2015
Siya ay Nagbangon
Abril 2015


Mga Klasikong Ebanghelyo

Siya ay Nagbangon

Si David O. McKay ay ipinanganak noong Setyembre 8, 1873. Siya ay naorden bilang Apostol noong Abril 9, 1906, sa edad na 32, at noong Abril 9, 1951, sinang-ayunan siya bilang ikasiyam na Pangulo ng Simbahan. Ang sumusunod ay hinango sa mensaheng ibinigay niya sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 1966. Para sa buong mensahe, tingnan sa Conference Report, Abr. 1966, 55–59.

Isang matibay na pananampalataya kay Cristo ang pinakamahalagang kailangan ng mundo ngayon.

Kung ang himala ay isang di-pangkaraniwang pangyayari na ang sanhi ay di-masayod ng isip ng tao, kung gayon ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ang pinaka-kagila-gilalas na himala sa lahat ng panahon. Dito nananatiling nahahayag ang walang hanggang kapangyarihan ng Diyos at ang kawalang-kamatayan ng tao.

[Gayunman], ang Pagkabuhay na Mag-uli ay isang himala, [dahil] lamang sa hindi ito lubos na maintindihan ng tao. Sa lahat ng tumatanggap na totoo ito, ito’y patunay lamang na patas ang batas ng buhay. …

[Kung tinatanggap ninyo na totoo ngang nagbangon si] Cristo at nagpakita bilang isang niluwalhati at nabuhay na mag-uling nilalang, masasagot ninyo ang [pinakamahalagang] tanong sa lahat: “Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?” (Job 14:14).

Mga Saksi sa Pagkabuhay na Mag-uli

Larawan
Two Apostles looking at the wounds in Jesus' hand and wrist.

Ang literal na Pagkabuhay na Mag-uli [ni Cristo] mula sa libingan ay totoo [at talagang nangyari para] sa mga disipulo na nakakikilalang mabuti [sa Kanya]. Sa kanilang isipan ay walang anumang pag-aalinlangan. Sila’y mga saksi sa totoong pangyayari; alam nila dahil nakita ng kanilang mga mata, narinig ng kanilang mga tainga, nahawakan ng kanilang mga kamay ang katawan ng nagbangong Manunubos.

Sinabi ni Pedro, ang punong Apostol, nang magkita-kita ang labing-isa upang pumili ng kapalit ni Judas Iscariote, “Sa mga taong ito nga … ay nararapat na ang isa sa mga ito’y maging saksi na kasama natin sa kaniyang pagkabuhay na maguli” (Ang mga Gawa 1:21–22). …

Sa isa pang pagkakataon ipinahayag ni Pedro sa kanilang mga kaaway, ang mga lalaki na mismong nagpapako kay Jesus sa krus hanggang sa mamatay: “Kayong mga lalaking taga Israel, pakinggan ninyo ang mga salitang ito: … Ang Jesus na ito’y binuhay na maguli ng Dios, at tungkol dito’y mga saksi kaming lahat” (Ang mga Gawa 2:22, 32). …

Karagdagang mga Saksi

Nakikiisa ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw kina Pedro, Pablo, Santiago, at lahat ng iba pang sinaunang Apostol sa pagtanggap na ang Pagkabuhay na Mag-uli ay hindi lamang literal na totoo, kundi dito rin nagtapos ang banal na misyon ni Cristo sa lupa.

Isanlibo walong daang taon pagkamatay ni Jesus sa krus, ipinahayag ni Propetang Joseph Smith na ang nagbangong Panginoon ay nagpakita sa kanya, na sinasabing: “Nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:17). …

Kung nag-iisa ang patotoo ni Joseph Smith, mawawalan ito ng saysay, tulad ng sinabi ni Cristo tungkol sa Kanyang patotoo nang magsalita Siya tungkol sa Kanyang Sarili; ngunit taglay ni Jesus ang patotoo ng Diyos at ng mga Apostol. At si Joseph Smith ay may iba pang mga saksi [na] nagpatunay sa [kanyang] patotoo, na ang katotohanan nito ay naipaalam sa kanila nang magpakita sa kanila ang anghel na si Moroni. …

… Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ipinapahayag [din] na totoo ang maluwalhating pangitain ni Propetang Joseph Smith:

“At ngayon, matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil sa kanya, ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na siya ay buhay!” (D at T 76:22). …

Dahil sa di-matatawarang mga patotoo na ibinigay ng mga sinaunang Apostol—mga patotoong itinala ilang taon matapos ang pangyayaring ito mismo—dahil sa lubhang kagila-gilalas na paghahayag sa panahong ito tungkol sa buhay na Cristo, tila mahirap talagang maunawaan kung paano naaatim ng mga tao na tanggihan pa rin Siya at pag-alinlanganan ang imortalidad ng tao.

Ang Kailangan Natin Ngayon

Matibay na pananampalataya kay Cristo ang pinakamahalagang kailangan ng mundo ngayon. Hindi lamang ito isang pakiramdam. Ito ay kapangyarihang nagtutulak sa tao na kumilos, at dapat taglayin at maging pinakamahalaga sa buhay ng tao. …

Kung ang tao lamang ay “nagiibig gumawa ng Kaniyang kalooban,” sa halip na tumingin nang walang [pag-asa] sa madilim at mapanglaw na libingan, sila’y [magtutuon sa banal na katotohanan] at malalaman na nagbangon si Cristo! …

Ipinapahayag ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo na si Cristo ang Anak ng Diyos, ang Manunubos ng daigdig! Sinumang tunay na alagad ay hindi masisiyahang tanggapin lamang Siya bilang isang dakilang tagapagpabago, ulirang guro, o maging isang taong sakdal. Ang Lalaking taga Galilea—hindi sa matalinghagang salita, kundi literal—ay ang Anak ng Diyos na buhay. …

Talagang Isinilang na Muli

Hindi maipapasiya ng sinumang tao na taos-pusong ipamuhay ang mga turo ni Jesus ng Nazaret araw-araw nang hindi nakadarama ng pagbabago sa kanyang buong katauhan. Ang katagang “isinilang na muli” ay may mas malalim na kahulugan kaysa pagkaintindi ng maraming tao rito. … Masaya ang tao na talagang nadama ang nakasisigla at nagpapabagong kapangyarihang nagmumula sa pagiging malapit na ito sa Tagapagligtas, sa kaugnayang ito sa buhay na Cristo. Nagpapasalamat ako na alam kong si Cristo ang aking Manunubos. …

Ang mensahe ng Pagkabuhay na Mag-uli … ang pinaka-nakapapanatag, ang pinaka-maluwalhating bagay na ibinigay sa tao, sapagkat kapag namatayan tayo ng isang mahal sa buhay, napapayapa ng pag-asa at banal na katiyakan ang ating nagluluksang puso sa mga salitang: “Siya’y wala rito; sapagka’t siya’y nagbangon!” [tingnan sa Mateo 28:6; Marcos 16:6].

Alam ko nang buong kaluluwa ko na nadaig ni Jesucristo ang kamatayan, at dahil ang ating Manunubos ay buhay, tayo rin ay mabubuhay muli.