2011
Munting Langit sa Lupa
Setyembre 2011


Munting Langit sa Lupa

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na ibinigay sa Brigham Young University noong Nobyembre 9, 1976. Para sa buong teksto sa Ingles, bumisita sa speeches.byu.edu.

Ang selestiyal na kasal ay nangangailangan ng pamumuhay na lubos na inilaan sa pagkamarapat at mga alituntuning selestiyal, na humahantong sa kaligayahan sa buhay na ito at kadakilaan sa kabilang buhay.

Larawan
Elder Robert D. Hales

Ang kasal sa templo ay naglalarawan ng lugar na pupuntahan ninyo para maisagawa ang isang kasal. Ang selestiyal na kasal ay nililikha ninyo sa pagiging tapat sa mga sagradong tipang ginawa ninyo sa seremonya ng kasal sa templo.

Matapos manumpa, ang selestiyal na kasal ay nangangailangan ng pamumuhay na lubos na inilaan sa pagkamarapat at mga alituntuning selestiyal, na humahantong sa kaligayahan sa buhay na ito at kadakilaan sa kabilang buhay. Kung ipamumuhay natin ang mga batas na nauukol sa selestiyal na kasal, magkakaroon tayo, kasama ang ating asawa at pamilya, ng munting langit sa lupa. At kapag ipinamumuhay natin ang mga batas na iyon, sinusunod natin ang mga batas ding iyon na sinusunod sa langit. Nagsasanay tayo kung paano mamuhay sa piling ng Ama at ng Anak at ng ating pamilya sa darating na mga kawalang-hanggan. Iyan para sa akin ang mensahe sa mundo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Pagpili ng Mapapangasawa

Madalas itanong ng mga miyembro ng Simbahan na walang asawa, “Paano ko matatagpuan ang tamang taong pakakasalan?” Magmumungkahi ako ng isang paraan. Alamin ang antas ng espirituwalidad ng maaari ninyong mapangasawa. Una, kung sila ay miyembro ng Simbahan, sila ba ay aktibo at lubos ang katapatan, o wala silang pakialam o kinakalaban nila ang Simbahan? Pangalawa, kung hindi sila miyembro, nakikinig ba sila sa ebanghelyo at sa mga turo nito, o wala silang pakialam o kinakalaban nila ang Simbahan?

Kung pakakasal kayo sa isang aktibong miyembro sa templo para sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan sa bago at walang-hanggang tipan, magkakaproblema ba kayo? Oo. Malulutas ba ninyo ang mga ito? Oo. Mas maganda ba ang tsansang malutas ninyo ang mga ito at lalakas ang inyong patotoo kaysa kung hindi kayo nakasal sa templo? Oo. Ngunit kung magpapakasal kayo sa isang taong kumakalaban sa Simbahan o walang pakialam sa ebanghelyo, inilalagay ninyo ang inyong sarili sa isang lugar na malalaman ninyo balang araw na kakailanganin ninyong mamili sa pagitan ng taong iyon at ng Simbahan. Napakabigat na responsibilidad niyan.

Kapag pumipili kayo ng mapapangasawa, tiyakin na pareho kayong may hangaring magsama sa ilalim ng selestiyal na kasal, hangaring magkaasawa nang walang hanggan, hangaring magkaroon ng pamilyang walang hanggan, at hangaring mamuhay sa piling ng ating Ama sa Langit.

Pagsunod sa Batas

Nilinaw ng Panginoon na makakasama lamang natin ang ating asawa sa kawalang-hanggan kung susundin natin ang batas. Sa makabagong paghahayag sinabi Niya:

“Ihanda ang iyong puso upang tanggapin at sundin ang mga tagubiling aking ibibigay sa iyo; sapagkat ang lahat ng yaong mayroon ng batas na ito na ipinahayag sa kanila ay kailangang sundin ang gayon din.

“Sapagkat masdan, ipinahahayag ko sa iyo ang isang bago at isang walang hanggang tipan” (D at T 132:3–4).

Bawat miyembro ng Simbahan ay dapat basahin at pag-aralan ang bahagi 132 ng Doktrina at mga Tipan. Natatanto ba ninyo na walang pumapagitan sa Panginoon at sa nagbubuklod kapag nagsasagawa ang huli ng ordenansa ng pagbubuklod? Ito ay isang maganda at nakaaantig na seremonya.

Ang malalim na layunin ng kasal sa templo ay nilinaw ng Manunubos nang sabihin Niyang, “At tungkol sa bago at walang hanggang tipan [ng kasal], ito ay pinasimulan para sa kaganapan ng aking kaluwalhatian; at siya na tumatanggap ng kaganapan nito ay kailangan at dapat na sumunod sa batas, o siya ay mapapahamak” (D at T 132:6).

Sinabi rin ng Panginoon, “Samakatwid, kung ang isang lalaki ay nagpakasal sa isang babae sa daigdig, at pinakasalan niya siya hindi sa pamamagitan ko ni sa aking salita, at siya ay nakipagtipan sa kanya habang siya ay nasa daigdig at siya sa kanya, ang kanilang tipan at kasal ay walang bisa kapag sila ay patay na, at kapag sila ay wala na sa daigdig; samakatwid, sila ay hindi nakatali sa anumang batas kapag sila ay wala na sa daigdig” (D at T 132:15).

Hindi ba natin natatanto na sa Doktrina at mga Tipan sinabi sa atin na maliban kung pumasok tayo sa selestiyal na kasal, hindi natin maaabot ang pinakamataas na antas ng kaluwalhatian sa selestiyal na kaharian (tingnan sa D at T 131:1–4)? Malinaw rin kung ano ang mangyayari sa mga yaong hindi tumanggap kailanman ng mga pagpapala ng kasal sa templo: ang kanilang pagsasama ay hanggang paghiwalayin sila ng kamatayan—napakalungkot isipin.

Ang layunin ng ebanghelyo at ng selestiyal na kasal ay hindi lamang para panatilihin tayong magkasama kundi gawin din tayong karapat-dapat para sa pinakamataas na gantimpala ng ating Ama sa Langit: kadakilaan sa selestiyal na kaharian, maragdagan sa kahariang iyon, at buhay na walang hanggan kasama ang ating pamilya.

Pag-akyat na Magkasama

Ang selestiyal na kasal ay parang pag-akyat sa bundok. Itinatali ninyo ang inyong sarili sa inyong makakasama nang walang hanggan, at inaakyat ninyo ang bundok. Kapag nagkaanak kayo, itinatali rin ninyo sila sa inyo at nagpapatuloy kayo sa paglalakbay. Ang mga tali ay magbibigkis sa lahat ng umaakyat sa bundok, ngunit ang hangin, ulan, niyebe, at yelo—mga hamon ng mundo—ay hahampas sa inyo para ihulog kayo mula sa bundok na iyon.

Paano ninyo mararating ang tuktok? Kung susuko si Inay o si Itay at puputulin ang taling nagbibigkis sa kanila sa isa’t isa at sa kanilang mga anak, malamang na mahulog ang isa sa kanila mula sa bundok at marahil ay mahila pa nila ang iba pang mga kapamilya. Ang buong pamilya ay maaaring mahulog mula sa bundok na iyon at hindi makarating sa walang-hanggang tuktok. Hindi tayo maaaring makipagsapalaran. Lagi nating isipin na bilang mga miyembro ng isang pamilya, nakatali tayo sa isang grupong paakyat sa bundok na sinusubukang makabalik sa piling ng ating Ama sa Langit.

Sabi nga sa isang bantog na kawikaan, “Buhatin mo ako at bubuhatin kita, at magkasama tayong aakyat.”

Ang pagsasama ng mag-asawa ay hindi isang saklay. Hindi ninyo pakakasalan ang isang tao na inaakala ninyong medyo mas mataas kaysa mga anghel at sasandig sa taong iyon pagkatapos. Bagkus, pinahuhusay ninyo ang inyong sarili at ang sarili ninyong mga kaloob at talento. Habang humuhusay kayo, magkasama kayong umuunlad, na sinusuportahan at pinalalakas ang isa’t isa.

Bago kami ikasal ng asawa ko, sinabi ko sa kanya “Alam mo, Mary, palagay ko para maging tagumpay sa negosyo kailangan kong magtrabahong mabuti sa ating bansa at marahil sa buong daigdig. Gusto mo bang sumama sa akin?” Gusto raw niya. Sampung taon matapos kaming ikasal, pinapunta ako sa England, at sumama siya sa akin. Pagkatapos ay nagtungo kami sa Germany at pagkaraan ay sa Spain. Naging iba’t iba ang kanyang bansa, kultura, at salita dahil nakapagpasiya na siya na magkasama kaming magsisikap at uunlad.

Alalahaning tratuhin ang isa’t isa nang may kabaitan at paggalang sa isa’t isa sa kung ano ang inyong pagkatao at kung ano ang nais ninyong kahinatnan.

Naaalala ko ang isang babae sa aming ward ilang taon na ang nakararaan noong bishop pa ako. May problema silang mag-asawa sa kanilang pagsasama. Nang kausapin nila ako, sinimulang hamakin ng babae ang kanyang asawa sa lahat ng mahalagang bagay na kailangang purihin ang isang lalaki para maigalang niya ang kanyang sarili. Ikinuwento niya ang pagkukulang ng asawa bilang ama, ang mga pagkukulang nito sa relasyon nilang mag-asawa, sa pagbuhay sa pamilya, at sa pakikisama.

Tinanong ko siya, “Bakit mo ito ginagawa sa lalaking dapat mong mahalin at suportahan?”

Sagot niya, “Mas mabuting makipagtalo sa taong mahal mo dahil alam mo kung saan siya masasaktan nang husto.”

At seryoso siya roon.

Gayunman, bilang mga Banal sa mga Huling Araw, dapat nating gamitin ang ating kalayaang moral at mga pagkakataong umunlad. Lahat ay may mga kahinaan. Alam ng kaaway kung saan madaling tablan ang inyong mga mahal sa buhay, mga kaibigan, roommate, mga kapatid, at mga magulang. Alam ba ninyo kung saan kayo madaling tablan? Alam ba ninyo ang mga sitwasyong kailangan ninyong layuan at ang inyong mga kahinaan? Ang sekreto ng masayang pagsasama ay ang protektahan ang bahaging madaling tablan at huwag samantalahin ang mga kahinaan ng mga taong kilalang-kilala, pinakamamahal, at sa huli ay masasaktan ninyo nang husto.

“Samakatwid, patatagin ang iyong mga kapatid sa lahat ng iyong pakikipag-usap, sa lahat ng iyong panalangin, sa lahat ng iyong panghihikayat, at sa lahat ng iyong ginagawa” (D at T 108:7). Sa madaling salita, araw-araw ay kailangan ninyong tulungan ang isa’t isa sa inyong pagdarasal at paghihikayat at mga ginagawa.

Naaalala ko ang isang bagong kasal na katatapos lang sa kolehiyo. Binigyan sila ng isang magulang ng isang tahanan; ang isa namang magulang ay binigyan sila ng mga kagamitan at bagong kotse. Ibinigay sa kanila ang lahat sa mundo. Sa loob ng tatlong taon nagdiborsyo sila. Hindi sila nagsikap at nagsakripisyo. Sumandig sila sa isa’t isa at sa kanilang mga magulang na parang saklay, napilay sila, at hindi na lumakas. Hindi nila natutuhan ang mahirap na bahagi. Hindi sila nag-alalang pagsikapang magtagumpay ang kanilang pagsasama. Tiyaking kayo ay magkasamang nagsasakripisyo, nagbabahagi, at lumalakas.

Pagsuporta sa Isa’t Isa

Matapos akong maglingkod bilang elders quorum president, branch president, at bishop sa loob ng limang taon, lumipat kami sa isang bagong ward. Hindi naglaon ay tinawag ang aking asawa na maging Relief Society president. Dumalo siya sa unang pulong niya sa bishop habang habol ko ang dalawa naming maliliit na anak na paroo’t parito sa pasilyo at sa buong paradahan at cultural hall. Iyon ang unang karanasan ko sa paghihintay. Naghintay ako nang isa’t kalahating oras. Paglabas ni Mary sa opisina ng bishop, karga ko ang isang bata at hawak ko ang isa pa. Wala akong lakas ng loob na magsalita, ngunit pinukol ko lang siya ng tingin na nagsasabing, Alam mo ba na pinaghintay mo ako nang isa’t kalahating oras?”

Nagtaas lang siya ng limang daliri at nagsabing, “Limang taon.” Ganyan katagal siya naghintay sa akin. Pagkatapos ay natanto ko na magiging trabaho kong suportahan ang aking asawa sa kanyang tungkulin katulad ng pagsuporta niya sa akin sa mga tungkulin ko noon.

Hinihiling ko sa inyo na huwag sumandig sa inyong asawa na parang saklay kundi maging matatag, palakasin ang isa’t isa, at humingi ng tulong kapag magkasama kayong nanalangin gabi-gabi. Pinatototohanan ko na ang mga sandaling iyon sa buhay ko na ako ay malungkot, nahahapis, o nalulumbay ay mga sandaling ako ay lumilihis, kahit kaunti, mula sa mga turo ng Panginoon. Dalangin ko na nawa’y magkaroon kayo ng tunay na kaligayahan at makahanap ng kagalakan sa selestiyal na kasal na may munting langit sa lupa.

Paglalarawan ni Robert Casey

Kaliwa: paglalarawan ni Matthew Reier; kanan: paglalarawan ni Vernon Wiley © iStockphoto

Kaliwa: paglalarawan ni Matthew Reier; kanan: paglalarawan ni Christina Smith