2011
Mga Pagpapala ng Templo Ngayon at Magpasawalang-hanggan
Setyembre 2011


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Mga Pagpapala ng Templo Ngayon at Magpasawalang-hanggan

Ang pagkaunawa ko sa mga pagpapala ng templo ay lumago nang mag-ibayo ang pangangailangan ko sa mga ito.

Naaalala ko na nakakita na ako ng mga larawan ng templo mula pa noong maliit ako. Bagama’t napakabata ko pa para maunawaan ang mga pagpapala ng templo, alam ko na gusto kong magpunta roon balang-araw. Sa Young Women, nagsimula akong maunawaan ang mga pagpapalang dulot ng templo. Noong panahong iyon hindi gaanong aktibo ang pamilya ko, at araw-araw akong nagdarasal na mabuklod kami bilang isang walang-hanggang pamilya.

Noong taglagas ng 1993, dalawang linggo bago ako nag-18, nagpunta nga ang pamilya ko sa templo. Naaalala ko ang damdamin ko noon sa Provo Utah Temple, na maging walang-hanggang pamilya kasama ang aking mga magulang at kapatid. Nang lisanin ko ang templo sa araw na iyon, akala ko ay naunawaan ko ang mga pagpapalang dulot nito sa akin.

Dalawang taon pagkaraan, sa tag-init ng 1995, nakatakda na akong ikasal, kaya nagpunta ako sa templo para tanggapin ang sarili kong endowment. Napakasarap matanggap ang isa pang pagpapala ng templo! Tatlong araw matapos matanggap ang sarili kong endowment, nabuklod ako sa aking asawa para sa panahong ito at sa buong kawalang-hanggan sa Manti Utah Temple. Natanggap ko ang isa pang pagpapalang hindi ko pa naranasan—kaming mag-asawa ay maaaring maging walang-hanggang pamilya. Muli kong inakala na naranasan ko na ang lahat ng pagpapala ng templo.

Anim na taon matapos kaming makasal, natuklasan namin na lumalaki na ang aming pamilya. Tuwang-tuwa kaming palakihin ang aming anak na lalaki at ituro sa kanya ang ebanghelyo. Ngunit sa ika-24 na linggo ng pagbubuntis ko, isinilang ang aming anak na agaw-buhay. Pagkaraan lamang ng walong linggo nagbalik na siya sa piling ng Ama sa Langit. Habang hawak ko siya sa huling pagkakataon, natanto ko ang isa pang napakagandang pagpapala ng templo: ang aming anak ay isinilang sa loob ng tipan at mapapasaamin magpasawalang-hanggan.

Labingwalong buwan mula nang pumanaw ang aming anak, nakatanggap kami ng tawag mula sa LDS Family Services na nagsasabing nagpasiya ang isang dalaga na ipaampon sa amin ang kanyang sanggol. Dahil alam namin na hindi na kami magkakaroon ng sarili naming mga anak, talagang tuwang-tuwa kami.

Nang mag-anim na buwan ang aming munting sanggol na babae, inasikaso na namin ang papeles sa pag-ampon at dinala siya sa templo upang mabuklod sa amin. Apat na taon pagkaraang maging bahagi ng aming pamilya ang aming anak, pinili kami ng isa pang dalaga na maging mga magulang ng isang sanggol na lalaki. Muli kaming pinagpalang dalhin ang anim-na-buwang sanggol sa templo. Hindi ko kailanman malilimutan ang nadama ko nang makita ko ang aking mga anak, na nakasuot ng puti, sa loob ng templo na kasama naming mag-asawa upang mabuklod nang walang hanggan sa amin.

Natanto ko ngayon na hindi ko naunawaan noon ang lahat ng pagpapalang maidudulot ng templo noong nasa Young Women pa ako o nang mabuklod ako sa aking asawa o kahit noong pumanaw ang aming anak. At kahit na natanto ko ang marami pang pagpapala kaysa noon, nauunawaan ko na ngayon na ang templo ay isang lugar ng mga walang-hanggang pagpapala, mga pagpapalang darating sa atin sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Ang ilan ay maaaring madaling mapasaatin ngayon, at ang iba ay magtuturo sa atin, magpapalakas ng ating patotoo, at tutulong sa atin balang-araw na marating ang ating walang-hanggang tahanan.

Ang templo ay isang lugar ng kapayapaan at kapanatagan, ng kagalakan at panibagong-sigla. Higit kailanman ay nagpapasalamat ako sa templo at nananalangin na kapag nakabalik ako roon, patuloy kong matutuhan at mapahalagahan ang mga pagpapala ng templo.