2021
Ang Angkla ng Aking Buhay at Pananampalataya
Enero 2021


Ang Angkla ng Aking Buhay at Pananampalataya

Habang lalo kong binabasa ang Aklat ni Mormon, lalo akong naniniwala na ito ay salita ng Diyos.

Larawan
Book of Mormon in Japanese

Larawan ng Aklat ni Mormon na inilaan ng awtor; iba pang mga larawan mula sa Getty Images

Hindi ako masaya noong bata ako, pero nagbago ang mga bagay-bagay nang kumatok sa pintuan namin ang dalawang Amerikano.

Noong 14-na-taong-gulang ako, naging interesado ako sa dalawang Amerikanong ito na nagsasalita ng Japanese at nagpakilala bilang mga missionary. Nang makaalis na sila, ibinigay sa akin ng tatay ko ang isang aklat na kabibigay lamang nila sa kanya na tinatawag na Aklat ni Mormon. Sinimulan kong basahin ito at espesyal ang nadama ko para dito, pero hindi ko alam kung ano iyon. Makalipas ang isang buwan, natapos kong basahin ito at inilagay ko ito sa aking istante.

Makalipas ang tatlong taon, nakakilala ako ng dalawang missionary sa isang istasyon ng tren sa Tokyo. Inimbita nila akong makinig sa kanilang mensahe. Dinala ko ang aking Aklat ni Mormon nang sumunod na pagkikita namin.

Sinimulan nila ang pakikipag-usap sa pagsasabing, “Gusto naming ibahagi sa iyo ang isang mahalagang aklat.”

Kinuha ko ang Aklat ni Mormon sa aking bag at nagtanong, “Ang aklat bang ito? Nabasa ko na ito.”

Nagulat sila. Hindi nagtagal, itinuro nila sa akin ang ebanghelyo, at hinikayat ako ng mga missionary na itanong sa Diyos nang taos-puso kung totoo ang Aklat ni Mormon (tingnan sa Moroni 10:4–5).

Isang gabi naisip ko ang tungkol sa Diyos, ang Simbahan, ang Aklat ni Mormon, at kung paano ako magiging masaya at nakadama ako ng sigla sa puso ko. Pagkatapos ay nagpasiya akong magpabinyag.

Matapos sumapi sa Simbahan, patuloy kong binasa ang Aklat ni Mormon. Isang araw habang nagbabasa, nakatanggap ako ng malinaw na ideya tungkol sa gamot ng tatay ko para sa mataas na presyon ng dugo. Pinag-aralan ko pa ang tungkol dito at nalaman ko na ang gamot ay maaaring magdulot ng matinding depresyon. Sa mungkahi ko, hiniling ng aking ama sa kanyang doktor na baguhin ang gamot niya. Nawala ang kanyang depresyon mula noon.

Habang lalo kong binabasa, lalo akong naniniwala na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos. Naging mas masaya ako at ninais na ibahagi ang katotohanan sa iba.

Tumutol ang mga magulang ko sa pagpunta ko sa misyon at kalaunan ay pinalayas nila ako sa kanilang bahay, pero determinado ako. Nagmisyon ako sa Tennessee, USA. Bilang misyonerong Banal sa mga Huling Araw mula sa isang bansang Buddhist na naglilingkod sa Bible Belt ng Estados Unidos, madalas itanong sa akin kung paano ko nagawang maniwala sa Aklat ni Mormon. Nagpatotoo ako na ipinagdasal ko ang katotohanan nito at natanggap ko ang sagot na ito ay totoo.

Pagkatapos ng misyon ko, tinapos ko ang aking pag-aaral at nagtrabaho sa isang malaking kumpanya sa Japan na nagpadala sa akin sa ilang lugar sa iba’t ibang dako ng mundo, gaya ng Myanmar, England, at Ireland. Saanman ako magpunta, ibinabahagi ko sa mga tao ang aking patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon hangga’t maaari, mula sa drayber ng taxi hanggang sa isang ministro ng estado.

Ang Aklat ni Mormon ay naging—at palaging magiging—angkla ng aking buhay at ng aking pananampalataya kay Jesucristo. Tuwing nahihirapan ako, binabasa ko ang Aklat ni Mormon at nakakayanan ko ang mga problema ko nang may espirituwal na tulong mula sa Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas. Pinagpapala ako ng Aklat ni Mormon araw-araw.