2011
Nangusap ang Espiritu sa Pamamagitan Ko
Setyembre 2011


Nangusap ang Espiritu sa Pamamagitan Ko

Christy Rusch Banz, Utah, USA

Nang matanggap ko ang tawag na maglingkod sa France Toulouse Mission, natuwa akong makapaglilingkod sa ibang bansa at matuto ng bagong wika. Kahit hindi ako nakapag-aral ng French, tiwala ako noon na madali kong matututuhang salitain ang wikang iyon.

Binasbasan ako ng aking stake president ng kaloob na mga wika nang italaga niya ako bilang misyonero. Nakaragdag ang basbas na ito sa tiwala ko na mabilis akong matututong magsalita ng French.

Pagdating ko sa missionary training center sa Provo, Utah, sabik na akong magsimula, ngunit napakumbaba ako noong nasa MTC ako. Nahirapan ako sa pag-aaral sa araw-araw. Nang lisanin ko ang MTC, pakiramdam ko ay kakaunti ang natutuhan kong French. Inisip ko kung kailan darating ang kaloob na mga wika.

Ang unang atas ko sa misyon ay sa isang munting bayan sa katimugang France. Isang hapon, ilang araw pa lang ako roon, naghahanap kaming magkompanyon ng matuturuan sa mga nakakasalubong namin sa daan. Wala akong masyadong nasabi nang kausapin namin ang mga tao—hindi ko sila maintindihan, at hindi nila ako maintindihan.

Nilapitan namin ang isang babae, at nagsimulang magkuwento sa kanya ang kompanyon ko tungkol sa Simbahan. Nakinig sandali ang babae at pagkatapos ay biglang bumaling sa akin at sinabing, “Ano ang masasabi mo?”

Nababahala at desperadong sinikap kong alalahanin ang isang bagay na natutuhan ko. Sa nanginginig na tinig, nagbigay ako ng simpleng patotoo tungkol sa Ama sa Langit at sa Aklat ni Mormon. Nang gawin ko iyon, pinatotohanan sa akin ng Espiritu na ang sinabi ko ay totoo. Hindi ko alam kung may naramdaman ang babae, pero ngumiti siya, muling bumaling sa kompanyon ko, at ipinatuloy rito ang kanyang mensahe.

Natuto ako ng mahalagang aral sa karanasang ito. Nalaman ko na kahit hindi ako mahusay magsalita ng French, maaaring mangusap ang Espiritu sa pamamagitan ko. Nalaman ko na marahil ang basbas na natanggap ko mula sa stake president ko ay totoong isang basbas na makapagsalita sa wika ng Espiritu.

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson: “May isang wika … na karaniwan sa bawat misyonero—ang wika ng Espiritu. Hindi ito natututuhan mula sa mga aklat na isinulat ng mahuhusay na tao, ni hindi ito nakukuha sa pagbabasa at pagsasaulo. Ang wika ng Espiritu ay dumarating sa taong buong pusong naghahangad na makilala ang Diyos at sundin ang Kanyang mga banal na utos. Ang kahusayan sa wikang ito ay nagtutulot sa isang tao na malampasan ang mga balakid, madaig ang mga hadlang, at maantig ang puso ng tao” (“The Spirit Giveth Life,” Liahona, Hunyo 1997, 4).

Makalipas ang ilang taon, may impluwensya pa rin sa akin ang karanasang ito. Hindi ko na kailangang ipangaral ang ebanghelyo sa wikang French, pero kailangan ko ang tulong ng Espiritu kapag hinihilingan akong magturo ng isang aralin o magsalita sa simbahan. Kapag nahihirapan akong sabihin ang gusto kong sabihin, napapanatag ako sa pag-alaala na ang maaaring mangusap ang Espiritu sa puso ng lahat ng anak ng Diyos.