2015
Ang Pangako Niya na sa Tuwina
Abril 2015


Ang Pangako Niya na sa Tuwina

Robyn Casper, Utah, USA

Larawan
drawing of a broken bike

Mga paglalarawan ni Bradley H. Clark

Habang nakaupo ako sa sacrament meeting na pinagbubulayan ang panalangin sa pagbabasbas ng tinapay, paulit-ulit ang mga salita niyon sa aking isipan: “nang sa tuwina ay mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila” (Moroni 4:3; D at T 20:77).

“Sa tuwina,” sabi roon—hindi lamang sa ilang pagkakataon. Kung gayon, bakit ilang buwan bago iyon, hindi ipinahiwatig sa aming mag-asawa kung paano poprotektahan ang aming 11-taong-gulang na anak na lalaki bago siya namatay sa isang aksidente nang mabangga siya ng isang kotse habang nagbibisikleta? Bakit hindi tayo poprotektahan at babalaan ng Ama sa Langit “sa tuwina”?

Naturuan ako sa Primary at naniwala ako na poprotektahan tayo ng Espiritu Santo. Gagamitin Niya ang marahan at banayad na tinig para tayo protektahan, gabayan, at balaan sa oras ng panganib. Naisip ko na ito simula nang pumanaw si Ben. Nangulila ako nang husto sa kanya, at nagnasa ang puso ko ng pag-unawa at kapayapaan.

Nasaan ang tinig na nagbababala sa akin? Nasaan ang Espiritu Santo? Nadama ko naman na ginagawa namin ang lahat para maging mabuti. Nagbabayad kami ng aming ikapu, dumadalo sa aming mga miting, at naglilingkod tuwing hihilingan kami. Hindi kami perpekto, pero nagdaraos kami ng family home evening at nag-aaral ng mga banal na kasulatan. Nagsisikap kami.

Sa panahong ito ay nakaupo ako sa isang klase sa Relief Society nang magkuwento ang guro tungkol sa isang malapit na kamag-anak. Habang naghihintay sa stoplight, malinaw na nadama ng kamag-anak na dapat siyang manatili sa kanyang kinaroroonan kapag nag-green ang ilaw. Sinunod niya ang paramdam, at sa isang iglap isang malaking trak ang rumagasa sa intersection, kahit naka-red light pa. Kung hindi niya pinakinggan at sinunod ang tinig na iyon, maaaring nasaktan o namatay pa sila ng kanyang mga anak.

Naapektuhan ako sa kuwentong ito, pero habang nakaupo ako sa silya na umiiyak at naghahandang tumayo at lumabas ng silid, nakadama ako ng malaking kapanatagan. Nadama ko ang kapayapaan na totoong sinamahan ako ng Espiritu Santo. Sa sitwasyon ko hindi Siya naparoon para balaan ako kundi para panatagin ako.

Mula nang maaksidente si Ben, nakadama na ako ng lakas na higit pa sa taglay ko at napanatag ako sa pagmamahal ng aking Ama sa Langit. Hindi ko maunawaan paminsan-minsan kung bakit nangyayari ang ilang bagay, pero hindi ko pinagdudahan kailanman ang Kanyang pagmamahal.

Nananalig ako na nauunawaan ng Diyos ang lahat ng bagay at hindi ako iiwang nalulungkot kailanman. Maraming tungkuling ginagampanan ang Espiritu Santo sa ating buhay. Mapo-protektahan Niya tayo, ngunit Kanya rin tayong pinapatnubayan, inaaliw, tinuturuan, at binibigyan ng pang-unawa at iba pang mga pagpapala.

Nalaman ko na talagang tinutupad ng Ama sa Langit ang Kanyang mga pangako. Sinamahan Niya ako “sa tuwina.”