pagkakataong maglingkod araw-araw upang matulungan tayong maghanda para sa paglilingkod sa kabilang-buhay. Itinuro minsan ni Pangulong George Albert Smith (1870–1951), “Hindi tayo naparito para magpalipas ng oras sa buhay na ito at pagkatapos ay lumipat sa isang mundo ng kadakilaan; kundi naparito tayo para gawing marapat ang ating sarili araw-araw para sa mga katungkulang inaasahan ng ating Ama na gagampanan natin sa kabilang-buhay.”1

Habang tumatanda tayo, ang mga karanasang ito na “nagpapamarapat” ay magiging iba kaysa dati. Namasdan ko ang mga mas batang kalalakihan na tumatanggap ng mga responsibilidad at ginagawa ang maraming tungkuling ginampanan ko noon. Ang mga anak ko ay may kani-kanyang abalang buhay at mga hamon sa pamilya, at hindi na ako gaanong bahagi niyon. Ngunit naniniwala ako na kung patuloy kong tutulungan ang iba sa anumang paraan na makakaya ko, ang mga karanasang ito ay patuloy na magtuturo at magdadalisay sa akin ayon sa plano ng Diyos.

Mga Biyaya at mga Tanong

Anong mga biyaya ang napansin mo sa iyong pagtanda? Sa ibaba, naglista ako ng ilan sa mga napansin ko. Naglista rin ako ng ilang tanong para sa ating matatanda na pag-iisipan natin, bagama’t naisip kong angkop din ito sa lahat.

Pinatototohanan ko na bawat isa sa atin ay makapagpapasiyang magtuon sa kung ano ang pinakamahalaga kapag sinusunod natin si Jesucristo sa buong makabuluhang ginintuang mga taon natin.

Sa pagtanda, nabiyayaan ako ng:

  • Higit na kamalayan sa mga nangyayari sa aking paligid.

  • Maraming tahimik na oras para magbasa ng mga banal na kasulatan, magnilay-nilay, at manalangin.

  • Madaling makahiwatig sa mga paramdam ng Espiritu.

  • Paminsan-minsang pagbisita sa pamilya na lalong nagiging masaya.

  • Pagiging mas mabait sa mga tao at mga hayop.

  • Pagiging interesado sa gawain sa family history at sa templo.

  • Walang gaanong tukso na sumuway sa mga kautusan.

Tanungin ang iyong sarili, “Paano ako …”

  • Maglilingkod sa aking simbahan at pamilya sa makabuluhang mga paraan?

  • Mas mapapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

  • Makakaimpluwensya sa iba para sa kabutihan?

  • Makatatayo nang walang bahid-dungis sa harapan ng Diyos kapag muli ko Siyang nakita?

Tala

  1. George Albert Smith, sa Conference Report, Abr. 1905, 62; tingnan din sa The Teachings of George Albert Smith, pat. Robert at Susan McIntosh (1996), 17.