2011
Naging Karapat-dapat Dahil sa Paglilingkod sa Simbahan
Setyembre 2011


Paglilingkod sa Simbahan

Naging Karapat-dapat Dahil sa Paglilingkod sa Simbahan

“Pananagutan ng mga miyembro ng Simbahan ang kanilang sariling espirituwal at temporal na kapakanan,” sabi sa Handbook 2: Administering the Church. “Biniyayaan ng kaloob na kalayaan sa pagpili, sila ay may pribilehiyo at tungkuling tahakin ang landas na kanilang pipiliin, lutasin ang sarili nilang mga problema, at sikaping tustusan ang sariling pangangailangan. Ginagawa ito ng mga miyembro sa inspirasyon ng Panginoon at sa kanila mismong pagtatrabaho” ([2010], 6.1.1).

Ako ay 57 taong gulang noon, kadidiborsyo lang naming mag-asawa, kakaunti ang karanasan ko sa trabaho, at kailangang-kailangan ko ng trabaho. Napalaki ko na ang aking apat na anak, at narito ako’t nag-iisa pagkaraan ng 32 taon ng pagsasama naming mag-asawa na nakapag-aral nang kaunti sa kolehiyo at nangangamba na kailangan ko pang humanap ng trabaho sa edad kong ito.

Naupo ako at naghintay na mainterbyu para sa isang posisyon bilang scheduling and productions specialist sa county library district, habang iniisip na nahihibang ako sa paniniwalang karapat-dapat ako sa gayong posisyon. Kakukumbinsi ko pa lang sa sarili ko na tumayo at umalis nang biglang sabihin sa akin ng secretary na handa na silang interbyuhin ako sa conference room. Kinabahan ako pero tumindig ako, tahimik na nagdasal, at pumunta na sa silid.

Sinabi sa akin ng dalawang mahusay magsalita at propesyonal na mga tao na mahalaga ang karanasan sa ilang aspeto ng posisyong ito at sinimulan nila akong tanungin tungkol sa karanasan ko. Kailangan sa trabahong ito ang isang taong marunong magsaayos ng mga kailangan para sa malalaking kumperensya, kabilang na ang mga pag-aanunsyo, imbitasyon, pagpapakain, at paglilinis. Nasa akin ba ang karanasang kailangan? Inisip kong wala nang biglang pumasok sa isipan ko ang imahe ng isang stake Relief Society conference. Naging tagapayo ako sa stake Relief Society presidency. Mula sa karanasang iyon natuto akong mag-organisa ng malalaking pagtitipon at mamili ng maramihang pagkain para sa malalaking grupo. Tapat kong masasabi na may karanasan ako sa paggawa ng mismong kailangan.

Nagpatuloy ang mga nag-iinterbyu: “Mahusay ka ba sa computer? Makikipag-ugnayan ka sa mga patron at kailangan mong gumawa ng iskedyul ng paggamit ng conference room.” Ang naisip ko lang ay kung gaano kalaki ang pasasalamat ko sa lahat ng taong nagturo sa akin ng paggamit ng computer kaya magagawa ko ang ward bulletin at calendar at maisusulat ang stake newsletter. Oo, mahusay ako sa computer.

“Aasahan kang magbuo ng mga programa at magdaos ng mga klase para sa publiko. Kaya mo bang magturo sa mga bata at matatanda?” tanong nila. Lahat ng homemaking at Cub Scout craft na nagawa ko ay pumasok sa isipan ko. Ipinaliwanag ko na nakapagturo na ako sa mga bata at matatanda sa buong pagtanda ko. Alam kong malikhain ako at tiyak kong makakaisip ako ng nakawiwiling mga programa para sa mga bata at matatanda.

Tuwang-tuwa ako nang tanggapin ako sa posisyon. Minahal ko ang trabaho ko at sinikap kong gawin ito na tulad ng gagawin ko sa isang katungkulan sa Simbahan: pagbubutihin ko ang trabaho ko, lalo akong magsisikap, at hindi magrereklamo tungkol sa overtime. Nagbuo ako ng mga computer class sa Ingles at kumuha ng isang bata pang estudyante para turuan ang mga klase sa Espanyol. Nagturo ako sa mga klase ng arts and crafts at nag-asikaso sa maraming awtor at kilalang mga tagapagsalita. Nagdekorasyon ako ng library sa bawat pista-opisyal at nagdispley ng mga aklat na may kaugnayan dito.

Isang araw may tumawag sa akin sa trabaho, na nagsabing siya ay nagmula sa tanggapan ng gobernador at nais niyang malaman kung magiging interesado ako sa posisyon bilang assistant ng gobernador. Natatawa akong nagtanong, “Sino ito?” Ipinaliwanag niya na legal ang tawag at inanyayahan akong magpunta kinabukasan para mainterbyu. Matamlay akong nagpunta roon sa pag-aakalang biro lang iyon. Hindi pala. Naging maayos ang takbo ng interbyu, at natanggap ako sa trabaho sa oras na iyon mismo.

Sa bago kong trabaho ginamit ko ang mga kasanayang natamo ko sa mga taon ng pagsasalita sa simbahan. Hindi madaluhan ng gobernador ang lahat ng kaganapan kung saan siya inimbitahan; dahil dito, mga tauhan niya ang inasahang humalili sa kanya sa pagsasalita. Lahat ng pagsasalitang iyon sa simbahan at sa pamumuno sa iba’t ibang katungkulan sa pamumuno ay nagbigay sa akin ng karanasang kailangan ko sa pagsasalita sa publiko kasama ng mga senador, matataas na opisyal sa lugar na iyon at sa buong bansa, at mga tanyag na tao. Naglingkod ako bilang assistant ng gobernador sa loob ng pitong taon hanggang sa kapwa na kami magretiro.

Saan kaya ako makakarating kung wala ang malawak na karanasang natamo ko habang naglilingkod sa mga katungkulan sa Simbahan? Lahat ng natutuhan ko bilang lingkod ng Panginoon sa Kanyang Simbahan ay nagbigay sa akin ng buhay na sagana sa mga pagpapala. Hindi ko lamang tinulungan ang iba habang naglilingkod ako, kundi napakabilis din ng aking pag-unlad. Lubos akong nagpapasalamat sa ebanghelyo at matibay ang aking patotoo sa kahalagahan ng paglilingkod sa Simbahan.

Paglalarawan ni Brian Call; Tinatawag ni Cristo sina Pedro at Andres, ni Harry Anderson © IRI