2023
Pag-unawa sa Banal na Plano para sa Aming Pamilyang “Hindi Uliran”
Enero 2023


“Pag-unawa sa Banal na Plano para sa Aming Pamilyang ‘Hindi Uliran’,” Liahona, Ene. 2023.

Mga Young Adult

Pag-unawa sa Banal na Plano para sa Aming Pamilyang “Hindi Uliran”

Ang hindi pagkakaroon ng pamilyang “uliran” sa mortalidad ay maaaring masakit, pero magagamit natin ang ating mga realidad para mas mapalapit sa Tagapagligtas.

Larawan
young adult na babae na nag-iisip tungkol sa pamilya

Mga larawang-guhit ni David Green

Walang nagdudulot ng mas matinding damdamin ng kahulugan, kagalakan, pananabik, at pasakit kaysa sa mga relasyong pinakamahalaga sa ating karanasan sa mortalidad—ang ating mga relasyon sa pamilya. At dahil napakahalaga ng mga relasyong ito, nagkaroon ng inspirasyon ang mga pinuno ng ating Simbahan na gawin ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.”1 Ang mga katotohanan nito ay nagpapatotoo sa isang mapagmahal na Ama na nananabik na ipaalam sa atin ang mga banal na huwarang humahantong sa walang-hanggang kaligayahan sa buhay-pamilya.

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Dahil mahal ng ating Ama ang kanyang mga anak, hindi niya tayo hahayaang manghula kung ano ang pinakamahalaga sa buhay na ito kung magpapaligaya ba ang ating pagpansin o kung magpapalungkot ba ang ating pagwawalang-bahala.”2 Kabilang dito ang napakaraming sagradong tungkulin natin sa pamilya sa buhay na ito: anak na babae o lalaki, kapatid na babae o lalaki, ina o ama, tita o tito, lolo o lola.

Ang mga katotohanan sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak ay nagbibigay-liwanag sa “walang hanggang huwaran” na labis na hinahangad ng marami sa atin—matatatag at masasayang relasyon sa walang-hanggang pamilya. Ang problema ay nabubuhay tayo sa “tunay na buhay sa mundo.” At ang agwat na iyan sa pagitan ng “tunay” at ng “uliran” ay maaaring masakit. Kung minsan, sa halip na ituring itong liwanag na gagabay sa atin, maaari pa nating maranasan na ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak ay isang nakakaantig na paalala kung saan tayo “nabigo” sa pagiging “uliran.”

  • Maaaring nasasabik tayong makapag-asawa pero hindi natin nakikitang posible ito.

  • Maaaring nakapag-asawa tayo at nakaranas ng nakapanlulumong diborsyo.

  • Maaaring nasasabik tayong magkaanak pero hindi natin kayang magkaanak.

  • Maaaring nakaranas tayo ng pang-aabuso sa mga relasyon sa pamilya na pinagkatiwalaan natin.

  • Maaaring nakaranas tayo ng matinding pasakit dahil sa mga pagpili ng mahal nating mga kapamilya.

  • Maaaring madama natin na watak-watak tayo sa kabila ng lahat ng pagsisikap nating magkaisa ang ating mga mahal sa buhay.

  • Maaari pa nga tayong madismaya sa hindi-natutupad na mga pangarap at pangako.

Ang totoo, malalaman nating lahat ang mga hamon, pasakit, at kalungkutan sa buhay-pamilya—ang ilan ay higit pa kaysa sa iba. Kahit paano, lahat tayo ay hindi makakaabot sa mga ulirang huwaran na nakabalangkas sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak.

Ang maaaring hindi natin natatanto ay ang banal na plano sa katotohanang iyan.

Paghahanap at Pagsunod sa Tagapagligtas*

Bilang isang dalagang nasasabik na makapag-asawa at magkaroon ng mga anak sa loob ng maraming taon, ninais at pinaniwalaan ko na ang pangunahing layunin ng buhay ko ay ang magkaroon ng ulirang buhay-pamilya na nakasaad sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak. Subalit sa kabila ng napakataos kong mga pagsisikap, parang ayaw mangyari ang mga iyon sa paraan na pinaniwalaan kong nararapat. Masakit ang pakikibakang iyon.

Sa panahong iyon, hindi ko makita ang mahimalang gawaing nais iparating ng Panginoon sa puso ko sa pamamagitan ng pakikibakang iyon.

Sa pagbabalik-tanaw, ang mga pangarap kong hindi natupad ay may ginampanang sagradong papel para matuon ang puso ko sa aking Manunubos para maghanap ng kapayapaan at patnubay na Siya lamang ang makapagbibigay at magpapalalim sa aking tiwala sa Kanyang sakdal na pagmamahal at nagbibigay-kakayahang kapangyarihan. Ang araw-araw na panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at lalo na ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, ay nagbigay sa akin ng mahalagang pag-asa at patnubay. Napilitan akong bumaling sa mga salita ng patriarchal blessing ko—at ng iba pang mga priesthood blessing—para madama ko ang pagmamahal at patnubay na personal para sa akin mula sa aking Amang Walang Hanggan.

Nang ibuhos ko ang nilalaman ng puso ko sa Panginoon, kahit natukso akong tumalikod sa sama-ng-loob, dumating sa puso ko’t isipan ang mga sagradong impresyon na tumiyak sa akin na alam Niya kung nasaan ako, na maganda ang plano ng buhay ko, at na maaari akong magtiwala sa Kanya. Ang pagiging kabilang sa tipan3 sa aking Manunubos ay naging daluyan ng malaking kapayapaan at kagalakan na higit pa sa ibang mga pinagmumulan ng katuparan o kaligayahan.

Nakita ko na bagama’t naniwala ako na ang layunin ng buhay ko ay ang makamit ang aking mga pangarap na magkaroon ng ulirang pamilya, ginawang posible ng Panginoon ang tinawag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na pangunahing layunin ng mortalidad. Nang banggitin niya ang sinabi ni Haring Benjamin, ipinaliwanag niya, “Marahil ang pangunahing layunin … ay ang maging isang ‘banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon,’ na mangangailangan na tayo ay maging ‘tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa kanya, maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama.’”4

Ang pangangailangan ko sa tulong at lakas ng Tagapagligtas ang umakay sa akin para hangarin at danasin ang Kanyang pusong nagpapasakop, maamo, mapagpakumbaba, matiisin, at mapagmahal. Sa prosesong ito nabago ako ng Kanyang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan. At ang totoo, iyon ang pinakagusto ko. Ang mukhang masyadong “hindi uliran” ang talagang nagbigay-daan para sa pinakamagandang “uliran.”

Inilarawan ng kaibigan at kasamahan kong si Ty Mansfield ang isang katotohanang katulad nito. Bilang isang lalaking naaakit sa kaparehong kasarian, nasaksihan ni Ty ang espirituwal na paglago na maaaring mangyari kapag inangkla natin ang ating buhay kay Jesucristo at handa tayong isuko ang buong puso natin sa Kanya, na nagtutulot sa Kanya na ilaan ang lahat ng mahihirap na karanasan para sa ating kapakinabangan. Para kay Ty, nagsimula iyon nang ituro sa kanya ng Espiritu “na makapag-asawa man ako, lubos akong minahal at tinanggap ng Diyos. Responsibilidad ko na patuloy na mabuhay nang paisa-isang araw habang hinahangad at sinusunod ko ang patnubay ng Espiritu.”5 At kalaunan, ang pagtitiwala sa Diyos ang umakay kay Ty na makasal sa kanyang asawa sa isang masaya, maganda, at walang-hanggang kasal.

Pagkakaroon ng Mas Malalim na Relasyon sa Tagapagligtas

Nakapag-asawa na rin ako sa wakas pagkatapos mag-isip kung makakapag-asawa nga ba ako. Pero ang pangangailangang makaangkla nang husto kay Jesucristo ay nagpatuloy lamang, kung hindi man naragdagan, sa paglipas ng mga taon mula nang mabuklod ako sa aking asawa. Nagsimula akong muli na humiling ng kapayapaan sa Kanya habang nahihirapan akong magkaanak. Hindi ko alam kung paano ako magkakaroon ng kagalakang inaasam ko sa buhay-pamilya nang walang mga anak. Pero kahit matapos kaming mabiyayaan na mag-asawa ng dalawang anak, madalas akong nagtuon sa aking mga kahinaan bilang ina. Kahit nakuha ko na sa wakas ang matagal ko nang gusto, para pa ring lumalaki ang agwat sa pagitan ng “uliran” at ng “tunay.”

Nahikayat ako ng mga sitwasyong ito na muling isipin ang mga layunin ng mortalidad at ang mga prosesong inorden ng langit para tayo lumago. Baka hindi talaga pagkakaroon ng ulirang pamilya ang layunin ng buhay. Baka wala ngang uliran sa buhay na ito. Sa halip, baka isang oportunidad ang pamilya para umunlad.

Sa katunayan, baka ang napakasaklap na katotohanan na “hindi uliran” ang hihikayat para matupad ang sagradong layunin ng paglago na kailangan natin para talagang mamuhay sa mga relasyong “uliran.” Baka nakasalalay ang kapangyarihan sa katotohanan na ang malaking agwat sa pagitan ng tunay at ng uliran ang naghihikayat para magkaroon tayo ng mas malalim na relasyon kay Jesucristo kung saan pinagagaling at pinababanal Niya ang nawasak, na nagbibigay ng karunungan, lakas, at pagmamahal habang daan. Isang himala na sa pamamagitan ng Kanyang biyaya at pagtubos, at sa Kanya lamang, tayo maaaring maging uri ng mga tao sa mga uri ng relasyon na hangad nating taglayin sa langit.

Naniniwala na ako na ang “pagiging perpekto” ay hindi talaga posible sa mga relasyon sa pamilya, para sa sinuman—kahit paano sa buhay na ito man lang. Pero posible ang katapatan, integridad, at tunay na pagiging malapit. Sa katunayan, ang pagkukunwari o pag-asang maging perpekto ay hahadlang sa tunay na pagiging malapit sa Diyos, sa ating pamilya, at sa iba. Sa halip, kapag tinulutan natin na makita ni Cristo, ng ating pamilya, at ng iba pa, ang tunay nating pagkatao, pati na sa lahat ng “hindi uliran,” maaari nating anyayahan ang Kanyang nagpapabanal na kapangyarihan sa ating buhay. Mararanasan natin ang Kanyang mahimalang kapangyarihan para lutasin ang hindi malutas, puspusin tayo ng Kanyang pagmamahal, at baguhin tayo at gawing mga nilalang na may mas malalalim na relasyon sa Kanya at sa ating mga mahal sa buhay.

Marahil ang pinakasagradong layunin ng pagpapahayag tungkol sa mag-anak ay upang tiyakin sa atin na dahil kay Jesucristo, ang pamilyang “uliran” ang maaaring maging walang-hanggang tadhana para sa bawat isa sa atin.

Bilang minamahal na mga anak ng mga magulang sa langit, lahat tayo ay kabilang sa isang walang-hanggang pamilya. Ang ating natatanging karanasan sa mortalidad ay mahalagang bahagi ng plano ng ating Ama na tulungan tayong umunlad at “sa huli ay matanto ang ating banal na tadhana bilang mga tagapagmana ng buhay na walang hanggan”6—na katulad ng magandang buhay-pamilya na nararanasan Niya, gaano man tila naiiba sa uliran ang ating mga karanasan sa pamilya ngayon. Ipinahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nakinita na … at pupunan, sa huli, ang lahat ng kasalatan at kawalan ng mga taong bumabaling sa Kanya. Walang sinumang nakatadhanang tumanggap ng mas kakaunti kaysa lahat ng mayroon ang Ama para sa Kanyang mga anak.”7

Tulad ng ipinangako ng Panginoon kay Jacob sa gitna ng mga hamon ng kanyang pamilyang “hindi uliran,” muling tinitiyak sa atin ng Kanyang pakikipagtipan sa atin na, “Ako’y kasama mo at iingatan kita saan ka man pumunta, at ibabalik kita sa lupaing ito sapagkat hindi kita iiwan hanggang hindi ko nagagawa ang ipinangako ko sa iyo” (Genesis 28:15). Habang sinusunod natin Siya, anuman ang hitsura ng ating mga di-perpektong buhay, hindi Niya “tayo pababayaan,” hanggang sa maabot natin ang lahat ng hangad nating kahinatnan, na nakabigkis sa mga relasyon sa pamilya sa walang-hanggang kagalakan.

Mga Tala

  1. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” SimbahanniJesucristo.org.

  2. Henry B. Eyring, “The Family,” Liahona, Okt. 1998, 10.

  3. Tingnan sa Gerrit W. Gong, “Pagiging Kabilang sa Tipan,” Liahona, Nob. 2019, 80–83.

  4. Jeffrey R. Holland, “A Saint Through the Atonement of Christ the Lord” (mensahe sa debosyonal ng Brigham Young University, Ene. 18, 2022), 1, speeches.byu.edu.

  5. Ty Mansfield, Voices of Hope (2011), 5.

  6. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.”

  7. D. Todd Christofferson, “Bakit Dapat Mag-asawa at Bumuo ng Pamilya,” Liahona, Mayo 2015, 52.