2011
Isang Pangkalahatang Kumperensyang para Lamang sa Akin
Setyembre 2011


Isang Pangkalahatang Kumperensyang para Lamang sa Akin

Nakakatakot ang kinakaharap ko noon, ngunit alam ng Ama sa Langit ang nararanasan ko sa unang Sabado’t Linggo ng linggong iyon ng Oktubre.

Lumaki ako sa isang tahanan kung saan parang pista opisyal ang pag-asam sa mga pangkalahatang kumperensya. Naaalala ko noong dalagita ako na inatasan ako sa Sunday School na pagtugmain ang mga larawan ng mga General Authority sa mga paglabas nila sa telebisyon nang magsalita sila sa kumperensya. Sa aking paglaki, natutuhan kong kilalanin ang mga Kapatid na iyon hindi lamang sa pisikal na anyo kundi maging sa kanilang boses at sa mga mensaheng ibinahagi nila. Noong unang taon ko sa unibersidad, natuwa ako nang imbitahan ang aming institute of religion choir na kumanta sa isang sesyon ng kumperensya sa Tabernacle. Sa madaling salita, sa edad na 20 espesyal na ang naging damdamin ko tungkol sa mga unang Sabado’t Linggo ng linggong iyon ng Abril at Oktubre bawat taon.

Ngunit hindi ko pa lubusang alam kung gaano kahalaga ang pangkalahatang kumperensya para sa aking sarili. Tumanggap ng mga tiket ang aming stake para sa general Relief Society meeting noong Setyembre 2008 sa Conference Center. Sabik akong makasalamuha ang kababaihan sa aming stake, inasam ko ang napakagagandang musika at mga mensahe, at lalo akong napakumbabang maisip na makikinig kami sa mensahe ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan. Nakinig akong mabuti sa bawat salita, masiglang nagtala, at nangakong ipamuhay ang iniutos sa aming gawin. Nadama ko na napakagandang simula ito sa mga pangkalahatang sesyon sa susunod na linggo.

Pagkatapos ay gumuho ang aking mundo. Habang nasa trabaho nang sumunod na Huwebes, tinawagan ako ng aking doktor at ipinaalam sa akin na nakita sa mga pagsusuring ginawa sa akin noong nakaraang linggo na may kanser ako.

Ang sumunod na mga araw ay puno ng pagdududa, takot, pag-aalala, kalungkutan, kawalang-pag-asa, at dalamhati. Halu-halong damdamin ang nadama ko kaya hindi ako makatulog at lagi akong umiiyak. Hindi pa ako natakot nang gayon.

Pagsapit ng Sabado ng umaga, nilayon kong makinig sa kumperensya habang nagtatrabaho. Sa pagiging abala, inasam kong mawala sa aking isipan ang aking problema. Ngunit natagpuan ko ang aking sarili na binibitawan ang labahin at iniiwanan ang mga hugasin sa lababo para tumutok sa telebisyon. Muntik nang tumigil ang tibok ng puso ko nang simulan ni Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol ang unang sesyon sa pahayag na ito: “Hindi natin mahuhulaan ang lahat ng pakikibaka at unos na mangyayari sa buhay, kahit na yaong mga malapit nang mangyari, ngunit bilang mga nilalang na may pananampalataya at pag-asa, nalalaman natin nang walang alinlangan na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay totoo at ang pinakamabuti ay darating pa.”1

Naisip ko, tiyak na ang susunod na paksa ay tungkol sa kalinisang-puri o araw ng Sabbath. Ngunit bawat sumunod na mensahe ay tungkol din sa pag-asa sa mga panahon ng pagsubok!

Payapa ang araw ng Linggo nang magkaisang manalangin at mag-ayuno ang aming pamilya para sa akin. Patuloy akong nakarinig ng mga salitang nagbibigay ng pag-asa katulad ng sinundang araw, at ng nakaaantig na panghuling mensahe sa sesyon sa hapon mula kay Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Pinatototohanan ko na sakop ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang lahat ng pagsubok at hirap na daranasin ng sinuman sa atin sa buhay na ito,” wika niya. “Kung minsan maiisip nating sabihing, ‘Sana alam ninyong nahihirapan ako,’ makatitiyak tayo na nariyan Siya at ligtas tayo sa Kanyang mapagmahal na mga bisig.”2

Marahil ay dahil sa pag-aayuno o mga panalangin o sa mahirap na kalagayan ko, ngunit mula simula hanggang wakas, nadama ko na ito ay sarili kong pangkalahatang kumperensya na ako lang ang naroon para makinig.

Ang sumunod na mga araw, linggo, at buwan ay naghatid ng maraming hamon nang sumailalim ako sa mga pagsusuri, operasyon, chemotherapy, at radiation. Sana’y masabi ko na hindi ako nawalan ng pag-asa sa loob ng 12 buwang iyon. Talagang nawalan ako ng pag-asa. Ngunit sa mga panahong iyon, napalakas din ako ng mga panalangin at pag-aayuno ng ward at mga kapamilya, mga basbas ng priesthood ng aking ama, at ng pananampalataya ng aking ina. Binasa ko ang Aklat ni Mormon nang lubusan sa loob ng unang ilang buwan ng panggagamot, batid na mapapanatag ako sa salita ng Diyos.

Ngunit sa pinakamahihirap na araw, lagi kong binabalikan ang lumang-lumang kopya ko ng Nobyembre 2008 ng Liahona at muling binabasa ang mga salitang nagmula sa isang mapagmahal na Ama sa pamamagitan ng mga inspiradong lingkod at diretso sa aking nangangambang puso. Namangha ako sa pahayag na hindi ko naalalang sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson sa kanyang pambungad na pananalita: “Iniisip ng ating Ama sa Langit ang bawat isa sa atin at ang ating mga kailangan. Nawa ay mapuspos tayo ng Kanyang Espiritu sa pakikibahagi natin sa mga kaganapan nitong ika-178 Ikalawang Taunang Pangkalahatang Kumperensya ng Simbahan.”3

Nagtamo ako ng patotoo sa katotohanang iyon. Inaalala ako ng Ama sa Langit noong katapusan ng linggong iyon ng Oktubre. Alam Niya na kailangan kong umasa sa Kanyang pagmamahal at plano para sa akin. Siya ay nagsalita at ako ay nakinig.

Mga Tala

  1. L. Tom Perry, “Gawin Niya Ito nang Simple,” Liahona, Nob. 2008, 7.

  2. Quentin L. Cook, “Sana Alam Ninyong Nahirapan Kami,” Liahona Nob. 2008, 105.

  3. Thomas S. Monson, “Pagbati sa Kumperensya,” Liahona, Nob. 2008, 6.

Paglalarawan ni Dilleen Marsh