2023
Inaasahan ba Talaga ng Ama sa Langit na Maging Sakdal Tayo?
Pebrero 2023


“Talaga bang Inaasahan ng Ama sa Langit na Maging Sakdal Tayo?,” Liahona, Peb. 2023.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Mateo 5; Lucas 6

Inaasahan ba Talaga ng Ama sa Langit na Maging Sakdal Tayo?

Sa Kanyang Sermon sa Bundok, itinuro ng Tagapagligtas na, “Kayo nga’y maging sakdal, gaya ng inyong Ama sa langit na sakdal” (Mateo 5:48). Pero paano ito nagiging posible? Ang kautusang ito ay parang napakahirap, at maaari tayong panghinaan-ng-loob kung hindi tayo titigil para alalahanin kung paano at kailan tayo magiging sakdal.

Larawan
mga piraso ng puzzle

Aktibidad: Puzzle ng Pagiging Sakdal

Bahagi 1

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang tanging pag-asa natin upang tunay na maging sakdal ay tanggapin ito bilang kaloob ng langit—hindi natin ito ‘matatamo sa sariling sikap.”1

Bilang pamilya, o sa sarili mo, hanapin ang kahulugan ng perfect sa Guide to the Scriptures sa Gospel Library app o sa ChurchofJesusChrist.org. Basahin ang mga reperensya sa banal na kasulatan na kaakibat ng kahulugan. Maaari mo ring isiping basahin ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Perfection Pending” mula sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1995.2

Ano ang pagkaunawa mo ngayon sa pagiging sakdal? Talakayin sa inyong pamilya o isulat sa iyong journal kung paano binabago ng pagkaunawa mo sa mga talatang ito ang pakahulugan ng ebanghelyo sa sakdal.

Bahagi 2

Bilang pamilya, gumawa ng isang simpleng puzzle sa paggupit ng isang papel at gawin itong ilang piraso ng puzzle. Bago buuin ang puzzle, alisin ang isang piraso para hindi makumpleto ang puzzle kapag binuo ito. Ibigay sa bawat miyembro ng pamilya ang natitirang mga piraso ng puzzle at sabihin sa kanila na sulatan ang mga piraso ng mga bagay na magagawa nila sa pagsisikap na maging sakdal.

Kapag nasulatan na ang mga piraso, buuin ang puzzle nang wala ang pirasong inalis mo sa simula. Kapag buo na ang puzzle, ipakita ang huling piraso. Bago iyon ilagay, talakayin ang mga paraan na tinutulungan tayo ng mga miyembro ng Panguluhang Diyos na magpakabuti at isulat ang ilan sa mga ito sa huling piraso.

Sa pamamagitan ng nagtutubos na kapangyarihan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala, magiging sakdal tayo kalaunan.3

Mga Tala

  1. Jeffrey R. Holland, “Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—Sa Wakas,” Liahona, Nob. 2017, 41.

  2. Russell M. Nelson, “Perfection Pending,” Ensign, Nob. 1995, 86–88.

  3. Tingnan sa Jeffrey R. Holland, “Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—Sa Wakas,” 41–42.