2011
Ang Kawalang-Hanggan ng Kasal
Setyembre 2011


Mga Klasikong Ebanghelyo

Ang Kawalang-Hanggan ng Kasal

Si Nathan Eldon Tanner ay isinilang noong Mayo 9, 1898, sa Salt Lake City, Utah. Siya ay inorden bilang Apostol noong 1962 at, sa pagitan ng 1963 at 1982, ay naglingkod bilang tagapayo sa Unang Panguluhan sa ilalim ng apat na Pangulo ng Simbahan. Ang sumusunod ay hinango mula sa kanyang mensaheng “Celestial Marriages and Eternal Families,” na ibinigay sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1980. Para sa buong mensahe sa Ingles, tingnan sa conference.lds.org.

Larawan
President N. Eldon Tanner

Isa sa pinakamaliligayang sandali sa buhay ng isang tao ay kapag nag-isip na siyang mag-asawa. … Magandang isipin na sa oras ng kasal karamihan sa mga mag-asawa ay nakasisigurong tama ang kanilang mga pasiya; ngunit kadalasan ay natatapos ang honeymoon, at nagsisimula na ang problema, at nauuwi sa diborsyo ang pagsasama.

Dahil marami ang nagdidiborsyo, naiisip ng ilan na mamuhay sa paraan na matatakasan nila ang tila walang-kabuluhang mga ritwal, nang hindi ikinakasal ng pari o sa iba pang paraang legal. Madalas kong isipin kung gaano ang nalalaman nila tungkol sa layunin ng Paglikha ng daigdig na kanilang tinitirhan at gaano nila sinaliksik ang mga banal na kasulatan upang malaman kung bakit nilikha ng Diyos ang babae at lalaki at pinasimulan ang sagradong ordenansa ng kasal.

Pag-usapan muna natin ang layunin ng Paglikha ng daigdig. Nilinaw sa mga banal na kasulatan na wala nang iba pang layunin ito kundi maglaan ng lugar na matitirhan ng mga anak ng Diyos sa mortalidad at patunayan na sila ay karapat-dapat, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos, na makabalik sa piling ng Diyos na kanilang pinagmulan.

Kasunod ng Paglikha ng daigdig, “Sinabi ng Dios, lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis. …

“At nilalang ng Dios ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae.

“At sila’y binasbasan ng Dios, at sa kanila’y sinabi ng Dios, Kayo’y magpalaanakin, at magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa, at inyong supilin” (Genesis 1:26–28).

Nang likhain ng Diyos ang babae at ibigay siya sa lalaki, sinabi Niya, “Kaya’t iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ang kaniyang ina, at makikipisan sa kaniyang asawa; at sila’y magiging isang laman” (Genesis 2:24).

Oo, ang kasal ay inorden ng Diyos, at kasunod ng unang pagbanggit na iyon sa mag-asawang lalaki at babae, paulit-ulit nating nakikita sa mga banal na kasulatan ang katibayan na ang mga lalaki at babae ay naging mga mag-asawa sa mga seremonya ng kasal na may kasunod na handaan sa kasal. Hindi tayo naparito para lamang “magsikain, magsiinom, at magsipagsaya” (2 Nephi 28:7). Binigyan tayo ng isang daigdig para pamahalaan at pinagbilinang magpakarami at kalatan ito. Nakatutuwang pansinin na sinabi ng Diyos na “magpakarami” at hindi lamang basta “kalatan” ang lupa (tingnan sa Genesis 1:28).

Mahalagang maunawaan natin, gaya ng matututuhan natin mula sa mga banal na kasulatan, na ang Diyos ay walang hanggan, na ang Kanyang mga nilikha ay walang hanggan, at ang Kanyang mga katotohanan ay walang hanggan. Samakatwid, nang ipakasal Niya si Eva kay Adan, ang pagsasamang iyon ay magiging walang hanggan. Ang kasal na inorden ng Diyos at isinagawa sa Kanyang mga banal na templo ay walang hanggan—hindi lamang hanggang kamatayan. Sa Eclesiastes mababasa natin, “Nalalaman ko, na anomang ginagawa ng Dios, magiging magpakailan pa man” (Eclesiastes 3:14).

Nang tanungin ni Cristo si Pedro kung sino Siya, sumagot si Pedro, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay.” Tiniyak ni Jesus kay Pedro na nalaman niya ito sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Diyos Ama at na sa batong ito ng paghahayag ay itatayo Niya ang Kanyang Simbahan. At sinabi Niya, “Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: at anomang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anomang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit” (tingnan sa Mateo 16:15–19).

Nang lapitan ng mga Fariseo si Jesus, na tinutukso Siya, at nagtatanong tungkol sa diborsyo, kabilang sa Kanyang sagot ang sumusunod:

“Hindi baga ninyo nabasa, na ang lumalang sa kanila buhat sa pasimula, ay sila’y nilalang niya na lalake at babae,

“At sinabi, Dahil dito’y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa: at ang dalawa ay magiging isang laman?

“Kaya nga hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Ang pinapagsama nga ng Dios, ay huwag papaghiwalayin ng tao” (Mateo 19:4–6).

Nakasaad sa mga banal na kasulatang ito na ang selestiyal na kasal, na inorden ng Diyos at isinagawa sa pamamagitan ng Kanyang awtoridad sa Kanyang mga banal na templo, ay walang hanggan, at ang mga mag-asawang pinagsama nang ganito ay ibinuklod sa panahon at sa buong kawalang-hanggan, at ang kanilang mga anak ay isinilang sa loob ng tipan ng walang-hanggang ebanghelyo. Sila ay magiging walang-hanggang pamilya alinsunod sa kanilang katapatan. …

Naparito si Jesucristo sa lupa upang ibigay sa atin ang mismong mensaheng iyan—kung sino tayo at ano ang dapat nating gawin. Ibinigay Niya sa atin ang plano ng ebanghelyo tungkol sa buhay at kaligtasan at sinabi na walang ibang pangalan sa silong ng langit na makapagliligtas sa atin (tingnan sa Mga Gawa 4:12). Nasa atin ang ebanghelyong iyon na ipinanumbalik sa mga huling araw na ito, kasama ang buhay na propeta ngayon … upang magsalita para sa Diyos, na siyang paraan ng pakikipag-usap ng Diyos sa tao sa lahat ng panahon. …

Alam ko na sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo at sa pagsunod sa mga utos ng Diyos at sa mga pakikipagtipan natin sa Kanya, magagawang langit ng bawat isa sa atin ang ating tahanan sa lupa habang inihahanda natin ang ating sarili at ang ating mga anak sa pagbalik sa ating Ama sa Langit.

Larawan sa kagandahang-loob ng Church History Library

Sina N. Eldon at Sara Tanner kasama ang kanilang mga anak na babae, bandang 1927. Ang kanilang panlima at bunsong anak na si Helen ay isinilang noong 1931.