Kalusugan ng Pag-iisip
8: Paano ako magiging masaya kung wala na akong maramdamang anuman?


“8: Paano ako magiging masaya kung wala na akong maramdamang anuman?” Kalusugang Pangkaisipan: Tulong Para sa Akin (2019)

“Paano Ako Magiging Masaya?” Kalusugang Pangkaisipan: Tulong para sa Akin

Larawan
lalaking nakaupo sa silya sa madilim na lugar

Paano ako magiging masaya kung wala na akong maramdamang anuman?

Pinayapa ng Tagapagligtas ang dagat at naghatid ng kapanatagan at kapayapaan sa Kanyang mga disipulo. Matutulungan ka Niya na maging mas masaya at makahanap ng kabuluhan sa buhay sa kabila ng mga pagsubok. Subukan ang ilan sa mga ideya na nakalista sa ibaba, pero dapat mong malaman na maaaring hindi mo matiyak kaagad kung alin dito ang makakatulong sa iyo nang lubos:

  • Hingin ang tulong ng mga propesyonal. Kung nahihirapan ka na nang ilang linggo o mas matagal pa o nagsisimula nang makaapekto ang mga sintomas mo sa iyong araw-araw na pamumuhay—sa tahanan, trabaho, paaralan, o sa iyong mga pakikipag-ugnayan—humingi ng tulong. Ang maagap na pagtugon sa mga problema sa kalusugan ng pag-iisip ay makakatulong para maiwasan na makaranas ng krisis sa hinaharap.

  • Ipagdiwang ang maliliit na tagumpay. Ang tagumpay ay tagumpay, maliit o kaunti man ang naisagawa. Maaaring ito ay ang sandaling nagtaas ka ng kamay sa klase, tumawa nang malakas, o nagmalasakit na buksan ang pinto para sa isang tao. Pag-isipan ang mga sandaling ito para maalala mo ang mga tagumpay na ito kapag may pagsubok sa buhay. Maaaring makatulong na isulat ang ilan sa mga sandaling ito.

  • Palitan ng liwanag ang kadiliman. Ugaliing palitan ng positibong kaisipan ang bawat negatibong bagay na naiisip mo. Maaari ka ring pumili ng isang himno o iba pang nagbibigay-inspirasyong musika kapag may naiisip kang hindi maganda. Maaari ka ring humingi ng priesthood blessing.

  • Ugaliing pangalagaan ang sarili. Pag-isipan mo ring baguhin ang karaniwang ginagawa mo araw-araw o gumawa ng bagay na palagi mong gagawin. Maging masaya sa maliliit at simpleng bagay tulad ng pagpansin sa bulaklak, sa lasa ng paboritong pagkain, o sa magandang pag-awit ng ibon. Magmuni-muni o gumamit ng ibang relaxation technique o paraan sa pamamahinga. Ituon ang iyong isipan sa Diyos habang binibigyan mo ng panahong makapagpahinga ang iyong isipan at katawan.

  • Igalaw-galaw ang iyong katawan. Ang pisikal na aktibidad, na sinamahan ng sapat na tulog at mabuting nutrisyon, ay makapagpapaganda ng kalooban at pakiramdam. Ang pisikal na aktibidad ay makakatulong para mabawasan ang tensyon. Maaari mong gustuhing maglakad sa labas, tumakbo, sumayaw, magbuhat ng weights, o makibahagi sa isa pang pisikal na aktibidad na gusto mo. Ang mga pisikal na aktibidad ay maaaring isang paraan din para makakonekta sa iba. Tingnan sa Provident Living: Physical Health (ChurchofJesusChrist.org) para sa mga karagdagang ideya.

  • Magpasalamat. Hindi ibig sabihin nito ay ikakaila o ipagwawalang-bahala mo na ang nararamdamang pasakit o kalungkutan; ito ay nangangahulugan na kinikilala mo ang mga pagpapalang ibinigay sa iyo ng Ama sa Langit. Magsulat ng kahit isang bagay na ipinagpapasalamat mo bawat araw—maaaring ito ay noong naibsan sandali ang sakit na nararamdaman mo, noong naalala mo ang kabaitan sa iyo ng isang tao, o noong natuwa ka sa isang bagay na nakita, naamoy, nahawakan, o natikman mo.

  • Isulat at itapon. Hindi lahat ng isinusulat ay kailangang ilagay sa journal para magsilbing alaala o para sa mga inapo. Ang pagsusulat kapag ginamit bilang paraan ng pag-iisip at paghahayag ng tunay na nadarama ay makakatulong nang malaki. Kung minsan, kapag naiisip natin na baka balang-araw ay may makabasa ng isinulat natin, nagiging dahilan ito para hindi maging lubos ang katapatan natin sa totoong nadarama natin. Makakatulong na magsulat nang buong katapatan, na ipinapahayag ang ating tunay na emosyon, at pagkatapos ay itapon ang papel na pinagsulatan. Ang paggawa nito ay maaaring makatulong para makalimutan din natin ang ating naramdaman.