2015
Ngunit Paano Kung … ? Mga Tanong tungkol sa Pagmimisyon
Hunyo 2015


Ngunit Paano Kung … ? Mga Tanong tungkol sa Pagmimisyon

Habang papalapit na ang pagmimisyon mo, maaari mong itanong sa iyong sarili, “Kaya ko nga bang gawin ito?” Oo, kaya mo! Maaaring hindi maging madali, ngunit hindi mo ito pagsisisihan kailanman.

Larawan
3 separate images. Two missionaries in Romania standing in the courtyard of a large building talking. A fountain is in the background. (PWO #12548) Bishop in his office talking to a young man in DR Congo. (PWO #12548) Elder missionary studying the scriptures. Shot in the Philippines. (PWO #12508)

Maaaring nakakatakot maghanda para makapagmisyon. Maraming bagay na maaari mong ipag-alala—pera, kaalaman, pagkamahiyain—ngunit anuman ang problema, masusumpungan mo ang katiyakan at katapangang kailangan mo. Narito ang ilang karaniwang tanong at sagot na tutulong sa iyo na madaig ang iyong mga takot at magkaroon ka ng pananampalataya na magpatuloy.

Paano kung hindi sapat ang nalalaman ko tungkol sa mga banal na kasulatan o sa ebanghelyo?

Talagang nararapat ibilang sa paghahanda sa pagmimisyon ang pag-aaral ng ebanghelyo, ngunit hindi mo kailangang malaman ang lahat bago ka humayo. Halimbawa, noong binata siya, nag-alala si Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol na baka hindi siya handang magmisyon. Sabi niya, “Naaalala ko na idinalangin ko, ‘Ama sa Langit, paano po ako makakapagmisyon kung kaunti lang ang alam ko?’ Naniniwala ako sa Simbahan, pero kakaunti ang espirituwal na kaalaman ko. Habang nagdarasal ako, may nadama ako: ‘Hindi mo alam ang lahat, pero sapat na ang alam mo!’”1

Ang kaalaman tungkol sa ebanghelyo ay darating kapag tapat mong sinikap na matutuhan ang mga alituntunin ng ebanghelyo at pag-aralan ang mga banal na kasulatan, at hindi ka mag-iisa. Gagabayan ka ng Espiritu Santo, at magkakaroon ka ng mga kompanyon, mga missionary leader, at mission president mo para tulungan ka sa mga pagsisikap mo. Alalahanin ang itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Hindi mahalaga ang laki ng inyong pananampalataya o antas ng inyong kaalaman—ang mahalaga ay ang katapatan ninyo sa inyong pananampalataya at sa katotohanang alam na ninyo.”2

Paano kung hindi ako sigurado na mayroon akong patotoo?

Ang pagkakaroon ng patotoo ay mahalagang bahagi ng paghahanda sa pagmimisyon. Maaari mong madama na mahina ang iyong patotoo, ngunit lalago ito kapag sinikap mong palakasin ito. Tandaan lamang:

  • Humanap ng mga tahimik na sandali para mag-aral at manalangin. Kailangan mo ng oras kung kailan madarama mo ang inspirasyon ng Espiritu.

  • Ipamuhay ang ebanghelyo. Tingnan sa Juan 7:17 upang malaman kung bakit tutulungan ka nitong lumago ang iyong patotoo.

  • Matuto nang paunti-unti. “Ang [iyong] espirituwal na paglalakbay ay habambuhay na proseso. Hindi natin alam ang lahat sa simula o maging habang tayo ay naglalakbay. Nangyayari ang ating pagbabalik-loob nang paunti-unti.”3

Tandaan din na ang patotoo mo ay maaaring mas malakas pa kaysa inaakala mo. Ibinahagi ni Elder Holland ang kuwentong ito: “Isang 14-anyos na batang lalaki ang medyo atubiling nagsabi sa akin kamakailan, ‘Brother Holland, hindi ko pa masabi na alam kong ang Simbahan ay totoo, pero naniniwala akong totoo ito.’ Niyakap ko nang [napakahigpit] ang batang iyon. Sinabi ko sa kanya … na ang paniniwala ay mahalagang salita, mas mahalaga pa kung ipapakita, at hindi niya kailangang humingi ng paumanhin sa ‘paniniwala lamang.’ Sinabi ko sa kanya na sinabi ni Cristo mismo, ‘Huwag kang matakot, manamplataya ka lamang.’ … Sinabi ko sa batang ito na paniniwala palagi ang unang hakbang sa pananalig. … At sinabi ko sa kanya kung gaano ko siya ipinagmamalaki sa katapatan ng kanyang hangarin.”4

Paano kung madama ko na hindi ako karapat-dapat?

Kung may mali sa iyong buhay, maitutuwid mo ito. Tutulungan ka ng iyong bishop o branch president na malaman ang kailangan mong gawin upang maging malinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sabi ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Hinihimok kitang huwag ipagdasal na malaman kung dapat kang [magmisyon]; sa halip, hilinging gabayan ka ng Panginoon kung paano marapat at mahusay na makapagmisyon nang full time.”5

Ibinahagi ni Rebekah S. na taga-Russia ang kanyang karanasan: “Bagama’t nagsisi na ako, dahil sa aking kasalanan at pasakit ay naisip ko na hindi ako makakapagmisyon dahil napakabigat ng mga pagkakamali ko. Gayunman, tinulungan ako ng bishop at stake president ko na ang kapangyarihang magpagaling ng Pagbabayad-sala sa buhay ko. Nagpapasalamat ako para sa alintuntunin ng pagsisisi. Ang pagiging karapat-dapat ay napakahalaga sa misyon. Hindi ka makapagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu kung hindi ka karapat-dapat dito (tingnan sa D at T 42:14). Kailangan mong magkaroon ng kapayapaan sa puso mo upang makapaglingkod ka nang buong puso. Gagawa ito ng malaking kaibhan.”

Paano ko maiiwan ang aking pamilya at mga kaibigan?

Larawan
Two images. Sister missionaries in Hong Kong. They are walking down a sidewalk. (PWO #12618) A group shot of people at a baptism in Thailand before the baptism. An elder missionary in white standing next to a woman also in white. (PWO #12508)

Mahirap iwan ang mga mahal sa buhay, lalo na’t alam mo na mag-iiba na ang mga bagay-bagay pagbalik mo—para sa mga kaibigan mo, pamilya mo, at lalo na sa iyo. Maaaring nag-aalala ka kung paano makakaraos ang iyong pamilya nang wala ka o kung ano ang saloobin nila sa pagmimisyon mo. Ngunit pangangalagaan ng Panginoon ang mga mahal mo sa buhay at pagpapalain sila dahil sa iyong paglilingkod (tingnan sa D at T 100:1). Bagama’t mangungulila ka sa kanila, kailangan ka ng Panginoon para tulungan ang iba pang mga pamilya na matagpuan ang kaligayahang dulot ng ebanghelyo. Maniwala na nais ng Ama sa Langit ang pinakamainam para sa iyo at sa iyong pamilya, at tandaan, “Nagtitiwala ang pananampalataya na maraming bagay ang inilalaan sa atin ng Diyos.”6 Kamangha-mangha ang mga pagpapala ng Panginoon na naghihintay sa iyo at sa iyong pamilya kapag nagkaroon ka ng pananampalatayang magpatuloy.

Paano kung sa palagay ko ay hindi ko kayang tustusan ito?

Ang halagang kailangan para makapagmisyon ay parang malaking sakripisyo, ngunit alam ng Panginoon ang nais Niyang ipagawa sa iyo. Sabi ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Magsasalita ako sa binatang iyon na walang anumang ideya kung paano niya matutustusan ang kanyang pagmimisyon. Hindi ko rin alam. Ngunit ito ang alam ko: kung mayroon kang pananampalataya at determinado kang humayo, magkakaroon ng paraan.”7

Ito ang naranasan ni Loran C. na taga-England: “Inaayos ko pa lang ang mission papers ko nang sabihin sa akin ng bangko na malaki ang utang ko sa credit card. Binadyet namin ng bishop ko kung magkano ang babayaran ko sa utang ko, misyon ko, ikapu ko, at iba pang gastusin ko. Malaking sakripisyo iyon, at akala ko’y hindi ko na makakamit ang mithiin ko. Gayunman, tapat akong nagbayad ng aking ikapu at tumulong ang Panginoon. Isang estranghero ang nagregalo sa akin ng perang kailangan ko para mabayaran ang utang ko at matupad ang mithiin kong magmisyon.”

Paano kung nahihiya akong makipag-usap sa mga tao?

Maaaring mahirap isipin na maghapon at araw-araw kang makikipag-usap sa mga taong hindi mo kilala. Paggunita ni Sam L. na taga-California, USA: “Para sa isang taong ni ayaw magbukas ng pinto, ang isiping kumatok sa pintuan ng isang estranghero para pag-usapan ang ebanghelyo ay tila imposible.

“Sa isang stake youth conference, hinilingan kaming sumama sa mga missionary at ipangaral ang ebanghelyo. Sumama sa totoong mga missionary? Para magturo talaga sa mga tao? Kinabahan ako, pero naalala ko ang isang talata sa banal na kasulatan: ‘Sapagka’t akong Panginoon mong Dios, ay hahawak ng iyong kanang kamay, na magsasabi sa iyo, Huwag kang matakot; aking tutulungan ka’ (Isaias 41:13). Ipinagdasal kong dumating ang tulong na iyon, at kahit nahihiya pa ako, napalakas ako ng Espiritu Santo at nakapagbigay pa ako ng dalawang kopya ng Aklat ni Mormon.”

Paano kung makahadlang ito sa pag-aaral o trabaho ko?

Larawan
Four separate images. Elder missionaries out walking in an alleyway. Shot in the Philippines. (PWO #12508) Missionaries riding in a vehicle. Shot in the Philippines. (PWO #12508) Elder missionaries in Hong Kong. They are walking outdoors. (PWO #12618) Missionaries in Portugal teaching a woman. (PWO #12548)

Maaari mong isipin na manganganib ang kinabukasan mo kapag nagmisyon ka samantalang naghahanda kang mag-aral sa kolehiyo o magtrabaho, ngunit ang kabaligtaran nito ang totoo. Nais ng Panginoon na magtagumpay ka, at tutulungan ka Niya. Walang kang isasakripisyong anuman na magiging higit na karapat-dapat kaysa sa paglilingkod mo bilang missionary.

Kinailangan din itong pagpasiyahan ng maraming kabataan. Iniwan ni William H. na taga-Australia ang magandang kinabukasang idudulot ng paglalaro ng rugby, na hindi alam kung magkakaroon pa siya ng pagkakataong maglaro pag-uwi niya (tingnan sa “Paglalaan ng Panahon para Makapagmisyon,” Liahona, Hunyo 2012, 51–52). Si Joseph B. na taga-Pilipinas ay pumasok sa opisina ng college secretary, na handang talikuran ang pagkakataong minsan lang dumarating para magkapag-aral (tingnan sa “Handog na Susunugin,” Liahona, Set. 2007, 40–42). Mangyari man o hindi ang inaasahan mo pagkatapos ng iyong misyon, walang pagkakataong magiging higit na mahalaga kaysa sa paglilingkod mo bilang missionary.

Walang Pagsisisi

Nais ng Ama sa Langit na lumigaya tayo, at hindi Niya hihilingin sa atin na gawin ang mga bagay na hindi magpapala at tutulong sa atin. Kung tapat mong gagawin ang ipinagagawa ng Panginoon sa iyo, kahit mahirap, makikita mo na ang mga pagpapalang dumarating ay mas mainam kaysa anupamang maibibigay ng mundo. Hindi mo kailanman pagsisisihan ang pagmimisyon.

Mga Tala

  1. Neil L. Andersen, “Sapat na ang Alam Ninyo,” Liahona, Nob. 2008, 13.

  2. Jeffrey R. Holland, “Panginoon, Nananampalataya Ako,” Liahona, Mayo 2013, 94.

  3. Neil L. Andersen, “Sapat na ang Alam Ninyo,” 13.

  4. Jeffrey R. Holland, “Panginoon, Nananampalataya Ako,” 95.

  5. Richard G. Scott, “Panahon na para Magmisyon!” Liahona, Mayo 2006, 90.

  6. Jeffrey R. Holland, “Ang Pinakamaganda ay Darating Pa,” Liahona, Ene. 2010, 21.

  7. Boyd K. Packer, “Come, All Ye Sons of God,” Ensign, Ago. 1983, 71.