2023
Ihanda ang Inyong Espirituwal na Lupa
Enero 2023


“Ihanda ang Inyong Espirituwal na Lupa,” Liahona, Ene. 2023.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Ihanda ang Inyong Espirituwal na Lupa

Ang talinghaga ng manghahasik ay makakatulong sa atin na maghanda para sa pag-aaral natin ng Bagong Tipan sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ngayong taon.

Isa sa mga paborito kong talinghaga sa Bagong Tipan ang talinghaga ng manghahasik, na matatagpuan sa Mateo 13:3–23 (tingnan din sa Marcos 4:3–20; Lucas 8:5–15). Sa talinghagang ito, ang mga paraan na natatanggap ng mga tao ang salita (ang binhi) ay ikinukumpara sa iba’t ibang uri ng lupa. Nalalaman natin na bawat lupa ay may mahalagang katangian, mabuti man o masama.

Madalas nating basahin ang talinghagang ito at iniisip natin na inilalarawan nito ang kahandaan ng mga tao na tanggapin at ipamuhay ang ebanghelyo. Samantalang totoo ito, sa palagay ko ay mailalarawan din ng talinghaga ang ating indibiduwal na pag-unlad habang lumalago ang ating pananampalataya at kaalaman sa ebanghelyo. Sa madaling salita, hindi tayo palaging nakakulong sa isang partikular na uri o antas ng paniniwala. Sa pagsampalataya at pagsisikap, maaari nating pagyamanin ang ating espirituwal na lupa upang maging mas mabuti ang bunga nito.

Gusto kong suriin natin ang ideyang ito dahil naipaunawa nito sa akin ang talinghagang ito sa mas malalim na paraan. Naniniwala ako na habang naghahanda tayo para sa pag-aaral natin ng Bagong Tipan sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin para sa darating na taon, makakatulong ang pagrerebyu ng talinghaga ng manghahasik na ihanda ang ating puso na tanggapin ang katotohanan ng ebanghelyo.

Pagtanggap sa mga Binhi ng Ebanghelyo

Sa talinghaga, nalaman natin na habang nagtatanim ang manghahasik:

  • Nahulog ang ilang binhi sa tabing-daan, at kinain ng mga ibon ang mga iyon.

  • Nahulog ang ilan sa batuhan. Sumibol ang mga iyon pero natuyo sa matinding sikat ng araw.

  • Nahulog ang ilan sa katinikan, at sinakal ng mga tinik ang mga iyon.

  • Nahulog ang ilan sa mabuting lupa at namunga.

Ipinaliwanag ng Panginoon:

“Kung ang sinuman ay nakikinig ng salita ng kaharian, at hindi niya ito inuunawa, darating ang masama at aagawin ang naihasik sa kanyang puso. Ito [siya] na naihasik sa tabing daan.

“[Ngunit] ang napahasik sa mga batuhan ay iyong nakikinig ng salita, at agad niyang tinatanggap ito na may kagalakan.

“Gayunma’y hindi siya nagkaugat kundi sandali lamang tumatagal; at kapag dumating ang kapighatian o pag-uusig dahil sa salita ay kaagad siyang natitisod.

“Ang napahasik sa mga tinikan ay iyong nakikinig sa salita; ngunit ang kabalisahan ng sanlibutan at ang daya ng mga kayamanan ay sumasakal sa salita at iyon ay nagiging walang bunga.

“Ang napahasik naman sa mabuting lupa, ay iyong nakikinig ng salita at inuunawa ito, na siyang talagang namumunga. Ang isa ay isandaan, ang iba ay animnapu, at ang iba ay tatlumpu” (Mateo 13:19–23; idinagdag ang diin).

Tingnan natin ang bawat uri ng lupa at alamin natin kung ano ang magagawa para mas mapagyaman ito.

Larawan
mga binhi at mga ibon

Mga larawang-guhit ni David Green

Lupa sa Tabing-daan

Sabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang mga binhing ‘nahulog sa tabi ng daan’ (Marcos 4:4) ay hindi dumapo sa lupa kung saan maaaring tumubo ang mga ito. Para itong mga turo na nahulog sa isang pusong matigas o hindi handa.”1

Bukod pa rito, kung minsa’y hindi natin nauunawaan ang naririnig o nababasa natin sa mga banal na kasulatan dahil hindi handa ang ating puso. Kapag gayon ang sitwasyon, ano ang dapat nating gawin?

Maaari tayong humingi ng paliwanag mula sa mga taong nakakaunawa. Maaari nating tanungin ang mga missionary, ang ating Sunday School teacher, ang ating priesthood o organization leader, ang ating seminary o institute teacher, ang mga nagmi-minister sa atin, o ang ating matatapat na magulang at kapamilya. Maaari nating pag-aralan ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Ang Gospel Library app ay naglalaan ng maraming resources na makakatulong sa atin na maghangad ng karagdagang pang-unawa.

Dapat din tayong manalangin at humingi ng karagdagang liwanag sa Diyos. Kung tapat ang ating puso, tunay ang ating layon, at may pananampalataya tayo kay Cristo, tatanggap tayo ng kaalaman tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo (tingnan sa Moroni 10:4–5). Sabi ng Panginoon:

“Humingi, at iyon ay ibibigay sa inyo; maghanap, at kayo’y makasusumpong, kumatok, at kayo’y pagbubuksan.

“Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap, at siya na naghahanap ay makasusumpong; at sa kanya na kumakatok, siya ay pagbubuksan” (3 Nephi 14:7–8).

Larawan
mga binhi at mga bato

Lupa sa Batuhan

Naririnig ng ilang tao ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa pamamagitan ng mga missionary, nadarama ang pagmamahal ni Cristo, at dumadalo at nasisiyahan sa mga miting ng Simbahan. Gayunman, sa paglipas ng panahon, patuloy ang mga paghihirap sa buhay. Nalalaman nila na mahirap pa rin ang buhay kung minsan at hindi ito palaging masaya. Humihina ang kanilang pananampalataya at lumalayo sila.

Nakikita rin ng ilan ang “batuhan” kapag dumadalo sila sa isang miting o kumperensya at nadaramang dapat nilang gawin ang lahat ng tama mula sa sandaling iyon. Pero pagsapit ng Lunes bumabalik sila sa kanilang regular na mga responsibilidad. Mahirap pa rin ang mga hamon sa trabaho. Parang kaakit-akit ang mga tukso. Kaya nga ang hangarin nilang magpakabuti sa espirituwal ay nababawasan o naglalaho.

Natututuhan nila sa mahirap na paraan na kung hindi malalim ang espirituwal na mga ugat para maging matatag tayo sa malakas na ihip ng hangin, mapakain tayo kapag nagugutom, o mapanariwa tayo kapag mainit ang araw, maaari tayong espirituwal na masawi.

Paano natin mapagyayaman ang mabatong lupa? Alisin ang mga bato at palalimin ang ating espirituwal na mga ugat.

Maaaring mahirap alisin ang mga bato. Maaaring kailangan ng paglikha ng isang sitwasyon na naghihikayat ng pananampalataya. Maaaring kailangan ng pagbuo ng mga bagong pagkakaibigan at pag-iwas sa anyo ng kasamaan (tingnan sa 1 Tesalonica 5:22).

Larawan
mga kamay na may hawak na mga bato

Para magkaroon ng lakas na alisin ang mga bato, kailangan natin ang tulong ng Tagapagligtas. Dumarating iyan kapag nakikipagtipan tayo sa Kanya. Nagsisimula ito sa pagtanggap sa paanyayang magpabinyag. Ang ibig sabihin nito ay makumpirma at matanggap ang kaloob na Espiritu Santo. Ang ibig sabihin nito ay tanggapin ang anumang mga tipan na wala pa tayo, tulad ng pagtanggap ng priesthood o pagpunta sa templo. Ang ibig sabihin nito ay magsimba at magpanibago ng mga tipan sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento bawat linggo.

Kapag dumarating ang mga pagsubok at tukso, maaari tayong humawak nang mahigpit sa mga tipang ginawa natin sa Panginoon. “Nabibigkis tayo sa Tagapagligtas kapag tapat nating inaalala at ginagawa ang lahat ng makakaya natin na mamuhay ayon sa mga obligasyong tinanggap natin,” sabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. “At ang ugnayang iyon sa Kanya ang mapagkukunan ng espirituwal na lakas sa bawat sandali ng ating buhay.”2

Larawan
mga binhi at mga tinik

Lupa sa Katinikan

Tinutulutan ng lupang ito na lumago ang mga halaman, pati na ang mga tinik. Ang mga tinik ang “mga alalahanin, mga kayamanan, at mga kalayawan sa buhay [na ito]” na maaaring maging dahilan para ang ating “bunga ay hindi [maging perpekto]” (Lucas 8:14).

Ano ang nangyayari kapag tumanggap tayo ng mga tipan pero hindi na tayo tumatahak sa landas ng tipan? O tumatanggap tayo ng sakramento pero hindi tayo humihingi ng tawad, dahil ni hindi na natin iniisip ang ating mga pagkakamali. O maaari tayong humingi ng kapatawaran pero ayaw nating patawarin ang iba. Tumatanggap tayo ng mga tipan sa templo pero hindi tayo naglilingkod sa mga nangangailangan. Isinasantabi natin ang mga pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo dahil natatakot tayo na baka hindi iyon angkop o nakakahiya, o dahil hindi na natin alam kung ano ang sasabihin.

Ang solusyon ay ipamuhay ang tipang ginawa natin nang binyagan tayo, “makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati; … [na] aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan [tayo] ay maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan” (Mosias 18:9).

Inaalis natin ang mga damo kapag nagsisisi tayo araw-araw, gumagawa ng maliliit o malalaking pagbabago, at bumabalik sa tuwid at makitid na landas ng tipan.

Hindi natin hinahayaang masakal tayo ng mga damo ng buhay. Ginagawa natin ito kapag ginagawa nating mga santuwaryo ng pananampalataya ang ating tahanan. Hinahangad natin ang anumang nag-aanyaya sa impluwensya ng Espiritu. Tinatanggihan natin ang anumang nagpapalayo sa impluwensyang iyon. At naglilingkod tayo sa kaharian ng Diyos—sa ating mga calling, sa templo, sa gawaing misyonero, sa ating pamilya.

Ang Mabuting Lupa

Maraming nakakarinig sa salita, nakakaunawa rito, at hinahayaan itong lumago sa puso nila. Sa kanila ay sinasabi ng Panginoon, “Kayo’y pinili ko, at itinalaga ko kayo upang kayo’y humayo at magbunga, at ang mga bunga ninyo’y mananatili” (Juan 15:16). Para sa gayong mga tao, ang sagot ay sumulong nang may pananampalataya at magtiis sa mabubuting gawa.

Nagtanong si Pangulong Oaks, “Ano ang gagawin natin sa mga turo ng Tagapagligtas habang nabubuhay tayo?”3 Ngayong taon, habang naghahanda tayong pag-aralan ang Bagong Tipan, nawa’y lumapit tayo sa Tagapagligtas at pagyamanin ang ating espirituwal na lupa upang matanggap natin ang salita. Sa gayo’y maaari tayong magbunga ayon sa hinihiling Niya sa atin sa pamamagitan ng pagtanggap at pagpapanibago ng mga tipan na nagbibigkis sa atin sa Kanya, sa paglilingkod sa Diyos at pagmamahal sa ating kapwa, at sa pagsulong sa landas ng tipan na magbabalik sa atin balang-araw sa ating tahanan sa langit.