2015
Sumulong nang May Pananampalataya
Abril 2015


Sumulong nang May Pananampalataya

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na, “Nevertheless I Went Forth,” na ibinigay sa Brigham Young University noong Peb. 4, 2014. Para sa buong mensahe sa Ingles, magpunta sa speeches.byu.edu.

Ang apat na aral tungkol sa inspiradong pagpapasiya ni Nephi ay makakabawas sa inyong mga takot at magpapaibayo sa inyong pagtitiwala na sumulong.

Larawan
composite of Nephi praying and a modern youth praying

Detalye mula sa Ang Diwa ng Panalangin, ni Claudio Roberto Aquiar Ramires

Kayong mga young adult ay nabubuhay ngayon sa tinatawag na “Dekada ng Pagpapasiya.” Ginagawa ninyo ang marami sa pinakamahahalagang pasiya sa inyong buhay, tulad ng “pagpunta sa templo, paglilingkod sa misyon, pagtatapos sa pag-aaral, pagpili ng hanapbuhay, at pagpili ng mapapangasawa at mabuklod sa panahon at sa [buong] kawalang-hanggan sa banal na templo.”1

Nagsasalita ako lalo na sa mga taong nahihirapan sa isa o mahigit pa sa mahahalagang pagpapasiyang ito—ang ilan marahil ay halos hindi makakilos sa takot na makagawa ng maling pasiya o nangangailangan ng tulong upang manatiling tiwala sa isang pagpapasiyang ginawa noon.

Ang apat na aral tungkol sa inspiradong pagpapasiya ni Nephi, kung iaangkop, ay makakabawas sa inyong mga takot at magpapaibayo sa inyong pagtitiwala na sumulong.

1. Sundin ang mga Utos

Ang huling talata ng sagradong talaan ni Nephi ay nagsasabi tungkol sa kanyang buhay: “Sapagkat gayon ang iniutos ng Panginoon sa akin, at kinakailangan kong sumunod” (2 Nephi 33:15).

Ang pananampalataya at pagmamahal ni Nephi sa Tagapagligtas ay makikita sa kanyang pagsunod sa mga utos ng Diyos. Nanalangin siya (tingnan sa 1 Nephi 2:16). Nagbasa siya ng mga banal na kasulatan (tingnan sa 1 Nephi 22:1). Hinangad at sinunod niya ang tagubilin ng buhay na propeta (tingnan sa 1 Nephi 16:23–24). Ang gayong pagsunod ay nagtulot sa Espiritu Santo na mapatnubayan nang may kapangyarihan si Nephi sa buong buhay niya at naghatid ng patuloy na personal na paghahayag.

Kayo rin ay kailangang manatiling malapit sa Panginoon sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos ng Diyos. Pinatototohanan ko na ang palagiang pagsunod sa maliliit na bagay tulad ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagdarasal araw-araw, pagdalo sa mga pulong ng Simbahan, pagsunod sa payo ng mga buhay na propeta, at paglilingkod sa iba ay gagawin kayong karapat-dapat sa Espiritu—at sa paghahayag na hatid nito.

Ang pagiging perpekto ay hindi kailangan sa personal na paghahayag. Ang kailangan ay magsisi araw-araw (tingnan sa Mga Taga Roma 3:23). Kung taos at lubos ang inyong pagsisisi (tingnan sa D at T 58:42–43), ihahatid ng naglilinis na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ang Espiritu upang gabayan kayo sa mabibigat na desisyon sa buhay.

2. Sumulong nang May Pananampalataya

Ilagay ninyo ang inyong sarili sa katayuan ni Nephi. Sinabi sa inyo ng inyong ama na inutusan ng Panginoon ang inyong pamilya na iwanan ang inyong kayamanan at magtungo sa ilang. Gugustuhin ba ninyong malaman ang tungkol sa paglalakbay at destinasyon ninyo?

Palagay ko matutuwa si Nephi kung malinaw na inihayag ng Panginoon ang kanyang buhay sa hinaharap. Ngunit hindi tinulungan ng Diyos si Nephi sa ganyang paraan, at hindi Niya tayo tutulungan sa ganyang paraan.

Nang maglakbay ang pamilya ni Nephi sa ilang, dumating sa kanya ang mga tagubilin “sa pana-panahon” lamang (1 Nephi 16:29; 18:1). Ang malaman ang tatahakin niya sa buhay nang may katiyakan sa una pa lang ay hindi magbibigay sa kanya ng mga karanasang magpapatatag ng kaluluwa at magpapalakas ng pananampalataya na nakatulong sa kanya na maging higit na katulad ni Cristo.

Larawan
composite with illustration of Lehi loading the plates of Laban on a donkey and a modern girl reading the Book of Mormon

Kung hinihintay ninyong ihayag ng Diyos kung anong kurso ang inyong kukunin, sino ang pakakasalan, anong trabaho ang tatanggapin, saan titira, kung mag-aaral ba sa graduate school, at ilan ang dapat ninyong maging anak, malamang na hindi na kayo umalis ng inyong apartment kahit kailan. Pinatototohanan ko na darating lang ang personal na paghahayag “sa pana-panahon.”

Nais ng ating Ama sa Langit na umunlad tayo, at kasama na riyan ang pagkakaroon natin ng kakayahang timbangin ang mga katotohanan, magbigay ng hatol, at magdesisyon. Ngunit inaanyayahan din Niya tayo na ipagdasal natin ang ating mga pasiya (tingnan sa D at T 9:7–9). Itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol na dumarating ang mga sagot sa ating mga dalangin “sa isa sa tatlong paraan.”2

Nagpapatibay na Katiyakan

“Una,” sabi ni Elder Scott, “makadarama kayo ng kapayapaan, aliw, at katiyakan na nagpapatibay na tama ang inyong desisyon.”3 Nalaman namin ng asawa kong si Christy na ang katiyakan sa mahahalagang desisyon sa buhay ay maipapadama sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, kadalasa’y matapos sumamba sa templo.

Halimbawa, matapos ang maraming pagbubulay-bulay at pagdarasal, nagpasiya kaming iwanan ang bago naming pangarap na bahay sa Texas, tanggapin ang paglipat ng trabaho, at lumipat sa Beijing, China, kasama ang anim na mga bata pa naming anak. Ngunit talagang naghangad kami ng espirituwal na pagpapatibay sa gayon kahirap na desisyon. Talagang dumating sa amin ang banal na katiyakan—sa templo—tulad ng mababasa natin sa mga salitang ito sa Doktrina at mga Tipan: “Kalooban [ko] na nararapat [kang] … huwag manatili nang maraming araw sa lugar na ito; … huwag isipin ang iyong mga ari-arian. Magtungo sa mga lupain sa silangan” (D at T 66:5–7).

Pinagtibay ng tinig ni Jesucristo sa mga banal na kasulatan, na sinamahan ng matinding damdamin mula sa Espiritu Santo, na tama ang desisyon naming lumipat sa China.

Maguguluhan Kayo

Ang pangalawang paraan na sinasagot ng Ama sa Langit ang mga dalangin ay “maguguluhan kayo, matutuliro ang inyong isipan, na nagpapahiwatig na mali ang inyong pasiya.”4

Pagkatapos ng misyon ko sa Taiwan, naisip ko na magandang karera ang international law. Nang pag-isipan namin ni Christy na posible iyon sa hinaharap, naunawaan namin na limang taon pa iyon ng magastos na pag-aaral.

Bagsak na bagsak ang ekonomiya ng U.S. at limitado ang pondo namin, kaya naisip namin na ang pagsali sa Air Force ROTC ay isang matalinong pasiya para masustentuhan ang pag-aaral ko. Ngunit nang kumuha ako ng mga pagsusulit na kailangang ipasa at punan ang mga papeles, hindi kami mapanatag talaga na gawin iyon. Hindi kami natuliro o naguluhan—hindi lang kami napanatag.

Inspirado ang tila wala-sa-katwirang desisyong iyon, kahit paano, dahil hindi sana ako naging magaling na abugado!

Tiwala sa Diyos

Sinasagot ng Diyos ang mga dalangin sa ikatlong paraan: walang sagot na darating. “Kapag namumuhay kayo nang marapat at ang inyong pasiya ay naaayon sa mga turo ng Tagapagligtas at kailangan ninyong kumilos,” sabi ni Elder Scott, “magpatuloy nang may tiwala.”5

Ang huling pagtatangka ni Nephi na kunin ang mga laminang tanso ay naglalarawan kung paano tayo dapat magpatuloy nang may tiwala sa Diyos. Isinulat niya:

“Ako ay pinatnubayan ng Espiritu, nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat kong gawin.

“Gayunman, ako ay yumaon” (1 Nephi 4:6–7).

Darating ang mga sandali sa inyong dekada ng pagpapasiya na hindi na kayo makapagpapaliban pa at kailangan ninyong kumilos. Nalaman ko iyan, tulad ng itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, “makatatanggap tayo ng mga pahiwatig ng Espiritu kapag nagawa na natin ang lahat ng makakaya natin, kapag nagtatrabaho tayo sa ilalim ng init ng araw sa halip na nagpapahinga sa lilim at nananalangin na humihiling ng patnubay tungkol sa unang hakbang na ating gagawin.”6

Tulad ni Nephi, ang Espiritu sa takdang panahon ay pagtitibayin o babalaan kayo sa napili ninyong landas.

3. Mabuhay sa Kasalukuyan

Ang katapatan ni Nephi sa paglalakbay patungo sa lupang pangako ay lubos na naiiba sa kanyang mga kapatid na sina Laman at Lemuel. Nagpasiya silang magpunta, pero naiwan ang kanilang puso sa Jerusalem. Inaayos ni Nephi ang nabali niyang busog para mangaso para may makain at nagmimina ng bakal para makagawa ng sasakyang-dagat habang tila pahila-hilata ang kanyang mga kapatid sa tolda.

Maraming Laman at Lemuel sa mundo ngayon. Ngunit kailangan ng Panginoon ng matatapat na kababaihan at kalalakihang gaya ni Nephi. Mas uunlad kayo sa buhay kapag lubos ang katapatan ninyo sa inyong mga pasiya at sinikap ninyong magpakahusay sa inyong kasalukuyang sitwasyon bagamat may plano kayo para sa hinaharap.

Halimbawa si Nephi ng matalinong payo ni Pangulong Thomas S. Monson: “Ang pangangarap nang gising tungkol sa nakaraan at pag-asam sa kinabukasan ay nakalilibang ngunit hindi makahahalili sa pamumuhay sa kasalukuyan. Ngayon ang ating pagkakataon, at dapat natin itong samantalahin.”7

4. Humugot ng Lakas sa Iba

Kahit hinangad na natin ang Espiritu, sumulong sa ating desisyon, at lubos ang katapatan dito, maaari pa rin tayong mag-alinlangan at magduda sa ating desisyon. Sa gayong mga sitwasyon ang isang pinagkakatiwalaang kapamilya o kaibigan ay makapagbibigay ng payo at lakas na manatili sa tamang landas. Gusto kong sabihin na sa kanyang paglalakbay, ang asawa ni Nephi ang taong pinagkatiwalaan niya.

Nagkaroon ako ng pagpapahalaga sa asawa ni Nephi nang bumisita ako sa Church History Museum. Napako ang tingin ko sa ipinintang larawan ni Nephi roon na nakatali sa poste ng isang sasakyang-dagat, na basang-basa sa humahampas na malakas na bagyo.8

Nasa tabi ni Nephi ang kanyang asawa at isa sa kanyang mga anak. Dinaranas din niya ang gayong bagyo at mga pagsubok na katulad ni Nephi, ngunit makikita sa kanyang mga mata ang katatagan at nakayakap ang malalakas niyang bisig sa mga balikat nito. Sa sandaling iyon natanto ko na mapalad din akong magkaroon ng tapat na asawang nagpapatatag sa akin sa mga oras ng pagsubok. Sana’y kasingtatag niya rin ako.

Larawan
composite of Nephite family and modern couple

Mga kalalakihan, ang pagpapanatili at pagpapaibayo sa espirituwal na lakas na taglay ninyo (o tataglayin pa) bilang missionary o sa iba pang mabuting paglilingkod ang inyong pinakamagandang katangian sa pagiging mabuting asawa at ama. Mga kababaihan, ang inyong ugaling madaling makahiwatig, mapanampalataya, at katapangan na sundin si Jesucristo ay ilan sa pinakamagaganda ninyong katangian bilang asawa at ina.

Inaanyayahan ko kayo na maging ang uri ng tao na mapaghuhugutan ng inyong asawa o magiging asawa ng matalinong payo at lakas. Ang isang marangal na lalaki at isang karapat-dapat na babae, na ibinuklod sa panahong ito at sa buong kawalang-hanggan sa templo, ay makakagawa ng mahihirap na bagay bilang pantay na magkatuwang.

Ipinapangako ko na kung ipamumuhay ninyo ang mga aral na natutuhan ninyo kay Nephi at sa mga makabagong propeta tungkol sa pagpapasiya, gagabayan kayo nang may personal na paghahayag “sa pana-panahon.” Habang sumusulong kayo sa inyong dekada ng pagpapasiya, kayo nawa, tulad ni Nephi, ay makapagsabi nang may pananampalataya:

“Ako ay pinatnubayan ng Espiritu, nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat kong gawin.

“Gayunman, ako ay yumaon” (1 Nephi 4:6–7).

Mga Tala

  1. Robert D. Hales, “Sa mga Aaronic Priesthood: Paghahanda para sa Dekada ng Pagpapasiya,” Liahona, Mayo 2007, 48.

  2. Richard G. Scott, “Paggamit sa Kaloob ng Langit na Panalangin,” Liahona, Mayo 2007, 10; binigyang-diin sa orihinal.

  3. Richard G. Scott, “Paggamit sa Kaloob ng Langit na Panalangin,” 10.

  4. Richard G. Scott, “Paggamit sa Kaloob ng Langit na Panalangin,” 10.

  5. Richard G. Scott, “Paggamit sa Kaloob ng Langit na Panalangin,” 10.

  6. Dallin H. Oaks, “Sa Kanyang Sariling Panahon, sa Kanyang Sariling Paraan,” Liahona, Ago. 2013, 26.

  7. Thomas S. Monson, “Paghahanap ng Kayamanan,” Liahona, Mayo 2003, 20.

  8. Tingnan sa Helpmeet, ni K. Sean Sullivan, sa “The Book of Mormon: A Worldwide View,” Liahona, Dis. 2000, 37.