2015
Pamumuhay sa Isang Mundo na Mabilis ang Takbo
Hunyo 2015


Pamumuhay sa Isang Mundo na Mabilis ang Takbo

Mula sa isang mensaheng ibinigay sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2010.

Kung ang buhay at ang mabilis na takbo nito at ang maraming alalahanin ay nagpahirap para sa inyo na maging masaya, marahil ay ito na ang magandang pagkakataon para muling magtuon sa mga bagay na pinakamahalaga.

Larawan
Pangulong Dieter F. Uchtdorf
Larawan
Illustration of airplane in storm

Larawan ng eroplano © 06 photo/dollar Photo Club; paglalarawan ni David Stoker

Nakaranas na ba kayong sumakay ng eroplano at umuga ito? Ang karaniwang sanhi ng pag-uga ay ang mabilis na pag-iiba ng galaw ng hangin kaya nayayanig, pumapaling, at gumegewang ang eroplano. Kahit ginawang matibay ang mga eroplano upang matagalan ang mas matitinding pag-uga kaysa mararanasan ninyo sa regular na paglipad, nakakagalit pa rin ito para sa mga pasahero.

Ano sa palagay ninyo ang ginagawa ng mga piloto kapag may pag-uga? Maaaring isipin ng isang nag-aaral pa lamang maging piloto na ang pagpapabilis ng paglipad ay magandang paraan dahil madali niyang malalampasan ang dahilan ng pag-uga. Ngunit maaaring hindi iyon ang tamang gawin. Nauunawaan ng mga bihasang piloto na may tamang bilis para malampasan ang dahilan ng pag-uga na makakabawas sa di-magandang epekto nito. At madalas ay nangangahulugan ito na bagalan ang inyong paglipad. Ganito rin ang prinsipyong umiiral sa mga speed bump sa daan.

Samakatwid, maganda ang payo na magpabagal nang kaunti, dumiretso ng lipad, at magtuon sa mga bagay na mahalaga kapag masama ang kundisyon.

Ang Takbo ng Modernong Buhay

Isa sa mga katangian ng modernong buhay ang tila pabilis nang pabilis na kilos natin, sa kabila ng mga kaguluhan o balakid.

Aminin natin; madaling maging abala. Lahat tayo ay makakaisip ng mga gagawin na makakapuno ng ating iskedyul. Maaari pa ngang isipin ng iba na ang kanilang halaga ay nakasalalay sa haba ng listahan ng kanilang mga gagawin.

Nilalabanan ng matatalino ang tuksong malulong sa nakatatarantang bilis ng araw-araw na pamumuhay. Sinusunod nila ang payo na “May mas maganda pang mapapala sa buhay kaysa pabilisin ang takbo nito.”1 Sa madaling salita, nagtutuon sila sa mga bagay na pinakamahalaga.

Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Dapat nating talikuran ang ilang magagandang bagay para mapili ang iba pang mas maganda o pinakamaganda dahil nagpapalakas ito ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at nagpapatatag sa ating mga pamilya.”2

Ang paghahanap sa maiinam na bagay ay hindi maiiwasang humantong sa mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo—ang simple at magagandang katotohanang inihayag sa atin ng isang Ama sa Langit na mapagmahal, walang hanggan, at nakakaalam ng lahat ng bagay.

Paano Ko Malalaman Kung Ano ang Pinakamahalaga?

Sa palagay ko marami sa atin ang likas na nakauunawa kung gaano kahalaga ang mga pangunahing bagay. Kung minsan nga lang ay nagagambala tayo ng napakaraming bagay na tila mas kaakit-akit.

Ang mga babasahin, iba’t ibang media, electronic tool at gadget—na nakakatulong kung gagamitin nang tama—ay mga libangang makapipinsala o maglalayo sa damdamin natin sa iba.

Subalit sa gitna ng maraming tinig at pagpipilian, ang mapagpakumbabang Tao ng Galilea ay palaging nakaunat ang mga kamay, at naghihintay. Ito ang Kanyang simpleng mensahe: “Magsisunod kayo sa akin” (Lucas 18:22). At hindi Siya nangungusap sa napakalakas kundi sa marahan at banayad na tinig (tingnan sa I Mga Hari 19:12). Napakadaling mawala ang mensahe ng ebanghelyo sa gitna ng napakaraming impormasyong umiimpluwensya sa atin sa lahat ng dako.

Ang mga banal na kasulatan at ang mga salita ng mga buhay na propeta ay nagbibigay-diin sa mga pangunahing alituntunin at doktrina ng ebanghelyo. Bumabalik tayo sa mga pangunahing alituntuning ito, sa mga dalisay na doktrina, dahil ang mga ito ang tulay sa mga katotohanan na malalim ang kahulugan.

Ang mga Pangunahing Bagay: Apat na Pangunahing Kaugnayan

Kapag bumaling tayo sa ating Ama sa Langit at hinangad natin ang Kanyang karunungan tungkol sa mga bagay na pinakamahalaga, paulit-ulit nating matututuhan ang kahalagahan ng apat na pangunahing kaugnayan: sa ating Diyos, sa ating pamilya, sa ating kapwa, at sa ating sarili. Kapag sinuri natin ang ating sariling buhay na handa ang isipan, makikita natin kung saan tayo lumihis mula sa mas magandang daan. Mabubuksan ang ating pang-unawa, at malalaman natin kung ano ang kailangang gawin para mapadalisay ang ating puso at baguhin ang ating buhay.

Larawan
A young man reading scriptures.

Una, ang kaugnayan natin sa Diyos ay napakasagrado at mahalaga. Tayo ay Kanyang mga espiritung anak. Siya ang ating Ama. Hangad Niya ang ating kaligayahan. Kapag hinanap natin Siya, kapag kinilala natin ang Kanyang Anak na si Jesucristo, kapag binuksan natin ang ating puso sa impluwensya ng Banal na Espiritu, magiging mas matatag at ligtas ang ating buhay. Daranas tayo ng ibayong kapayapaan, kagalakan, at tagumpay kapag ginawa natin ang lahat para mamuhay ayon sa walang-hanggang plano ng Diyos at sinunod natin ang Kanyang mga utos.

Bumubuti ang ating kaugnayan sa Ama sa Langit kapag kinilala natin Siya, nakipag-usap tayo sa Kanya, nagsisi tayo sa ating mga kasalanan, at masigasig nating sinunod si Jesucristo, sapagkat “sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ni [Cristo]” (Juan 14:6). Upang mapatibay ang ating kaugnayan sa Diyos, kailangan natin ng mahalagang sandali na makaniig Siyang mag-isa. Ang tahimik na pagtutuon sa araw-araw na pagdarasal nang mag-isa at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, na laging minimithing maging karapat-dapat na magkaroon ng temple recommend—ang mga ito ay ilang magagandang pamumuhunan ng ating oras at mga pagsisikap na mapalapit sa ating Ama sa Langit. Sundin natin ang paanyaya sa Mga Awit, “Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Dios” (Awit 46:10).

Larawan
Family members sitting around a table. They are talking to each other.

Ang ating pangalawang pangunahing kaugnayan ay sa ating pamilya. Dahil “walang tagumpay na makakapuno sa pagkukulang”3 sa buhay na ito, dapat nating unahin ang ating pamilya. Nagtatatag tayo ng malalim at mapagmahal na mga kaugnayan sa pamilya sa sama-samang paggawa ng mga simpleng bagay, tulad ng pagkain nang sabay-sabay at pagdaraos ng family home evening at sa sama-samang pagsasaya. Sa mga kaugnayan sa pamilya, ang tunay na baybay ng pagmamahal ay o-r-a-s, oras. Paglalaan ng oras para sa isa’t isa ang susi sa pagkakasundo sa tahanan. Kinakausap, sa halip na pinag-uusapan natin ang isa’t isa. Natututo tayo sa isa’t isa, at pinahahalagahan natin ang ating mga pagkakaiba-iba at pagkakatulad. Nagkakaroon tayo ng banal na bigkis sa isa’t isa kapag magkakasama tayong dumulog sa Diyos sa panalangin, pag-aaral ng ebanghelyo, at pagsamba tuwing Linggo.

Larawan
A young man showing something on his smartphone to another young man.

Ang pangatlong pangunahing kaugnayan ay sa ating kapwa. Binubuo natin ang kaugnayang ito nang paisa-isang tao—sa pamamagitan ng pagiging sensitibo sa mga pangangailangan ng iba, paglilingkod sa kanila, at pag-uukol ng ating oras at mga talento. Lubos akong humanga sa isang sister na may edad na at may sakit ngunit nagpasiya na bagama’t wala siyang gaanong maitutulong, maaari naman siyang makinig. Kaya nga bawat linggo ay naghanap siya ng mga taong mukhang may problema o pinanghihinaan ng loob, at pinag-ukulan sila ng oras, sa pakikinig. Malaking pagpapala siya sa buhay ng napakaraming tao.

Larawan
Informal portrait of a young woman at the General Women's Meeting, March 2014.

Ang pang-apat na pangunahing kaugnayan ay sa ating sarili. Parang kakatwa kung iisipin na makaugnay natin ang ating sarili, ngunit ginagawa natin iyon. May mga taong hindi kasundo ang kanilang sarili. Buong araw nilang pinipintasan at hinahamak ang kanilang sarili hanggang sa kamuhian nila ang kanilang sarili. Iminumungkahi ko na huwag kayong masyadong magmadali at maglaan kayo ng kaunting panahon para higit na kilalanin ang inyong sarili. Mamasyal, masdan ang pagsikat ng araw, malugod sa mga likha ng Diyos, pagnilayin ang mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo, at alamin kung ano ang kahulugan ng mga ito sa inyo. Matutong tingnan ang sarili tulad ng pagtingin sa inyo ng Ama sa Langit—bilang Kanyang minamahal na anak na may dakilang potensyal.

Kalakasan sa Kasimplihan

Ang kalakasan ay hindi nagmumula sa napakaraming aktibidad kundi sa pagiging panatag sa matatag na pundasyon ng katotohanan at liwanag. Nagmumula ito sa pagtutuon natin ng pansin at pagsisikap sa mga pangunahing bagay tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Nagmumula ito sa pagbibigay-pansin sa mga banal na bagay na pinakamahalaga.

Simplihan natin nang kaunti ang ating buhay. Gawin natin ang mga pagbabagong kailangan upang maituon nating muli ang ating buhay sa dakilang kagandahan ng simple at payak na landas ng pagiging disipulo ni Cristo—ang landas na laging patungo sa isang buhay na makabuluhan, masaya, at payapa.

Mga Tala

  1. Mahatma Gandhi, sa Larry Chang, Wisdom for the Soul (2006), 356.

  2. Dallin H. Oaks, “Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” Liahona, Nob. 2007, 107.

  3. J. E. McCulloch, Home: The Savior of Civilization (1924), 42; tingnan din sa Conference Report, Abr. 1935, 116.