2015
Ang Landas Patungong Palmyra
Hunyo 2015


Ang Landas Patungong Palmyra

Mula sa isang mensahe sa debosyonal, “The Making of the Book of Mormon, Joseph Smith, and You [Ang mga Pangyayari sa Aklat ni Mormon, kay Joseph Smith, at sa Inyo],” na ibinigay sa Provo Missionary Training Center noong Pebrero 15, 2014. Si Matthew S. Holland ay pangulo ng Utah Valley University.

Ang landas patungong Palmyra—na pinangyarihan ng Unang Pangitain at pinaglagakan ng mga laminang ginto—ay hindi isang landas na naging madali at kasiya-siya para kay Joseph Smith at sa kanyang pamilya.

Larawan
Sacred Grove

Larawang kuha ni George Anderson, sa kagandahang-loob ng Church History Museum

Makakatiyak kayo rito. Kayo man ay full-time missionary o hindi, lahat ng Banal sa mga Huling Araw ay tinawag na dalhin ang mensahe ng Panginoong Jesucristo sa “buong sanglibutan” (Mateo 24:14). Tayo ay tinawag na ibahagi ang mga dalisay na alituntunin at gawain sa pag-oorganisa ng Kanyang ebanghelyo sa Kanyang pangalan. Upang magawa ito, dapat din nating tandaan na kailangan nating ituro at patotohanan na si Joseph Smith ang kinasangkapan Niya sa pagpapanumbalik ng mga dalisay na alituntuning iyon at gawain sa pag-oorganisa sa lupa.

Dahil malaki ang nakataya rito, makabubuting itanong sa inyong sarili kung handa na kayong manindigan at ipahayag nang may tunay na paniniwala at magiliw na katatagan na “sa umaga ng isang maganda, maaliwalas na araw, sa tagsibol ng taong isanlibo walong daan at dalawampu,”1 si Joseph Smith ay nagpunta sa isang tagong kakahuyan, lumuhod, at nanalangin, at mula noon ay nabago na ang mundo. Kung nais ninyong maging mga lingkod na tinawag ng Diyos, dapat ay handa kayong gawin ito.

Magpasiya ngayon na pag-aralan ang buhay ni Propetang Joseph Smith. May kapangyarihan at karunungan sa buhay niya na hindi mahihigitan ng iba, maliban lang sa buhay ng Tagapagligtas mismo. Habang taimtim at mapanalangin ninyong pinag-aaralan ang mga detalye sa buhay ni Joseph, ipinapangako ko na mag-iibayo ang pagmamahal at paghanga ninyo sa kanya, makasusumpong kayo ng kapanatagan at lakas ng loob lalo na sa mahihirap na sandali sa buhay at paglilingkod, at madaragdagan ang inyong pang-unawa laban sa pambabatikos ng mga makabagong kritiko na talagang nakatitiyak na may katibayan ang mundo na si Joseph ay hindi tulad ng sinasabi niya. Para magawa iyan, isipin ang ilang maiikling impormasyon tungkol sa pambihirang lalaking ito.

Isang Landas ng Pasakit

Nasa atin ang lahat ng dahilan para maniwala na ang umaga ng Unang Pangitain ay maluwalhati at maganda tulad ng paglalarawan sa himnong “Unang Panalangin ni Joseph Smith”2 tungkol dito. Ngunit kahit nagagandahan tayo sa gayong tagpo, hindi natin dapat kalimutan ang mga pangyayaring humantong sa umagang iyon. Ang landas patungong Palmyra—na pinangyarihan ng sagrado at napakahalagang sandaling ito—ay hindi isang landas na naging madali at kasiya-siya para sa batang propetang ito at sa kanyang pamilya.

Ang mga magulang ng Propeta, sina Joseph Smith Sr. at Lucy Mack Smith, ay ikinasal sa Tunbridge, Vermont, USA, noong 1796. Pagkaraan ng anim na taon ng medyo matagumpay na pagsasaka, lumipat ang mga Smith sa kalapit-bayan ng Randolph para subukang maghanapbuhay sa pamamagitan ng pagtitinda.3

Ang mga paninda ni Joseph Sr. na nabili niya sa tulong ng mga nagpapautang sa Boston ay binili kaagad ng sabik na mga bagong parukyano—na hindi nagbayad kaagad kundi nangakong magbabayad pagkatapos ng anihan. Habang hinihintay niya ang ipinangakong bayad para mabayaran ang mga pinagkakautangan niya, namuhunan siya sa isang bagong negosyo.

Noong mga panahong iyon ang mga negosyanteng Intsik ay naghahanap ng mabibiling ugat ng crystallized ginseng. Bagama’t may ahenteng nag-alok na magbayad ng $3,000 kay Joseph Sr. para sa ugat ng ginseng na nakolekta at naihanda niyang ipadala, ipinasiya niya na gawin ang mas delikadong istratehiya pero mas malaki ang kita kung dadalhin niya mismo ang produkto sa New York at kakausapin ang kapitan ng isang barko na ibenta ang kanyang kalakal sa China para sa kanya. Kapag wala nang ahente, posibleng kumita siya ng $4,500—na malaking halaga na noong panahong iyon.4

Dahil yata sa kamalasan o sa masamang balak, nalulan ang kalakal ni Joseph Sr. sa bangkang sinakyan ng anak ng ahente na tinanggihan niyang pagbentahan ng kanyang kalakal. Sa pagsasamantala sa sitwasyon, ibinenta ng lalaking ito ang ginseng ni Smith sa China “sa mataas na halaga” at itinago ang perang pinagbentahan at nagsinungaling at sinabing hindi naibenta ang ginseng, at isang kahon lang ng tsaa ang naging kapalit nito.5

Samantala, kasabay ng pandarayang ito kay Joseph Sr., dumating ang oras na kailangan nang bayaran ang malaking imbentaryo ng mga paninda sa tindahan ng mga Smith. Dahil naniningil na ang mga pinagkakautangan, nagipit ang mga Smith. Para mabayaran ang kanilang mga utang, ibinigay ni Lucy ang regalo sa kanilang kasal na $1,000 na itinago niya nang ilang taon, at ibinenta ni Joseph sa halagang $800 ang sakahan ng pamilya sa Tunbridge.6 Ang sakahan sana ang magbibigay sa kanila kahit paano ng kabuhayan at seguridad sa lugar na iyon sa Amerika na wala pang gaanong tao at di-gaanong maunlad. Ngayong wala nang pera at lupain, napilitang lumipat ang mga Smith nang walong beses sa loob ng 14 na taon, na patuloy na naghahanap ng paraan para matustusan ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya.

Ang isa sa mga paglipat na iyon ay dahil sa kagipitan sa pera na dulot ng pagbabayad ng naipong bayarin sa pagpapagamot sanhi ng epidemya ng sakit na tipus noong 1813 na tumama nang matindi sa lahat ng anak ng pamilya Smith. Makaraan ang ilang linggo na wala nang lagnat si Joseph, nakadama siya ng matinding pananakit sa kanyang balikat. Nagkamali sa pagsusuri ang isang lokal na doktor na nagsabing ang pananakit ay bunga ng pilay. Pagkaraan ng dalawang linggo, nang tumindi ang pananakit, bumalik ang doktor at natuklasan nito ang matinding impeksyong dulot ng matagal na pagkakaroon ng lagnat ni Joseph.7

Tinusok ang bahaging masakit at isang quart ng impeksyon ang lumabas mula rito, ngunit hindi nakumpleto ang operasyon, at nagkaroon ng bagong impeksyon sa kaliwang binti ni Joseph. Dahil dito, nagpatawag na sila ng surgeon. Gumawa ito ng walong-pulgada (20 cm) na hiwa mula tuhod hanggang bukung-bukong, kaya medyo nabawasan ang sakit. Ngunit ang impeksyon, sa kasamaang-palad, ay nanuot sa buto.8

Sa puntong ito humingi ang pamilya ng pinakabagong payong medikal mula sa mga dalubhasa sa Dartmouth Medical College. Iginiit ni Lucy na huwag gamitin ang pinakamakatwiran at karaniwang operasyon, ang pagputol. Sa halip, susubukan ng mga Smith ang isang bago at masakit na operasyon—na walang pangakong magtatagumpay. Bubuksan ng mga doktor ang binti ni Joseph at bubutas ng dalawa sa magkabilang panig ng buto. Pagkatapos ay tatapyasin nila ang tatlong malalaking piraso ng buto para matanggal ang buong bahagi na naimpeksyon.9

Lahat ng ito ay gagawin nang walang general anesthesia na ginagamit ngayon. Dahil dito, hinimok ang pamilya na painumin ng alak si Joseph o itali siya sa kama para hindi siya magwala dahil sa sakit habang isinasagawa ang maselang operasyon. Sa murang edad na pito, tinanggihan ni Joseph ang dalawang opsiyon. Sa halip, humiling siya ng dalawang bagay—na hawakan siya ng kanyang ama at palabasin ng silid ang kanyang ina.10

Larawan
Joseph Smith, Jr. depicted as a young boy held in the arms of his father. Joseph Smith, Sr. is holding the young Joseph just before or after surgery was performed on the boy's leg.

Detalye mula sa If Father Will Hold Me [Kung Hahawakan Ako ni Itay], ni Liz Lemon Swindle; larawang kuha ni Alan Day, sa kagandahang-loob ng Church History Museum

Nang lumakas nang husto ang pag-iyak ni Joseph at hindi mapalayo ang kanyang ina, dalawang beses itong pumasok ng silid sa kabila ng nagmamakaawang pagtutol ni Joseph. Ang nakita niya ay hindi na mabubura sa kanyang alaala. Naroon si Joseph na nakahiga sa kamang puno ng dugo, na “maputlang parang bangkay, [na] butil-butil ang pawis … na dumadaloy sa kanyang mukha, habang kitang-kita ang matinding pagdurusa nito.”11 Mabuti na lamang at tagumpay ang operasyon, ngunit gugugulin ni Joseph ang susunod na tatlong taon na nakasaklay.

Pagkatapos ng napakahirap na karanasang ito, umasa ang pamilya na ang bagong simula sa Norwich, Vermont, ay magdudulot na sa kanila ng katatagan at kaunlarang labis na ninanais nila. Ngunit muling nadurog ang kanilang pag-asa. Sa unang taon ng pagsisikap nilang magsaka sa inupahang lupain, nasira ang kanilang mga pananim. Muling nasira ang kanilang mga pananim sa ikalawang taon. Sa ikatlong taon, 1816, nagpasiya si Joseph Smith Sr. na muli itong subukan, sa paniniwalang magiging mas maayos ang lahat.12

Sa kabilang panig ng mundo noong 1815, ang Mount Tambora sa Indonesia ay pumutok at naglabas ng tone-toneladang abo sa kapaligiran, na sumira sa normal na takbo ng panahon. Mula Hunyo hanggang Agosto ng 1816—na binansagang “taon na walang tag-init”—apat na nakamamatay na taglamig ang tumama sa New England, na muling sumira sa mga pananim ng tag-init.13

Sa pagsapit ng taggutom at sa libu-libong umaalis sa Vermont, ginawa ni Joseph Sr. ang pinakamalaking hakbang sa lahat ng ginawa niya. Nagpasiya siyang iwan ang halos 20-milyang (32 km) lawak ng lupain na kinaroroonan ng kanyang pamilya, mga kaibigan, at sakahang kilala niya halos hanggang sa kanyang pagtanda at tinahak ang 300 milya (482 km) papuntang timog-kanluran sa bayan ng Palmyra sa itaas na bahagi ng New York. Doon, ayon sa ulat, ay mayaman ang lupa at madaling makautang nang hindi kailangang bayaran kaagad. Dahil sa pangangailangan naunang umalis si Joseph Sr., at naiwan si Lucy at ang walong anak para mag-impake ng kanilang mga gamit at sumunod sa kanya.14

Taglamig nang ilulan ni Lucy at ng matatapang niyang anak ang lahat ng ari-arian nila sa isang kareta at kalaunan sa isang bagon. Matapos bayaran ang ilang pinagkakautangan, kaunti na lang ang perang natira kay Lucy para sa paglalakbay. Bago pa makarating sa patutunguhan naipambayad na niya ang mga damit at gamot sa mga tagapamahala ng bahay-tuluyan. Naalala niya na dumating siya sa Palmyra na “dadalawang sentimo ang hawak na pera.”15

Habang daan ang lalaki na inupahang magpatakbo ng kareta ay sapilitang pinaalis ang batang si Joseph para magkasya ang dalawang magagandang anak na babae ng pamilya Gates, na patungo rin sa kanilang pupuntahan. Si Joseph—na hindi pa lubusang magaling—ay napilitang maglakad nang paika-ika “sa niyebe sa layong 40 milya [64 km] kada araw sa loob ng ilang araw,” at dumanas ng tinawag niyang “pinakamatinding pagod, at sakit.”16

Nang makiusap sa lalaki ang mapagmahal na mga kuya ni Joseph na sina Hyrum at Alvin na maawa na ito at pasakayin siyang muli, hinampas sila nito ng puluhan ng latigo hanggang sa matumba sila. Sa Utica, nang matiyak na wala nang pera si Lucy, iniwan ng lalaki ang pamilya—ngunit pagkatapos lamang mabigong tangkain na nakawin ang kanilang bagon at ihagis ang kanilang mga gamit sa lupa.17 Gayunpaman nagpatuloy sa paglalakbay ang pamilya hanggang sa makarating sila nang ligtas sa Palmyra, at lumuluhang humandusay sa mga bisig ni Joseph Smith Sr.

Marahil ang makadurog-pusong detalye ng paglalakbay na ito, gayon pa man, ay matatagpuan sa isang di-gaanong napansing pahabol na salaysay ni Joseph na idinagdag kalaunan sa orihinal na salaysay tungkol sa paglalakbay ng kanyang pamilya: “Pag-alis namin ng Utica naiwan ako para sumakay sa huling kareta ng grupo, at paglapit ng kareta ay nahagip ako nito, na pinapatakbo ng isa sa mga anak na lalaki ng pamilya Gates, at iniwang duguan hanggang sa dumating ang isang dayuhan, at kinarga niya ako, at dinala sa Bayan ng Palmyra.”18 Hindi dapat kaligtaan ang kahalagahan nito.

Isang Kayamanang Napakahalaga

Larawan
This photograph is from the trail to the Sacred Grove on the Joseph Smith farm near Palmyra, New York.

Detalye mula sa If Father Will Hold Me [Kung Hahawakan Ako ni Itay], ni Liz Lemon Swindle; larawang kuha ni Alan Day, sa kagandahang-loob ng Church History Museum

Dalawang milya (3 km) lamang patimog ng sentro ng Palmyra ay naroon ang isang kakahuyan na pangyayarihan ng isa sa mga pinakadakilang pangitain sa kasaysayan ng sangkatauhan. Tatlong milya (5 km) mula roon ay naroon ang Burol Cumorah, na pinaglagakan ng mga laminang ginto na noon ay wala pang nakakaalam.

Pagdating ni Joseph sa Palmyra, dinala ng Panginoon ang Kanyang propeta na inorden noon pa man sa lugar na pinaglagakan ng isang kayamanang napakahalaga. Ang kayamanang ito ang magiging hudyat na pagkaraan ng maraming siglo ng espirituwal na kadiliman at kaguluhan sa lahat ng dako ng mundo, ang kalangitan ay muling mabubuksan. Ipapakita ng kayamanang ito na ang ministeryo ni Jesus ay mas malawak pa kapwa sa doktrina at heograpiya kaysa posibleng mabatid ng mga simbahang Kristiyano sa panahong iyon. Pagtitibayin ng kayamanang ito na, sa mahimalang paraan, ang Diyos ay talagang nagmamalasakit sa kapakanan ng mga tao sa lahat ng panahon, wika, at kontinente. At ang kayamanang ito ay mangangako ng mga turo na napakadalisay at makapangyarihan na kung itatanim ninyo ito sa kaibuturan ng inyong kaluluwa, kayo ay magbabago, at mararanasan ninyo ang isang bagay na kasiya-siya kaya ito ang pakananaisin ninyo.

Sa ating mortal na pananaw, maaari tayong matuksong isipin na ang mas magandang landas para sa taong ito at sa gayong pagkakataon ay ang landas na mas madali, maginhawa, at bantog. Bilang pagkilala sa napakahalagang mga kaganapang mangyayari kalaunan dahil sa pagpasok ng batang ito sa bayang ito sa panahong ito, hindi ba kayang maglaan ang Panginoon, na maingat na nagplanong ilagay roon ang mga laminang ginto mahigit isang libong taon na ang nakararaan, ng mas tuwid, mas maginhawa at marangal na landas para makarating doon?

Oo, tiyak na kaya Niyang gawin iyon, ngunit hindi Niya ginawa.

Walang bantog na pagpapahid ng langis ng propeta ang ginawa kay Joseph noong bata pa siya (tingnan sa I Samuel 16:11–13). Walang pangitaing nag-utos kay Joseph na pumunta sa lupang pangako (tingnan sa 1 Nephi 5:4–5). Walang Liahonang tumulong sa kanyang pamilya para maiwasan ang mga maling hakbang sa paglalakbay (tingnan sa 1 Nephi 16:10; Alma 37:38). At siguradong wala siyang sinakyang open-air limousine para pumarada sa isang maaliwalas at ginayakang daan na may nagbubunying mga tao para malugod siyang salubungin.

Sa halip, ang tinahak ni Joseph at ng kanyang pamilya ay isang liku-likong landas ng kalungkutan na puno ng kamalasan, pagkakasakit, maling pagpapasiya, kalamidad, napakatinding sakit, kawalan ng katarungan, patuloy na kawalang-katiyakan, at walang-tigil na kahirapan. Hindi naman ibig sabihin na laging puno ng kalungkutan ang buhay ng pamilya Smith; hindi naman. Ngunit ang landas patungong Palmyra ay hindi naging tuwid, sagana, at kapansin-pansin sa mga tao. Pilay, paika-ika, at duguan, literal na kinailangang buhatin ang Propeta ng isang di-kilalang dayuhan patungo sa kanyang natatanging tadhana.

Alalahanin na iyan na marahil ang unang aral tungkol sa buhay ni Joseph at sa paglabas ng Aklat ni Mormon. Sa kabila ng kabiguan, sakuna, at matinding oposisyon—at sa maraming pagkakataon dahil na rin mismo sa mga bagay na iyon—narating ni Joseph Smith ang nararapat niyang puntahan para maisakatuparan ang kanyang misyon. Kaya, ngayon, o sa darating na araw, kung ililibot ninyo ang inyong tingin sa paligid at makikita na ang mga kasamahan ninyo na di gaanong masigasig ang siya pang umuunlad sa trabaho samantalang kayo ay nawalan ng trabaho; kung naratay kayo sa matinding karamdaman sa oras na kailangan kayong maglingkod; kung napunta sa iba ang magandang posisyon, kung tila mas mabilis matuto ng ibang wika ang missionary companion ninyo kaysa sa inyo; kung ang magandang hangarin ninyo ay mauwi kahit paano sa kapahamakan ng miyembro ng ward, kapitbahay, o investigator; kung mabalitaan ninyo na may problemang pinansyal ang inyong pamilya o nasawi ang isang kapamilya at wala kayong magawa tungkol dito; o kung, pakiramdam lang ninyo, araw-araw, na para kayong ordinaryo, talunan, at walang kuwentang kalahok sa drama ng buhay na tila ginawa para sa kaligayahan ng iba dapat ninyong malaman ito: maraming gayong bagay ang dinanas mismo ni Joseph Smith sa sandali mismo na inaakay siya patungo sa pinakadakilang bagay na mangyayari sa mundong ito mula nang maganap ang mga pangyayari sa Golgota at sa Libingan sa Halamanan halos 2,000 taon na ang nakararaan.

“Pero,” maaari ninyong sabihin, “ang buhay at tadhana ko sa mundo ay hindi kailanman magiging katulad ng kay Propetang Joseph.”

Marahil totoo iyan. Ngunit totoo rin na talagang mahalaga ang inyong buhay sa Diyos, at ang walang-hanggang potensyal ninyo at ang bawat kaluluwang makikilala ninyo ay kasingdakila at kasinghalaga ng kay Propetang Joseph mismo. Dahil dito, gaya ng pinakamamahal nating si Joseph, huwag na huwag kayong sumuko, magpatangay, o magpadaig kapag ang buhay, o lalo na ang gawaing misyonero ay naging mahirap, magulo, o nakababagot. Sa halip, tulad ng itinuro ni Pablo, kailangan ninyong maunawaan na “lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios, sa makatuwid baga’y niyaong mga tinawag alinsunod sa kaniyang nasa” (Mga Taga Roma 8:28; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Tulad ng ginawa Niya sa batang si Joseph Smith, hinuhubog at ginagabayan kayo ng Diyos sa bawat araw para sa mga layuning mas maluwalhati kaysa malalaman ninyo!

Mga Tala

  1. Joseph Smith—Kasaysayan 1:14.

  2. Mga Himno, blg. 20.

  3. Tingnan sa Lucy Mack Smith, Biographical Sketches of Joseph Smith, the Prophet, and His Progenitors for Many Generations (1853), 37, 45. Para sa isang maikling buod ng mga pangyayaring nauugnay sa paglipat ng pamilya Smith sa Palmyra, tingnan din sa Richard Lyman Bushman, Joseph Smith: Rough Stone Rolling (2005), 17–29.

  4. Tingnan sa Lucy Mack Smith, Biographical Sketches, 49.

  5. Tingnan sa Lucy Mack Smith, Biographical Sketches, 49–50.

  6. Tingnan sa Lucy Mack Smith, Biographical Sketches, 51.

  7. Tingnan sa Lucy Mack Smith, Biographical Sketches, 60, 62.

  8. Tingnan sa Lucy Mack Smith, Biographical Sketches, 62–63.

  9. Tingnan sa LeRoy S. Wirthlin, “Joseph Smith’s Boyhood Operation: An 1813 Surgical Success,” BYU Studies 21, blg. 2 (1981): 146–54.

  10. Tingnan sa Lucy Mack Smith, Biographical Sketches, 64.

  11. Lucy Mack Smith, Biographical Sketches, 65.

  12. Tingnan sa Lucy Mack Smith, Biographical Sketches, 66.

  13. Tingnan sa Church History in the Fulness of Times, 2nd ed. (2003), 24.

  14. Tingnan sa Lucy Mack Smith, Biographical Sketches, 67.

  15. Lucy Mack Smith, Biographical Sketches, 68, 70.

  16. Joseph Smith, sa The Papers of Joseph Smith, ed. Dean C. Jessee, 2 tomo (1989), 1:268.

  17. Tingnan sa The Papers of Joseph Smith, 1:268.

  18. Joseph Smith, sa The Papers of Joseph Smith, 1:268–69.

Matapos ang tatlong taong pagkasira ng ani, ginawa ni Joseph Smith Sr. ang isang napakalaking hakbang na ilipat ang kanyang pamilya 300 milya (482 km) papuntang timog-kanluran sa bayan ng Palmyra, sa itaas na bahagi ng New York.

Pagdating ni Joseph Smith sa Palmyra, New York, dinala ng Panginoon ang Kanyang propeta na inorden noon pa man sa pinaglagakan—sa kalapit na burol—ng isang kayamanang napakahalaga.

Larawan ng Burol Cumorah sa kagandahang-loob ng Church History Museum

Detalye mula sa If Father Will Hold Me [Kung Hahawakan Ako ni Itay], ni Liz Lemon Swindle; larawang kuha ni Alan Day, sa kagandahang-loob ng Church History Museum

Di-kalayuan sa timog ng Palmyra ay naroon ang kakahuyang pangyayarihan ng isa sa mga pinakadakilang pangitain sa kasaysayan ng sangkatauhan.

Vermont

New York

Tunbridge

Randolph

Norwich

Palmyra

Utica