2023
Pumayapa, Pumanatag: Pagpapayapa sa Ating mga Unos
Pebrero 2023


“Pumayapa, Pumanatag: Pagpapayapa sa Ating mga Unos,” Liahona, Peb. 2023.

Ang mga Himala ni Jesus

Marcos 4:35–41; Mateo 14:22–33

Pumayapa, Pumanatag: Pagpapayapa sa Ating mga Unos

Ipinakita ng mga himala ng Panginoon na kung minsa’y pinapayapa Niya ang bagyo, at kung minsa’y pinapayapa Niya ang magdaragat.

Larawan
si Jesus at ang mga disipulo sakay ng bangka habang bumabagyo

The Storm on the Sea of Galilee [Ang Bagyo sa Dagat ng Galilea], ni Rembrandt Van Rijn, © Isabella Stewart Gardner Museum / Bridgeman Images

Bawat isa sa atin ay naaapektuhan ng mga unos o pagsubok sa iba’t ibang yugto ng ating buhay. Ang likas na katangian at tagal ng mga unos na ito ay magkakaiba at natatangi sa ating mga sitwasyon. Kadalasa’y ginugulat tayo ng mga hamong ito. Bagama’t sinisikap nating maghanda para sa mga unos ng buhay, madalas nating masumpungan na wala sa atin ang kapangyarihang payapain ang mga iyon.

Ang ministeryo at mga himala ni Jesucristo ay nagbibigay sa atin ng pag-asa na tatanggap tayo ng tulong kapag nahaharap tayo sa mga unos na ito. Isinagawa ng Tagapagligtas ang dalawa sa mga himalang ito sa Dagat ng Galilea. Sa dalawang sitwasyong ito, tumatawid ng dagat ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga Apostol sa gabi sa gitna ng matitinding bagyo. Ang masusing pag-aaral ng espirituwal at pisikal na mga aspeto ng dalawang himalang ito ay maaaring magturo sa atin ng ilang mahahalagang aral tungkol sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na tulungan tayong payapain ang sarili nating mga unos.

Kung Minsan Pinapayapa Niya ang Bagyo …

Ang Himala (Marcos 4:35–41)

Sinasabi sa atin sa Marcos na naganap ang una sa dalawang himalang ito matapos iukol ni Jesus ang halos buong maghapon sa pagtuturo sa maraming tao sa Dagat ng Galilea. Nakaupo ang mga tao sa isang burol kung saan tanaw ang dagat at nakaupo ang Tagapagligtas sa isang bangka. Sa gabi, sumakay ng bangka ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga Apostol para tumawid papunta sa silangang bahagi ng dagat.

Gayunman, hindi nagtagal ay napagitna ang bangka sa isang malakas na bagyo. Habang payapang natutulog ang Tagapagligtas, desperadong sinikap ng Kanyang mga disipulo na iligtas ang kanilang buhay. Nagbantang ilubog ng hangin at matataas na alon ang barko. Sa huli, sa kawalan ng pag-asa, ginising ng mga Apostol ang Tagapagligtas sa nagdadalamhati nilang mga salita, “Guro, hindi ka ba nababahala na mapapahamak tayo?” Sumunod ang malaking himala:

“Paggising niya ay sinaway niya ang hangin at sinabi sa dagat, ‘Pumayapa ka. Tumahimik ka!’ Tumigil nga ang hangin at nagkaroon ng malaking katahimikan.

“[At] sinabi niya sa kanila, ‘Bakit kayo natakot? Wala ba kayong pananampalataya?’” (Marcos 4:39–40).

Ang Physics

Dahil sa kakaibang heograpiya ng Dagat ng Galilea, madalas magkaroon ng malalakas na hangin doon. Sa habang 13 milya at lapad na 8 milya, ang elevation ng dagat ay 690 talampakan sa ilalim ng dagat, at napapalibutan iyon ng mga burol. Ang ilan sa mga burol ay pumapaimbulog nang hanggang 2,000 talampakan sa ibabaw ng dagat. Sa gabi, ang mainit at mahalumigmig na hangin sa ibabaw ng tubig ay kadalasang tumataas, samantalang ang mas malamig na hangin mula sa mga burol ay mabilis na bumababa, na lumilikha ng malalakas na ihip ng hangin sa ibabaw ng tubig. Bukod pa rito, ang Dagat ng Galilea ay medyo mababaw, na may maximum na lalim na 250 talampakan, na may posibilidad na lumikha ng mas malalaking alon kapag malakas ang ihip ng hangin.

Bagama’t nagkaroon ng mga pag-unlad sa pagpapakita at paghula sa pagdating ng mga bagyo, walang kakayahan ang mga tao na kontrolin ang mga iyon. Sa nakaraang siglo lamang natin nalaman kung paano natin maaapektuhan kapwa ang lagay ng panahon at ang klima. Ang cloud seeding ay ginagamit na para magpasimula ng ulan, at may ebidensya na kayang baguhin ng mga kapaligiran at polusyon sa lungsod ang lokal at pandaigdigang klima. Gayunman, ang kakayahang pahupain ang bagyo, lalo na sa napakaikling panahon, ay hindi kayang gawin ng tao. Ang hangin ay bunga ng pag-iiba-iba ng temperatura at pressure sa lugar. Ang bagyong may malalakas na hangin ay humuhupa lamang kapag balanse ang temperatura at pressure.

Ang mga Aral

Ang isang aral na natutuhan ko mula sa himalang ito ay na may kapangyarihan ang Tagapagligtas sa mga elemento. Ang Tagapagligtas ang lumikha ng lupa, tubig, kapaligiran, at lahat ng bagay sa daigdig (tingnan sa Juan 1:3). Sa Paglikha, may kapangyarihan Siyang utusan ang mga elemento at sumunod ang mga iyon (tingnan sa Abraham 4:18). Ang himala ng pagpapayapa sa bagyo ay nagpakita na taglay rin Niya ang kapangyarihang ito noong Kanyang mortal na ministeryo.

Naniniwala ako na nagtuturo noon ang Tagapagligtas tungkol sa nakapagliligtas at nagpoprotektang kapangyarihang taglay Niya. Ang mga hangin ng kasamaan ay maaaring magdulot ng lahat ng uri ng napakalalakas na alon sa ating buhay (tingnan sa Helaman 5:12). Kapag umasa tayo sa Tagapagligtas, mapoprotektahan tayo laban sa kasamaan at sa mga epekto nito. Maliligtas tayo mula sa espirituwal na kapahamakan. (Tingnan sa Mateo 7:24–27.)

Talagang may kapangyarihan ang Tagapagligtas na payapain ang mga unos sa ating buhay. Kung minsa’y mabilis humupa ang mga bagyo, at sa ibang mga pagkakataon ay kailangan nating tiisin ang mga bagyo nang ilang panahon. Pero tandaan na ang mga hangin ding iyon ay maaaring magsanhi ng mas malalaking alon sa mababaw na tubig kumpara sa malalim na tubig. Kapag pinalalim natin ang ating pananampalataya sa Tagapagligtas, makikita natin na hindi tayo gaanong apektado ng espirituwal na mga hangin at alon na minsang nagbanta na daigin tayo.

Kung Minsa’y Pinapayapa Niya ang Magdaragat

Larawan
si Jesus na inaabot si Pedro sa tubig

Finisher of Faith [Tagapagsakdal ng Pananampalataya], ni J. Alan Barrett

Ang Himala (Mateo 14:22–33)

Nang sundan ng maraming tao ang Tagapagligtas sa isang tagong lugar, tinuruan Niya sila at saka sila mahimalang pinakain. Sa gabi, pinasakay Niya sa bangka ang mga disipulo para mauna sa Kanya patawid ng dagat. Pinauwi Niya ang maraming tao, at saka Siya umakyat sa isang kalapit na burol para magdasal.

Malakas ang pasalubong na hangin sa dagat, at kakaunti ang naiusad ng mga disipulo. Kalaunan nang gabing iyon, pinili ng Tagapagligtas na makipagkita sa kanila sa isang mahimalang paraan: sa paglakad sa ibabaw ng tubig.

Nang makita Siya ni Pedro, ginusto niyang iwan ang mas ligtas na kalagayan sa bangka para tularan ang Tagapagligtas at maglakad sa ibabaw ng tubig. Nagtagumpay si Pedro noong una, pero nang madaig siya ng takot, nagsimula siyang lumubog hanggang sa sagipin siya ng Tagapagligtas. (Tingnan sa Mateo 14:22–33.)

Ang Physics

Ang isa sa mga pisikal na implikasyon ng himalang ito ay ang pagkaunawa ng Tagapagligtas sa gravity, fluid dynamics, at iba pang mga tuntunin ng physics na talagang higit kaysa sa nauunawaan natin. Ang ating siyentipikong pagkaunawa sa gravity, halimbawa, ay nabuo sa paglipas ng panahon. Noong 1600s, ipinaliwanag ni Sir Isaac Newton gamit ang matematika na ang gravity ay isang puwersang kumikilos sa pagitan ng dalawang masa sa sansinukob. Ipinakita ng English scientist na si Henry Cavendish, sa pagtatapos ng ika-18 siglo, na may nasusukat na puwersa ng gravity. Nagbago ang pananaw tungkol sa gravity nang ilathala ni Albert Einstein ang kanyang pangkalahatang teoriya ng relativity noong 1915. Ang paliwanag niya tungkol sa gravity, na tanggap na ngayon ng marami, ay na binabaluktot ng mga masa ang daloy kapwa ng panahon at ng kalawakan.

Habang lumalawak ang pag-unawa natin sa gravity, nagamit natin ang pag-unawang iyan sa mga paraan na nagpabago sa ating pagkaunawa tungkol sa mga limitasyong iginigiit sa atin ng gravity. Halimbawa, isipin kung ano kaya ang pakiramdam ng maging isa sa libu-libo sa New York City sa tabi ng Hudson River noong 1909 nang pumaimbulog si Wilbur Wright sa himpapawid at lumipad sa ibabaw ng ilog at sa paligid ng Statue of Liberty. Namangha ang mga tao noong araw na iyon habang parang nilalabanan ni Wilbur Wright ang gravity. Nasaksihan nila ang isang himala—ang himala ng paglipad.

Ang mga Aral

Ang himala ng paglakad ng Tagapagligtas sa Dagat ng Galilea ay nagpapakita na marami pa tayong dapat matutuhan tungkol sa gravity at iba pang mga batas ng physics. Napakarami nating hindi lubos na nauunawaan.

Maaaring itinuturo din ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo noon at ngayon ang tungkol sa Kanyang kapangyarihang magpalakas, magpasigla, at magbigay-kakayahan. Lahat tayo ay nahaharap sa mga hamon sa buhay na ito. Tulad ni Pedro, daranas din tayo ng mga iyon. Kung minsa’y hindi humuhupa ang mga bagyo, at ang tanging paraan para malampasan ang mga iyon at makapagpatuloy tayo sa ating walang-hanggang tadhana ay ang suungin ang bagyo na may determinasyong magtuon sa Tagapagligtas.

Kailangan nating manampalataya na tulungan tayo ng nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Tagapagligtas na madaig ang sarili nating mga pangamba at limitasyon. Parehong mahalaga ang tema ng dalawang himalang ito.

Napakaraming aral mula sa mga himalang ito na tutulong at magbibigay-inspirasyon sa atin sa pagsulong sa sarili nating paglalakbay. Ang mga himala ng Tagapagligtas ay nagsisilbing malaking saksi sa Kanyang kabanalan, Kanyang katalinuhan, at Kanyang dakilang nagbabayad-salang sakripisyo para sa bawat isa sa atin. Sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan magkakaroon tayo ng kapayapaan kapag nagbabanta ang mga alon na lamunin tayo, at maaari tayong magtiwala na iaangat Niya tayo sa mas mataas na dako sa kaharian ng ating Ama.

May kapangyarihan talaga Siyang payapain ang mga unos gayundin ang mga magdaragat.