Institute
Lesson 27 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagkakaroon ng Pag-asa sa Ilaw at Buhay ng Sanlibutan


“Lesson 27 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagkakaroon ng Pag-asa sa Ilaw at Buhay ng Sanlibutan,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)

“Lesson 27 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo

Larawan
Ilaw ng Sanlibutan, ni Howard Lyon

Lesson 27 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pagkakaroon ng Pag-asa sa Ilaw at Buhay ng Sanlibutan

Bagama’t nais nating maging masaya ang ating buhay, karaniwan sa ating lahat ang makadama ng paminsan-minsang kadiliman at kawalang-pag-asa. Ang mga damdaming ito ay maaaring magmula sa kasalanan, takot, pag-aalinlangan, o kawalan. Ang mga ito ay bahagi ng ating karanasan dito sa mundo. Sa iyong pag-aaral, isipin kung paano ka makahahanap ng lakas kay Jesucristo, “ang liwanag, ang buhay, at pag-asa ng mundo” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” SimbahanniJesucristo.org).

Bahagi 1

Paano ako mapalalakas ng liwanag at buhay na ibinibigay ni Jesucristo?

Ipinropesiya ni Isaias na ang Mesiyas ay magiging ilaw o liwanag sa sanlibutan (tingnan sa Isaias 49:6; 60:1–3). Pinagtibay ng Tagapagligtas na Siya ang ipinropesiyang Mesiyas nang ipahayag Niya, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay” (Juan 8:12).

Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks, tagapayo sa Unang Panguluhan:

Larawan
Pangulong Dallin H. Oaks

“Si Jesucristo ang ilaw ng sanlibutan dahil siya ang pinagmumulan ng liwanag na nagpapabilis sa ating pang-unawa, dahil ang kanyang mga turo at halimbawa ay tumatanglaw sa ating landas, at dahil hinihikayat tayo ng kanyang kapangyarihan na gumawa ng mabuti (“The Light and Life of the World,” Ensign, Nob. 1987, 63, 64)

Nang magpakita si Jesucristo sa mga Nephita at mga Lamanita, sinabi Niya, “At masdan, ako ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan”(3 Nephi 11:11, idinagdag ang pagbibigay-diin; tingnan din sa Mosias 16:9). Ganito ang sinabi ni Pangulong Oaks tungkol sa ginagampanan ng Tagapagligtas bilang buhay ng sanlibutan:

Si Jesucristo ang buhay ng sanlibutan dahil sa kanyang natatanging katayuan sa tinatawag ng mga banal na kasulatan na “dakila at walang hanggang plano ng kaligtasan mula sa kamatayan” (2 Nephi 11:5). …

Siya ang buhay ng sanlibutan dahil ang kanyang pagkabuhay na mag-uli at pagbabayad-sala ay nagliligtas sa atin mula sa pisikal at espirituwal na kamatayan. (“The Light and Life of the World,” Ensign, Nob. 1987, 64, 65)

Larawan
Light of the World [Ilaw ng Sanlibutan], ni Brent Borup

Ibinahagi ni Sister Sharon Eubank, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency, ang isang karanasan na naglalarawan ng kahalagahan ni Jesucristo bilang ilaw at buhay ng ating buhay:

Larawan
Sister Sharon Eubank

Mula sa opisina ko sa Relief Society Building, tanaw na tanaw ang Salt Lake Temple. Tuwing gabi, nang eksakto sa oras, ang mga ilaw sa labas ng templo ay sumisindi sa paglubog ng araw. Ang templo ay isang tanglaw na patuloy na nagbibigay [ng] liwanag [na nasa ] labas lamang ng aking bintana.

Isang gabi nitong nakaraang Pebrero, di-pangkaraniwan ang dilim sa aking opisina nang lumubog ang araw. Nang tumanaw ako sa bintana, madilim ang templo. Hindi sumindi ang mga ilaw. Bigla akong nalungkot. Hindi ko makita ang mga tore ng templo na nasusulyapan ko tuwing gabi sa loob ng maraming taon.

Ang kadilimang nakita ko kung saan inaasahan kong makakakita ako ng liwanag ay nagpaalala sa akin na ang isa sa pinakapangunahing [mga] pangangailangan natin upang umunlad ay ang manatiling nakakonekta sa pinagkukuhanan natin ng liwanag—si Jesucristo. Siya ang pinagmumulan ng ating lakas, ang Ilaw at Buhay ng Sanlibutan. Kung walang matibay na koneksyon sa Kanya, magsisimula tayong mamatay sa espirituwal. Dahil diyan, ginagamit ni Satanas ang mga pamimilit ng mundo na nararanasan nating lahat. Kumikilos siya upang palamlamin ang ating ilaw, sirain ang koneksyon, putulin ang power supply, at iwanan tayong mag-isa sa dilim. (“Si Cristo: Ang Ilaw na Lumiliwanag sa Kadiliman,” Liahona, Mayo 2019, 73)

Larawan
icon, pagnilayan

Magnilay upang Makapaghanda para sa Klase

Anong mga pagpapala ang naranasan mo sa iyong buhay nang pagsikapan mong makaugnay sa Ilaw at Buhay ng Sanlibutan? Ano ang magagawa mo para mas mapalakas ang kaugnayang iyon?

Bahagi 2

Paano makapagbibigay sa akin ng pag-asa ang pagtuon kay Jesucristo?

Ang pagsampalataya kay Jesucristo bilang Ilaw at Buhay ng Sanlibutan ay magpapala sa ating buhay sa maraming paraan. Isa sa mga paraang iyon ay sa pagbibigay sa atin ng pag-asa.

Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay tagapayo sa Unang Panguluhan, kung paano naghahatid ng pag-asa ang liwanag at buhay ni Jesucristo:

Larawan
Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Ang liwanag ng Diyos ay tunay. Ito ay maaaring mapasalahat! Ito ang nagbibigay ng buhay sa lahat ng bagay [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:11–13]. May kapangyarihan itong pawiin ang kirot ng pinakamalalim na sugat. Mapapagaling nito ang kalungkutan at karamdaman ng ating kaluluwa. Sa sandali ng kawalan ng pag-asa, makapagbibigay ito sa atin ng liwanag ng pag-asa. (“Ang Pag-asang Dulot ng Liwanag ng Diyos,” Liahona, Mayo 2013, 75)

Mula sa Mga Paksa ng Ebanghelyo mababasa natin: “Sa ating pang-araw-araw na wika, ang salitang [pag-asa] ay madalas na nagpapahiwatig ng kawalang-katiyakan. Halimbawa, maaaring sinasabi natin na sana gumanda ang panahon o bisitahin tayo ng isang kaibigan. Gayunman, sa wika ng ebanghelyo, ang salitang pag-asa ay tiyak, hindi natitinag, at aktibo. Nagsalita ang mga propeta tungkol sa pagkakaroon ng ‘matatag na pag-asa’ (Alma 34:41) at ‘buhay na pag-asa’ (1 Pedro 1:3)” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pag-asa,” https://www.churchofjesuschrist.org/study/manual/gospel-topics/hope?lang=tgl).

Larawan
young adult na nakangiti

Habang iniisip mo ang mga hamon na nararanasan mo, alalahanin na nabuhay ang propetang si Mormon sa panahong nanaig ang espirituwal na kadiliman sa buhay ng mga Nephita (tingnan sa Mormon 1–6). Sa mahihirap na panahong ito, itinuro ni Mormon kung paano natin palalakasin ang ating pag-asa.

Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Moroni 7:40–42, at alamin ang kaugnayan ng pananampalataya, pag-asa, at ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder David A. Bednar

Ang tiwala at pananalig kay Cristo at kusang pag-asa sa Kanyang mga kabutihan, awa, at biyaya ay humahantong sa pag-asa sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, Pagkabuhay na Mag-uli, at buhay na walang hanggan (tingnan sa Moroni 7:41). Ang gayong pananampalataya at pag-asa ay inaanyayahan sa ating buhay ang tamis ng kapayapaan ng budhi na hangad nating lahat. (“Anupa’t Nabawasan ang Kanilang Pagkatakot,” Liahona, Mayo 2015, 47)

Tulad ni Mormon, nabuhay rin ang propetang si Eter sa mahirap na panahon (tingnan sa Eter 11). At tulad ni Mormon, itinuro ni Eter na kahit sa pinakamahihirap na panahon ay makahahanap tayo ng pag-asa kay Jesucristo.

Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Eter 12:4, at alamin kung paano nakakaapekto ang pag-asa kay Cristo sa ating buhay sa araw-araw.

Para malaman pa ang tungkol sa bisa ng pag-asa, basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Uchtdorf:

Larawan
Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Ang pag-asa ay kaloob ng Espiritu [tingnan sa Moroni 8:26]. …

Ang pag-asa ay … pagtitiwala na tutuparin ng Panginoon ang Kanyang mga pangako sa atin. Ito’y tiwala na kung mamumuhay tayo ayon sa mga batas ng Diyos at sa mga salita ng Kanyang mga propeta ngayon, tatanggapin natin ang hangad nating mga biyaya sa hinaharap. Ito ay paniniwala at pag-asang sasagutin ang ating mga dalangin. Makikita ito sa tiwala, magandang pananaw, sigla, at pagtitiyaga. …

Gaano man kalabo sa ngayon ang kabanata ng ating buhay, dahil sa buhay at sakripisyo ni Jesucristo, maaari tayong umasam at mabigyang-katiyakan na ang matatamo natin sa pagwawakas ng aklat ng ating buhay ay talagang higit pa sa ating mga inaasahan. (“Ang Walang Hanggang Bisa ng Pag-asa,” Liahona, Nob. 2008, 22, 23)

Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na salaysay sa banal na kasulatan, o pumili ng isa sa sarili mong mga salaysay. Maghanap ng katibayan na ang pananampalataya sa Panginoon ay magbibigay sa atin ng pag-asa. Maging handang ibahagi sa klase ang natutuhan mo.

Larawan
icon, pagnilayan

Magnilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang natutuhan mo tungkol sa pag-asa mula sa scripture passage o mga scripture passage na pinag-aralan mo? Sa paghahangad mo ng espirituwal na kaloob na pag-asa, ano ang magagawa mo para maanyayahan ang kaloob na ito sa iyong buhay?