2015
Family Home Evening—Magagawa Ninyo Ito!
Abril 2015


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Family Home Evening—Magagawa Ninyo Ito!

Anuman ang kalagayan ng inyong pamilya, mapagpapala at mapapalakas kayo ng family home evening.

Larawan
composite of older photo and paint brushes with paint on them.

Mga makasaysayang larawan sa kagandahang-loob ng Brigham Young University; larawan ng pintura ng iStock/Thinkstock

Isang ama ang umuwing pagod matapos ang maghapong trabaho at nakita ang kanyang pamilya na mga pagod rin at maiinit ang ulo. Lunes ng gabi iyon, at tila imposibleng magdaos ng family home evening. Matapos manalangin na matulungan, nagpasiya ang ama at ina na gawing simple ang mga bagay-bagay. Tinipon nila ang kanilang pamilya, kumanta ng himno, at magkakasamang nanalangin. Binigyan nila ang bawat isa ng isang maliit na kandila na sisindihan habang nagkukuwento sila ng tungkol sa isang bagay na nagpasigla sa kanila kamakailan. Sa isang madilim na silid, ang liwanag ng kandila ay nagbigay-inspirasyon at natuon dito ang atensyon ng mga bata. Habang ibinabahagi ang mga patotoo, nakadama sila ng kapayapaan at pagmamahal sa tahanan. Tinapos ng pamilya ang gabi na nagpapasalamat na nakapagdaos sila ng family home evening.

Alam ba ninyo na ang family home evening ay 100 taon nang programa ng Simbahan? Noong Abril 1915, tinagubilinan ng Unang Panguluhan ang mga miyembro na maglaan ng isang gabi bawat linggo para sa pagdarasal ng pamilya, musika, pag-aaral ng ebanghelyo, mga kuwento, at mga aktibidad. (Tingnan sa pahina 80 para sa sipi mula sa liham ng Unang Panguluhan.) Patuloy tayong pinapaalalahanan ng mga propeta tungkol sa kahalagahan ng family home evening. “Hindi natin dapat kaligtaan ang inspiradong programang ito,” sabi ni Pangulong Thomas S. Monson. “Magdudulot ito ng espirituwal na pag-unlad sa bawat miyembro ng pamilya, at tutulungan siyang labanan ang naglipanang mga tukso.”1

Narito ang ilang bagay na dapat isaisip kapag ginawa ninyong bahagi ng inyong linggo ang family home evening:

Ito ay para sa akin. “Ang family home evening ay para sa lahat,” sabi ni Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol.2 Lahat tayo—may-asawa o wala, may mga anak o wala—ay makapaglalaan ng oras para mapalakas ang pamilya at matutuhan ang ebanghelyo.

Makapaglalaan ako ng oras. Ang Simbahan ay nagpakita ng halimbawa sa pamamagitan ng hindi pagdaraos nito ng mga aktibidad tuwing Lunes ng gabi. Maipapakita ninyo sa Panginoon at sa inyong pamilya na handa kayong maglaan ng oras para sa bagay na pinakamahalaga.

Mahahanap ko kung ano ang epektibo para sa aking pamilya. Kung ang inyong pamilya ay nakatira sa magkakaibang lugar, subukan ang “family online evening” para makausap ang kapamilya online o sa telepono. May umuuwi ba nang gabing-gabi na mula sa trabaho? Magdaos ng “family park evening” malapit sa trabaho kapag break time o oras ng pahinga. Isang diborsiyadong ama ang nagbibigay ng “family letter evening” tuwing Lunes, sumusulat sa kanyang mga anak na nakatira sa malayo.3 Ang mga hadlang ang naghihikayat sa atin na lalo pang maging malikhain.

Makakapagsimula ako sa linggong ito. Ang family home evening ay maaaring iorganisa ayon sa mga pangangailangan at kalagayan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi para sa lahat:

  • Magsimula at magtapos sa panalangin.

  • Gumamit ng musika, pati mga himno at awitin sa Primary.

  • Matuto mula sa mga banal na kasulatan at sa mga makabagong propeta.

  • Isama ang iba’t ibang pisikal na aktibidad, mga proyekto sa paglilingkod, at mga gawaing nakasentro sa ebanghelyo linggu-linggo.

  • Magkatuwaan! Maglaro o maghanda ng miryenda.

  • Gawin ito palagi. Kung hindi ninyo ito magagawa sa araw ng Lunes, maghanap ng araw na magagawa ito.

Gusto ko ng mga pagpapala. Ang mga propeta ay nangako na kung makikibahagi tayo sa family home evening, malaking pagpapala ang ibubunga nito: Ang pagmamahalan at pagsunod sa tahanan ay lalo pang mag-iibayo. Lalakas ang pananampalataya sa puso ng mga kabataan. Ang mga pamilya ay “magtatamo ng [lakas] na labanan ang kasamaan at mga tukso” na nakapalibot sa kanila.4

Bagama’t ang inyong mga family home evening ay hindi perpekto sa tuwina, ang inyong pamilya ay mapapalakas at mapagpapala ng inyong mga pagsisikap. “Bawat family home evening ay isang hagod ng pinsel sa canvas ng ating kaluluwa,” pagtuturo ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Walang iisang pangyayari na magmumukhang kaakit-akit para hangaan nang husto o manatili sa alaala. Ngunit tulad ng mga hagod ng pintura … na bumagay sa isa’t isa at lumikha ng kahanga-hangang obra-maestra, gayundin na hahantong sa makabuluhang espirituwal na mga bunga ang palagian nating paggawa ng tila maliliit na bagay.”5

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, “Mga Di-Nagbabagong Katotohanan sa Pabagu-bagong Panahon,” Liahona, Mayo 2005, 19.

  2. L. Tom Perry, “Therefore I Was Taught,” Ensign, Mayo 1994, 38.

  3. “Family Home Evening: Any Size, Any Situation,” Ensign, Dis. 2001, 42.

  4. Unang Panguluhan, sa James R. Clark, tinipon, Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 6 na tomo (1965–75), 4:339.

  5. David A. Bednar, “Mas Masigasig at Mapagmalasakit sa Tahanan,” Liahona, Nob. 2009, 19.