2014
Tularan si Ammon
Hulyo 2014


Tularan si Ammon

Maraming maituturo sa atin ang bayaning ito mula sa Aklat ni Mormon tungkol sa gawaing misyonero at pagpapaaktibo sa panahong ito.

Larawan
Men with sheep and goats.

Mga paglalarawan ni Dan Burr

Si Ammon ay isang magiting na tao sa Aklat ni Mormon, na kilala sa tapat niyang paglilingkod na kinabilangan ng pagtatanggol sa mga kawan ni Lamoni, na isang haring Lamanita (tingnan sa Alma 17:25–39; 18:1–10). Ang kuwento tungkol kay Ammon, gaya ng maraming iba pang kuwento sa Aklat ni Mormon, ay maraming maituturo sa atin tungkol sa kung paano tumanggap ng mga oportunidad at daigin ang mga hamong kinakaharap natin ngayon.

Isang Makabuluhang Misyon

Natuto si Suzanne E. Tarasevich ng Millville, New Jersey, USA, ng ilang aral mula kay Ammon habang nasa full-time mission sila ng kanyang asawang si Adolf.

“Nang dumating ang malaki at puting sobreng naglalaman ng aming mission call sa aming mailbox,” sabi niya, “tuwang-tuwa kaming mag-asawa. Nag-ayuno at nagdasal kami tungkol sa tawag sa amin na magmisyon. Bagama’t hindi kami nag-alala kung saan kami magmimisyon, gustung-gusto pa rin naming matiyak na magkakaroon kami ng kakayahan na gampanang mabuti ang aming tungkulin.

“Kalaunan nang gabing iyon, kasama ang aming mga anak at apo, binuksan namin ang sobre at binasa ang tawag sa amin na magmisyon sa Poland Warsaw Mission. Habang ginagawa namin ito, nakadama kami ng kapayapaan sa aming puso na ito na nga ang tungkuling nilayon para sa amin. Tuwang-tuwa kaming dalawa.”

Gayunman, pagdating sa mission, nahirapan si Sister Tarasevich na maunawaan kung ano talaga ang kanyang maitutulong. “Agad binigyan ang asawa ko ng mga tungkulin na nagbigay sa kanya ng pagkakataong mamuno na kahit mahirap ay makapagpapaunlad sa kanya,” sabi niya. “Bagama’t pareho kaming hindi marunong magsalita ng Polish, tila hindi magiging problema ang wika sa kanyang paglilingkod.” Sa kabilang banda, sabi ng babae, “Madalas kong madama na wala akong silbi at malayo ako sa kanila. Nagduda ako na magiging makabuluhan ang mga pagsisikap ko sa misyon.”

Kahanga-hangang mga Missionary

Naisip ni Sister Tarasevich ang mga dakilang misyonero sa Aklat ni Mormon. “Sa maraming taon ko bilang guro sa Primary, madalas kong gamitin ang nagbibigay-inspirasyon at nakakaantig na mga kuwento tungkol kay Alma at sa mga anak ni Mosias sa pagtuturo sa mga bata tungkol sa gawaing misyonero. Tuwing naiisip ko ang mga missionary, larawan ng isang malakas at matatag na Ammon ang pumapasok sa aking isipan, at ang tingin ko kaagad sa masisigasig na kabataang missionary sa aming mission ay mga makabagong anak ni Mosias. Pero inisip ko kung kawalan ng pagpapakumbaba para sa isang lolang katulad ko na puti na ang buhok na hangaring maging gayong uri ng missionary.”

Habang nag-iisip siya, sabi niya, isang tinig sa kanyang isipan ang magiliw na nagtanong.

“Ano ang unang tungkulin ni Ammon noon?

“Maging isang tagapaglingkod, alagaan ang mga kawan, at tipunin ang mga tupang nakakalat,” sagot niya.

“Kung gayon, tularan mo si Ammon.”

Handang Maglingkod

Ang mga kaisipang ito ay nagpaunawa kay Sister Tarasevich. “Bigla kong naunawaan kung ano talaga ang dapat kong gawin,” sabi niya. “Natanto ko na kahit hindi ako mahusay magsalita ng wikang kailangan para maituro ang ebanghelyo, naihanda ako ng maraming karanasan sa Relief Society na maglingkod sa iba—na tulungan, hanapin, at mahalin ang mga taong nakadama na sila ay kinalimutan at hindi na kabilang.”

Sinimulan niyang isipin nang may bagong pananaw ang kanyang tungkulin sa mission. “Nalaman ko ang maraming paraan na maaaring madaig ng mga alituntuning nakasentro kay Cristo ang problema ko sa pagsasalita ng wika,” sabi niya. “Nakita ko na kung ano ang magagawa ko para alagaan ang kawan at tipunin ang mga tupang nakakalat.”

Pagkatapos niyon, sabi niya, “ang buhay bilang senior missionary ay naging napakagandang panahon ng pagkatuto at paglilingkod dahil nagkaroon kami ng pribilehiyong makita na binabago at pinagyayaman ng ebanghelyo ang buhay ng mga taong tumanggap nito.” Madalas niyang madama na gusto niyang kantahin ang tinatawag niyang himno ni Ammon: “Masdan, ang aking kagalakan ay lubos, oo, ang aking puso ay nag-uumapaw sa kagalakan, at ako ay nagsasaya sa aking Diyos” (Alma 26:11).

Pagsagip sa mga Tupa

Nakuha ni Peggy Wallace Poll ng South Weber, Utah, ang kanyang mga ideya mula kay Ammon nang atasan siyang magturo tungkol sa pagsagip at pagpapaaktibo sa isang stake priesthood at auxiliary leadership training meeting.

“Sa pagbabasa ng pamilyar na kuwento ni Ammon, may bago akong napansin,” sabi niya. “Alalahanin ninyo, si Ammon ay nagmimisyon sa mga Lamanita. Nabigyan siya ng tungkuling alagaan ang mga tupa ng hari. May kasama siyang iba pang mga tagapaglingkod, at habang inaakay nila ang mga tupa patungo sa Sebus para uminom, ikinalat ng mga magnanakaw ang kawan. Lubhang nakakatakot ito sa iba pang mga tagapaglingkod. Katunayan, ang iba na hinayaan lang na makalat ang mga tupa ay ipinapatay, at tiyak nila na iyon din ang mangyayari sa kanila. (Tingnan sa Alma 17:25–30.)

“Ngunit nakakita ng pagkakataon si Ammon,” sabi ni Sister Poll. “Sinabi niya sa iba pang mga tagapaglingkod na magalak dahil may plano siya. Basahin ang Alma 17:31–33, at makikita ninyo na malinaw itong nakaplano:

  1. Pansinin hangga’t maaga na nawawala ang mga tupa.

  2. ‘[Humayo] nang napakabilis.’

  3. Tipunin ang mga tupa.

  4. Ibalik ang mga ito nang ligtas sa kawan.

  5. Palibutan ang mga ito, panatilihing ligtas, at pangalagaan nang may pagmamahal.”

Sinabi ni Sister Poll na namangha siya kung paano maaaring iangkop sa pagpapaaktibo ang kuwentong ito: “Maaaring ituring ang kuwento ni Ammon bilang simbolo ng mga lider ng Simbahan ngayon, na sumasagip sa mga miyembrong nakakalat. Maraming impluwensya sa mundo, gaya ng mga magnanakaw, na maglalayo sa mga miyembro sa mabuting salita ng ebanghelyo. Dapat tayong maging masigasig at kumilos kaagad kapag nawawala sa kawan ang isa sa Kanyang minamahal na mga anak.”

Binanggit niya ang sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), na, “Umaasa ako, dumadalangin ako, na bawat isa sa atin … ay magpapasiyang hanapin ang mga taong nangangailangan ng tulong, na nasa mapanganib at mahirap na kalagayan, at bigyang-sigla sila nang may pagmamahal patungo sa Simbahan, kung saan naroon ang malalakas na kamay at mapagmahal na mga puso na malugod na tatanggap sa kanila, na aalo sa kanila, magtataguyod sa kanila, at maghahatid sa kanila sa maligaya at kapaki-pakinabang na buhay.”1

Tala

  1. Gordon B. Hinckley, “Reach with a Rescuing Hand,” Ensign, Nob. 1996, 86.