2015
Paano Nila Nalaman ang Kailangan Ko?
Disyembre 2015


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Paano Nila Nalaman ang Kailangan Ko?

Hannah Eiselin, Arizona, USA

Larawan
Illustration depicting a young adult woman standing at a mailbox looking at a card.

Paglalarawan ni Stan Fellows

Halos 20 taon na ang nakararaan natanggap ko ang tawag sa misyon na maglingkod sa Japan. Dama ang matinding pag-asam at bahagyang pag-aalala, naghanda ako sa pag-alis papuntang misyon sa buwan ng Enero. Sa panahong ito parehong nawalan ng trabaho ang mga magulang ko.

May pondo ako para sa gastusin sa misyon sa pagdating ko sa Japan pero kapos sa pera ang pamilya ko. Hindi ko alam kung saan ako makakakuha ng perang pambayad sa mga paunang gastusin tulad ng mga isusuot sa misyon, maleta, at iba pang mga kailangan. May part-time job ako pero hindi sasapat ang kita ko roon. Ang higit na ipinag-aalala ko ay kung paano ako makakakuha ng pera para makapag-aplay kaagad ng pasaporte at hawak ko na ito sa oras na aalis na ako papuntang Japan.

Isang hapon, nanlulumong pumasok ako sa kuwarto ko at sumamo sa Ama sa Langit. Sinabi ko na gusto kong maglingkod sa Japan at nagpasalamat na ang pangarap kong maglingkod ay malapit nang matupad. Pinilit kong huwag maiyak, habang sinasabi sa Kanya na kailangan ko ng $75 para sa pasaporte at wala ako ng ganitong halaga. Nang tumayo ako matapos manalangin, alam ko na magiging maayos ang lahat. Hindi ko alam kung paano, pero panatag ako na maglalaan ang Panginoon.

Nang araw ding iyon binuksan ko ang mailbox namin at nakakita ng Christmas card sa loob. Ang taong naghatid niyon ay gumawa ng paraan para hindi siya makilala. Walang selyo ang card; hindi ito ipinadaan sa koreo.

Sa loob ng card ay may naka-type na, “Congratulations! Ikaw ang mapalad na nakatanggap ng mabubuting gawa. Maligayang Pasko, Hannah. Good luck sa misyon mo.”

May lamang $100 ang card. Tumayo ako sa aming pintuan at umiyak. Sino ang gumawa nito, at paano nila nalaman ang kailangan ko?

Pagkaraan ng ilang taon hindi ko pa rin kilala kung sino ang nagdala ng pera sa bahay namin nang araw na iyon. Inisip ko ang taong iyon, o mga taong iyon, nang madalas mula noon. Ipinakita nila ang sa palagay ko ay ibig sabihin ng sinabi noon ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pagkahabag ng mabubuting kaibigang may katangiang tulad ng kay Cristo ay nagpapaantig at nagpapabago nang lubos ng ating buhay. … Sa Simbahang ito, ang mga idinarasal na tulong ay madalas sinasagot ng Panginoon sa pamamagitan ng simple at araw-araw na paglilingkod ng mapagmalasakit na mga kapatid. Sa kabutihan ng mga tunay na kaibigan, nakita ko ang awa ng Panginoon mismo.”1

Ang kabaitang iyon ay nagpabago sa akin, nakatulong sa akin na makaalis sa misyon sa takdang-oras at nagbigay sa akin ng inspirasyon na maghanap ng paraan na maging sagot sa dalangin ng iba.

Tala

  1. Joseph B. Wirthlin, “Valued Companions,” Ensign, Nob. 1997, 32.