2011
Pagtawag sa Aking Korum
Setyembre 2011


Espesyal na Bahagi tungkol sa Tungkulin sa Diyos

Pagtawag sa Aking Korum

Pinaglilingkuran ko noon ang isang pamilya sa aking ward, at kinailangan ko ng tulong para magawa ang lahat.

Isang Sabado ng hapon tinawagan ako ng ama ng isang pamilyang hino-home teach ko. “Iniisip ko lang kung mababantayan mo ang mga anak namin habang binibisita namin ni Cindy ang lola niya,” paghiling ni Brother Stevens (pinalitan ang mga pangalan). “Masama ang lagay niya, at palagay namin ito na ang huli naming pagkakataong makita siya.”

Tiniyak ko kay Brother Stevens na kasiyahan kong tumulong. “Salamat naman!” sabi niya. “At kung maaari, pakiayos na rin ang bahay, kasi anibersaryo namin ngayon.”

Pagdating ko, iniwanan ako nina Brother at Sister Stevens ng kaunting noodles na mailuluto sa microwave at isang listahan ng mga gawain sa bahay. Pagkatapos ay umalis na sila. Malakas ang pakiramdam ko na dapat akong gumawa ng higit pa kaysa bantayan lang ang mga anak nila. Mahirap ang araw na ito sa kanila, at gusto kong pagandahin iyon para sa kanila. Ipinasiya kong gawin ang lahat ng gawain sa listahan at higit pa, pati na paghuhugas ng mga pinggan at pagdadamo at pagpapantay ng mga halaman sa daanan.

Kitang-kita naman na hindi ko magagawang lahat iyan at alagaan pa ang tatlo nilang anak sa loob lang ng tatlong oras, kaya naisip ko na dapat kong tawagan ang ilang miyembro ng aking priests quorum. Isa lang ang problema: hindi ako malapit sa mga miyembro ng korum ko. Nagkakasundo naman kami, pero maliban sa Simbahan, hindi kami magkatugma sa maraming bagay. Magkaiba ang pinapasukan naming paaralan, at bihira ko silang makita sa ibang gawain sa labas ng Simbahan. Naasiwa akong tawagan sila para sa isang bagay na katulad nito.

Tinawagan ko ang Young Men president at tinanong ko kung mapapatulungan niya ako sa ilang kabataan. Mahinahon siyang sumagot na tagapayo lang siya at ipinaliwanag niya na dapat kong tawagan si Peter, ang first assistant sa bishop, na may tungkuling tulungan ako sa responsibilidad ko sa priesthood. Iyon mismo ang ipinangamba kong sasabihin niya.

Kabado at medyo atubili, tinawagan ko si Peter at tinanong ko kung puwede siyang magpunta. “Oo naman,” sabi niya. “Narito sina Scott at Kevin, at isasama ko rin sila.”

Sama-sama kaming nagtabas ng damo at nagpantay ng mga halaman sa daanan, naghugas ng mga pinggan, at nag-ayos ng bahay. Umuwi sina Brother at Sister Stevens na patapos na kami.

Ang karanasang iyon ay nagturo sa akin na ang mga priesthood quorum ay nagkakaisa sa pananampalataya kay Jesucristo at sa paglilingkod, magkakaiba man ang mga interes, personalidad, o pinagmulan.

Paglalarawan ni Robert Casey