2011
Ang Ordenansa ng Pagbubuklod ay Pinag-uugnay ang mga Pamilya Magpasawalang-hanggan
Setyembre 2011


Ang Ating Paniniwala

Ang Ordenansa ng Pagbubuklod ay Pinag-uugnay ang mga Pamilya Magpasawalang-hanggan

Habang narito sa lupa, makagagawa tayo ng mga sagradong tipan (mga pangako) sa Diyos sa banal na templo sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood. Kabilang sa mga tipang iyon ang pagkakataong mabuklod ang mga mag-asawa (makasal nang walang hanggan) at mabuklod ang kanilang mga anak sa kanila. Nangangahulugan ito na kung tutuparin natin ang ating mga tipan sa Panginoon at sa isa’t isa, hindi tayo lubusang mapaghihiwalay ng kamatayan. Ang ordenansa ng pagbubuklod ay mahalagang bahagi ng plano ng ating Ama sa Langit para makapiling natin Siya magpasawalang-hanggan. (Tingnan sa D at T 128:9–10; 132:19.)

Kapag nakagawa na tayo ng mga tipan sa templo para sa ating sarili, matitipon na natin ang kasaysayan ng ating pamilya at makapagsasagawa ng mga ordenansa sa templo para sa yumao nating mga ninuno. Dahil dito ay mapapasakanila ang mga tipan sa templo (tingnan sa D at T 138:29–37).

Ang kapangyarihan ng priesthood na magbuklod ng mga pamilya ay ipinropesiya noong unang panahon (tingnan sa Malakias 4:5–6) at sa makabagong panahon (tingnan sa D at T 2). Inihayag sa dalawang propesiya na ang propetang si Elijah ay “itatanim sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama, at ang mga puso ng mga anak ay magbabalik-loob sa kanilang mga ama” (D at T 2:2).

Ang ipinangakong pagbalik ni Elijah ay natupad noong Abril 3, 1836, sa kalalaang Kirtland Temple sa Ohio, USA, nang magpakita si Elijah kasama ang iba pa at ibigay ang kanyang mga susi ng priesthood kay Propetang Joseph Smith (tingnan sa D at T 110:13–15).

Sa ngayon, may 134 na templo nang gumagana sa buong mundo, kung saan makagagawa ng mga tipan sa Diyos ang karapat-dapat na mga Banal sa mga Huling Araw at mabubuklod nang walang hanggan bilang mga pamilya. Maaari silang bumalik at magsilbing mga proxy para sa yumao nilang mga ninuno, kaya naisasakatuparan ang propesiya na ang mga puso ng mga anak ay mababaling sa mga ama.

Kailangan tayong tumanggap ng ilang tipan at ordenansa upang makabalik sa piling ng ating Ama sa Langit:

  1. Tayo ay bibinyagan at kukumpirmahan (tingnan sa Mateo 3:16–17; Juan 3:5; 2 Nephi 31:5–18).

  2. Ang kalalakihan ay tatanggap ng Aaronic Priesthood at ng Melchizedek Priesthood kalaunan (tingnan sa D at T 128:11).

  3. Sa templo gumagawa tayo ng karagdagang mga tipan na may kaugnayan sa endowment.

  4. Ang mga mag-asawa ay ibinubuklod (ikinakasal) sa templo para sa panahon at sa buong kawalang-hanggan.

  5. Ang mga anak na isinilang sa ibinuklod na mag-asawa ay isinilang “sa loob ng tipan.” Ang mga anak na hindi isinilang sa loob ng tipan ay maaaring ibuklod sa kanilang mga magulang.

  6. Pagkatapos ay inihahanda natin ang mga pangalan ng ating mga ninuno para sa gawain sa templo at isinasagawa ang mga kinakailangang ordenansa para sa kanila sa loob ng templo (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:29; D at T 128:15–16, 24).

Mga paglalarawan nina Laureni Fochetto, John Luke, Craig Dimond, Matthew Reier, at David Stoker; larawan ng Recife Brazil Temple na kuha ni Laureni Fochetto