2015
Ang Unang Future Father’s Day ni Steven
Hunyo 2015


Ang Unang Future Father’s Day ni Steven

Ang awtor ay naninirahan sa Queensland, Australia.

Inirolyo ni Steven ang kanyang kurbata hanggang sa ilalim ng kanyang baba habang pinapraktis ng iba pang mga bata sa Primary ang bagong kanta. Hindi, talagang hindi niya kakantahin ito.

Sa bahay si Itay ang namumuno …

Sumulyap si Steven sa labas ng bintana at sa kisame. Hindi siya mapakali sa kanyang upuan kaya para siyang nagsasayaw. Hindi siya makakanta kahit gusto niya. May malaki at masakit na bagay na nakabara sa kanyang lalamunan. Patuloy sa pagkanta ang iba pang mga bata sa Primary, na natututuhan ang mga bagong titik nang paisa-isang linya.

Batid ang lahat ng tama;

S’ya’y mabait sa ’kin (“Fathers,” Children’s Songbook, 209).

May tumapik sa braso ni Steven. Ang nanay niya, na tahimik na nakamasid sa may pintuan ng silid ng Primary, ay marahan siyang hinatak sa braso. Inakay siya nito palabas sa pasilyo. Malayo sa kanyang mga kaibigan sa Primary, hindi mapigilan ni Steven ang pagpatak ng mga luha. Buong pagmamahal na mahigpit siyang niyakap ni Inay.

“OK lang na malungkot ka,” sabi ni Inay, na tinatapik-tapik ang kanyang likod. “Alam ko na mahirap pakinggan at kantahin ang awiting iyon.”

Tumango si Steven, at pinahid ang luha sa kanyang mga mata. “Ayaw ko pong kumanta sa Father’s Day dahil wala akong tatay.” Nangilid ang luha sa mga mata ni Steven, at nangagat-labi siya. “Ayaw ko na po siyang tawaging Itay. Matagal ko na po siyang hindi nakikita, at hindi pa nga niya gusto na maging tatay ko siya.”

Talagang sinikap ni Steven na huwag umiyak—pero naririnig pa rin niya silang kumanta. Nasaktan ang kanyang kalooban sa awiting iyon. Gaya noong sumulat ang tatay niya at sabihin nito na nagpasiya sila ng bago niyang asawa na hindi na niya dadalawin si Steven o ang kanyang kapatid.

Muli siyang niyakap ni Inay, at binasa ni Steven ng kaunti pang luha ang blusa nito. “Kakausapin ko ang Primary president. Hindi mo kailangang kumanta kung ayaw mo. Pero teka—may naisip ako.” Tumitig si Inay sa kanyang mga mata. “Sa taong ito hindi natin ipagdiriwang ang Father’s Day—ipagdiriwang natin ang Future Father’s Day!” Ngumiti siya, at tinitigan din siya ni Steven.

“Po? Ipagdiriwang ang ano?”

“Future Father’s Day—ipagdiriwang natin kung gaano kayo magiging mabubuting ama ng kapatid mo balang-araw. Maghahanda tayo ng mga regalo at cake at ng paborito mong soft drink!”

Hinagkan ni Inay ang kanyang noo at saka sinikap na ayusin ang nagusot niyang kurbata. “Ikaw, Steven, ay magiging isang napakatalinong ama—masasabi ko na iyan ngayon. Dahil iniisip mo na ang gagawin mo sa mga anak mo at ipinaplano mo na kung anong uri ng tatay ka sa hinaharap.”

Habang lalo pa itong pinag-isipan ni Steven, lalo siyang napangiti. Niyakap niya si Inay at bumalik na siya sa Primary na mas maganda ang pakiramdam.

Dalawang linggo kalaunan tumayo si Steven sa harap ng salamin, at itinuwid ang kanyang maganda at bagong bow tie. Ibinigay iyon ni Inay sa kanya nang umagang iyon para sa pinakauna niyang Future Father’s Day! Dinampot ni Steven ang kanyang mga banal na kasulatan at lumabas ng pintuan sa harapan para magsimba.

Ngumiti siya sa kanyang ina.

“Happy Father’s Day, Inay.”

Ngumiti si Inay. “Happy Future Father’s Day, Steven.”

Mga paglalarawan ni Alyssa Tallent