2015
Ang Himalang Handog sa Akin sa Araw ng Pasko
Disyembre 2015


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Himalang Handog sa Akin sa Araw ng Pasko

Joan Burton Stott, California, USA

Noong taglagas ng 1968, tinanong ng aming bishop ang mga magulang ko kung mag-aambag ba sila ng pera para sa pagtatayo ng Provo Utah Temple. Hindi na ginagawa iyan ngayon ng mga ward, pero karaniwang ginagawa ito noon. Nangako si Itay na mag-aambag ng US $1,000. Maaaring hindi gaanong malaking halaga iyan ngayon, pero malaki iyon sa amin noon. Dalawa ang trabaho ni Itay para masuportahan ang isang anak sa kolehiyo, isang anak sa misyon, at lima pang anak.

Nang kausapin kami ni Itay sa family council at sinabi sa amin ang ipinangako niyang $1,000 para sa templo, naaala kong naisip ko na, “Mas mabuti pang mangako ng $1 milyon kasi pareho namang di kakayanin ang halagang iyon.” Hindi ako makapaniwala na nangako siya ng ganoon kalaking halaga gayong wala nang apat na buwan para maipon namin ang pondo.

Pumili kami ng apat na paraan para makaipon ng pera: hindi kami magbibigayan ng regalo sa Pasko at iaambag ang perang gagastusin namin sana sa mga regalo; iaambag namin ng mga kapatid kong babae ang kita namin sa pag-aalaga ng bata; magtatrabaho kahit paano ang nakababata kong kapatid na lalake para kumita; at pupunta kaming buong pamilya sa taniman sa aming lugar at pipitas ng mga mansanas araw-araw sa loob ng ilang linggo, at iaambag ang kikitain namin.

Binalutan namin ng pangregalo ang kahon ng sapatos na paglalagyan namin ng aming mga deposito, idinagdag ang larawan ng templo at ang larawan ni Jesucristo, at ipinatong ang kahon sa maliit na mesa. Lalo kaming natutuwa kapag nadaragdagan ang mga ambag namin. Nakatuon na kami sa mga regalong gusto naming ibigay para sa Tagapagligtas. Talagang pinasalamatan ko ang regalo na ibinigay Niya sa mga anak ng Diyos—ang Kanyang buhay—kaya gusto kong may maibigay sa Kanya bilang kapalit.

Ang pagpitas ng mga mansanas ang naging pinakamahirap ngunit kasiya-siyang paraan para kumita ng pera. Nakakapagod ito, ngunit pinalakas at ginantimpalaan kami habang magkakasamang gumagawa bilang pamilya. Kami ay nagsimulang “magka[sama-]sama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa” (Mosias 18:21).

Habang papalapit ang Pasko, sinisilip ko ang laman ng kahon, pero lagi akong nalulungkot. Kahit marami na kaming ginawa, matatagalan pa bago namin makamit ang hinahangad namin.

Gayunpaman, masaya ang pakiramdam ko sa desisyon naming huwag bumili ng mga regalo. Alam kong maliliit lang ang mga sakripisyo namin, ngunit naniniwala ako na matutuwa ang Tagapagligtas.

Isang araw ay ibinalita sa amin ni itay na nakaipon na kami nang sapat at naiambag na niya ang pera. Hindi ko alam kung paano namin nakumpleto ang ipon nang gayon kabilis.

Ang katuparan ng pangako ni Itay ng Paskong iyon ay isang himala. Ngunit para sa akin, ang tunay na himala ay ang matanto na sa pamamagitan ng pagbibigay sa halip na pagtanggap, mas napalapit ako sa Tagapagligtas. Mas maganda iyon kaysa anumang regalo sa Pasko na natanggap ko. Pagkaraan ng pitong taon ang regalo ay naibalik sa akin nang lumuhod ako sa isang altar sa Provo Temple para mabuklod sa panahong ito at sa buong kawalang-hanggan sa aking asawa.