2021
Kababaihan at Kapangyarihan ng Tipan
Enero 2021


Kababaihan at Kapangyarihan ng Tipan

Maaari tayong magalak sa mga pribilehiyo at kapangyarihang taglay natin sa pamamagitan ng priesthood.

Larawan
illustration of woman

Mga paglalarawan ni Amber Eldredge

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ang kalangitan ay bukas din sa kababaihan na pinagkalooban ng kapangyarihan ng Diyos na nagmumula sa kanilang mga tipan sa priesthood tulad ng kalalakihan na nagtataglay ng priesthood.

“Dalangin ko na maunawaan ng inyong puso ang katotohanang iyan dahil naniniwala ako na babaguhin nito ang inyong buhay,” sabi niya. “Gusto kong mag-iwan ng basbas sa inyo, na nawa’y inyong maunawaan ang kapangyarihan ng priesthood na ipinagkaloob sa inyo at na inyong pag-ibayuhin ang kapangyarihang iyan sa pamamagitan ng pagpapakita ng inyong pananampalataya sa Panginoon at sa Kanyang kapangyarihan.”

Inanyayahan ni Pangulong Nelson ang kababaihan ng Simbahan na “pag-aralan nang may panalangin” ang tungkol sa kapangyarihan ng priesthood at “tuklasin kung ano ang ituturo ng Espiritu Santo” sa atin. Natutuwa ako na inanyayahan ng ating buhay na propeta ang bawat isa sa atin na matuto at tumanggap ng paghahayag at mas “kamtin, unawain, at gamitin ang kapangyarihan na ipinagkaloob sa [atin].”1

Maraming beses sa buhay ko, naranasan ko ang ipinangakong mga pagpapala na dulot ng pagsunod sa mga payo ng mga propeta. Ang paanyayang ito ay hindi naiiba. Iniisip ang paanyaya ni Pangulong Nelson, agad na natuon ang aking isipan sa templo—ang lugar kung saan pinagkalooban ako ng kapangyarihan sa pamamagitan ng priesthood—at ang kaloob na taglay ng kapangyarihang iyon sa buong buhay ko. Maraming taon pa bago ko naunawaan kung paano nakikita ang kapangyarihang iyon sa aking buhay.

Ang kapangyarihan ng priesthood, tulad ng kaloob na Espiritu Santo, ay nagmumula sa ating mapagmahal na Ama sa Langit at mula sa ating sariling kabutihan. Sa pagtupad sa ating mga tipan sa Panginoon, may pagkakataon tayong tumanggap ng paghahayag tungkol sa ating buhay, tungkol sa ating mga pamilya, trabaho, pag-aaral—lahat ng bagay na inihihingi natin ng patnubay. Lahat ng mahalaga sa atin ay mahalaga sa Panginoon. At kapag inaanyayahan natin ang Espiritu na mapasaatin, mas mauunawaan natin ang kapangyarihan ng priesthood sa pamamagitan ng patnubay ng Espiritu Santo.

Habang lalo kong natututuhan ang tungkol sa kapangyarihan ng priesthood sa pamamagitan ng personal na pag-aaral at karanasan, lalo kong nauunawaan kung gaano kahalaga ito sa lahat ng aspeto ng ating buhay. Tinutulungan tayo ng kapangyarihan ng priesthood na tumanggap ng paghahayag para sa mga hamon natin sa buhay sa araw-araw.

Sa aking mga tungkulin, dahil naglilingkod ako sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood na ibinigay sa akin ng isang taong may hawak ng mga susi, maraming beses na akong nakatanggap ng mga ideya o salita na kinakailangang marinig ng isang kabataang babae o Relief Society o ng isang bata sa Primary. Alam ko na dumating ang mga salitang iyon dahil sa awtoridad ng priesthood na ibinigay sa akin noong italaga ako para sa tungkuling iyon.

Sa pag-aasawa, tulad ng iba pang ugnayan, dumaraan ang mga tao sa mga yugto at aspeto ng pagkatuto at pag-unlad. Natutuhan ko na kapag naaalala ko kung sino ang aking asawa, kung sino ako, at kung ano ang dapat naming gawin nang magkasama bilang mga anak ng Diyos, nababago nito ang puso ko. Dahil naibuklod kami sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood, kapwa kami napalakas at nahikayat na mas magkaisa. Nang sabihin ng Tagapagligtas na, “Kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin” (Doktrina at mga Tipan 38:27), hindi lamang ang Simbahan ang tinutukoy Niya. Tinutukoy rin Niya ang pagsasama ng ating pamilya.

At bilang ina, naalala ko ang pag-aalala ko sa isang anak na young adult na gumagawa ng mga bagay na alam kong hindi magpapasaya sa kanya. Nagkasundo kaming pag-usapan ang problema at nagtakda ng oras para mag-usap. Bago ang itinakdang oras para sa pag-uusap sa telepono, inihanda ko na ang sasabihin ko; alam ko na ang eksaktong sasabihin ko. Nagdasal ako na mapasaakin ang Espiritu. Ang lumabas sa bibig ko mula sa simula ng aming pag-uusap hanggang matapos ay ibang-iba sa ipinlano kong sabihin. Ngunit iyon ang mismong kailangang marinig ng batang iyon. Dahil sa kaloob na Espiritu Santo, lumambot ang mga puso at nakaisip ng mas magandang solusyon. Paglalarawan iyan kung paano kumikilos ang kapangyarihan ng priesthood sa ating buhay.

Kadalasan, ikinukumpara ng kababaihan ang kanilang sarili sa iba. Ngunit wala ni isa sa atin ang masaya ang pakiramdam kapag ikinukumpara natin ang ating sarili sa iba. Bawat babae ay may mga natatanging kakayahan at talento, at lahat ay mga kaloob ng Diyos. Hindi dahil sa hindi tayo magkatulad—o kahit sinuman sa kababaihan—ay mas mababa o mas mataas na tayo. Kailangan nating hanapin ang mga kaloob sa atin at paunlarin ang mga ito, na inaalala kung sino ang nagbigay sa atin ng mga ito, at pagkatapos ay gamitin ang mga ito para sa Kanyang mga layunin. Kapag ibinabahagi natin ang ating mga kaloob para mapagpala ang iba, nararanasan natin ang kapangyarihan ng priesthood sa ating buhay.

Nagkaroon ako ng pribilehiyong makilala ang napakaraming kahanga-hangang kababaihan na nagpakita ng pananampalataya at kapangyarihan sa pamamagitan ng kanilang mga gawa. Ibinibigay ng kababaihan ang kanilang mga talento at kakayahan sa mga pambihira at magkakaibang paraan. Malaki ang nagiging impluwensya nila sa buhay ng lahat ng nakapaligid sa kanila—sa kanilang pamilya, sa kanilang trabaho, Simbahan, paaralan, o saanman sila naroroon.

Ang isa sa mga bagay na natutuhan ko tungkol sa priesthood ay nagagawa natin ang pinakamahusay kapag nakikipag-ugnayan tayo sa isa’t isa. Ganyan iyan ipinlano ng Panginoon; iyan ang banal na huwaran. Hindi natin kailangang makipagkumpetensya dahil kailangan lahat ang magkakaibang kaloob at talento at kakayahang iyon—mula sa kalalakihan at kababaihan. Marahan tayong inaakay ng Panginoon sa landas na iyon upang mas maunawaan nating lahat kung paano magtutulungan at pahahalagahan ang mga kontribusyon ng bawat isa. Talagang ito ang pinakamainam na paraan para maisakatuparan ang Kanyang gawain.

Hindi na kailangan pang hintayin ng kababaihan na sabihin sa kanila kung ano ang gagawin nila sa kanilang mga kaloob, talento, at kapangyarihan. May kakayahan tayong tumanggap ng paghahayag para sa ating sarili. Hindi tayo dapat maghintay para pakilusin ng iba; kailangan tayong magkaroon ng lakas-ng-loob na kumilos ayon sa paghahayag na natatanggap natin. Ang paghahangad ng inspirasyon at pagtugon sa espirituwal na patnubay na iyonay ebidensya na humuhugot tayo ng lakas sa kapangyarihan ng priesthood na ipinangako sa atin sa pagtupad natin sa ating mga tipan sa Diyos.

Tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson, “Ano pa ba ang mas nakasisiya kaysa sa gumawa na kasama ang Espiritu upang maunawaan ang kapangyarihan ng Diyos —ang kapangyarihan ng priesthood?” Ipinangako niya na, “Kapag lumawak ang inyong pang-unawa at nanampalataya kayo sa Panginoon at sa kapangyarihan ng Kanyang priesthood, ang kakayahan ninyong magamit ang espirituwal na kayamanang ibinigay ng Panginoon ay madaragdagan.”2 At alam ko na ang mga pangakong ito mula sa buhay na propeta ay totoo.

Notes

  1. Russell M. Nelson, “Mga Espirituwal na Kayamanan, Liahona, Nob. 2019, 77.

  2. Russell M. Nelson, “Mga Espirituwal na Kayamanan,” 79.