Institute
Lesson 15 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Napapalapit kay Jesucristo sa pamamagitan ng Sakramento


“Lesson 15 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Napapalapit kay Jesucristo sa pamamagitan ng Sakramento” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)

“Lesson 15 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo

Larawan
In Remembrance of Me [Sa Pag-aalaala sa Akin], ni Walter Rane

Lesson 15 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Napapalapit kay Jesucristo sa pamamagitan ng Sakramento

Isipin ang huling pagkakataon na tumanggap ka ng sakramento. Ano ang naging karanasan mo? Anong atensyon ang ibinigay mo sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at sa iyong pakikipagtipan sa Kanya? Habang pinag-aaralan mo ang mga lesson sa unit 4, magkakaroon ka ng pagkakataong pag-isipan kung ano ang magagawa mo para maging mas personal, nauugnay, at naaangkop sa iyong buhay si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala.

Bahagi 1

Paano nakatutulong ang sakramento para mas mapalapit ako sa Tagapagligtas?

Ilang oras bago pumasok sa Halamanan ng Getsemani, tinagubilinan ni Jesus ang Kanyang Labindalawang Apostol na ihanda ang pagkain ng Paskuwa (tingnan sa Mateo 26:17–19). Sa loob ng halos 1,500 taon, ginugunita ng mga anak ni Israel ang Pista ng Paskuwa at ginagamit ang dugo ng mga korderong walang bahid-dungis upang isimbolo ang kanilang kaligtasan mula sa mapangwasak na anghel (tingnan sa Exodo 12:21–28; 13:14–15). Kasunod ng pagkaing ito, tinupad ni Jesucristo, ang Kordero ng Diyos, ang simbolismo ng Paskuwa nang nagtigis Siya ng Kanyang dugo at Siya ang naging Tagapagligtas ng sanlibutan (tingnan sa Juan 1:29; 1 Pedro 1:18–19). Bilang bahagi ng Kanyang huling pagkain ng Paskuwa, “Pinasimulan Niya ang sakramento bilang paalaala sa Kanyang dakilang mapagbayad-salang sakripisyo” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” SimbahanniJesucristo.org). Kabilang sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang Kanyang pagdurusa sa Getsemani, Kanyang kamatayan sa krus, at Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli.

Larawan
Pinagpuputul-putol ni Jesus ang tinapay sa Huling Hapunan
Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Mateo 26:26–28, at isipin kung ano kaya ang pakiramdam ng tumanggap ng sakramento mula kay Jesucristo.

Ang tinapay at alak, o tubig, ang mga sagradong sagisag ng sakramento. Ang sagisag ay pisikal na representasyon ng isang konsepto, kalidad, o ideya. Habang pinag-aaralan mo ang mga sumusunod na punto, pagnilayan kung paano ipinapaalala sa iyo ng mga simbolo ng sakramento ang Tagapagligtas at ang ginawa Niya para sa iyo:

  • Sa 40 taon ng sinaunang Israel sa ilang, pinakain sila araw-araw ng manna o “tinapay na galing sa langit” (Juan 6:31; tingnan din sa Mga Awit 78:24–25). Matapos magsalita tungkol sa manna, ipinahayag ni Jesucristo, “Ako ang tinapay na buhay na bumabang galing sa langit. … Ang sinuman[g] kumain ng tinapay na ito, siya’y mabubuhay magpakailanman” (Juan 6:51, 58).

  • Bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala, ang katawan ni Jesucristo ay “Naghirap sa burol” (“Jesus ng Nazaret, Aming Hari,” Mga Himno, blg. 107). Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan, “Dahil pinagputul-putol at pinira-piraso ito, ang bawat piraso ng tinapay ay naiiba, tulad ng pagiging naiiba ng mga taong kumakain nito” (“Important Aspects of Missionary Work Remain Unchanged, Says Elder Oaks,” Church News, Hunyo 30, 2017, ChurchofJesusChrist.org).

  • Ang alak ay ginamit sa unang sakramento upang kumatawan sa dugo ni Jesucristo. Tayo ay nalinis ng Kanyang dugo (tingnan sa 1 Juan 1:7). Ngayon ay gumagamit tayo ng tubig, na nagpapahiwatig din ng paglilinis (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 27:2) at mahalaga sa buhay. Habang nasa balon, sinabi ni Jesus sa isang babae sa Samaria na ang tubig na inaalok Niya sa atin ay tulad ng “isang bukal ng tubig tungo sa buhay na walang hanggan” (Juan 4:14).

  • Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang matalinghagang pagkain ng laman at pag-inom ng dugo [ni Cristo] ay may mas malalim na kahulugan, at iyan ay ang taglayin ang mga katangian at pagkatao ni Cristo. … Kapag tumatanggap tayo ng tinapay at tubig sa sacrament tuwing linggo, makabubuting isipin kung gaano natin kalubos na gagawing bahagi ng ating sariling buhay at pagkatao ang Kanyang katangian at ang halimbawa ng Kanyang buhay na walang kasalanan” (“Ang Tinapay na Buhay na Bumabang Galing sa Langit,” Liahona, Nob. 2017, 37).

Larawan
mga sagisag ng sakramento
Larawan
icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Isulat ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong: Ano ang naisip mo tungkol sa mga simbolikong kahulugan ng tinapay at tubig? Ano ang gusto mong alalahanin tungkol sa Tagapagligtas sa susunod na tumanggap ka ng tinapay at tubig sa oras ng sakramento?

Bahagi 2

Paano mas makapagbibigay sa akin ng pagkakataong matamo ang kapangyarihan ng Panginoon ang pagtanggap ng sakramento?

Sa Kanyang ministeryo sa mga Nephita at Lamanita, binigyan ni Jesucristo ang Kanyang mga disipulo ng awtoridad at iniutos sa kanila na pangasiwaan ang sakramento sa mga miyembro ng Kanyang Simbahan. Sabi Niya, “Ito ay lagi ninyong gagawin, maging katulad ng aking ginawa, maging katulad ng pagputul-putol ko ng tinapay at binasbasan ito at ibinigay ito sa inyo” (3 Nephi 18:6; tingnan din sa talata 5). Ang magtipun-tipon nang madalas at marapat na makibahagi ng sakramento ay isang kautusan din mula sa Panginoon sa ating panahon (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 20:75; 59:9).

Larawan
Pinangasiwaan ni Jesucristo ang sakramento sa mga Nephita
Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang 3 Nephi 18:7, 10–12; 20:8–9, at alamin ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon sa mga taong tapat na sumusunod sa Kanyang utos na mangasiwa at tumanggap ng sakramento.

Inilarawan din ni Sister Cheryl A. Esplin, dating tagapayo sa Primary General Presidency, ang mga pagpapalang ibinibigay sa atin ng Panginoon sa pamamagitan ng sakramento:

Larawan
Sister Cheryl A. Esplin

Ang sakramento ay espirituwal na makapagpapalakas kapag nakikinig tayo sa mga panalangin ng sakramento at muling tumutupad sa ating mga tipan. … Sa pagtanggap natin ng sakramento, pinatototohanan natin sa Diyos na lagi nating aalalahanin ang Kanyang Anak, hindi lamang sa maikling ordenansa ng sakramento. …

Ang sakramento ay naglalaan ng panahon para sa isang tunay na espirituwal na karanasan habang pinagninilayan natin ang mapagtubos at nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. …

… Kapag iniaabot sa atin ng mayhawak ng priesthood ang mga sagradong simbolo, parang ang Tagapagligtas mismo ang nag-aabot ng Kanyang bisig ng awa, inaanyayahan ang bawat isa sa atin na tanggapin ang natatanging kaloob na pagmamahal na makakamtan sa pamamagitan ng Kanyang dakilang nagbabayad-salang sakripisyo—mga kaloob na pagsisisi, pagpapatawad, kapanatagan, at pag-asa.

Kapag mas pinag-iisipan nating mabuti ang kahalagahan ng sakramento, nagiging mas sagrado at makahulugan ito sa atin. (“Ang Sakramento—Isang Pagpapanibago ng Kaluluwa,” Liahona, Nob. 2014, 12, 13–14)

Larawan
dalagang tumatanggap ng sakramento
Larawan
icon, talakayin

Talakayin upang Makapaghanda para sa Klase

Kausapin ang isang pinagkakatiwalaang kaibigan o kamag-anak na nagpapakita ng pananampalataya kay Jesucristo. Itanong sa kanya kung ano ang ginawa niya para maragdagan ang kanyang pagpipitagan sa oras ng sakramento o hilingin sa kanya na ibahagi kung paano niya sinisikap na laging alalahanin ang Tagapagligtas. Maging handang ibahagi sa klase ang natutuhan mo.

Bahagi 3

Paano ko malalaman kung talagang karapat-dapat akong tumanggap ng sakramento?

Hinikayat ni Apostol Pablo ang mga miyembro ng Simbahan na “siyasatin” ang kanilang sarili (1 Corinto 11:28) bago sila tumanggap ng sakramento. Pagkatapos ay nagbabala siya, “Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom na hindi kinikilala ang katawan [ng Panginoon] ay kumakain at umiinom ng hatol sa kanyang sarili” (1 Corinto 11:29; tingnan din sa mga talata 27–28; 3 Nephi 18:28–29). Ang hatol o kapahamakan ay pagtigil ng pag-unlad ng isang tao (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kapahamakan”, https://www.churchofjesuschrist.org/study/scriptures/gs/damnation?lang=tgl).

Ibinigay ni Elder John H. Groberg, habang naglilingkod sa Pitumpu, ang sumusunod na patnubay upang masiyasat ang pagiging karapat-dapat ng sarili:

Larawan
Elder John H. Groberg

Kung hangad nating magpakabuti (na ibig sabihin ay magsisi) at hindi tayo sumasailalim sa paglilimita ng priesthood, sa aking opinyon, tayo ay karapat-dapat. Gayunpaman, kung wala tayong layunin na magpakabuti, kung wala tayong hangaring sundin ang patnubay ng Espiritu, dapat nating itanong: Karapat-dapat ba tayong tumanggap ng sakramento, o kinukutya natin ang pinakalayunin ng sakramento, na siyang paraan upang matanggap ang kapatawaran at pag-unlad? (“The Beauty and Importance of the Sacrament,” Ensign, Mayo 1989, 38)

Larawan
icon, kumilos

Kumilos

Habang naghahanda kang tumanggap ng sakramento, isipin kung ano ang magagawa mo para mas madama mo nang lubos ang kasagraduhan ng karanasang iyon. Maaari mong simulan ang iyong paghahanda sa pagsuri ng iyong buhay. Kung nadarama mong hindi ka dapat tumanggap ng sakramento, makipag-appointment sa iyong bishop o branch president at ibahagi sa kanya ang iyong mga alalahanin.