Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 30: Sundin ang mga Panghihikayat ng Espiritu


Kabanata 30

Sundin ang mga Panghihikayat ng Espiritu

Ang bawat tao sa Simbahan ay may karapatan sa inspirasyon ng Espiritu Santo para sa pansariling pamamatnubay.

Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith

Si Pangulong Joseph F. Smith, kasama ni Obispong Charles W. Nibley, ay lulan ng tren pauwi mula sa isang paglalakbay sa silangan. Malapit sa Green River, Wyoming, kabababa lamang niya sa plataporma sa likod ng bagon nang marinig niya ang isang tinig na nagsabing, “Pumasok ka at maupo.” Bumalik siya sa tren, nagalangan nang ilang saglit, at sinabi sa sarili, “O, pambihira, maaaring guni-guni ko lamang iyon.” At muli niyang narinig ang tinig na nagsabi ulit, “Maupo ka.” Mabilis na tumugon, bumalik si Pangulong Smith sa kanyang upuan. Kaagad na sumibad ang tren sapagkat ang isang putol na riles ang naging dahilan ng pagkadiskarel ng makina at karamihan sa mga bagon. Sinabi ni Obispong Nibley na kung si Pangulong Smith ay hindi umupo, maaaring nasaktan siya nang malubha, dahil bagamat hindi nadiskarel ang kanyang bagon, ang lahat ng mga bagon ay “nagkapipi- pipi nang napakasama.”

Ang sabi ni Pangulong Smith tungkol sa karanasang ito, “Maraming ulit kong narinig ang tinig na iyon sa aking buhay, at palagi akong nakikinabang sa pagsunod dito.”

“[Si Pangulong Smith] ay nabuhay nang malapit sa pakikipagtalastasan ng Espiritu ng Panginoon,” pagpuna ni Obispo Nibley, “at ang kanyang buhay ay napakahuwaran at malinis kung kaya’t ang Panginoon ay madaling magpahayag ng kanyang sarili sa kanyang tagapaglingkod. Tunay na maaari niyang sabihing, ‘Magsalita ka, Panginoon, sapagkat dinirinig ng iyong lingkod.’ [1 Samuel 3:9.] … Ang puso ni Pangulong Smith ay umaayon sa mga makalangit na pahayag o mensahe—nakaririnig siya, at nakarinig siya.” 1

Mga Turo ni Joseph F. Smith

Ang lahat ng miyembro ng Simbahan ay may karapatan na makatanggap ng pansariling pamamatnubay mula sa Espiritu Santo.

Ang diwa ng inspirasyon, ang kaloob na paghahayag, ay hindi nasa iisang tao lamang; hindi ito isang kaloob para sa Panguluhan ng Simbahan at sa Labindalawang Apostol lamang. Hindi ito natatakda sa mga nangungulong awtoridad ng Simbahan, ito ay para sa bawat miyembro ng Simbahan; isang karapatan at pribilehiyo ng bawat lalaki, bawat babae, at bawat bata na narating na ang mga taon ng pananagutan, na tamasain ang diwa ng paghahayag, at magkaroon ng diwa ng inspirasyon sa pagganap sa kanilang mga tungkulin bilang mga miyembro ng Simbahan.2

Ang bawat tao sa Simbahan ay may karatapan na tamasain ang diwa ng paghahayag at ng pang-unawa mula sa Diyos na ibinibigay sa kanya ng diwa ng paghahayag na yaon, para sa kanyang kabutihan, katulad ng mayroon ang obispo upang magawa niya na pamunuan ang kanyang purok. Ang bawat tao ay may pribilehiyo na gamitin ang mga kaloob at mga pribilehiyong ito sa pagganap sa sarili niyang mga gawain, sa pagpapalaki sa kanyang mga anak sa landas na dapat nilang tahakin, at sa pamamahala sa kanyang sakahan, sa kanyang mga kawan, sa kanyang mga hayop, at sa pamamahala sa kanyang negosyo … ; karapatan niya na tamasain ang diwa ng paghahayag at ng inspirasyon upang gawin ang tama, upang maging marunong at matalino, makatarungan at mabuti sa lahat ng bagay na kanyang ginagawa. Batid ko na ito ay isang totoong alituntunin.3

Karapatan ng mga tao na magkaroon ng inspirasyon at makatanggap ng mga paghahayag ng Espiritu Santo para sa kanilang pansariling pamamatnubay at upang mapalakas ang kanilang pananampalataya, at upang hikayatin sila sa mga gawain ng katuwiran, sa pagiging matapat at sa pagsunod at pagtupad sa mga kautusan na ibinigay sa kanila ng Diyos; isang pribilehiyo ng kalalakihan at kababaihan na makatanggap ng paghahayag sa ganitong layunin, ngunit hindi na lalabis dito. Sa sandaling ang indibiduwal ay maghari-harian at magdikta, o maghatol sa kanyang mga kapatid sa Simbahan, lalo na sa mga namumuno, dapat siyang agad pigilin, o maaaring mauwi ito sa hindi pagkakasundo, pagtatalu-talo, at kaguluhan. Bawat lalaki at babae sa simbahang ito ay dapat na mas maging maalam sa halip na bigyang-daan ang ganitong diwa.

Dapat tayong mamuhay nang malapit sa Panginoon, maging mapagpakumbaba sa ating mga espiritu, masunurin at madaling tumalima, sa ilalim ng impluwensiya ng Espiritu Santo, upang mabatid natin ang isipan at kalooban ng Ama tungkol sa atin bilang mga tao at bilang mga opisyal ng Simbahan ni Cristo, sa lahat ng kalagayan.5

Nararapat tayong … mamuhay kailanman sa paraang mapapasaatin bilang buhay na bukal ang Espiritu Santo, na nilayon upang gumabay sa atin tungo sa katuwiran, kabutihan, integridad sa harapan ng Diyos, hanggang sa maisakatuparan natin ang ating makalupang misyon, na ginagampanan ang bawat tungkulin na maaaring kailanganin sa atin.6

Ang paghahayag ay madalas na dumarating sa atin sa pamamagitan ng banayad at maliit na tinig ng Espiritu.

Hindi sa pamamagitan ng kagila-gilalas na mga paghahayag sa atin kaya tayo tumatatag sa katotohanan, kundi sa pamamagitan ng pagpapakumbaba at matapat na pagsunod sa mga kautusan at batas ng Diyos. Nang magsimula ako sa pagmiministeryo noong ako ay bata pa, paliwanag niya, madalas kong hanapin at hilingan ang Panginoon na ipakita sa akin ang ilang mga kagila-gilalas na bagay, nang sa gayon ay makatanggap ako ng patotoo. Subalit ipinagkait ng Panginoon ang mga kagila-gilalas na bagay sa akin, at ipinakita sa akin ang katotohanan, ng taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon [tingnan sa 2 Nephi 28:30], hanggang sa maipaalam niya sa akin ang katotohanan mula sa aking ulo hanggang sas aking talampakan, at hanggang sa tuluyang maglaho sa akin ang alinlangan at takot. Hindi niya kinailangan na magpadala ng anghel mula sa kalangitan upang gawin ito, ni hindi rin niya kinailangan na makapangusap nang may pakakak ng arkanghel. Sa pamamagitan ng mga pagbulong ng marahan at banayad na tinig ng Espiritu ng buhay na Diyos, ipinagkaloob niya ang patotoo na aking tinataglay. At sa pamamagitan ng ganitong alituntunin at kapangyarihan ay ipinagkakaloob niya sa lahat ng anak ng tao ang kaalaman ng katotohanan na mananatili sa kanila, at magagawa nitong ipaalam sa kanila ang katotohanan, tulad ng kung paano ito nalalaman ng Diyos, at gawin ang kalooban ng Ama tulad ng kung paano ito ginagawa ni Cristo. At walang anumang kagila-gilalas na paghahayag ang kailanma’y makagagawa nito.7

Hindi kayo dapat matakot, aking mga kapatid, kung hindi man kayo nakatatanggap ng dakila o kagila-gilalas na mga paghahayag, o kung hindi kayo nakatatanggap ng anupamang pambihirang mga paghahayag mula sa langit, kung kayo ay mamumuhay lamang upang ang Diyos ay maipahayag ang Kanyang sarili sa inyo kung loloobin Niya. Maging ayos lamang kayo, wala kayong dapat ikatakot, hindi kayo nagkukulang sa anuman, kung tungkol lamang sa inyo, kung kayo ay nasa katayuan na tanggapin ang kalooban ng Diyos kung kailan Siya nakahanda o nagnanais na ipakita ito sa inyo. Sapat na ito. At ipahahayag lamang ng Diyos ang yaong kinakailangan ninyo sa inyong pag-unlad, para sa inyong paglaki at pagsulong sa kaalaman ng katotohanan.8

Gawin natin ang ipinamamatnubay ng Espiritu.

Nadarama kong hindi ko kaya sa pisikal o sa emosyonal na gampanan ang mga tungkulin na kinakailangan sa akin nang wala ang pagtulong ng Espiritu ng Panginoon. Hindi ko alam kung magagawa ng sinumang tao na gampanan ang gawain ng Panginoon na kinakailangan sa kanya, nang may kalayaan mula sa Panginoon, o walang panghihikayat o inspirasyon ng Espiritu na nagmumula sa Ama ng Liwanag.9

Kung mamumuhay tayo sa paraang maririnig at mauunawaan natin ang mga pagbulong ng marahan at banayad na tinig ng Espiritu ng Diyos, gawin natin kung anuman ang ipinagagawa ng Espiritu nang hindi natatakot sa kalalabasan nito. Hindi mahalaga kung ito ay sinasang-ayunan o hindi ng mga naghahanap ng kamalian o mamimintas, o ng mga kaaway ng kaharian ng Diyos. Ito ba ay sinasang-ayunan ng kalooban ng Panginoon? Ito ba ay naaayon sa diwa ng dakilang gawain sa mga huling-araw na kinakaharap natin? Ito ba ay nilayon upang pasulungin ang Simbahan at palakasin ito sa daigdig? Kung ang takbo nito ay nasa ganitong landasin, gawin natin ito, kahit na anupaman ang sabihin o isipin ng mga tao.10

Hindi sapat para sa atin na makuntento at masiyahan sa kaalaman lamang ng yaong tama. Ang malaman kung alin ang tama, dapat tayong humayo at gawin ang tamang bagay, maging anupaman ito, anupaman ang kailanganin [ni Jesucristo] sa atin. Kung alam natin ang tama, alam natin ang katotohanan. Dapat tayong manatili sa tama at sa katotohanan, at dapat nating gawin ang tamang bagay, nang palagian, sa anupamang pagkakataon, at huwag kailanman susunod sa manunukso o lumihis mula sa tamang daan, ang makitid at makipot na daan na naghahatid pabalik sa kinaroroonan ng Diyos.11

[Ang ating] pagsunod ay dapat na bukal sa loob; hindi ito dapat na pinipilit, dapat walang pagpupumilit. Ang mga tao ay hindi na dapat pilitin laban sa kanilang kalooban na sumunod sa kalooban ng Diyos; dapat nilang sundin ito dahil batid nilang ito ay tama, dahil naghahangad sila na gawin ito, at dahil kasiyahan nila na gawin ito. Nalulugod ang Diyos sa nakahandang puso.12

Sa pamamagitan ng pagsunod sa Espiritu, makatatamo tayo ng higit na kaalaman at uunlad sa kakayahan na kumilala.

Ang tao ang nagkakautang sa Pinagmulan ng lahat ng katotohanan, dahil sa kaalaman na mayroon siya; at ang lahat ng sumusunod sa mga panghihimok ng Espiritu, na naghahatid sa kabutihan, sa karangalan, sa pag-ibig sa Diyos at tao, at sa pagibig sa katotohanan at sa yaong nagpaparangal at nagpapataba sa kaluluwa, ay magkakaroon ng higit na malinis, higit na malawak, at lalong higit na tahasan at tiyak na kaalaman ng katotohanan ng Diyos kaysa matatamo ninuman.13

Ang kalalakihan at kababaihan ay dapat na tumatag sa katotohanan, at nananalig sa kaalaman ng ebanghelyo, na umaasa hindi sa kaninumang tao para sa hiniram o inaaninong liwanag, kundi nananalig tangi sa Espiritu Santo lamang, na hindi nagbabago, walang hanggang nagliliwanag at nagpapatotoo sa tao at sa pagkasaserdote, na namumuhay ayon sa mga batas ng ebanghelyo, tungkol sa kaluwalhatian at kalooban ng Ama. Samakatuwid ay magkakaroon sila ng walang hanggang liwanag na hindi mapaparam.14

Ang tanging ligtas na paraan para sa atin, bilang mga tao, ay ang mamuhay nang may pagpapakumbaba, nang may katuwiran at nang may katapatan sa harapan ng Diyos upang mapasaatin ang Espiritu ayon sa pangangailangan natin upang makahatol nang may katuwiran, at makilala ang tama sa mali, at ang tama sa kamalian.15

Paano natin malalaman na [ang payo na tinatanggap natin mula sa mga namumuno sa Simbahan] ay tama? Sa pamamagitan ng pagtatamo ng Espiritu ng Diyos sa ating mga puso, kung saan mabubuksan at maliliwanagan ang ating mga isipan, upang malaman natin sa ating sarili mismo ang doktrina, at maihiwalay ang katotohanan sa mali, ang liwanag mula sa kadiliman at ang mabuti mula sa masama.16

Sa matapat na Banal sa mga Huling-araw ay ipinagkaloob ang karapatan na mabatid ang katotohanan, katulad ng pagkakabatid dito ng Diyos; at walang anumang kapangyarihan sa ilalim ng langit ang makaliligaw sa kanya, makapagpapadilim sa kanyang pang-unawa magpapagulo sa kanyang isipan o magpapalabo sa kanyang pananampalataya o kaalaman ng mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Hindi maaaring gawin ito, sapagkat ang liwanag ng Diyos ay nagliliwanag nang higit kaysa pagliliwanag ng kabulaanan at kamalian; samakatuwid, ang mga yaong may liwanag ni Cristo, ng diwa ng paghahayag at kaalaman ng Diyos, ay umaangat sa mga pababago-bagong pananaw na ito sa mundo; batid nila ang doktrinang ito, na ito ay sa Diyos at hindi sa tao.17

Kapag namumuhay tayo ayon sa naipahayag, daragdagan ng Panginoon ang ating liwanag at katalinuhan.

Maraming bagay ang ihahayag pa. Maraming bagay ang inihayag na ng Diyos sa sarili niyang panahon na hindi pa natin nauunawaan sa ngayon. Para sa akin, mayroon nang naihayag na sapat sa kakayahan ko na maunawaan. Kung maiintindihan ko lamang ang lahat ng ipinahayag ng Diyos, at maunawaan ito sa paraang dapat kong maunawaan at gamitin ito sa katuwiran sa aking buhay, sa palagay ko ay nakahanda ako para makatanggap ng higit pa rito kung karapat-dapat pa ako rito. Naku, patawarin, ngunit may kasama tayong mga tao na nag-aalala at nababalisa tungkol sa mga bagay na hindi pa ipinahahayag sa mga anak ng tao.… Kung magbabayad ang mga tao ng ikapu, kung susundin nila ang salita ng karunungan, kung mananalangin sila, kung gugugulin nila ang kanilang buhay sa pag-aaral ng ebanghelyo para sa kanilang sarili at susundin ito, mababawasan ang kanilang pangangailangang magtanong, at hindi kalilimutan ang katotohanang mababatid nila ang mga bagay nang higit na mabuti sa pagkakabatid nila.18

Wala tayong nalalaman at wala tayong ipangangaral sa mga tao maliban sa mga yaong ipinahayag ng Panginoong Diyos, at ating tinuturuan at pinapayuhan ang mga yaong nasa kapangyarihan, na kung kaninong tungkulin at gawain ang ituro at ipangaral ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa mundo at sa mga Banal sa mga Huling Araw, na limitahan ang kanilang mga turo at mga tagubilin sa salitang ipinahayag ng Diyos. Maraming naipahayag na ngunit hindi pa naipamumuhay, tinitiyak ko sa inyo. Marami pa ang natitirang dapat matutuhan. Marami ang hindi pa naituturo sa diwa ng tagubilin, at marami ang naipahayag sa pamamagitan ng Propetang Joseph at kanyang mga kasama na hindi pa natatanggap ng mga tao sa kanilang mga puso, at hindi pa sila nagbabalik loob nang nararapat.

Kapag tayo ay sumusunod at may kakayahang tumupad sa mga tuntunin ng ebanghelyo at ng mga batas ng Diyos at ng kinakailangan ng langit, na naipahayag na, tayo ay mapapabuti at mapapalapit sa mithiin ng kaganapan sa karunungan, kaalaman at lakas kaysa ngayon. Kapag dumating ang panahong iyon, magkakaroon pa ng ibang higit na dakilang mga bagay na ipahahayag sa mga tao ng Diyos. Hanggat hindi pa natin ginagawa ang ating tungkulin, gayunpaman, sa mga yaong ating tinanggap, hanggat hindi tayo nagiging matapat sa mga bagay na ipinagkatiwala ngayon sa atin, hanggat hindi natin ipinamumuhay ang ating relihiyon na mayroon tayo ngayon, kagaya ng pagkakabigay nito sa atin ng Panginoon, upang makadagdag ng mga kautusan, upang makadagdag ng liwanag at katalinuhan sa atin nang higit sa yaong tinanggap na natin, na hindi pa natin sinusunod, ay pagdaragdag ng kahatulan sa ating mga ulo. Sapat na sa atin na mabuhay sa liwanag ng pangkasalukuyang inspirasyon at pangkasalakuyang paghahayag at para sa bawat isang miyembro ng Simbahan na tuparin ang mga kautusan ng Panginoon at gumawa sa Simbahan alinsunod sa paggabay na ipagkakaloob sa kanya ng Espiritu sa pagganap sa kanyang tungkulin. Ang bawat kaluluwa natin ay may karapatan sa inspirasyon mula sa Diyos na mabatid kung ano ang ating tungkulin at kung paano gagampanan ito.19

Ang bagay na dapat nating gawin ay mamuhay alinsunod sa liwanag at katalinuhan na ipinahayag sa atin ng Diyos sa dispensasyong ito, upang tayo ay umayon sa mga makalangit na lakas at makalangit na katauhan, at lalung-lalo na sa ating Panginoong Jesucristo na tumatayo bilang ating ulo, na siyang ating mambabatas, ating halimbawa, at ang daan ng buhay at kaligtasan sa buong mundo; na sa pamamagitan nito ay maaari tayong makapasok sa kahariang selestiyal ng Diyos, at kung wala siya ay hindi tayo kailanman makakatamo ng yaong katayuan ng kaluwalhatian ng mga daigdig na walang katapusan. Siya ang daan, ang liwanag at buhay ng mundo; at kung sinuman ang susunod sa mga kautusan na Kanyang ibinigay, at gawin ang mga gawaing Kanyang ginawa, at ipinag-utos na gawin natin, ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan.20

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

  • Sino ang maaaring magkaroon ng “diwa ng inspirasyon”?

  • Sa anu-anong dako ng ating buhay tayo maaaring makatamasa ng pansariling pamamatnubay ng Espiritu?

  • Sa palagay ninyo, bakit ginagabayan ng Diyos ang karamihan sa atin sa pamamagitan ng banayad at maliit na tinig ng Espiritu sa halip ng “kagila-gilalas na mga pagpapahayag”? (Tingnan sa I Mga Hari 19:11–12.) sa anu-anong paraan ibinibigay sa atin ng Diyos ang banayad at maliit na tinig?

  • Paano natin mababatid kung tayo ay naiimpluwensiyahan ng Espiritu ng Panginoon? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 6:15, 22–23; 9:8–9; 11:12–14.)

  • Bakit hindi tayo pinipilit na sumunod sa mga panghihikayat ng Espiritu? Sa palagay ninyo, bakit ang Diyos ay “nalulugod sa nakahandang puso”?

  • Paano tayo dapat na mamuhay upang makatanggap ng pamamatnubay ng Espiritu? Anu-ano ang pumipigil sa ating kakayahan na makatanggap ng mga panghihikayat ng Espiritu?

  • Kailan kayo natulungan ng Espiritu na mapalawak ang inyong kaalaman sa mga katotohanan ng Diyos?

  • Anu-anong biyaya ang dumarating sa mga yaong nananalig sa mga panghihikayat ng Espiritu Santo sa halip na umasa sa “hiniram o inaaninong liwanag”?

  • Paano natin maihahanda ang ating sarili na makatanggap ng higit na liwanag at katalinuhan? (Tingnan din sa Alma 12:10.)

Mga Tala

  1. Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 523–24.

  2. Gospel Doctrine, 34.

  3. Gospel Doctrine, 34–35.

  4. Gospel Doctrine, 41–42.

  5. Gospel Doctrine, 58–59.

  6. Gospel Doctrine, 60.

  7. Gospel Doctrine, 7.

  8. “President Joseph F. Smith on Revelation,” Millennial Star, ika-6 ng Abr. 1905, 222.

  9. Sa Conference Report, Okt. 1912, 2.

  10. Gospel Doctrine, 59.

  11. “Testimony,” Improvement Era, Ago. 1906, 808.

  12. Gospel Doctrine, 65.

  13. Gospel Doctrine, 6.

  14. Gospel Doctrine, 87.

  15. Gospel Doctrine, 45.

  16. Deseret News: Semi-Weekly, ika-3 ng Ene. 1893, 2.

  17. Gospel Doctrine, 6.

  18. Sa Conference Report, Okt. 1916, 6–7.

  19. Gospel Doctrine, 35–36; idinagdag ang pagtatalata.

  20. Deseret News: Semi-Weekly, ika-31 ng Ene. 1882, 2.

Larawan
Joseph F. Smith and Charles W. Nibley

Si Pangulong Joseph F. Smith, kaliwa, at Namumunong Obispo Charles W. Nibley sa isang himpilan ng tren. Sa ganitong paglalakbay sa tren kasama si Obispo Nibley, nakaiwas si Pangulong Smith sa kapahamakan dahil pinakinggan niya ang bulong ng Espiritu.