2011
Isang Salita at Isang Aral sa Buhay
Setyembre 2011


Espesyal na Bahagi tungkol sa Pansariling Pag-unlad

Isang Salita at Isang Aral sa Buhay

Ang integridad ay ang ikinikilos ninyo kapag iniisip ninyo na walang nakatingin.

Nakakapaso ang init na 115 degrees F (46˚C) sa labas, tipikal sa isang araw ng tag-init sa bukirin sa Brawley, California, USA. Sinipa ko ang gulong ng malaking trak ng tubig na nasira sa ikatlong pagkakataon sa loob ng apat na araw. Umaasa ako sa trabaho ko tuwing bakasyon para may panggastos ako sa paglilibang, mga uniporme, at kalaunan sa kolehiyo. Kahit mainit, ayaw ko sanang umuwi nang maaga sa trabaho, pero mukhang kailangan kong gawin ulit iyon.

Si David, isang miyembro ng aming ward at kaibigan ng pamilya, ay tumawid mula sa kiskisan para tingnan ang trak. Matapos sabihin sa kanya ang pagkainis ko, natukso akong magsalita ng isang kataga na narinig kong ginamit ng iba nang mainis sila. Bago ko pa talagang sinambit iyon, naisip ko na hindi ko dapat sabihin iyon dahil alam kong mura iyon. Ngunit sa isang iglap, binalewala ko iyon, sa pag-aakalang wala namang makaaalam. Sinambit ko ang kataga, ngunit hindi gumanda ang pakiramdam ko.

Pagtingala ko, sinabi sa akin ni David na kukumpunihin nila ni Itay ang trak kapag nagkaroon sila ng pagkakataon. Samantala, nakakita ako ng ibang gagawin sa natitirang oras sa araw na iyon.

Pagsakay ko sa trak ni Itay pagkatapos ng maghapon, umuwi na kami. Hindi nagtagal nang makarating kami sa kalsada, tiningnan ako ni Itay at binanggit na ikinuwento sa kanya ni David ang reaksyon ko sa pagkasira ng trak, ang pagmumura at lahat. “Sabi ni David, hindi niya inasahang makarinig ng ganoon mula sa bibig ng anak ko,” sabi ni Itay. “Malaki ang respeto niya sa iyo, anak.”

Napayuko ako, at agad na napaluha. Ibinaba ko ang sarili ko sa paningin ng mga tao na ang opinyon ay mahalaga sa akin. Ngunit higit sa lahat, binigo ko ang sarili ko at alam kong gayon din ang Diyos. Natanto ko na iyon ang dahilan kaya hindi gumanda ang pakiramdam ko sa pagsambit ng katagang iyon.

Nangako ako na hinding-hindi na muling sasambitin ang katagang iyon o anumang hindi makasisiya sa Diyos, hindi dahil ayaw kong ikahiya ako ng tatay ko at ni David kundi dahil iyon ang tamang gawin. Nalaman ko na ang integridad ay ang ikinikilos ninyo kapag iniisip ninyo na walang nakatingin.

Paglalarawan ni Steve Kropp