2014
Pamumuno na Katulad ng Tagapagligtas
Hulyo 2014


Paglilingkod sa Simbahan

Pamumuno na Katulad ng Tagapagligtas

Larawan
J. Kirk Richards painting of the Savior helping lift a woman.

Woman Healed, ni J. Kirk Richards

May malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng pinakamasasamang pinuno sa mundo at ng perpektong pinuno, ang Tagapagligtas ng mundo. Ipinaliwanag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985): “Ang mga pinuno sa kasaysayan na may kalunus-lunos na epekto sa sangkatauhan ay naging kalunus-lunos dahil halos wala sila ng mga katangian ng Taong taga-Galilea. Samantalang si Jesus ay di-makasarili, sila naman ay makasarili. Samantalang inalala ni Jesus ang kalayaan, inisip naman nila ang manupil. Samantalang inisip ni Jesus na maglingkod, inisip naman nila ang kanilang katayuan sa buhay. Samantalang tinugunan ni Jesus ang tunay na mga pangangailangan ng iba, ang inalala lang nila ay ang sarili nilang mga pangangailangan at naisin. Samantalang inalala ni Jesus ang pag-unlad ng kanyang mga disipulo, hinangad naman nilang manipulahin ang mga tao. Samantalang si Jesus ay puspos ng habag na may katarungan, madalas naman silang puno ng kalupitan at kawalang-katarungan.”1

Upang magtagumpay bilang mga pinuno sa Simbahan ng Panginoon, kailangan nating tularan ang Kanyang halimbawa. Matutulungan tayo ng sumusunod na mga ideya na maging higit na katulad ni Cristo sa ating pamumuno.

Ang mga namumunong katulad ni Cristo ay naglilingkod “na may matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos” (D at T 4:5), at hinahangad nilang gawin ang kalooban ng Ama sa Langit. Sinabi ng Tagapagligtas, “Bumaba akong mula sa langit, hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin” (Juan 6:38).

Ang mga pinunong katulad ni Cristo ay hindi umaasa sa “bisig ng laman” (2 Nephi 4:34). Mapagpakumbaba nilang ipinagdarasal na sila’y patnubayan. Naghihintay sila sa Panginoon at hinahangad nilang gawin ang Kanyang gawain sa Kanyang takdang panahon at Kanyang paraan sa halip na umasa sa sarili nilang mga talento at kakayahan.

Ang mga pinunong katulad ni Cristo ay hindi naghahangad ng katungkulan sa Simbahan; itinuturing nila ang mga tungkulin na mga pagkakataon upang maglingkod, hindi bilang pagtaas ng katungkulan. Ni hindi nila itinuturing na pagbaba ng posisyon ang pag-release sa kanila. Ang pag-release ay bahagi na ng lahat ng tungkulin.

Ang mga pinunong katulad ni Cristo ay mga lingkod; tinutulungan, tinuturuan, at hinihikayat nila ang kanilang mga pinaglilingkuran. Hinahangad nilang pagpalain ang iba, tulad ng ginawa ng Tagapagligtas: “Hindi siya gumagawa ng anumang bagay maliban na lamang kung para sa kapakanan ng sanlibutan” (2 Nephi 26:24). Nakikita nila ang kanilang sarili bilang mga kinatawan ng Panginoon na tumutulong sa iba na makabalik sa Kanya.

Hinahangad ng mga pinunong katulad ni Cristo na tulungang umunlad ang iba. Itinuro din ni Pangulong Kimball:

“Sapat ang tiwala ni Jesus sa kanyang mga alagad kaya’t ibinahagi niya ang kanyang gawain sa kanila upang sila ay umunlad. Iyan ang isa sa pinakamagagandang aral ng kanyang pamumuno. Kung tatanggihan natin ang tulong ng iba para matapos nang mas mabilis at mahusay ang isang gawain, maaaring matapos nga ito, pero wala ang pag-unlad at paghusay ng mga tagasunod na siyang napakahalaga. …

“Binigyan ni Jesus ng mga katotohanan at tungkulin ang mga tao na tugma sa kanilang kakayahan. Hindi Niya sila binigyan ng higit pa sa makakaya nila, ngunit binigyan Niya sila ng sapat para pag-ibayuhin ang kanilang espirituwalidad.”2

Inilarawan ni Propetang Joseph Smith kung paano niya pinamunuang mabuti ang mga tao: “Tinuturuan ko sila ng mga wastong alituntunin, at pinamamahalaan nila ang kanilang sarili.”3 Ito ang pinakadiwa ng pamamaraan ng Panginoon sa pamumuno.

Mga Tala

  1. Spencer W. Kimball, “Jesus: The Perfect Leader,” Ensign, Ago. 1979, 7.

  2. Spencer W. Kimball, “Jesus: The Perfect Leader,” 6.

  3. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 331.

  4. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Lorenzo Snow (2012), 172–73.

  5. Tingnan sa Thomas S. Monson, “Duty Calls,” Liahona, Hulyo 1996, 42.