2014
Sampung Payo para sa mga Magulang ng mga Young Adult
Hulyo 2014


Sampung Payo para sa mga Magulang ng mga Young Adult

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Sa kabila ng mga hamon ng mundo ngayon, patuloy na mababasbasan ng mga magulang ang kanilang mga anak na young adult sa pagbibigay ng matwid na suporta at patnubay.

Larawan
A father and son standing together outdoors. The son has his arm on his father's shoulders.

Nang tulungan naming mag -asawa ang aming mga anak na lumipat sa dormitoryo ng kolehiyo o pumasok sa missionary training center, nakadama kami ng magkahalong lungkot at ginhawa na isipin na sa wakas ay “tapos” na rin sila—at kami—sa aming mga obligasyon. Gayunman, kalaunan ay natanto namin na kasabay ng pagkakaroon ng bagong kahusayan at kalayaan, naharap ang aming mga anak sa iba pang mga hamon sa buhay. Kahit wala na talaga kaming kontrol sa kanilang buhay, ang kanilang pangangailangan sa aming suporta—isang kakaibang uri ng suporta—ay talagang nadagdagan.

Mga Hamon sa Panahong Ito

Narito ang ilang hamong kinakaharap ng mga young adult sa mundo ngayon, pati na ang mga tanong ng mga magulang dahil sa mga hamong iyon.

Mas matagal makapag-asawa. Ang kalakaran sa lipunan tungkol sa pagsisimula ng pamilya kapag mas matanda na ay maaaring magpadama sa ilang young adult na sila ay mga bata pa. Ang iba ay namomroblema sa pag-iisip kung makapag-aasawa o magkakaanak pa sila. Bilang mga magulang, paano natin sila higit na matutulungang magkaroon ng walang-hanggang pananaw?

Hindi matatag sa aspetong pinansyal. Maaaring marami sa mga young adult ngayon ang hindi makapantay sa kabuhayan ng kanilang mga magulang. Maaaring nahihirapan silang makakuha ng trabaho—kahit tapos sila sa kolehiyo—o matustusan ang pamilya. Bilang mga magulang, dapat ba natin silang tulungan sa kanilang kabuhayan, o isipin natin na mas uunlad ang ating mga anak kapag nilutas nila ang sarili nilang problema sa pera?

Napakaraming pagpipilian. Ang mga young adult ngayon ay maaaring mas maraming iba’t ibang propesyong pagpipilian. Ngunit lahat ng pagpipiliang iyon ay tila nakakalito kung minsan. Paano matutulungan ng mga magulang ang mga anak na sapat na ang gulang na pag-aralan ang mga pagpipilian ngunit magpasiya ring pumili ng kasiya-siyang propesyon?

Nakikitira sa mga magulang. Mag-asawa man sila o hindi, dumarami ang mga young adult na edad 18 hanggang 34 na nakikitira sa kanilang mga magulang. Kapag nakitira sa kanilang mga magulang ang mga anak na nasa hustong gulang na, paano mapagpapasiyahan nang wasto ng mga magulang ang mga bagay-bagay na tulad ng sino ang magbabayad ng mga groseri at paano didisiplinahin ang mga apo?

Pagiging aktibo sa Simbahan. Sa panahong ito, ang mga young adult sa lahat ng relihiyon ay mas malamang na hindi maging aktibo sa simbahan kaysa noong nakaraang henerasyon. Bilang mga magulang paano natin mahihikayat ang ating mga anak na nasa hustong gulang na manatiling aktibo sa Simbahan? Paano natin sila espirituwal na masusuportahan kahit piliin nilang hindi maging aktibo sa Simbahan?

Mga Gabay para sa mga Magulang

Kahit maaaring mas mahusay sa atin ang ating mga anak na nasa hustong gulang na sa ilang kakayahan o gawain, kailangan at marapat pa ring suportahan natin silang magtagumpay sa mundo. Narito ang 10 payo na isasaalang-alang.

  1. Alamin kung ano ang nais at hilig ng inyong mga anak. Sa halip na sabihin sa inyong mga anak na young adult kung paano makakamtan ang iniisip ninyongkailangan nila, tanungin sila tungkol sa kanilang mga pinahahalagahan, mithiin, at pangarap. Maaari silang magpaturo sa inyo kung paano makakamtan ang mga ito. Kung gagawin nila ito, gawing gabay ang kanilang mga pangarap sa inyong pag-uusap. Talakayin kapwa ang mga positibo at negatibong aspeto ng anumang paplanuhin ninyo, humiling ng patnubay sa panalangin, at patuloy siyang kausapin. Kung hindi nila alam ang gusto nila, hikayatin silang makipagkita sa isang guidance counselor, kumuha ng mga test na magpapaunawa sa kanila kung saang kurso sila interesado, o magtrabaho o magboluntaryo para magkaroon sila ng karanasan.

  2. Mapanalanging pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 121:34–46. Ang mga talatang ito ay angkop na angkop sa mga ina at ama. Nagtuturo ito ng mga tamang alituntunin kung paano bibigyan ng matwid na patnubay ang ating mga anak na sapat na ang gulang.

  3. Makipagkilala sa maraming young adult. Maaaring malaman ninyo na interesado rin ang mga anak ng ibang tao kung paano kayo namuhay noong kayo ay nasa edad 20s at 30s. Gustong malaman ng mga young adult kung paano binalanse ng mga nakatatanda ang kanilang mga prayoridad, pinili ang kanilang propesyon, o nakilala ang kanilang asawa. Kapag nakisalamuha kayo sa mga young adult na ito, mas mauunawaan ninyo ang mga hamong kinakaharap ng kanilang henerasyon.

  4. Tulungan silang makita ang kanilang mga talento. Ang pagtulong sa mga young adult na tuklasin ang kanilang mga talento at interes ay makakatulong sa kanila na makinita ang magandang kinabukasan nila. Bigyang-diin na bihirang masiyahan ang mga tao sa anumang bagay hangga’t hindi nila ibinibigay ang lahat ng kaya nila para maging mahusay. Maging ang mga taong maraming talento ay kailangang mag-ukol ng panahon na mapagbuti ito para magtagumpay.

  5. Magtiwala sa kanilang mga desisyon. Hindi nito ibig sabihin na maniwala kayo na laging tama ang kanilang ipapasiya. Ibig sabihin nito ay magtiwala kayo na makakabangon sila mula sa pagkakamali, na ang Diyos ay mapagpatawad, at ang buhay ay maaaring maging lubos na makabuluhan kahit lakip nito ang pagdaig sa kabiguan o pagtitiis sa mga pagsubok. Ang maliliit na anak ay maaaring magkaroon ng trauma, ngunit ang mga young adult ay mas tumatatag sa pagdaig sa mga balakid sa halip na iwasan ito. Bigyan sila ng emosyonal at praktikal na suporta, hikayatin silang kalimutan muna ang problema, manalanging kasama nila at ipagdasal sila, at magpatawa nang kaunti.

  6. Purihin sila sa kanilang mga pagsisikap. Ang pagpuri sa kasipagan at katatagan ng mga young adult ay tumutulong sa kanila na magtiyaga pa sa gawain, harapin ang iba pang mga hamon, at mas masiyahan sa kanilang ginagawa. Nakasaad sa pormulang ibinahagi ni Pangulong Thomas S. Monson na, “Magtatagumpay ka kapag nagtrabaho ka ngunit kapag nangarap ka lang wala kang mapapala.”1

  7. Maghangad ng Inspirasyon. Tinutulungan tayo ng ating mga panalangin at pananampalataya na hayaang baguhin tayo ng Diyos. Isang babaeng kakilala ko ang nag-alala tungkol sa mga palabas sa TV na pinapayagan ng kanilang mga anak na nasa hustong gulang na panoorin ng kanilang mga anak. Nadama niya na nagpapakita ng kawalang-paggalang at pag-aaway ang mga palabas, kahit itinuturing na angkop ang mga ito sa edad ng mga bata. Dahil ayaw makialam, paulit-ulit niyang ipinagdasal at ipinag-ayuno kung ano ang kanyang gagawin o sasabihin. Isang umaga tumawag ang kanyang manugang na babae para humingi ng payo kung paano lulutasin ang kawalang-paggalang at pag-aaway ng kanyang mga anak. Ikinuwento ng kaibigan ko ang napuna niya sa mga palabas sa TV, isang impluwensyang hindi napansin kailanman ng kanyang manugang na babae. Kinausap ng bata pang mga magulang ang kanilang mga anak tungkol sa isyu. Nagkasundo silang gumawa ng mga pagbabago, at gumanda ang pagsasamahan sa tahanan.

  8. Mag-usap tungkol sa pera. Iniisip ang inyong sariling sitwasyon at edad ng bawat anak, mapanalanging magpasiya kung anong tulong pinansyal, kung mayroon man, ang ibibigay sa inyong mga anak. Marahil kailangan lang nila ang tulong ninyo sa paggawa ng badyet. Kung bibigyan ninyo sila ng pinansyal na tulong, linawin sa simula pa lang kung nais ninyong pabayaran sa kanila ang pera o gamitin ito sa partikular na paraan. Pagkatapos ay masayang ibigay sa kanila ang responsibilidad na tipirin ang kanilang pera at matuto sa mga pagkakamali, kabilang na ang pagtitiis na wala silang panggastos kinabukasan kapag sumobra ang paggastos nila ngayon.

  9. Maging mapagpakumbaba. Kapag nadama ninyo na gusto ninyong sisihin ang sarili ninyo sa inyong mga pagkakamali bilang magulang, sikaping mas magpakumbaba sa halip na isiping napahiya kayo. Magiliw na humingi ng paumanhin, sabihin ang gagawin ninyo para magpakabuti, at pagkatapos ay sumulong nang may tiwala. Hayaang maunawaan ng inyong mga anak sa pagmamasid sa inyo na maaayos ang mga pagkakamali, na ang paghingi ng paumanhin ay hindi tanda ng kahinaan, at ang pagpapatawad sa iba at sa ating sarili ay nagdudulot ng kapayapaan.

  10. Sukatin ang tunay na tagumpay. Kapag labis tayong nagtuon sa panghuhusga sa iba dahil sa mga pasiya ng ating mga anak (mabuti man ito o masama), nawawala ang tuon natin sa layunin, at madalas ay lumalayo sa atin ang Espiritu. Alalahanin na ang ating tagumpay bilang mga magulang ay hindi nakikita sa kung gaano kahusay naipamuhay ng ating mga anak ang ating mga pinahahalagahan kundi kung paano natin patuloy at walang kasakimang ipinamumuhay ang mga ito.

Habang mapanalangin nating iniisip ang mga pangangailangan at personalidad ng bawat isa sa ating mga anak na young adult, matutulungan tayo ng Espiritu na gabayan sila nang walang pamimintas, suportahan sila nang sapat, at bigyan sila ng laya nang hindi sila tinatalikuran. Kapag ginawa natin ito, magtitiwala ang ating mga anak na young adult na nasa panig nila tayo at ang Panginoon.

Tala

  1. Thomas S. Monson, “Great Expectations” (Church Educational System fireside para sa mga young adult, Ene. 11, 2009), 6; speeches.byu.edu.