2023
“Isang Karanasan na Hindi Malilimutan”: Binigyang-Inspirasyon ni Elder Bednar ang mga Batang Pilipinong Banal sa mga Huling Araw
Abril 2023


“Isang Karanasan na Hindi Malilimutan”: Binigyang-Inspirasyon ni Elder Bednar ang mga Batang Pilipinong Banal sa mga Huling Araw

“Ang natutuhan ko ay kahit ibang lahi sila, sobrang ganda pa rin ang pagtanggap nila sa atin sa Simbahan, na kahit hindi ko maintindihan yung ibang mga salita, makikita mo pa rin sa mga mata nila yung kasiyahan.”

Ang mga salitang ito ng trese anyos na si John Lexis Acuña, na bagong miyembro ng Francisco Homes Ward, San Jose del Monte Stake, ay talagang naglalarawan sa nadama at naranasan ng maraming kabataan at mga Young Single Adult (YSA) nang magpunta sila at makinig kay Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol at sa kanyang asawang si Sister Susan K. Bednar.

“Marami akong narinig na payo, tulad ng pananatili natin sa landas ng tipan sa pamamagitan ng pagkakaroon at pamumuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuturo ng mga banal na kasulatan at ng mga buhay na propeta,” sabi ni Hannah Mae Cresel Calastre, na taga San Jose Del Monte Stake rin. “Nalaman ko na sa pananatili sa landas ng tipan,” sabi ng Young Women class secretary, “magkakaroon tayo ng tunay na kaligayahan at kailangan nating buksan ang ating puso para mabago ang kalagayan natin sa buhay.”

Bukod sa pananatili sa landas ng tipan, binigyang-diin din ni Elder Bednar ang kahalagahan ng personal na paghahayag, na natatak sa isipan ni Hailey Villanueva, 15 anyos. “Magandang karanasan ang malaman pa ang tungkol sa pagtanggap ng personal na paghahayag, ang kahalagahan ng Espiritu Santo, at pagtupad ng ating mga tipan at pagsasagawa ng mga ordenansa para manatiling nakakonekta sa Ama sa Langit at kay Jesucristo,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Hailey, mula sa Quirino 2nd Ward, Quezon City South Stake, kung paano siya natulungan ng mensahe ng apostol na malaman ang kahalagahan ng mga pamantayan ng For the Strength of Youth (FSY) at paano ito nagsisilbing gabay para makapamuhay siya nang matwid. “Pinalakas ng kanyang mensahe ang aking patotoo sa kung paano nalalaman ng Diyos kung ano ang pinakamabuti para sa atin, at na ibibigay Niya ito sa atin sa tamang panahon.”

Para kay Nathan Benson Angeles ng Tala Ward, San Jose del Monte Stake, ang pagkakataong makita ang isang apostol sa mga huling araw ay talagang nakapagpapabago ng buhay at hindi malilimutang karanasan. “Nakatulong talaga ito na malampasan ko ang mga pagsubok at hamon na nakaharap ko,” sabi niya, “at natulungan niya akong mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at maging mas espirituwal, at gusto ko talagang palaging madama iyon.”

Si Nathan, isang Aaronic Priesthood holder na naglilingkod bilang pangulo ng kanyang priests quorum, ay hindi rin malimutan ang sandali nang ibigay ni Elder Bednar ang kanyang basbas bilang apostol. “Talagang natanim sa isip ko” sabi niya, nang ang apostol, na natatanging saksi ng Tagapagligtas, ay “binasbasan tayo na magkaroon ng lakas na lalong mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.”

At panghuli, nang itinuro ni Elder Bednar na “lahat ng mabuting bagay ay nagmumula sa Diyos,” naisip ni Jayden Keith Lopez ang mga sandali na lumuluhod siya at nagdarasal. “Kapag nagdarasal ako at maganda ang pakiramdam ko,” pagkaunawa ng dose-anyos na miyembro ng Young Men, “alam kong dinirinig ng Ama sa Langit ang dasal ko.”