Institute
Lesson 3 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtitiwala kay Jesucristo, ang Ating Tagapagligtas at Pinuno Noon Pa Man sa Premortal na Buhay


“Lesson 3 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtitiwala kay Jesucristo, ang Ating Tagapagligtas at Pinuno Noon Pa Man sa Premortal na Buhay,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)

“Lesson 3 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo

Larawan
si Jesus na nagtuturo sa Malaking Kapulungan

Lesson 3 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pagtitiwala kay Jesucristo, ang Ating Tagapagligtas at Pinuno Noon Pa Man sa Premortal na Buhay

Bagama’t hindi mo naaalala, nakasama mo na noon pa man si Jesucristo bago ka isinilang. Ang kaugnayang iyan at kaalaman tungkol sa plano ng Ama sa Langit ay magdadala ng layunin at kahulugan sa iyong buhay sa mundo. Ang Unit 2 ay tutulong sa iyo na mas maunawaan ang mahalagang tungkuling ginagampanan ng Tagapagligtas sa Malaking Kapulungan sa Langit, sa plano ng kaligayahan ng Ama, sa Paglikha, at sa iba pang mga tala na nakasaad sa Lumang Tipan. Habang pinag-aaralan mo ang materyal mula sa lesson na ito, isipin kung paano mapapalakas ng mga katotohanang ito ang iyong pagtitiwala kay Jesucristo.

Bahagi 1

Paano makapaghahatid ng layunin at kapayapaan sa buhay ko ang plano ng kaligtasan?

Nawala ka na ba sa gubat, sa maraming tao, o naligaw sa isang malaking lungsod? Ano ang naging karanasan mo?

Larawan
isang naliligaw na hiker

Tulad ng maaaring mawala ka sa gubat o maligaw sa isang malaking lungsod, maaaring nadama mo o maaaring balang-araw ay madama mo na nawalan ng kahulugan at layunin ang iyong buhay. Habang iniisip mo ang mga nadaramang ito, pagnilayan ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Robert D. Hales

Madalas kong isipin ang kawalang-pag-asa ng mga anak ng Diyos na nagpagala-gala sa madilim at mapanglaw na mundo, hindi nalalaman kung sino sila, saan sila nanggaling, bakit sila narito sa lupa, o saan sila pupunta pagkatapos ng buhay nila sa lupa.

Hindi natin kailangang magpagala-gala. Inihayag na ng Diyos ang mga walang-hanggang katotohanan para sagutin ang mga tanong na ito. …

… Ang plano ng kaligtasan ay isa sa pinakamalalaking kayamanan ng kaalaman na ibinigay sa sangkatauhan dahil ipinaliliwanag nito ang walang-hanggang layunin ng buhay. (“Ang Plano ng Kaligtasan: Isang Sagradong Yaman ng Kaalaman na Gagabay sa Atin,” Liahona, Okt. 2015, 25–26)

Inilahad ng ating Ama sa Langit ang Kanyang plano ng kaligtasan sa Malaking Kapulungan sa Langit. Doon ay nalaman natin na kung susundin natin ang Kanyang plano, tayo ay magiging katulad Niya, makababalik sa Kanyang kinaroroonan, at magtatamo ng buhay na walang hanggan, na “pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 14:7).

Nalaman din natin na ang plano ng Ama ay mangangailangan ng isang Tagapagligtas, na gagawing posible para sa atin na madaig natin ang pisikal at espirituwal na kamatayan. Pinili ng Ama sa Langit si Jesus na maging Tagapagligtas na iyon (tingnan sa Abraham 3:27).

Pinatotohanan ni Pangulong Thomas S. Monson:

Larawan
Pangulong Thomas S. Monson

Napakahalaga sa plano [ng kaligtasan] ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Kung wala ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, lahat tayo ay maliligaw ng landas. (“Ang Perpektong Landas Tungo sa Kaligayahan,” Liahona, Nob. 2016, 80)

Larawan
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Paano nagbigay ng kahulugan o layunin sa iyong buhay ang nalaman mo tungkol sa plano ng kaligtasan? Kung nadarama mong hindi ka nakatitiyak sa layunin ng iyong buhay, paano makatutulong ang pag-aaral ng plano ng kaligtasan at ang tungkuling ginagampanan ng Tagapagligtas dito?

Bahagi 2

Bakit tinanggap natin sa premortal na buhay si Jesucristo na maging Tagapagligtas natin?

Ang Mahalagang Perlas ay nagbigay ng isang interesanteng salaysay tungkol sa nalaman ni Abraham tungkol sa mga planeta at mga bituin. Nakita ni Abraham na ang namamahala at pinakamaningning na bituin ay tinatawag na Kolob at pinakamalapit sa kinaroroonan ng Diyos (tingnan sa Abraham 3:2–17).

Nalaman din ni Abraham na tulad ng mga bituin na may pagkakaiba-iba, ang mga espiritung anak ng Diyos ay may pagkakaiba-iba rin. Ang ilang espiritu ay “higit na matalino” kaysa sa iba, samantalang ang Panginoong Diyos ay “higit na matalino kaysa sa kanilang lahat” (Abraham 3:18–19). (Paalala: Ang katalinuhan sa scripture passage na ito ay tumutukoy sa liwanag at katotohanan na natamo ng isang tao [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:28, 36].)

Sa kontekstong ito, kung saan ang Kolob ay kumakatawan kay Jesucristo (tingnan sa Abraham 3:3, 16), ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa Kanya?

Larawan
inilarawan ang Kolob
Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Abraham 3:22–24, at alamin kung ano ang matututuhan natin tungkol sa kaugnayan natin kay Jesucristo sa premortal na buhay. (Paalala: Ang mga katalinuhan sa scripture passage na ito ay tumutukoy sa mga espiritung anak ng Ama sa Langit.)

Larawan
ang Malaking Kapulungan

Nalaman ni Abraham na ang pagiging malapit ng Kolob sa Diyos ang dahilan kaya ito ang “pinakamaningning [na bituin] sa lahat … sapagkat ito ang pinakamalapit sa [Kanya]” (Abraham 3:16). Kaya gayon din sa atin, bilang mga anak ng Diyos. Ang ating katalinuhan, liwanag, at kaluwalhatian ay nakabatay kung gaano tayo kalapit sa Lumikha, na si Jesucristo, na “pinakamalapit sa trono ng Diyos” at “inilagay … upang mamahala sa lahat ng yaong nabibilang sa gayon ding kaayusan” (Abraham 3:2, 3).

Larawan
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Paano nagbigay-inspirasyon sa iyo ang nalaman mong kadakilaan ni Jesucristo sa premortal na buhay upang magtiwala ka sa Kanya at mas lumapit sa Kanya?

Bahagi 3

Paano ako matutulungan ni Jesucristo na madaig ang masasamang impluwensyang nakapaligid sa akin?

Kung minsan, maaaring mahirapan ka dahil sa panunukso ni Satanas habang sinisikap mong sundin si Jesucristo at ipamuhay ang Kanyang ebanghelyo. Makatutulong na tandaan na hindi ito ang unang pagkakataon na nasaksihan o naranasan mo ang masamang impluwensya ni Satanas.

Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Moises 4:1–4, at alamin ang pagkakaiba ni Satanas at ng Tagapagligtas.

Nagsimula ang paghihimagsik ni Satanas sa tinatawag sa aklat ng Apocalipsis na Digmaan sa Langit (tingnan sa Apocalipsis 12:7). Ito ay digmaan sa pagitan ng mga yaong panig sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at ng mga yaong kumakalaban sa Kanila at piniling sundin si Satanas.

Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Apocalipsis 12:7–11, at maaari mong markahan sa iyong banal na kasulatan kung paano mo nadaig si Satanas at ang kanyang mga kampon sa premortal na buhay. (Paalala: Si Adan ay tinatawag na Miguel sa premortal na buhay [tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Miguel,” SimbahanniJesucristo.org].) Paano mo magagamit ang minarkahan o naisip mo habang nagbabasa ka sa iyong patuloy na pakikipaglaban kay Satanas dito sa lupa?

Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley tungkol sa digmaang ito:

Larawan
Pangulong Gordon B. Hinckley

Ang digmaang iyon, na napakapait, at napakatindi, ay hindi huminto kailanman. Ang digmaang [iyon ay] sa pagitan ng katotohanan at kamalian, kalayaan at pamimilit, sa pagitan ng mga tagasunod ni Cristo at ng mga nagtatwa sa Kanya. …

… Patuloy ito sa ating sariling buhay, araw at gabi, sa ating mga tahanan, sa ating trabaho, sa ating pakikihalubilo sa paaralan. … Tayong lahat ay sangkot dito—bata, kabataan, o matatanda, bawat isa sa atin. (“Walang Katapusang Labanan, Tiyak ang Tagumpay,” Liahona, Hunyo 2007, 4, 7)

Si Brother Ahmad S. Corbitt ng Young Men General Presidency ay nagbigay ng mensahe ng pag-asa sa ating patuloy na pakikipaglaban sa kasamaan:

Larawan
Brother Ahmad S. Corbitt

Nalinlang ni Satanas sa tusong paraan ang ikatlong bahagi ng mga espiritung anak ng Ama sa Langit at hinayaan nilang manaig siya sa halip na ang Diyos. Ngunit hindi kayo! Nakita ni Apostol Juan na nadaig ninyo si Satanas “dahil sa salita ng [inyong] patotoo” [Apocalipsis 12:11]. …

… Ang malaman na nadaig ninyo noon si Satanas dahil sa salita ng inyong patotoo ay makatutulong sa inyo na magmahal, magbahagi, at mag-anyaya ngayon at sa tuwina—anyayahan ang iba na pumarito at tingnan, pumarito at tumulong, at pumarito at maging kabilang, habang patuloy na tumitindi ang digmaan ding iyon para sa kaluluwa ng mga anak ng Diyos. (“Magagawa Ninyong Tipunin ang Israel!,” Liahona, Mayo 2021, 61)

Larawan
icon, kumilos

Kumilos

Mapanalanging pag-isipan kung paano makatutulong sa iyo ang pagpapalakas ng iyong pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo para madaig si Satanas at “[ma]paglabanan” ang kanyang mga tukso (Alma 37:33). Maaari mo ring tukuyin ang ginawa mo (o magagawa) na makatutulong sa iyo na madaig ang impluwensya ni Satanas sa iyong buhay.