2015
Ang Bahaging para sa Atin
Abril 2015


Ang Bahaging para sa Atin

Mga Bumbero at ang Baluti ng Diyos

Larawan
illustration of firefighters

Mga paglalarawan ni Julia Yellow

Isang maaliwalas na araw iyon sa trabaho ko bilang boluntaryong bumbero, kaya ipinasiya kong basahin ang Aklat ni Mormon. Nang makita ako ng isa kong katrabaho na nagbabasa, itinanong niya kung alam ko kung paano natin maisusuot ang baluti ng Diyos sa modernong panahon. Habang nag-uusap kami, tumunog ang alarma. May sunog sa isang kalapit na tindahan.

Agad naming isinuot ang aming kasuotan sa pagpatay ng sunog at dumiretso na kami roon. Malaki ang apoy, at habang palapit kami sa tindahan, may sumabog sa direksyon namin. Binalot kami ng apoy. Sandali kaming nataranta ng katrabaho ko sa pagsabog na ito. Ngunit dahil may gamit kami at suot na proteksyon, hindi kami nasaktan.

Pagbalik namin sa istasyon matapos maapula ang apoy, tinanong ko sa katrabaho ko kung naalala niya ang itinanong niya tungkol sa baluti ng Diyos. Naalala raw niya, at ipinaliwanag ko na ang baluti ng Diyos ay katulad ng nagpoprotektang kasuotan namin sa pagpatay ng sunog. Kailangan nating isuot ito palagi para makayanan ang matitinding pag-atake ng kaaway. Kung susundin natin ang mga utos, pagpapalain tayo ng nagpoprotektang kapangyarihan ng baluti ng Diyos, at ang Espiritu Santo ang ating magiging gabay.

Fernando de la Rosa Marrón, Mexico

Ang Paborito Kong Banal na Kasulatan

I Samuel 16:7. “Hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao: sapagka’t ang tao ay tumitingin sa mukha, nguni’t ang Panginoon ay tumitingin sa puso.”

Bago ako sumapi sa Simbahan, itinuring ko noon pa man ang sarili ko na karaniwang tao na may karaniwang mga kakayahan. Dama ko na wala akong maiaambag na mahalaga. Natakot akong ipakita sa mga tao kung sino ako dahil sa takot na itakwil ako at masaktan. Akala ko lahat ng nakapaligid sa akin ay mas malakas, mas matalino, at mas magaling kaysa sa akin.

Ngunit nagbago ang lahat ng pananaw na ito nang maging miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nalaman ko na lahat tayo ay anak ng Diyos at nagmana tayo ng mga banal na katangian. Ngayon ko nauunawaan na walang kumpetisyon kung sino ang mas matalino, mas mayaman, o mas maganda. Sa paningin ng Panginoon, lahat tayo ay pantay-pantay, at Siya ang hahatol—hindi batay sa ating mga pisikal na katangian kundi sa ating pagsunod at pagnanais na sundan ang landas na Kanyang tinahak.

Joan Azucena, Philippines

Magtatrabaho Ka Ba sa Araw ng Linggo?

Larawan
illustration of men loading a truck

Mga paglalarawan ni Julia Yellow

Noong 15 anyos ako, nagkaroon ako ng malakas na patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo at napakasaya ko na sumapi ako sa Simbahan. Noon, nagtatrabaho ako para makatulong sa pagsuporta sa aking pamilya. Gayunman, di-nagtagal matapos akong mabinyagan, nawalan ako ng trabaho.

Kinailangan kong maghanap kaagad ng bagong trabaho dahil nakaasa sa akin ang aking pamilya, ngunit bawat trabahong inaplayan ko ay pinagtatrabaho ako tuwing Linggo. Marami akong tinanggihang alok na trabaho dahil alam ko na kailangan kong magsimba tuwing Linggo (tingnan sa D at T 59:9–10).

Pagkaraan ng dalawang buwang paghahanap, wala pa rin akong nakitang trabaho. Ang nanay ko ay hindi miyembro ng Simbahan, at kahit naniniwala siya sa Diyos, galit na galit siya na napakarami kong pinalagpas na trabaho.

Isang gabi tiningnan niya ako na may luha sa mga mata at nagtanong, “Bakit hinahayaan ng Diyos na mangyari ito sa atin samantalang napakatapat mo sa paggawa ng tama?”

Sagot ko, “Inay, hindi ko po alam kung bakit nangyayari ito sa atin, pero alam ko na ginagawa ko ang tama, at alam ko na pagpapalain tayo ng Diyos dahil dito.”

Kinaumagahan may nag-alok sa akin ng malaking pera para sa dalawang araw na trabaho na paglilipat ng ilang mabibigat na kargamento mula sa isang bahay. Nakakapagod ang trabaho, pero nang matanggap ko ang pera, dumiretso ako ng bahay at nagdasal para magpasalamat. Di-nagtagal nakahanap ako ng magandang trabaho na wala akong pasok tuwing Linggo, at hindi na ako nawalan ng trabaho mula noon.

Natutuwa ako na pinili kong panatilihing banal ang araw ng Sabbath. Maraming hamon sa buhay, ngunit alam ko na kung sisikapin nating maging matatag sa kabila ng mga hamong iyon, pagpapalain tayo ng Panginoon.

Sahil Sharma, India