2023
Ang mga Ebanghelyo: Apat na Patotoo tungkol sa Tagapagligtas
Enero 2023


Digital Lamang

Ang mga Ebanghelyo: Apat na Patotoo tungkol sa Tagapagligtas

Kapag tinitingnan nating mabuti ang bawat isa sa apat na Ebanghelyo, makakakita tayo ng natatanging mga pananaw na nagbibigay-diin sa mahahalagang katotohanan tungkol kay Jesucristo.

Larawan
si Jesucristo na nakaupo sa harap ng mesa kasama ang Kanyang mga Apostol

In Remembrance of Me [Sa Pag-alaala sa Akin], ni Walter Rane; lahat ng iba pang pagsasalarawan ay gawa ni Paul Mann

Ang ibig sabihin ng salitang ebanghelyo ay “mabuting balita,” at ang mabuting balita ay si Jesucristo ay pumarito sa lupa at isinakatuparan ang Kanyang misyon ng kaligtasan (tingnan sa 3 Nephi 27:13–14). Inilalarawan ng apat na Ebanghelyo sa Bagong Tipan ang buhay at misyon ng Tagapagligtas.

Bawat Ebanghelyo ay orihinal na isinulat bilang isang hiwalay na patotoo tungkol sa Tagapagligtas. Kung isa-isa nating titingnang mabuti ang bawat patotoo, maaari nating pahalagahan ang natatanging mga pananaw na nagtatampok sa mahahalagang katotohanan tungkol kay Jesucristo.

Larawan
isang lalaking nagsusulat sa isang scroll habang nakatingin ang isa pang lalaki

Marcos

Sino siya?

Nakaugaliang paniwalaan na siya si Juan Marcos, isang missionary companion ni Pablo (tingnan sa Mga Gawa 12:25).

Ano ang mga pinagkunan niya?

Posibleng si Pedro, na sinamahan niya sa Roma at ang mga alaala nito tungkol sa Tagapagligtas ay isinulat niya.1

Kailan isinulat ang kanyang Ebanghelyo?

Malamang ay sa pagitan ng AD 65 at 70 (ang una sa apat na Ebanghelyo sa Bagong Tipan na isinulat).

Sino ang kanyang mga pangunahing mambabasa?

Mga Gentil, posibleng mga Romano. Ipinaliliwanag ni Marcos ang mga kaugalian ng mga Judio para sa mga mambabasang hindi pamilyar sa wika at kultura ni Jesus (tingnan sa Marcos 7:1–4), at binabanggit din niya ang mga kaugalian ng mga Romano (tingnan sa Marcos 6:48; 13:35).

Sa halip na magsimula sa pagsilang ni Jesus, nagsimula si Marcos sa Kanyang binyag, kung saan ipinahayag ng Diyos na si Jesus ang Kanyang Pinakamamahal na Anak (tingnan sa Marcos 1:11). Ang banal na pagsang-ayon at identidad na ito ang pundasyon ng awtoridad ni Jesus laban sa mga karamdaman, sakit, at oposisyon.

Sa pangkalahatan, binibigyang-diin ni Marcos na bagama’t si Jesus ay hindi tinanggap, hindi naunawaan, at namatay nang kahiya-hiya sa krus, sa huli ay nagtagumpay Siya sa lahat ng bagay.

Habang ipinapamalas ni Jesus ang Kanyang awtoridad, madalas ay hindi Siya nauunawaan ng mga kapwa Niya Judio (tingnan sa Marcos 1:27; 4:11–12; 8:27–28), pati na ng mga tao sa Kanyang bayang sinilangang Nazaret (tingnan sa Marcos 6:1–4), at ng ilang miyembro ng pamilya (tingnan sa Marcos 3:21; tingnan din sa Juan 7:5). Maging ang Kanyang sariling mga disipulo ay hindi lubos na naunawaan ang saklaw ng Kanyang misyon (tingnan sa Marcos 4:36–41).

Gayunman, sa kabila ng oposisyon at maling pag-unawa, nagtagumpay si Jesus. Noong Kanyang mortal na ministeryo, itinuro Niya sa Kanyang mga disipulo na Siya ay babangon mula sa mga patay (tingnan sa Marcos 8:31; 9:31; 10:34). Sa krus, maging ang Romanong senturion ay nagpahayag na tunay ngang si Jesus ang Anak ng Diyos (tingnan sa Marcos 15:39). Sa puntod, pinagtibay ng isang sugong nakasuot ng puting bata na si Jesus ay nagbangon (tingnan sa Marcos 16:5–6), at maraming saksing nakakita mismo sa nabuhay na mag-uling si Cristo (tingnan sa Marcos 16:9–14).

Ang Matututuhan Natin mula kay Marcos

Para sa mga nagtataka kung bakit hindi tinanggap ng mas maraming tao ang Mesiyas na ipinako sa krus at naghangad na magkaroon o magpalakas ng sarili nilang patotoo, ang Ebanghelyo Ayon kay Marcos ay nag-aalok ng pag-asa. Sa simula pa lang, mali na ang pag-unawa ng mga tao kay Jesucristo. Ngunit ang mga taong nagmula sa anumang lahi o pinagmulan na matiyagang nananatiling tapat at sumusunod sa Tagapagligtas ay tatanggap ng katiyakan na “tunay na ang taong ito ay Anak ng Diyos” (Marcos 15:39).

Larawan
isang lalaking nagsusulat sa isang scroll

Inilalarawan ni Mateo si Jesus bilang katuparan ng mga propesiya sa mga Israelita at bilang katibayan na ang Diyos ay kasama ng Kanyang mga tao.

Mateo

Sino siya?

Nakaugaliang pinaniwalaan na siya ang maniningil ng buwis na binanggit sa Mateo 9:9.

Ano ang mga pinagkunan niya?

Ang Kanyang Ebanghelyo ay tila nakadepende sa Ebanghelyo Ayon kay Marcos kapwa pagdating sa nakatalang mga kuwento rito at, maliban sa ilang eksepsyon, sa pagkakasunud-sunod ng paglalahad sa mga ito.

Kailan isinulat ang kanyang Ebanghelyo?

Marahil sa pagitan ng AD 80 at 95.

Sino ang kanyang mga pangunahing mambabasa?

Mga Judio. Hindi tulad ni Marcos, hindi nadarama ni Mateo na kailangan niyang ipaliwanag ang mga konsepto ng mga Judio para sa kanyang mga mambabasa. Ang Ebanghelyo ay nagsisimula sa isang talaangkanan na nag-uugnay kay Jesus sa maharlikang angkan ni David at kay Abraham, ang ama ng tipang Judio (tingnan sa Mateo 1:1–17). Gayunman, kabilang din dito ang ilang sipi na nagtatampok sa pananampalataya ng mga Gentil at sa pagsama sa kanila sa kaharian ng langit (tingnan sa Mateo 1:2–6; 8:5–12; 15:21–28), na inaasam ang tagubilin ng Tagapagligtas sa Bundok ng mga Olibo na “gawin[g] alagad ang lahat ng mga bansa” (Mateo 28:19).

Inilalarawan ni Mateo si Jesus bilang katuparan ng mga propesiya sa mga Israelita tungkol sa Mesiyas na magmumula sa angkan ni Haring David. Inilalarawan din niya si Jesus bilang ang bagong Moises sa pamamagitan ng mga paghahalintulad: Siya ay lumabas mula sa Ehipto (tingnan sa Mateo 2:13–15), nagbigay ng limang pangunahing sermon2 (tulad noong ibigay ni Moises ang limang aklat ng kautusan), at ibinigay ang Kanyang bagong kautusan sa isang bundok (tingnan sa Mateo 5:1).

Inilalarawan din sa Ebanghelyo Ayon kay Mateo ang pagparito ni Jesus bilang katibayan na ang Diyos ay kasama ng Kanyang mga tao. Noong nasa bilangguan si Juan Bautista, isinugo niya ang kanyang mga disipulo kay Jesus upang magtanong kung si Jesus “ba iyong darating” (tingnan sa Mateo 11:2–3). Ang sagot ni Jesus ay na Siya ay dumating upang pagalingin ang mga tao at ituro ang ebanghelyo sa mga dukha (tingnan sa Mateo 11:4–5).

Tanging ang Ebanghelyo Ayon kay Mateo ang nagtatala ng pagkilala ng anghel kay Jesus bilang “Emmanuel, na ang ibig sabihin ay kasama natin ang Diyos” (Mateo 1:23; tingnan din sa Isaias 7:14) at ang mga huling salita ni Jesus sa Kanyang mga disipulo, “Ako’y kasama ninyong palagi, hanggang sa katapusan ng panahon” (Mateo 28:20).

Ang Matututuhan Natin mula kay Mateo

Ang Ebanghelyo Ayon kay Mateo ay isang mahalagang saksi sa papel na ginampanan ni Jesus sa pagpapakita na mahal ng Diyos ang Kanyang mga tao. Ang pagparito ni Jesus sa lupa ang katuparan ng isang planong ginawa mula pa sa simula. Bago sumapit ang Araw ng Paghuhukom, isinugo muna ng Diyos ang Kanyang Anak para turuan at pagalingin ang Kanyang mga tao, kapwa sa pisikal at sa espirituwal.

Larawan
isang lalaking nagsusulat sa isang scroll

Binibigyang-diin ni Lucas na si Jesus ang Tagapagligtas ng lahat ng tao, hindi lamang ng mga pinili o mga piling tao.

Lucas

Sino siya?

Isang manggagamot at missionary companion ni Pablo (tingnan sa Colosas 4:14; 2 Timoteo 4:11; Filemon 1:24).

Ano ang mga pinagkunan niya?

Nakakuha siya ng impormasyon mula sa mga nakasaksi mismo at sa mga naunang isinulat na Ebanghelyo, marahil pati na ang Ebanghelyo Ayon kay Marcos (tingnan sa Lucas 1:1–3).

Kailan isinulat ang kanyang Ebanghelyo?

Malamang ay sa pagitan ng AD 80 at 90, kasabay ng kasama nitong aklat, ang aklat ng Mga Gawa (ikumpara ang Lucas 1:1–4 sa Mga Gawa 1:1–3).

Sino ang kanyang mga pangunahing mambabasa?

Mga Gentil. Habang ang talaangkanan ni Jesus sa Mateo ay nagsisimula kay Abraham (tingnan sa Mateo 1:2), sa Lucas ay bumabalik iyon kay Adan, ang ama ng buong sangkatauhan (tingnan sa Lucas 3:38). Kung ikukumpara kay Marcos, binabago ni Lucas kung minsan ang mga reperensyang hindi makabuluhan para sa kanyang mga mambabasang hindi Judio, tulad ng pagtatanggal sa mga tradisyon sa relihiyon ng mga Judio at pagpapalit ng mga pangalang Aramaic o mga pangalan o titulong Hebreo.

Higit kaysa sa iba pang mga Ebanghelyo, binabanggit ni Lucas ang matatapat na kababaihan, na ang ilan ay sumama kay Jesus at temporal Siyang sinuportahan (tingnan sa Lucas 8:1–3). Isinulat niya na nasaksihan ng iba pang kababaihan ang pagkamatay ng Tagapagligtas at ipinahayag sa mga Apostol na si Jesus ay nagbangon na mula sa mga patay (tingnan sa Lucas 23:49, 55–56; 24:1–10).

Binibigyang-diin ni Lucas na si Jesus ang Tagapagligtas ng lahat ng tao, hindi lamang ng mga pinili o mga piling tao. Binibigyang-diin din niya na ang mensahe ng Tagapagligtas ay isinagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Binabanggit ni Lucas ang mga taong napuspos ng Espiritu nang maghanda sila para sa Tagapagligtas at magpropesiya tungkol sa Kanya (tingnan sa Lucas 1:15, 35, 41, 67; 2:25–27). Tinanggap ni Jesus mismo ang Espiritu, pinaglingkuran ang iba sa pamamagitan nito (tingnan sa Lucas 3:16, 22), at ipinahayag na handa ang Diyos na ibigay ang Espiritu ring ito sa Kanyang mga anak (tingnan sa Lucas 12:10).

Tanging si Lucas ang nagsasama sa atas ng Panginoon sa Pitumpu na ituro ang ebanghelyo sa lahat (tingnan sa Lucas 10:1–12). Ang temang ito ay ipinagpatuloy sa Mga Gawa nang dalhin ng mga disipulo ang mabuting balita mula Jerusalem hanggang sa “kadulu-duluhang bahagi ng lupa” (Mga Gawa 1:8).

Ang Matututuhan Natin mula kay Lucas

Higit kaysa sa iba pang mga Ebanghelyo, ipinamalas ni Lucas na tinanggap ng Tagapagligtas ng sanlibutan ang Kanyang nakatadhanang kapalaran nang may dangal at tapang upang matanggap ng bawat isa sa atin ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli, anuman ang ating pinagmulan.

Larawan
isang lalaking nagsusulat sa isang scroll

Juan

Sino siya?

Si Apostol Juan. Maraming Kristiyano noong araw ang naniwala na si Juan ang hindi pinangalanang disipulo “na minamahal ni Jesus” na binanggit sa Ebanghelyong ito (tingnan sa Juan 13:23). Pinagtitibay ng makabagong paghahayag ang pagtukoy na ito (tingnan sa 3 Nephi 28:6; Doktrina at mga Tipan 7:1).

Ano ang mga pinagkunan niya?

Ang kanyang patotoo bilang saksi, ang mga isinulat ni Juan Bautista (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:6–16), at ang hindi pinangalanang matatapat na disipulo na tumulong kay Juan na tipunin ang impormasyong ito (tingnan sa Juan 21:24).

Kailan isinulat ang kanyang Ebanghelyo?

Malamang ay sa pagitan ng AD 90 at 110.

Sino ang kanyang mga pangunahing mambabasa?

Lahat ng tao. Inaanyayahan ng Ebanghelyo Ayon kay Juan ang lahat na “sumampalataya na si Jesus ang Cristo” (Juan 20:31), na kinabibilangan ng mga taong hindi pa naniniwala gayundin ng mga disipulong naghahangad na ituloy at palakasin ang kanilang pananampalataya sa Kanya.

Ang Ebanghelyo Ayon kay Juan ay naiiba sa apat na Ebanghelyo. Noong unang panahon, kilala ito bilang “isang espirituwal na Ebanghelyo”3 dahil sa pagbibigay-diin nito sa likas na kabanalan ni Jesus. Nakasaad sa pambungad na talata nito: “Sa simula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.” (Juan 1:1; idinagdag ang diin). Ngunit binibigyang-diin din nito na “naging tao ang Salita at tumahang kasama namin” (Juan 1:14).

Ipinapakita ng Ebanghelyong ito na ang isa sa mga dahilan kaya hindi naunawaan ng maraming tao ang mga turo ni Jesus ay na Siya ay “taga-itaas” at may naiiba at walang-hanggang pananaw kumpara sa mga taong “taga-sanlibutang ito” (Juan 8:23; tingnan din sa 3:11–13, 31). Ang masusing pagbabasa ng Kanyang mga pakikipag-usap sa iba ay nagpapakita kung paano ginamit ni Jesus ang mga pakikipag-ugnayang ito para tulungan ang mga tao na magtaas ng kanilang tingin at magsimulang magkaroon ng walang-hanggang pananaw. Nang magsalita Siya, inihayag Niya ang mga salita ng Diyos (tingnan sa Juan 8:40; 14:10, 24); at nang kumilos Siya, isinagawa Niya ang kalooban ng Diyos (tingnan sa Juan 4:34; 5:30; 6:38).

Ang Matututuhan Natin mula kay Juan

Tinutukoy sa Ebanghelyo Ayon kay Juan ang mga layunin nito: “Lahat ng tumanggap [kay Jesus] na sumasampalataya sa kanyang pangalan ay kanyang pinagkalooban sila ng karapatan na maging mga anak ng Diyos” (Juan 1:12), at “ang mga ito ay isinulat upang kayo’y sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos; at sa pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa kanyang pangalan” (Juan 20:31). Ang Ebanghelyong ito ay isang paalala sa lahat ng mambabasa nito sa kahalagahan ng pagpayag na turuan tayo ni Jesus kung paano palalimin ang ating pang-unawa mula sa walang-hanggang pananaw ng Diyos.

Katapusan

Marami tayong matututuhan sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang kung paano itinatampok ng bawat Ebanghelyo ang iba’t ibang aspeto ng ministeryo ni Jesus at ipinipinta ang indibiduwal na larawan ng Tagapagligtas. Sa pamamagitan ng inspirasyon, ibinahagi ng bawat manunulat ng Ebanghelyo ang kanyang sariling natatanging patotoo tungkol kay Jesucristo, na kapag naunawaan ay maaaring magdagdag ng nagbibigay-liwanag na dimensyon sa sarili nating pag-aaral ng Bagong Tipan at sa ating pag-unawa tungkol sa Tagapagligtas ng sanlibutan.

Sa iba pang mga makapangyarihang tema, itinuturo ng indibiduwal na mga patotoong ito na si Jesucristo ay isang Tagapagligtas na tumutupad sa Kanyang mga pangako sa Kanyang pinagtipanang mga tao (Mateo), tumutulong sa ating mga paghihirap nang may pag-asam sa walang-hanggang tagumpay (Marcos), kung kaninong Espiritu ay nag-aanyaya sa atin na buong habag na tulungan ang lahat ng tao (Lucas), at nagpapakita ng daan tungo sa pagiging kaisa ng Diyos (Juan).

Mga Tala

  1. Tingnan sa Eusebius: The Church History, isinalin ni Paul L. Maier (2007), 113–14 (3.39.15–16).

  2. Ang Sermon sa Bundok (Mateo 5–7); ang atas sa mga apostol (Mateo 10); ang diskurso tungkol sa mga talinghaga (Mateo 13); ang diskurso tungkol sa mga panuntunan sa komunidad (Mateo 18); at ang diskurso tungkol sa Bundok ng mga Olibo ((Mateo 24–25).

  3. Eusebius: The Church History, 199 (6.14.7).