Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 42: Pagtagumpayan Natin ang Ating Sarili


Kabanata 42

Pagtagumpayan Natin ang Ating Sarili

Ang nagtatagal na kaligayahan ay hindi nagmumula sa pagbibigay-kasiyahan sa ating pisikal na mga naisin ni mula sa mga makamundong kasiyahan, kundi mula sa kabutihan, kadalisayan ng buhay, at pagsunod sa mga batas ng Diyos.

Hango sa Buhay ni Joseph F. Smith

Sa panahon ng kanyang pamamahala mula 1901 hanggang 1918, si Pangulong Joseph F. Smith ay lalong nabahala sa panghihimasok ng makamundong mga impluwensiya sa buhay ng mga Banal sa mga Huling Araw. Hindi siya bulag sa mga makamundong pamamaraan na nakapaligid sa kanya. Napansin niya ang kalaswaan, narinig niya ang kalapastanganan, at namighati siya sa maraming kaugalian ng lipunan na laganap noon. Hinikayat niya ang mga Banal na magkaroon ng kontrol sa sarili sa pagharap sa mga impluwensiyang ito at mamuhay nang malinis, mabuti, at dalisay.

Ang kahalagahan ng kahinahunan ng mga Banal sa mga paglilibang at pagpapalipas ng oras at mga kasamaan ng kalapastanganan, pagsusugal, paninirang-puri, at kahalayan ang siyang mga paksa na kanyang binanggit. Noong Setyembre 1916 ang Unang Panguluhan ay nagpadala ng liham sa mga pantulong na samahan ng Simbahan na nagsasabing “may umiiral na matinding pangangailangan ng pagpapabuti at pagbabago sa ating mga kabataan, lalo na ang tungkol sa pananamit at sa kanilang kaugalian at gawaing panlipunan” at inutusan ang mga organisasyong ito na gumawa ng hakbang upang lumikha ng pagbabago sa mga bagay na ito.1

Habang nagbibigay ng tagubilin sa mga organisasyong ito, kinilala din niya na ang “mga impluwensiya ng tahanan … higit sa lahat, ay dapat na nakatuon sa pagbabago ng asal, pakikisalamuha at pananamit. Ang tahanan ang dapat manguna sa gawaing isinasagawa ng mga organisasyon na pantulong lamang sa tahanan.” 2

Nagbabala siya: “Ang unang kaaway natin ay matatagpuan natin sa ating sarili mismo. Makabubuting gapiin muna ang kaaway na iyon at ipasailalim ang ating sarili sa kagustuhan ng Ama, at mahigpit na sundin ang mga alituntunin ng buhay at kaligtasan na ibinigay sa daigdig para sa kaligtasan ng tao.” 3

Mga Turo ni Joseph F. Smith

Sundan natin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagkontrol sa ating sarili.

Para sa akin ang halimbawang ipinakita sa atin ng ating Tagapagligtas ang siyang halimbawa na dapat nating sikaping sundan. Nagka[mali] ba Siya [sa paggamit] ng Kanyang katalinuhan upang bigyang-kasiyahan ang mga pagnanasa ng laman? O patuloy ba Siya sa paggawa nang mabuti—pinagaling ang maysakit, binigyan ng paningin ang bulag, pinapagsalita ang mga pipi, ibinalik ang pandinig ng mga bingi, nilinis ang mga ketongin, nagpatawad ng kasalanan, nagbigay ginhawa sa nababagabag? Hindi ba’t iyan ang halimbawang ipinakita Niya sa daigdig? Hindi ba’t iyan ang landas na iniutos Niya sa Kanyang mga disipulo na tahakin? Sa palagay ko ay iyan nga. May isang bagay sa gayong landasin na kapuri-puri at dakila. Ito’y magdudulot ng tunay at tumatagal na kasiyahan; samantalang ang mga kasiyahan ng daigdig ay pansamantala lamang at madaling lumipas.4

Walang taong ligtas maliban kung makokontrol niya ang kanyang sarili; at walang panginoon na higit na lulupit o higit na katatakutan kaysa sa hindi-mapigil na pita o silakbo ng damdamin. Matutuklasan natin na kung magpapaubaya tayo sa nagsusumukot na mga pita ng laman at susundin ang mga ito, ang magiging bunga ay napakapait, nakapipinsala at nakalulungkot, kapwa sa tao at sa lipunan. Masakit na halimbawa ito sa iba at masakit din ang epektong dulot nito sa bawat isa; mapanganib at nakasasakit sa hindi maingat; samantalang ang pagkakait sa mga pitang ito … at ang paghahangad sa isang bagay na dakila; hangga’t maaari, ang paggawa ng mabuti sa ating kapwa nilalang, pag-asa sa hinaharap, pagtitipon ng mga kayamanan sa langit, kung saan hindi makapaninira ang tanga at kalawang, at hindi makapanloloob at makapagnanakaw ang mga magnanakaw [tingnan sa Mateo 6:19–20]—ang lahat ng mga bagay na ito ay magdudulot ng walang katapusang kaligayahan; kaligayahan sa daigdig na ito at sa daigdig na darating.5

Para sa akin hindi ko kinatatakutan ang impluwensiya ng ating mga kaaway sa labas, na tulad ng takot ko sa mga kaaway na nasa loob. Ang isang hayagan at kilalang kaaway, na nakikita natin at nakakasagupa sa larangan ng digmaan, ay hindi dapat gaanong katakutan na tulad ng nakakubli, mapanlinlang, at taksil na kaaway na nagtatago sa ating sarili, gaya ng marami sa mga kahinaan ng ating nalaglag na kalagayan bilang tao, na madalas na hinahayaang hindi nasusuri, na nagpapadilim sa ating mga kaisipan, umaakay palayo sa ating pagmamahal sa Diyos at sa kanyang katotohanan, hanggang sa mapanghina ng mga ito ang pinakapundasyon ng ating pananampalataya at maibaba ang ating pagkatao upang hindi na magkaroon pa ng pag-asa ng kaligtasan, maging sa daigdig na ito at sa darating. Ito ang mga kaaway na kailangang labanan nating lahat, ang mga ito ang pinakamatindi nating kalaban sa daigdig, at ang pinakamahirap magapi. Ang mga ito’y bunga ng kamangmangan, na karaniwang nagmumula sa hindi napagsisihang kasalanan at kasamaan sa ating puso mismo. Ang dapat nating gawin ay gapiin ang silakbo ng ating damdamin, lupigin ang mga kalaban na nasa loob ng ating sarili, at tiyakin na ang ating puso ay matuwid sa harapan ng Panginoon, na wala tayong gagawin na makasasakit sa kanyang Espiritu at aakay sa atin palayo sa landas ng ating tungkulin.6

Marami ang maibigin sa kalayawan kaysa mga maibigin sa Diyos. Natutuwa sila sa mga pagnanasa ng laman, pagbibigay-kasiyahan sa kanilang mga pita, na may matinding nakapipinsalang paghahangad, na namumuhay sa kabulukan, kapariwaraan, masayang pagdiriwang at lahat ng uri ng kasamaan. Maraming tao ang hindi alam kung paano magiging maligaya, na hindi alam kung paano gamitin ang mga biyayang ibinigay ng Diyos sa kanila. Kung pag-aari nila ang buong daigdig, gagamitin nila ito upang bigyang-kasiyahan ang kanilang hamak na silakbo na damdamin at pagnanasa, tungo sa kanilang sariling kapahamakan. Ngunit kung taglay nila ang tamang diwa, sisikapin nilang itaguyod ang kapayapaan at kaligayahan ng sangkatauhan at ipaabot ang impluwensiya ng Ebanghelyo ng liwanag at katotohanan sa buong daigdig. Iibigin nila ang kadalisayan, kabutihan, katapatan, kahinahunan at pagiging matwid.7

Ang paglilibang ay hindi ang layunin ng buhay kundi upang magbigay lamang ng kaibahan sa buhay.

Sabihin ninyo sa akin kung ano ang pinakagusto ninyong libangan at kung ang libangang ito ang namamayaning naisin sa inyong buhay, at sasabihin ko kung ano kayo.8

Ang ating mga paglilibang ay dapat magtaglay ng kaiga-igayang kapaligiran sa pakikihalubilo. Dapat nating isaalang-alang ang katangian ng mga taong kahalubilo natin sa mga lugar ng libangan; at dapat umiral sa atin ang pagpapahalaga sa pananagutan natin sa ating mga magulang, sa ating mga kaibigan at sa Simbahan. Dapat nating malaman na ang mga kasiyahan na ating nararanasan ay dapat katanggap-tanggap sa Panginoon.… Ang mga libangan na, kung titingnan mismo ay kaiga-igaya ang kapaligiran, at maaaring angkop at kapaki-pakinabang, ay dapat pa ring iwasan maliban kung ang mga kasama dito ay matatapat at malilinis na tao at ang mga lugar ay kapita-pitagan at pinangangasiwaan nang wasto.

May mga limitasyon ang ating paglilibang at kung lalampas tayo rito ay hindi na tayo magiging ligtas. Ang mga ito ay dapat manmanang mabuti at huwag gaanong dalasan upang maiwasang magmalabis. Ang mga ito ay hindi dapat pag-ukulan ng lahat, ni maging ng malaking bahagi ng ating panahon; tunay na dapat gawin lamang na kaugnay ang mga ito ng mga tungkulin at obligasyon sa buhay, at hindi kailanman dapat gawing layunin o bagay na kumokontrol sa ating inaasahan at minimithi.9

Ang lahat ng labis ay nakapipinsala. Ang kahinahunan ang dapat mamayani sa lahat ng bagay. Ang paglilibang ay hindi ang layunin ng buhay, dapat lamang itong paunlakan upang magkaroon ng kaibahan ang buhay. Kapag nakasanayan na ng mga tao ang palagian o madalas na paulit-ulit na sandali ng kasiyahan, ang tunay na layunin ng pag-iral ng tao ay nalilimutan at ang tungkulin ay nagiging kayamut-yamot at kasuklam-suklam.10

Mamuhay tayo nang malinis, iwasan ang pagmamalabis, at huwag nang magkasala.

Ang kalapastanganan at kalaswaan ay karumal-dumal na kasalanan sa paningin ng Diyos.

Dapat naitng itigil ang kalapastanganan, at kalaswaan, at lahat ng gayong pag-uugali na umiiral sa ating kalipunan; dahil ang lahat ng mga bagay na iyon ay hindi tugma sa ebanghelyo at hindi angkop sa mga tao ng Diyos.11

Ang wika, tulad ng kaisipan, ay gumagawa ng impresyon at nagugunita ng alaala sa paraan na maaaring hindi kanais-nais kung hindi man nakapipinsala sa mga taong napilitang makinig sa masasagwang salita. Ang mga kaisipan na hindi angkop mismo ay maaaring dakilain o maibaba ng wikang gamit upang maipahiwatig ang mga ito. Kung ang magagaspang at masasamang ekspresyon ay iiwasan, ano pa ang magiging kalapastanganan?12

Ang pag-uugaling … kinasasadlakan ng mga kabataan, ang paggamit ng kabastusan o kalapastanganan … ay hindi lamang nakasasakit sa kalooban ng mga taong may-pinag-aralan, kundi karumal-dumal na kasalanan sa paningin ng Diyos, at hindi dapat umiral sa mga anak ng mga Banal sa mga Huling Araw.13

Sinasabi ko sa mga ama at ina ng Israel, at sa mga batang lalaki na isinilang sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw: Sinasabi ko sa kalalakihan at mga batang lalaki sa buong daigdig, na maaabot ng aking pagsasalita—nagsusumamo ako sa inyo, hinihikayat ko kayo na huwag ninyong saktan ang kalooban ng Panginoon, ni saktan ang kalooban ng kagalang-galang na kalalakihan at kababaihan, sa pamamagitan ng paggamit ng kalapastanganan.14

Ang pagnanais na makamtan ang isang bagay nang walang kapalit ay masama.

Sa mga bisyo ng kasalukuyang panahon ang pagsusugal ang siyang karaniwang isinusumpa.… Gayunman, sa maraming uri ng pagbabalatkayo ng kasamaan ng pagsusugal, ito ay tinatangkilik sa tahanan, sa mga makabagong samahan, at sa paglilibang para sa kapaki-pakinabang na pagkakawangga, maging sa mga bakuran ng sagradong gusali.…

Ang pagnanais na makamtan ang isang mahalagang bagay sa kaunting halaga o nang walang kapalit ay masama; at ang anumang pagpapatuloy na nagpapalakas sa pagnanais na iyon ay mabisang tagapagtaguyod sa diwa ng pagsusugal, na napatunayang totoong diyablo ng kapahamakan sa libu-libong tao. Ang pakikipasapalaran sa isang diyes sentimo sa pag-asang manalo nang piso sa alinmang laro ng pakikipagsapalaran ay isang uri ng pagsusugal.15

Ang paninirang-puri ay taliwas sa diwa ng ebanghelyo.

Sa isang liham na kamakailan ko lamang natanggap, ang sumusunod na kahilingan at katanungan ay isinumite para bigyan ko ng opinyon: “Gusto kong bigyan ninyo ng kahulugan ang paninirang-puri. Tila may pagkakaiba ng opinyon tungkol sa kahulugan ng salitang ito. Sinasabi ng iba na basta’t nagsasabi ka nang totoo tungkol sa isang tao, ito ay hindi paninirang-puri, kahit na ano pa ang sinabi mo o kung paano mo ito sinabi. Hindi ba mas mainam, kung alam nating may kamaliang nagawa ang tao, na lapitan siya nang sarilinan at kausapin siya, kaysa lumapit sa iba at ipagsabi ang kanyang mga kamalian?”

Wala nang lalayo pa sa diwa at likas na talino ng ebanghelyo kaysa sa pag-aakalang palagi tayong bibigyang-katwiran sa pagsasabi ng katotohanan tungkol sa isang tao, gaano man ang pinsalang dulot ng katotohanan sa kanya. Itinuturo sa atin ng ebanghelyo ang mahahalagang alituntunin ng pagsisisi, at wala tayong karapatan na siraan ang isang tao batay sa pag-aakala ng kanyang kapwa-tao kapag tunay na siyang nakapagsisi at pinatawad na siya ng Diyos.…

Bilang panuntunan, hindi kailangan na palaging mag-alok ng payo sa mga taong sa palagay natin ay nakagawa ng ilang kamalian. Una, maaaring mali ang ating paghatol, at pangalawa, maaaring kaharap natin ang isang taong puspos ng diwa ng pagsisisi, at taong, batid ang kanyang mga kahinaan, ay patuloy na nagsisikap na mapagtagumpayan ito. Samakatwid, kailangang maging lubos na maingat sa ating pananalita na nagpapahiwatig ng paninisi sa iba. Bilang pangkalahatang patakaran, ang paninirangpuri ay mas madaling makita sa diwa at layunin na siyang dahilan ng pagsasalita natin ng mga bagay na itinuturing nating mga pagkakamali ng iba kaysa sa mga salita mismo.

Ang isang lalaki o babae na taglay ang Espiritu ng Diyos ay kaagad na madarama sa kanyang sarili ang diwa ng paninirang-puri, dahil ang diwa ay nasa mga punang ginagawa sa iba. Kung gayon, ang tanong tungkol sa paninirang-puri, ay malamang na pinakamainam na matutukoy sa pamamagitan ng sinaunang patakaran na, “ang titik ay pumapatay, datapwa’t ang espiritu ay nagbibigay ng buhay.” [II Mga Taga Corinto 3:6.]16

Ang kahalayan ay dapat na hindi sang-ayunan ng lahat ng tao.

Ang kahalayan sa pananamit ay dapat na hindi sang-ayunan ng mga magulang at ng lahat ng disenteng tao. Ang nakakahiyang pagpapakita ng hubog ng tao na hayagang inilalantad sa modernong mga estilo ng pananamit, o kaya’y ng kawalan nang damit, ay palatandaan ng pagkahilig sa laman o pagpapababa ng moralidad at pagguho ng lipunan na nagpadali sa hindi na maibangong pagkawasak ng mga bansa. Huwag hayaang ang maningning na hinaharap ng maluwalhating milenyo ay matakpan ng ulap ng mga kadiliman na binabantaan ng mga kaugalian at kasuotan at dibersiyon ng panahong ito na walang pagpapahalaga sa tamang patakaran.17

Sa aking paningin ang kasalukuyang mga uso ay karumal-dumal, nagpapahiwatig ng kasamaan, na tinatayang gigising sa mahalay na silakbo ng damdamin at pagnanasa, at upang maging sanhi ng kalaswaan, sa mga puso ng mga sumusunod sa uso, at kumukunsinti sa mga ito.… Ito’y ubod nang sama, at inaasahan kong ang mga anak na babae ng Sion ay hindi ibaba ang kanilang sarili sa mga mapinsalang paraan, kaugalian at modang ito, dahil ang mga ito’y nakapagpapababa ng moralidad at kasumpa-sumpa ang epekto ng mga ito.18

Naririnig nating iniuulat, nang paulit-ulit, na sinisira ng ilan … ang kanilang mga garment, sa halip na panatilihing banal at malinis ang mga ito.… Nakikita natin ang ilan sa ating mabubuting kapatid na babae na nagpupunta dito sa templo paminsan-minsan na napapalamutian sa pinaka-uso at kapansinpansin na mga moda na higit kailanman ay nagdulot ng kahihiyan sa banal na katawan ng tao. Tila hindi nila nauunawaan na nagpupunta sila sa bahay ng Diyos.19

Ang maayos na pagsasayaw ay pinahihintulutan sa mga Banal.

Naisip namin na napapanahon na upang ituon ang pansin sa paksa tungkol sa mga sayawan, isang dibersiyon na pinapahintulutan sa mga Banal sa mga Huling Araw, subalit sa ilalim ng ilang patakaran na nararapat na sunding mabuti.… Ang mga nakalalasing na inumin ay dapat ipagbawal sa mga bulwagan ng sayawan at sa paligid nito. Ang mga sayaw na nangangailangan o nagpapahintulot sa pagyayakapan at mahalay na mga kilos … ay dapat na lubusang ipagbawal.20

Ang mga aklat ay mga kasama sa kabutihan o sa kasamaan.

Ang mga aklat ay bumubuo ng isang uri ng pakikisama sa kahit sinong bumabasa, at lumilikha ang mga ito ng damdamin sa puso na maaaring sa mabuti o masama. Kung minsan ang nangyayari ay nagiging napakaingat ng mga magulang sa kung sino ang barkada ng kanilang mga anak at hindi sila nababahala sa mga aklat na kanilang binabasa. Sa dakong huli ang pagbabasa ng masamang aklat ay magiging sanhi ng pagkakaroon ng masasamang kasama.

Hindi lamang ang batang lalaking nagbabasa sa kakaiba, mahiwaga at talagang nakapananabik na literatura ang naaapektuhan ng impluwensiya nito, kundi sa paglipas ng panahon ay maiimpluwensiyahan niya ang iba. Ang literaturang ito ang pinagmumulan ng lahat ng uri ng masasamang mungkahi na nagiging masamang kaugalian at nagdudulot ng hindi pangkaraniwan at nakapagpapababang damdamin na patuloy na gumagapi sa kabutihan na nasa puso ng tao at nagbibigay ng puwang sa masama.… Kapag ang ating mga anak ay nagbabasa ng mga aklat na lumilikha ng kakaiba at hindi pangkaraniwan at hindi kanaisnais na kaisipan sa kanilang isip hindi tayo dapat magtaka kung matuklasan nating nakagawa sila ng mga bagay na hindi pangkaraniwan, kakaiba, o mahiwaga. Sa kaisipan at damdamin natin dapat paglabanan ang mga kasamaan at tukso ng daigdig, at ang pagpapadalisay ng ating kaisipan at damdamin ang dapat na pagsikapang mabuti ng bawat ama at ina.…

May isang kuwento tungkol sa isang Ingles na opisyal na nasa India, na isang araw ay nagpunta sa salansan ng mga aklat upang kunin ang isang aklat. Habang inaabot niya ang aklat ay tinuklaw ng isang ahas ang kanyang daliri. Makalipas ang ilang oras ang daliri ay nagsimulang mamaga. Sa dakong huli ang pamamaga ay umabot sa kanyang bisig, at sa wakas ang buong katawan ay naapektuhan, sa loob ng ilang araw ang opisyal ay namatay. Maraming ahas ang nakakubli sa maraming mumurahin at maruming aklat.… Ang epekto ng mga ito sa ating kaluluwa ay makamandag, at sa paglipas ng panahon tiyak na makalilikha ang mga ito ng moral o espirituwal na kamatayan.… Pag-ingatin ang mga Banal sa mga aklat na pumapasok sa kanilang mga tahanan, sapagkat ang impluwensiya ng mga ito ay maaaring makamandag at nakamamatay tulad ng ahas na naging sanhi ng pagkamatay ng Ingles na opisyal na nasa India.21

Anong uri ng mga tao ba nararapat tayong maging?

Tanging sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas ng Diyos na ang mga tao ay makapananaig sa mumunting kahinaan ng mortalidad at sikaping ipadama ang wagas na pagmamahal na yaon, ang pagkakawanggawa at pag-ibig na yaon, na dapat gumising sa mga puso at hangarin ng mga anak ng tao. Ang ebanghelyo tulad ng pagkapanumbalik nito ay nilayon na magpalaya sa mga [tao], malayang piliin ang mabuti at talikuran ang masama, malayang pairalin ang katatagan sa kanilang pagpili ng mabuti, na kumbinsido silang tama ito, na hindi alintana ang karamihan sa mga tao ng daigdig kung alispustahin man sila ng mga ito at batikusin. Hindi kailangan ang kakaibang katapangan sa panig ng kalalakihan upang lumangoy at sumabay sa agos ng daigdig.22

Pagpapalain kayo ng Panginoon aking mga kapatid. Inirerekomenda namin ang anumang programang itinatag upang itaguyod ang kahinahunan, kabutihan, kadalisayan ng buhay at pananampalataya sa Diyos at pagsunod sa Kanyang mga batas.…

… Anong uri ng mga tao tayo dapat maging; anong uri ng mga indibiduwal tayo dapat maging? Hindi ba tayo dapat magpakita ng halimbawa ng pagiging karapat-dapat sa ating propesyon? Hindi ba tayo dapat na mamuhay nang malinis? Hindi ba tayo dapat na maging matwid, mabuti, matapat, may takot sa Diyos at nagmamahal sa Diyos sa ating mga kaluluwa sa araw-araw ng ating buhay at sa bawat tungkulin kung saan tayo tinawag na kumilos; hindi ba tayo dapat maging halimbawa ng mabuti? Hindi ba tayo dapat maging katulad ni Cristo, tunay na lalaki, tapat sa bawat alituntunin ng Ebanghelyo, at kagalang-galang sa daigdig at sa tahanan … ? Tunay na iyan ang uri ng tao na dapat tayong maging. Dalangin ko na tulungan nawa tayo ng Diyos na maging gayon nga.23

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

  • Sa paanong paraan nagpakita ang Tagapagligtas ng pagkontrol sa sarili? Ano ang “kaaway na matatagpuan natin sa ating sarili”? (Tingnan din sa Mosias 3:19.) Paano natin masusundan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa paggapi sa kaaway na ito?

  • Kailan tayo hindi mga panginoon ng ating sarili, paano natin nasasaktan ang ating sarili at ang iba? Kailan tayo mga panginoon ng ating sarili, paano natin mapagpapala ang iba?

  • Paano nagiging “hindi mapigil na silakbo ng damdamin” ang mga paglilibang na ito sa ating buhay? Paano maaaring ihayag ng mga ito kung ano tayo? Anong papel ang dapat gampanan ng mga paglilibang sa ating buhay?

  • Bakit ang “kalapastanganan at kalaswaan ay karumal-dumal na kasalanan sa paningin ng Diyos”? Kung ang mga nakapaligid sa inyo ay lapastangan, paano ninyo maipaaalam sa kanila na nakasasakit ito sa inyong damdamin?

  • Bakit ang paninirang-puri ay taliwas sa diwa ng ebanghelyo? Ano ang dapat nating gawing hakbang sa halip na magsalita ng tungkol sa mga pagkakamali ng iba?

  • Paano nakahihikayat ng matwid na pamumuhay ang disenteng pananamit? Paanong ang epekto ng ilan sa mga moda sa ngayon ay maaaring “magmungkahi ng kasamaan” at “makapagpababa sa moralidad”?

  • Paano naaangkop ang payo ni Pangulong Smith tungkol sa mga aklat sa mga libangan sa ngayon, katulad ng pagtatanghal sa video, musika, telebisyon, pelikula, magasin, at ang Internet? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 88:118.) Sa paanong paraan kinakailangan ang katapangan kung lalangoy tayo pasalungat sa mga agos ng daigdig”?

  • Paano ninyo sasagutin ang tanong na, “Anong uri ng tao tayo dapat maging”? (Tingnan din sa 3 Nephi 27:27.)

Mga Tala

  1. Sa Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, tinipon ni James R. Clark, 6 na tomo (1965–75), 5:37.

  2. Sa Messages of the First Presidency, 5:40.

  3. Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 253.

  4. Deseret Evening News, ika-8 ng Marso, 1884, 1.

  5. Gospel Doctrine, 247.

  6. Gospel Doctrine, 341.

  7. Deseret News: Semi-Weekly, ika-24 ng Abr. 1883, 1.

  8. Gospel Doctrine, 330.

  9. Gospel Doctrine, 320.

  10. Sa Messages of the First Presidency, 3:123.

  11. Gospel Doctrine, 241.

  12. Gospel Doctrine, 265.

  13. Sa Messages of the First Presidency, 3:112–13.

  14. “A Sermon on Purity,” Improvement Era, Mayo, 1903, 504.

  15. Gospel Doctrine, 326–27.

  16. Gospel Doctrine, 263–64; idinagdag ang pagtatalata.

  17. Sa Messages of the First Presidency, 4:281.

  18. Gospel Doctrine, 332–33.

  19. Gospel Doctrine, 333.

  20. Sa Messages of the First Presidency, 4:280–81.

  21. Gospel Doctrine, 324–25.

  22. Gospel Doctrine, 211.

  23. Sa Messages of the First Presidency, 4:185–86.

Larawan
Ruth and Naomi

Sina Ruth at Noemi, ni Judith Mehr. Nakatagpo si Ruth ng kapayapaan at kaligayahan sa pamamagitan ng pamumuhay nang malinis at pagsunod sa mga batas ng Diyos.