2011
Ako Ba ay Anak ng Diyos?
Setyembre 2011


Espesyal na Bahagi tungkol sa Pansariling Pag-unlad

Ako Ba ay Anak ng Diyos?

Isang talata sa Lumang Tipan ang nagpaunawa sa akin sa aking banal na katangian.

Noong ako ay 21-taong-gulang na estudyante sa kolehiyo, hinanap ko ang katotohanan at tuwang-tuwa akong marinig ang mensahe ng ebanghelyo mula sa mga misyonero. Tinanggap ko ang mensahe nang paunti-unti ngunit buong puso. Sumapi ako sa Simbahan, ngunit ako lang ang tanging miyembro ng pamilya ko na sumapi.

Matapos maging miyembro ng Simbahan nang mga isang taon, natanto ko na mas lumalakas ang aking patotoo araw-araw, ngunit may kulang. Hindi ko alam na ako ay anak ng Diyos.

Totoong tinanggap ko na ang Diyos ang Ama ng lahat. Gayunman, hindi ko naunawaan kung gaano Niya kakilala ang bawat isa sa Kanyang mga nilikha. “Sa lahat ng taong narito sa mundong ito,” tanong ko sa aking sarili, “paano Niya ako makikilala nang personal? Paano Niya ako ituturing na anak? Paano Niya ako mamahalin bilang anak?”

Dahil sa mga tanong na ito sa aking isipan, nanalangin ako sa aking Ama sa Langit. Hindi naglaon, sa pag-aaral ng banal na kasulatan, nabasa ko ang I Mga Cronica 28:9. Sinabi ni Haring David sa kanyang anak, “Ikaw, Salomon na aking anak, kilalanin mo ang Dios ng iyong ama, at paglingkuran mo siya ng sakdal na puso at ng kusang pagiisip: sapagka’t sinasaliksik ng Panginoon ang lahat na puso, at naaalaman ang lahat na akala ng pagiisip: kung iyong hanapin siya, ay masusumpungan siya sa iyo; nguni’t kung pabayaan mo siya, kaniyang itatakwil ka magpakailan man.”

Wala nang ibang talata sa banal na kasulatan na higit na nagpalapit sa akin sa Aking Ama sa Langit kaysa rito. Pinatotohanan nito sa akin na hindi lamang ako anak ng Diyos kundi na kung hahanapin ko Siya, matatagpuan ko Siya. Pinatotohanan nito sa akin ang aking likas na kabanalan. Hindi pa ganap na natatanggap ng puso ko ang ideyang ako ay anak ng Diyos. Inasahan ko na totoo ang mga bagay na ito ngunit hindi ko mapaniwalaan ang kaalaman na may isang Ama sa Langit na gayon katinding magmahal. Hindi ko maunawaan ang isang Nilalang na nakaaalam ng kaibuturan ng aking mga iniisip at minimithi. Hindi ko matanggap ang Kanyang pagmamahal, batid ang aking mga pagkukulang at maraming pagkakamali.

Maraming itinuro sa akin ang banal na kasulatan. Una, si David, na maraming nagawang pagkakamali, ay pinayuhan ang kanyang anak na si Salomon na hanapin ang Panginoon at paglingkuran Siya nang buong layunin. Sa pamamagitan nito matatagpuan ni Salomon ang Panginoon. Nang basahin ko ang mga salitang ito, napukaw ang matinding pagnanais kong magkaroon ng personal na pakikipag-ugnayan sa aking Ama sa Langit. Higit kong nalaman ang mapagmahal na mga paraan ng Ama sa Langit. Alam ko na, tulad nina David at Salomon, masusumpungan ko Siya. Tumitibay ang aming kaugnayan. Binigyan ako ng talatang ito ng pormulang susundin, at nalaman ko na ito ay totoo.

Natuklasan ko na personal akong kilala ng Ama sa Langit. Patuloy kong pinag-aralan ang talatang ito hanggang sa matimo sa aking isipan ang mga katagang “sinasaliksik ng Panginoon ang lahat na puso.” Tuwing babasahin ko ito, ibinubulong ng Espiritu Santo sa puso ko na alam ng Ama sa Langit ang lahat, maging ang “lahat na akala ng pagiisip.” Alam ko na Siya ay hindi lamang aking Lumikha kundi Siya ay aking mapagmahal na Ama at ako ay Kanyang pinakamamahal na anak. Sa wakas ay natanggap ko rin na kilala Niya ako. Alam Niya ang aking mga lihim na iniisip, minimithi, pangarap, hangarin, pangamba, layunin, at, ang pinakamahalaga sa akin, ang aking mga pag-aakala. Kilala Niya ako tulad ng pagkakilala sa akin ng aking mga magulang dito sa lupa ngunit higit pa roon. Sa mga ideyang ito nagkaroon ako ng patotoo na ako ay anak ng Diyos.

Paglalarawan ni Taia Morley