2015
Paghahangad na Masagip
Hunyo 2015


Paghahangad na Masagip

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Gaya ng 33 kalalakihang nakulong sa isang gumuhong minahan sa Chile, maaari nating madama na nakulong tayo sa ating mga pagsubok at kahinaan; gayunman, sa pamamagitan ng plano ng kaligtasan mayroon tayong pag-asang masagip.

Larawan
a cave with light showing through

Paglalarawan mula sa iStockphoto/Thinkstock

Noong Agosto 5, 2010, 33 minerong Chilean ang nakulong nang gumuho ang malaking bato sa loob ng minahan. Nakulong sila sa isang maliit at ligtas na lugar at sa mga butas ng minahan sa ilalim ng guho, na 2,300 talampakan (700 m) ang lalim sa ilalim ng lupa.

Mukhang malabo ang sitwasyon. Nawalay sila sa tahanan at pamilya nang halos kalahating milya ng di-matinag na malaking bato sa ibabaw, at kakaunti ang suplay nila ng pagkain at tubig. Bagama’t may mga kagamitan at kaalaman sila, dahil hindi matatag ang minahan hindi nila mailigtas ang kanilang sarili. Ang tanging pag-asa nila ay matagpuan sila at masagip.

Sa kabila nito, pinili nilang umasa. Inorganisa nila ang kanilang sarili, inirasyon ang kanilang pagkain at tubig, at naghintay. Nanalig sila na ginagawa ng mga nasa ibabaw ang kanilang makakaya para sagipin sila. Gayon pa man, mahirap sigurong panghawakan ang pag-asang iyon habang naghihintay sila sa dilim. Lumipas ang mga araw, at mga linggo. Ubos na ang pagkaing maingat nilang inirasyon.

Dumanas ako ng malubhang pagguho sa sarili kong buhay. Sa aking harapan, namatay sa isang aksidente ang aking guwapo, nakakatuwa, at punung-puno ng buhay na walong-taong-gulang na anak na lalaki nang masagasaan siya ng isang sasakyan. Kinalong ko ang kanyang katawan habang dumadanak ang kanyang dugo sa daan at lumilisan ang kanyang espiritu at nagbabalik sa kanyang tahanan sa langit. Nagsumamo ako sa aking Ama sa Langit na hayaan siyang mabuhay, ngunit hindi iyon ang plano Niya sa buhay ng aking anak.

Nawalan ako ng pag-asa, at nabigatan sa aking dalamhati. Nanghina ako, nabagabag, habang pinapakitid ng pagsubok sa buhay ang aking pang-unawa. Nalaman ko na tunay na nadarama ang bagbag na puso. Naging hungkag at nasaktan ang puso ko.

Naniwala ako na kailangan ko lang ng sapat na lakas para tanggapin iyon. Maraming tao na sobra pa roon ang dinanas. Ngunit gaya ng mga minero, na nakulong sa di-matinag na malaking batong bumihag sa kanila, hindi ko makaya ang bigat ng aking dalamhati.

Sa maraming paraan nadarama nating lahat na nakulong tayo. Maaaring nadarama ng ilan na nakulong sila sa sariling mga pagsubok, kahinaan, o mahirap na kalagayan sa buhay. Gayunman, napapanatag tayo dahiil alam natin na ang buhay sa mundo ay isang panahon na mas lumalakas tayo kapag tinitiis natin ang lungkot at dalamhati. Nakakatagpo tayo ng pag-asa kay Jesucristo.

Isang Sinag ng Pag-asa

Sa ika-17 araw ng kanilang pagsubok, nabuhay ang pag-asa ng mga minero nang makagawa ng maliit na butas ang isang pako ng barena na nakabasag sa malaking batong bumihag sa kanila.

Idiniin ng nakulong na mga lalaki ang pako ng barena, sa hangaring ipaalam sa mga tagasagip sa ibabaw na buhay sila, at kinabitan ng sulat na ginamitan ng pulang marker ang dulo nito. Sabi roon, “Estamos bien en el refugio, los 33” (“Nasa kanlungan kami, 33 kaming lahat”). Nanumbalik ang pag-asa. Natagpuan na sila.

Dahil sa maliit na butas, na sinlaki ng suha, nagawa nilang makipag-ugnayan sa mundong ibabaw. Pagkain, tubig, gamot, at maiikling sulat mula sa mga mahal sa buhay ang ibinaba sa butas para sa mga minero.

Halu-halo siguro ang damdamin nila nang matanto ng mga minero ang kanilang sitwasyon. Bagama’t lubha silang nagalak at nakahinga nang maluwag na natagpuan na sila, mapanganib pa rin ang kanilang sitwasyon. Kahit alam ng mga nasa ibabaw kung nasaan sila, matatagalan bago mabuo ang plano sa pagsagip, at aasamin na lang nilang umubra nga ito.

Atubiling ipinaalam ng mga tagasagip sa mga minero na aabutin ng ilang buwan bago sila maiahon mula roon. Umasa silang maibalik ang mga minero sa kanilang pamilya pagsapit ng Pasko, na ibig sabihin ay malilibing pa ang mga minero nang apat na buwan. Gayunman, naghintay na sila nang may pag-asa.

Tayo man ay may sinag ng pag-asa. Bago nilikha ang mundong ito, isang plano ang binuo para sagipin tayo. Binigyan tayo ng Ama sa Langit ng isang Tagapagligtas, na magliligtas sa atin mula sa pagiging mortal, mula sa ating mga kasalanan, mula sa ating mga kahinaan, at mula sa lahat ng pagdurusahan natin sa buhay na ito. Siya ang nagbibigay ng pag-asa at ng buhay. Siya ang nagbigay ng paraan para makabalik tayo sa ating Ama sa Langit at muli nating makasama ang mga mahal sa buhay na nauna sa atin. Nasa tabi natin Siya upang dalhin ang bigat ng ating mga pasanin, pahiran ang ating mga luha, at panatagin tayo. Naparito Siya upang iuwi tayo, kung susundin natin ang plano na Kanyang itinakda.

Ang Pagsagip

Bagama’t iba-iba na ang tinangkang gawin para sagipin ang mga minero, iisang barena lang ang sumunod sa tuwid na landas, sa isa sa maliliit na butas na paulit-ulit nang binarena sa paghahanap sa mga minero.

Kumilos ang mga minero para masagip sila. Nang makapagbutas ang barena tungo sa ikasasagip nila, bumagsak ang malaking bato sa mas maliit na butas at bumunton sa loob ng kuwebang kinakukulungan ng mga minero. Itinulak nila ang malaking bato nang bumagsak ito, kaya nagkaroon ng daan para sa mas malaking barena.

Gumawa ang mga tagasagip ng isang kapsulang ibababa sa makipot na butas gamit ang mga kable. Ang kapsulang sasagip ay halos hindi sapat ang laki para kumasya ang isang lalaki sa loob. Ang kapsula ay mas makipot lang nang apat na pulgada (10 cm) kaysa sa butas na binarena sa 2,300 talampakan (700 m) ng solidong bato.

Nang dumating ang oras para sagipin ang mga minero, kinailangang pumili ng bawat lalaki. Isa-isang pumasok sa kapsula ang mga lalaki; bawat isa ay itataas nang mag-isa. Nang piliin ng bawat lalaki na magtiwala sa plano, kinailangan niyang umasa na maitataas talaga nang tuwid ang kapsula sa makipot na butas at mananatili itong balanse at hindi maiipit. Kinailangang umubra ang plano, o wala nang pag-asa. Bawat minero ay sumakay sa kapsula at isinuko ang kanyang kalooban sa plano at sa mga tagasagip.

Isa-isang itinaas ang mga minero palabas ng kadiliman patungo sa liwanag. Sinalubong sila ng kanilang mga mahal sa buhay habang nakamasid at nagbubunyi ang buong mundo.

Nagtagumpay ang plano sa pagsagip; wala ni isang nawala. Nailigtas sila noong Oktubre 13, 2010—69 na araw mula nang gumuho ang minahan at 52 araw mula nang matagpuan silang buhay.

Magtiwala sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Larawan
Jesus Christ depicted kneeling at the base of a tree in the Garden of Gethsemane during the Atonement. Christ has His hands clasped as He prays.

Bawat isa sa atin ay kailangang piliing isuko ang ating kalooban para magtiwala sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Para sa atin, iisa lamang ang plano ng pagsagip; iyon ay nasa at sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Nagpakababa-baba Siya sa lahat ng bagay upang sagipin tayo.

Si Cristo sa Getsemani, ni Harry Anderson

Tulad sa mga minero, ang pagsagip sa atin ay pansarili. Bagama’t ang kaligtasan ay para sa lahat, ang ating kaugnayan sa Tagapagligtas ay matalik at personal. Bawat isa sa atin ay kailangang piliing isuko ang ating kalooban para magtiwala sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

Dahil sa walang-hanggang kabanalan ng kalayaan ng tao kung saan nakasalig ang buhay na ito, hindi maiaalis sa atin ng Tagapagligtas ang ating kalooban. Malaya tayong pumili. Nasa tabi natin ang Tagapagligtas at naghihintay na pagalingin ang ating mga sugat at iangat tayo sa walang-hanggang kaligtasan, ngunit magagawa lamang Niya iyan kung gusto natin. Kailangan natin Siyang piliin. Para sa atin, iisa lamang ang plano ng pagsagip; iyon ay nasa at sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Nagpakababa-baba Siya sa lahat ng bagay upang sagipin tayo.

Nasagip ako nang lumuhod ako sa kalaliman ng dalamhati sa pagkamatay ng aking anak. Tulad ng mga minero nang sumakay sila sa kapsula, kinailangan kong magpasiya: dapat ko bang daigin ang aking mga hamon gamit ang sarili kong lakas at kaalaman, o hihingi ako ng tulong sa aking Ama sa Langit?

Pasan ang bigat ng aking dalamhati, nagpasiya akong bumaling sa Diyos. Nang magsumamo ako sa aking Ama sa Langit, sinabi ko sa Kanya na pagod na pagod na ako at hiniling kong bawasan Niya ang bigat ng aking dalamhati. Bago ako tumayong muli, nawala ang bigat ng aking nadaramang kalungkutan. Kinailangan ko pa ring magdaan sa sakit ng mamatayan, ngunit nawala ang mabigat na pasanin.

Doon ko nalaman na nasa tabi natin ang Tagapagligtas, naghihintay na iangat tayo, naghihintay lamang na humiling tayo sa Kanya, naghihintay na ilagak natin ang ating mga pasanin sa Kanyang balikat, naghihintay na hawakan natin ang Kanyang kamay para masagip Niya tayo.

Kailangan natin—gaya ng mga minero, na kinailangang isara ang pintuan ng kapsula at magtiwala sa mga tagasagip nila—na isuko ang ating kalooban sa Tagapagligtas at magtiwala sa Kanyang plano sa pagsagip sa atin.

Umaasa ako na pagdating ko sa kabilang buhay matapos maglakbay na mag-isa sa buhay na ito, magagalak akong makasamang muli yaong mga nauna na roon sa akin! Samantala alam ko na ang aking Tagapagligtas ay buhay at mahal Niya ako at Siya ay nasa tabi ko.