Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 4: Ang Impluwensiya ng mga Ina


Kabanata 4

Ang Impluwensiya ng mga Ina

Gagabayan ng mga inang may ebanghelyo sa kanilang puso ang kanilang mga anak sa landas ng katwiran at katotohanan.

Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith

Si Pangulong Joseph F. Smith ay may napakataas na pagpapahalaga sa mga ina. Ang kanyang sariling ina ay isang halimbawa ng pananampalataya at katatagan sa kanya. Sa paglalarawan sa dakilang impluwensiya ng kanyang ina, sinabi niya: “Naaalaala ko ang aking ina noong mga araw sa Nauvoo [1839–46]. Naaalaala ko siya at ang kanyang kawawang maliliit na anak na nagmamadaling pinasakay sa isang bangka nang may iilang gamit lamang na madadala mula sa kanilang bahay sa pagsisimula ng pambobomba ng mga mandurumog sa lungsod ng Nauvoo. Naaalaala ko ang paghihirap ng Simbahan doon at sa daan patungong Winter Quarters sa Ilog Missouri, at kung paano siyang nanalangin para sa kanyang mga anak at pamilya sa napahirap na paglalakbay.… Naaalaala ko ang lahat ng pagsubok na kasabay ng aming pagsusumikap na makalikas kasama ng Kampo ng Israel. Sa paglakbay namin patungo sa mga lambak na ito ng kabundukan nang walang sapat na mga bakang panghila ng aming mga bagon, at dahil hindi namin kayang makabili ng mga hayop na ito, kanyang nilagyan ng pamatok ang kanyang maliliit na baka, at pinagdikit ang dalawang bagon, at naglakbay kami patungong Utah sa pamamagitan ng kawawang kalagayang ito, at sinabi ng aking ina—“Bubuksan ng Panginoon ang daan;’ ngunit kung paano Niya bubuksan ito ay walang nakababatid.…

Hindi ba ninyo naiisip na ang mga bagay na ito ay kumikintal sa isipan? Sa palagay ba ninyo ay malilimutan ko ang halimbawa ng aking ina? Hindi; ang kanyang pananampalataya at halimbawa ay palaging magiging malinaw sa aking isipan. Ano ang iniisip ko! Ang bawat paghinga ko, ang bawat damdamin ng aking kaluluwa ay pumapailanlang sa Diyos sa pasasalamat sa Kanya na ang aking ina ay isang Banal, na siya ay isang babae ng Diyos, dalisay at matapat, at higit niyang nanaising mamatay kaysa tumalikod sa pagtitiwalang inilaan sa kanya; na nanaisin niyang magtiis sa pagdarahop at paghihirap sa ilang at tangkaing tipunin ang kanyang pamilya kaysa manatili sa Babilonia. Ito ang diwa na pumuspos sa kanya at sa kanyang mga anak. Hindi ba magiging hindi karapat-dapat ang kanyang mga anak sa ganitong uri ng ina kung hindi nila pakikinggan at susundin ang kanyang mga halimbawa? Samakatuwid, sinasabi kong basbasan nawa ng Diyos ang mga ina sa Israel.1

Mga Turo ni Joseph F. Smith

Ang impluwensiya ng isang ina ay nananatili sa maraming salinlahi.

Lubos kong minamanhal at pinahahalagahan ang tunay na pagiging ina! Walang anumang bagay sa ilalim ng kahariang selestiyal ang makahihigit sa walang kamatayang pagmamahal ko sa mabini, tunay, at magiting na kaluluwang nagsilang sa akin—ang aking sarili, sariling ina! O, kay buti niya! Matapat siya! Dalisay siya! Tunay siyang isang Banal! Isang maharlikang anak ng Diyos! Utang ko sa kanya ang aking pagkabuhay at ang aking tagumpay, na dahil din sa pagpapala at awa ng Diyos!2

Bilang isang pamantayan, ang mga ina sa Sion, ang mga ina ng Israel, ang siyang pinakamabubuting babae na nabubuhay sa mundo, ang pinakamabubuti na matatagpuan saan man.… Ang mabuting impluwensiya na ibinibigay ng isang ina sa kanyang mga anak ay tila lebadura na inihalo sa harina hanggang sa ito’y maglebadurang lahat; at hanggang sa maaabot ng kanyang impluwensiya, hindi lamang sa kanyang mga anak kundi sa mga kasama rin ng kanyang mga anak, ito ay nadarama, at mabuti ang bunga na nagagawa nito.

At, mga kapatid kong babae, hindi ninyo batid ang layo na mararating ng inyong impluwensiya. Ang isang ina na matagumpay sa pagpapalaki ng isang batang lalaki, o babae, na ginagaya ang kanyang mga halimbawa at sinusunod ang kanyang mga tuntunin sa buong buhay, ay nagtatanim ng binhi ng kabutihan, karangalan at katapatan at katwiran sa kanilang mga puso na madarama sa buong buhay nila. At anuman ang gawin ng batang lalaki o babaing iyon, bilang isang ganap na lalaki o babae, sa anumang lipunang kabibilangan nila, ang mabuting bunga ng halimbawa ng inang iyon ay madarama sa kanila; at hindi ito mamamatay, sapagkat mananatili ito sa kanila hanggang sa kanilang mga anak sa maraming salinlahi. At inaasam natin ang ganito lalo na sa Ebanghelyo ni Jesucristo.3

Sa aking pagkabata … tinuruan akong maniwala sa kabanalan ng misyon ni Jesucristo. Tinuruan ako ng aking ina, isang tunay na Banal—na si Jesucristo ay Anak ng Diyos; at siya ay walang iba kundi ang Bugtong na Anak ng Diyos sa laman, at na, samakatuwid, walang iba maliban sa Diyos ang walang hanggang Ama ang kanyang Ama at may-akda ng kanyang pagkabuhay sa mundo. Tinuruan ako nito mula sa aking ama, mula kay Propetang Joseph Smith, sa pamamagitan ng aking ina na tumanggap sa ebanghelyo dahil naniwala siya sa patotoo ni Joseph Smith, at naniwala siya sa karangalan, katapatan at katotohanan ng kanyang asawa; sa buong panahon ng aking kabataan at sa buong buhay ko sa mundo ay tinanggap ko ang paniniwalang ito; sa katunayan, hindi ako nagkaroon ng anumang malaking pag-aalinlangan sa aking isipan, kahit na sa pagkabata ko.4

Dakilang mga pananagutan ang iniatang sa mga ina sa Israel.

Ang pagiging ina ay nakalagay sa saligan ng kaligayahan sa tahanan, at sa kaunlaran ng isang bansa. Iniatang ng Diyos sa kalakihan at kababaihan ang mga napakabanal na tungkulin na may kinalaman tungkol sa pagiging ina.5

Sa aking palagay, ang pinakamabubuting ina ay dapat na matagpuan, at sa tuwina’y natatagpuan, sa mga Banal sa mga Huling-araw. Wala akong alam na kababaihan sa mundo na mayroong pagkakaunawa sa konsepto ng pagiging asawa at pagiging ina na kagaya ng pagkakaunawa ng mga Banal sa mga Huling-araw. Ang ating mga pakikitungo ay hindi lamang sinadya para sa buhay na ito … Namumuhay tayo para sa panahon at sa kawalang- hanggan. Bumubuo tayo ng mga pakikitungo at pakikipagugnay para sa panahon at sa kawalang-hanggan. Ang ating mga damdamin at hangarin ay iniaakma at inihahanda upang manatili hindi lamang sa temporal o mortal na buhay, ngunit sa buong kawalang hanggan.6

Uunlad tayo at itatayo ang Sion sa lupa; sapagkat ito ang ating misyon, at ang gawain ng inyong mga ina at anak na babae ng Sion—ng mga ina ngayon, at sa kinalaunan ng mga anak na babae, na siyang susunod na magiging mga ina sa Israel. Dakilang mga pananagutan ang nakaatang sa inyo. Sa inyo nakasalalay ang pagtuturo at paggabay sa mga pag-iisip at inspirasyon ng mga puso ng inyong mga anak, sapagkat sila ay nakatatamo ng lakas mula sa espiritu ng kanilang mga ina, at ang impluwensiya ng isang ina sa kanyang mga anak ang siyang nananatili ng pinakamatagal. Walang anumang bagay na mananatili kaysa impluwensiya ng isang ina; ito ay kung siya ay mabuti at may diwa ng Ebanghelyo sa kanyang puso, at kanyang pinalalaki ang kanyang mga anak sa daan na dapat nilang lakaran.7

Ang ating mga ina, at mga ina ng ating mga anak, na ang mga puso ay punong-puno ng pag-aalala sa kagalingan ng kanilang mga anak, matapos nilang tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo, sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, ay maaaring magtungo sa kanilang mga silid at yumukod sa harapan ng Diyos at makipagtalastasan sa Kanya sa paraang hindi magagawa ng ibang mga ina sa mundo, kung kanila lamang tutuparin ang mga alituntunin na kanilang tinanggap at maging karapat-dapat sa kanilang mga pribilehiyo na maaaring mapasakanila. Sa pamamagitan ng impluwensiya na matatamo nila sa puso ng kanilang mga anak, gagabayan nila ang mga ito sa landas ng katwiran at katotohanan, at tuturuan sila ayon sa saway at aral ng Panginoon, sa pagmamahal sa katotohanan, sa pagsunod sa Kanyang mga kautusan, sa paraang hindi magagawa ng iba na kulang sa mga pribilehiyo, biyaya, at kaloob na ganito, na masaganang ibinibigay sa mga ina sa Israel.8

Walang anumang tunay na kaligayahan ang maihihiwalay at maibubukod mula sa tahanan, at ang bawat pagsusumikap na ginagawa upang mapatibay at mapanatili ang impluwesniya nito ay nakapagpapaangat sa mga yaong gumagawa at nagsasakripisyo para mabuo ito. May mga kalalakihan at kababaihan na madalas na maghangad ng ibang uri ng buhay na kapalit ng yaong nasa tahanan; pinaniniwalaan nila ang kanilang sarili na ang tahanan ay nangangahulugan ng pagsusupil; na ang pinakamataas na antas ng kalayaan ay ang ganap na pagkakataong makakilos ayon sa kalooban. Walang kaligayahan nang walang paglilingkod, at walang paglilingkod na higit na dakila na gawin ang tahanan na isang bahal na institusyon, na nagsusulong at nagpapanatili sa buhay pampamilya.

…Ang pinakamalakas na kinagigiliwan ng pagkabata ay ang mga yaong nauugnay sa tahanan, at ang magagandang alaala sa pagtanda ay ang mga yaong tungkol sa pagkabata at ang masasayang karanasan dito.9

Sa tahanan, ang ina ang pangunahing tagapagdisiplina sa murang gulang ng isang bata, at ang kanyang impluwensiya at disiplina ay may malaking bahagi sa kakayahan ng kanyang mga anak na lalaki at babae na gampanan, kinalaunan, ang higit na malaking pananagutan ng pamamahala sa simbahan at bansa.10

Lubos akong umaasa nang tapat na higit na masigasig at maingat na babantayan ng mga ina sa Israel ang buhay ng kanilang mga anak na babae at lalaki. Gagawin ko, kung ito ay nasa kapangyarihan ko, na ang mga ina ay magkaroon ng kagalakan at walang kapantay na kasiyahan na mapalaki ang kanilang mga anak at lalaki at babae sa paraang walang makikitang pagkakamali sa kanila ang mga tao, at ang kasalanan ay walang kapangyarihan sa kanila.11

Ang pag-ibig ng isang tunay na ina ay pinakamalapit na kahalintulad ng pag-ibig ng Diyos.

Walang pag-ibig sa mundo ang makapapantay sa pag-ibig ng isang tunay na ina.… Nadarama ko kung minsan, kung paanong iniibig ng Ama ang kanyang mga anak nang higit sa pagibig ng aking ina sa kanyang mga anak? Iyon ay buhay para sa akin; iyon ay kalakasan; iyon ay nagpapatibay ng loob; iyon ay pag-ibig na nagbubunga ng pag-ibig at pagkagiliw sa aking sarili. Batid kong inibig niya ako nang buo niyang puso. Inibig niya ang kanyang mga anak nang buo niyang kaluluwa. Siya ay gumagawa at nagtatrabaho at nagsasakripisyo sa araw at gabi, para sa kaginhawaan at biyayang temporal na halos hindi niya maibigay, sa pamamagitan ng bunga ng kanyang sariling pagsusumikap, sa kanyang mga anak. Walang pagsasakripisyo ng sarili—ng sarili niyang panahon, o kasiyahan o paglilibang, o mga pagkakataon para makapagpahinga—na isasaalang-alang kahit na sa isang saglit man lang, kapag ihahambing ito sa kanyang tungkulin at sa kanyang pag-ibig sa kanyang mga anak.

Noong ako ay labinlimang taong gulang, at natawag sa isang malayong bansa upang mangaral ng ebanghelyo—o upang matuto kung paano gawin ito, at matutuhan ito para sa aking sarili—ang pinakamatibay na saligan na naitakda sa aking buhay, na siyang nagpanatili sa aking ambisyon at paghahangad, upang gawin akong matiwasay at matatag, ay ang yaong pag-ibig na batid kong mayroon siya para sa akin, siya na nagsilang sa akin sa mundo.

Isang batang lalaking paslit pa lamang, na walang muwang sa pagpapasiya, na walang pormal na pinag-aralan, na inilagay sa gitna ng pinakamalakas na mga pambibighani at tukso na maaaring iharap sa isang batang lalaki o isang tao—gayunman, sa tuwing ang mga tuksong ito ay nagiging kabigha-bighani at katukso-tukso para sa akin, ang unang isipin na bumabangon sa aking kaluluwa ay ito: Alalahanin ang pag-ibig ng inyong ina. Alalahanin kung paano siyang nagsumikap para sa inyong kagalingan. Alalahanin kung gaano siya kahanda na ialay ang kanyang buhay para sa inyong kabutihan. Alalahanin kung ano ang kanyang itinuro sa inyong kabataan.… Ang damdaming ito tungo sa aking ina ay naging pananggalang, isang hadlang sa pagitan ko at ng tukso, kung kayat ako ay nakatatalikod sa tukso at kasalanan sa pamamagitan ng tulong ng Panginoon at ng pag-ibig na sumibol sa aking kaluluwa, sa kanya na batid kong umiibig sa akin higit kaninuman sa mundong ito, at umiibig sa akin nang higit sa sinumang makaiibig sa akin.

… Ang tunay na ina, ang ina na may takot sa Diyos at may pagibig sa katotohanan sa kanyang kaluluwa, ay hindi kailanman lalayo mula sa kapahamakan at kasamaan at iiwanan ang kanyang anak na nakaharap dito. Ngunit likas na gaya ng alipato na umiilanglang sa itaas, kasing likas ng paghinga ng hininga ng buhay, kung mayroon mang panganib na dumarating sa kanyang anak, siya ang papagitna sa pagitan ng kanyang anak at ng panganib na iyon; kanyang ipagtatanggol ang kanyang anak sa abot ng makakaya niya. Ang kanyang buhay ay tila walang halaga kung ihahambing sa buhay ng kanyang anak. Iyan ang pag-ibig ng isang tunay na pagiging ina para sa mga anak.…

Natutuhan kong takdaan ng mataas na pagpapahalaga ang pag-ibig ng ina. Madalas kong sinasabi, at uulitin ko, na ang pagibig ng isang tunay na ina ay pinakamalapit na kahalintulad ng pag-ibig ng Diyos kaysa anupamang uri ng pag-ibig.12

Marahil, ang pinakaganap na halimbawa sa larangan ng pagpapahilom ay ang isang ina na ang magiliw at mapagbigay na pagibig ay nangingibabaw upang pawiin ang kirot ng isang nararapat o hindi nararapat na parusang ipinataw. Ang kanyang pag-ibig ay nagpapahilom sa bawat sugat! Mabilis na nagpapahinto ng sakit ang kanyang paghaplos! Ang halimbawa ng kanyang buhay ang katalinuhan na itinuturo ng pag-ibig.13

Walang anumang bagay sa pagitan ko at ng kalangitan na makapagbabayad sa paggawa ng isang bagay na makapagpapalungkot o makasasakit sa aking ina. Bakit? Sapagkat iniibig niya ako, makakayanan niyang mamatay nang paulit-ulit, kung maaari ang ganito, upang mailigtas lamang ako. Bakit ko siya palulungkutin, bakit ko pasasamain ang loob niya? Bakit tatahak ako sa landas na lihis sa sarili niyang buhay at sa mga turo ng kanyang buhay sa akin, sapagkat tinuruan niya ako ng karangalan, at kalinisan, at katotohanan, at katapatan sa kaharian ng Diyos, at hindi lamang niya ako tinuruan sa pamamagitan ng tuntunin kundi sa pamamagitan ng halimbawa.14

Hindi ko maipahayag ang kagalakan na aking nadarama sa pag-iisip na makikita ko ang aking ama, at ang aking minamahal na ina, na nagsilang sa akin sa gitna ng pag-uusig at paghihikahos, na kumalong sa akin sa kanyang mga kamay at naging matiisin, mapagpatawad, mapagmahal at tunay sa lahat ng sandaling wala pa akong magagawa sa mundo. Sa pag-iisip na makikita ko siya, sino ang makapagpapahayag ng kagalakang iyon?15

Basbasan nawa ng Diyos ang mga ina sa Sion.

Basbasan nawa ng Diyos ang mga ina sa Sion, at ang mga anak ng Israel, at ilayo ang ating mga anak mula sa mga gawi ng daigdig, mula sa kasalanan at tukso na magliligaw sa kanila. Ang kapangyarihan ng Diyos ay pumuno nawa sa sambahayan ng pananampalataya.16

Tinatanaw ko ang mga inang ito sa Israel, na napuspos ng kaloob ng Espiritu Santo, na muling isinilang … ang mga anak na babae ng Israel na ipinanganak sa tubig at sa Espiritu, at sila ay napuspos ng kaloob ng Espiritu Santo, sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga yaong may karapatan na ipagkaloob ang kapangyarihan at ang kaloob na yaon sa mga anak na babae ng Sion, at pati rin sa mga anak na lalaki ng Sion. Naniniwala ako na ang bawat ina ay may karapatang … malaman kung ano ang gagawin niya sa saklaw ng kanyang mag-anak at ng kanyang pananagutan, sa kanyang mga anak, sa pagpapatnubay at paggabay sa kanila; at na ang yaong ina at ang bawat ina na may ganitong diwa ay may kaloob na pahayag, kaloob na inspirasyon at kaloob na kaalaman, na siyang diwa ng propesiya, diwa ng pagkakabatid, isang kaloob ng Diyos sa kanila, upang pamahalaan ang kanilang mga sambahayan at gabayan ang kanilang mga anak sa landas ng katwiran at katotohanan.17

Nadarama ko sa aking puso na nararapat kong basbasan kayo, mga ina at mga kapatid na babae, nang buo kong puso at nang buong lakas at karapatan na natamo ko sa pagkasaserdote alinsunod sa orden ng Anak ng Diyos.… Ako ay may karapatan at kapangyarihan sa pagkasaserdote na basbasan ang Israel, at basbasan, lalung-lalo na ang mga yaong matapat; at nadarama ko sa aking puso na sabihin sa inyong binabasbasan ko kayo.18

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

  • Ano ang hinahangaan ninyo sa paglalarawan ni Pangulong Smith sa kanyang ina? Anu-anong mga katangian ng katwiran ang nakikita ninyong mga halimbawa sa mga ina na kilala ninyo?

  • Bakit ang pagiging ina ay “nakalagay sa saligan ng kaligayahan ng tahanan, at ng kaunlaran ng bansa”? Anu-ano ang “banal na mga tungkulin” ng kalalakihan at kababaihan “tungkol sa pagiging ina”?

  • Paano nakaiimpluwensiya ang ating pagkaunawa sa mga walang hanggang mag-anak sa ating mga kilos at pag-uugali tungkol sa mga ina at sa pagiging ina?

  • Paano maiimpluwensiyahan ng isang ina ang mga isipan at puso ng kanyang mga anak sa katwiran? Paano kayo nabibiyayaan ng impluwensiya ng isang ina sa Sion?

  • Anu-anong mga hamon ang kinakaharap ng mga magulang ngayon sa pagdadala sa kanilang mga anak sa “pagmamahal sa katotohanan, sa pagsunod sa mga kautusan [ng Diyos]”? Paano maaaring pakitunguhan ng mga magulang ang hamon ng ito?

  • Ayon kay Pangulong Smith, anu-anong mga biyayang espirituwal ang mga karapatan ng mga ina na tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo? Paano magagamit ng mga ina ang mga kaloob na ito upang matulungan ang kanilang mga anak na tumahak sa landas ng katwiran?

  • Paano nagiging “panangggalang, isang hadlang sa pagitan [natin] at ng tukso” ang pagmamahal at mga turo ng isang ina?

Mga Tala

  1. Deseret News: Semi-Weekly, ika-5 ng Ene. 1892, 3; idinagdag ang pagtatalata.

  2. Life of Joseph Smith, tinipon ni Joseph Fielding Smith (1938), 452.

  3. Deseret News: Semi-Weekly, ika-5 ng Ene. 1892, 3.

  4. Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 494.

  5. Gospel Doctrine, 288.

  6. “General Conference of the Relief Society,“ Relief Society Magazine, Hunyo 1917, 316.

  7. Deseret News: Semi-Weekly, ika-5 ng Ene. 1892, 3.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1912, 7.

  9. Gospel Doctrine, 300–301.

  10. Gospel Doctrine, 290.

  11. “General Conference of the Relief Society,“ 316–17.

  12. Gospel Doctrine, 314–15.

  13. Gospel Doctrine, 264.

  14. Gospel Doctrine, 463.

  15. Gospel Doctrine, 429.

  16. Sa Conference Report, Abr. 1907, 118.

  17. Talumpati sa tahanan ni A.W. McCune, ika-14 ng Nob. 1913, Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

  18. “General Conference of the Relief Society,” 320.

Larawan
Mary Fielding Smith

Ang sabi ni Pangulong Joseph F. Smith tungkol sa kanyang ina, na si Mary Fielding Smith, “Ang aking ina ay isang Banal … isang babae ng Diyos, dalisay at matapat” (Deseret News: Semi-Weekly, ika-5 ng Ene. 1892, 3).