Institute
Lesson 28 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Tumayo Bilang mga Saksi ni Jesucristo


“Lesson 28 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Tumayo Bilang mga Saksi ni Jesucristo” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)

“Lesson 28 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo

Larawan
Dakilang Manunubos, ni Simon Dewey

Lesson 28 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Tumayo bilang mga Saksi ni Jesucristo

Paano naimpluwensyahan ng pakikibahagi mo sa kursong ito ang iyong patotoo kay Jesucristo? Ano ang natutuhan mo mula sa Espiritu Santo nang kumilos ka nang may pananampalataya sa pamamagitan ng pag-aaral ng materyal sa paghahanda, pakikibahagi sa mga talakayan sa klase, at pagtugon sa mga espirituwal na pahiwatig? Habang naghahanda ka para sa iyong huling klase, isipin kung ano ang ibig sabihin ng tumayo bilang saksi ni Jesucristo (tingnan sa Mosias 18:9).

Bahagi 1

Paano ko mapapalakas ang aking patotoo tungkol sa Tagapagligtas?

Habang iniisip mo ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo, tandaan na bawat isa sa atin ay magkakaroon ng patotoo sa personal na paraan. Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, dating tagapayo sa Unang Panguluhan:

Larawan
Pangulong Dieter F. Uchtdorf

May ilang miyembro ng Simbahan na ang patotoo ay matibay at nag-aalab sa kanilang puso. Ang iba naman ay nagsisikap pang malaman ito sa kanilang sarili. Ang Simbahan ay isang tahanan para magkasama-sama ang lahat, anuman ang lalim o lakas ng ating patotoo. (“Pagtanggap ng Patotoo sa Liwanag at Katotohanan,” Liahona, Nob. 2014, 22)

Kung nadarama mong hindi ka sigurado sa iyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas o nadarama mo na hindi ito napakalakas, tandaan na ang “patotoo ay unti-unting lumalakas sa pamamagitan ng mga karanasan. Walang sinumang nagkakaroon ng lubos na patotoo sa isang iglap lamang” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Patotoo,” https://www.churchofjesuschrist.org/study/manual/gospel-topics/testimony?lang=tgl).

Isipin ang karanasan ni Nakababatang Alma. Noong kabataan niya hinangad niyang wasakin ang Simbahan ng Panginoon. Matapos magpakita sa kanya ang isang anghel, siya ay nagsisi at piniling sundin si Jesucristo (tingnan sa Mosias 27:8–24). Bagama’t ang pagpapakitang ito ay tiyak na nakaimpluwensya kay Alma, hindi ito ang pinakabatayan ng kanyang patotoo. Kalaunan sa kanyang buhay, habang nagtuturo sa mga tao sa lupain ng Zarahemla, ibinahagi ni Alma kung paano siya nagkaroon ng patotoo kay Jesucristo.

Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Alma 5:46–48, at alamin ang pinagmulan ng patotoo ni Alma.

Larawan
nananalangin si Nakababatang Alma

Habang pinagninilayan mo ang iyong patotoo, magalak sa nalalaman, inaasam, o pinaniniwalaan mo tungkol sa Tagapagligtas. Pagkatapos ay mapanalanging pag-isipan kung ano ang magagawa mo para makasalig sa pundasyong iyon, hanggang sa maging tiyak na patotoo ito. Itinuro ni Elder Uchtdorf:

Larawan
Elder Dieter F. Uchtdorf

Ang pinagmulan ng tiyak na kaalaman at matibay na paniniwalang ito ay banal na paghahayag, “sapagka’t ang patotoo [kay] Jesus ay siyang espiritu ng [propesiya]” (Apocalipsis 19:10).

Nagkakaroon tayo ng patotoong ito kapag kinakausap ng Banal na Espiritu ang ating espiritu. Tatanggap tayo ng panatag at di-natitinag na katiyakang pagmumulan ng ating patotoo at paniniwala anuman ang ating kultura, lahi, wika o katayuan sa buhay. Ang mga paghihikayat na ito ng Espiritu, sa halip na ang pag-iisip lamang ng tao, ang magiging tunay na pundasyong pagsasaligan ng ating patotoo.

Ang [sentro] ng patotoong ito ay lagi nang pananampalataya at kaalaman tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang banal na misyon, na sinabi Niya mismo sa mga banal na kasulatan, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6). (“Ang Bisa ng Personal na Patotoo,” Liahona, Nob. 2006, 38)

Larawan
young adult na may hawak na larawan ng Tagapagligtas
Larawan
icon, talakayin

Talakayin upang Makapaghanda para sa Klase

Talakayin sa isang taong naniniwala kay Jesucristo kung paano natamo ng bawat isa sa inyo ang inyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas. Kung nakadarama ka ng kawalang-katiyakan sa iyong puso tungkol sa pinaniniwalaan mo, magtuon sa nais mong malaman tungkol sa Tagapagligtas at talakayin kung paano humahantong ang simpleng hangaring ito sa paglakas ng pananampalataya at patotoo (tingnan sa Alma 32:27–28).

Bahagi 2

Paano mapagpapala ang iba ng aking patotoo kay Jesucristo?

Pag-isipan ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo. Alam ba ng iyong mga kaibigan, kapamilya, at iba pa ang nadarama mo tungkol sa Kanya? Handa ka bang sagutin ang mga tanong tungkol sa Tagapagligtas nang may pananampalataya at patotoo? (Tingnan sa 1 Pedro 3:15). Inanyayahan mo ba ang iba na lumapit at matuto tungkol kay Jesucristo para sa kanilang sarili? (tingnan sa Juan 1:39).

Larawan
dalawang young adult na babae na nag-uusap

Habang iniisip mo ang impluwensya sa iba ng iyong patotoo kay Jesucristo, isaalang-alang ang sumusunod na payo ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Neil L. Andersen

Sa mga tao sa ating paligid, maging mas tapat tayo, mas handang mangusap tungkol kay Cristo. Sabi ni Pangulong [Russell M.] Nelson, “Ang tunay na mga disipulo ni Jesucristo ay handang lumantad, magsalita, at maiba sa mga tao sa mundo.” …

… Magiliw nating patotohanan ang ating pananampalataya kay Cristo. Kung may magkuwento ng problema niya sa personal niyang buhay, maaari nating sabihing, “John, Mary, alam ninyong naniniwala ako kay Jesucristo. Naiisip ko ang isang bagay na sinabi Niya na maaaring makatulong sa inyo.”

Maging mas tapat sa social media sa pagkukuwento tungkol sa tiwala ninyo kay Cristo. …

Ang ilan sa ating mga kapwa Kristiyano, kung minsan, ay nag-aalinlangan sa ating mga paniniwala at motibo. Tunay tayong magalak na kasama nila na sumasampalataya rin kay Jesucristo at sa Bagong Tipan na mahal nating lahat. …

Habang nababawasan ang pagbanggit ng mundo kay Jesucristo, lalo pa natin Siyang banggitin. Kapag nalantad ang ating mga tunay na katangian bilang Kanyang mga disipulo, marami sa ating paligid ang magiging handang makinig. Kapag ibinahagi natin ang liwanag na natanggap natin mula sa Kanya, ang Kanyang liwanag at Kanyang napakadakilang kapangyarihang magligtas ay magniningning sa mga taong handang buksan ang kanilang puso. (“Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo,” Liahona, Nob. 2020, 90)

Larawan
mga young adult na nag-uusap nang nakabilog
Larawan
icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Pumili ng isa sa mga mungkahi sa ibaba para matulungan kang pagnilayan at alamin kung paano lumago ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang walang hanggang ebanghelyo sa kursong ito. Dumating sa klase na handang ibahagi ang karanasan mo.

  • Basahin ang “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” (sa SimbahanniJesucristo.org), at pagnilayan kung paano lumago ang iyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas. Isulat ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo o ang iyong mga naiisip o nadarama tungkol sa Kanya.

  • Kung isinaulo mo ang “Ang Buhay na Cristo,” isulat kung paano naimpluwensyahan ng pagsasaulong ito ang iyong pang-unawa at patotoo tungkol sa Tagapagligtas.

  • Basahin ang 3 Nephi 27:13–21, at pagnilayan kung ano ang kahulugan sa iyo ng ebanghelyo ng Panginoon. Isulat kung paano nabago ang iyong buhay ng pagsisikap mong ipamuhay ang Kanyang ebanghelyo.

  • Rebyuhin ang talaan ng nilalaman ng manwal na ito, at tukuyin ang lesson na may pinakamalaking impluwensya sa iyo. Rebyuhin ang materyal sa paghahanda para sa lesson na iyon, at isulat kung bakit nakagawa ito ng gayong kaibhan sa iyong buhay.

  • Isipin kung paano ka naging higit na katulad ng Tagapagligtas nang ipamuhay mo ang nadama at natutuhan mo sa kursong ito. Isulat ang mga pagbabagong nakita mo sa iyong buhay.

  • Pumili ng isa o mahigit pang mga scripture passage tungkol kay Jesucristo na nakadagdag sa iyong pang-unawa at patotoo tungkol sa Kanya. Isulat ang natutuhan mo mula sa mga banal na kasulatang ito at kung ano ang kaibhang nagawa ng mga ito sa iyong buhay.

  • Pumili ng isang himno o awitin tungkol sa Tagapagligtas na nagpapahayag ng iyong patotoo tungkol sa Kanya. Isulat ang mga ideya at damdamin na hatid ng himno o awitin na ito sa iyong puso’t isipan.

  • Sumulat ng liham ng pasasalamat sa Tagapagligtas. Isulat ang nadarama mo tungkol sa Kanyang buhay at kung ano ang kahulugan Niya sa iyo. Kung ikaw ay malikhain, maaari kang magdrowing ng isang larawan na naglalarawan sa nadarama mo para sa Tagapagligtas at ibahagi ito sa iyong klase.