2023
Kung Saan Ako Kinailangan ng Panginoon
Pebrero 2023


“Kung Saan Ako Kinailangan ng Panginoon,” Liahona, Peb. 2023.

Mga Larawan ng Pananampalataya

Kung Saan Ako Kinailangan ng Panginoon

Inasam kong matawag sa Africa sa aking misyon, pero kinailangan ako ng Panginoon sa ibang bahagi ng Kanyang ubasan.

Larawan
placeholder altText

Larawang kuha ni Cody Bell

Sumapi pareho ang mga magulang ko sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Kenya, at kapwa naglingkod sa full-time mission. Bata pa ako, itinuro nila sa akin na dapat din akong magmisyon. Inasam ko ang araw na iyon.

Siyam na buwan bago ko natanggap ang aking tawag, mula sa Kenya ay lumipat ako sa New Jersey, USA, kung saan nagtatrabaho ang aking ina. Nang ipasa ko ang aking application sa misyon, naisip ko na magandang bumalik sa Africa sa aking misyon. Sa katunayan, inasam kong matawag doon.

Pero nang matanggap ko ang aking mission call, nalaman ko na sa Washington Spokane Mission sa Estados Unidos ako pupunta. Ni hindi ko alam kung saan iyon, pero ang unang ipinaisip sa akin ng Espiritu ay, “Doon ka kailangan ng Panginoon.”

Nang lumapag ako sa Spokane makalipas ang ilang buwan, binati ako at tinanong ng mission president: “Tinitingnan ko ang aplikasyon mo. Talaga bang nagsasalita ka ng Swahili?”

“Opo,” sagot ko. “Lumaki ako na nagsasalita ng Swahili at English.”

“Kung gayon,” sabi niya, “binago na ang mission call mo sa Swahili speaking sa halip na sa English speaking.”

Matagal na niyang ipinagdarasal na magkaroon ng isang missionary na marunong magsalita ng Swahili. Nagsikap pa nga ang ilang elder sa misyon na mag-aral mag-isa ng Swahili. Hindi nagtagal ay nalaman ko kung bakit.

Tumanggap na ang Spokane ng isang malaking grupo ng mga refugee mula sa mga silangang bansa ng Africa na Tanzania, Kenya, Burundi, Rwanda, at Uganda. Marami sa mga refugee na iyon ang orihinal na nagmula sa Democratic Republic of the Congo. Naiiba nang kaunti ang kanilang Swahili sa alam ko, pero nagkakaunawaan kami. Sa huli ay ginugol ko ang buong misyon ko sa ward ding iyon sa Spokane sa pagtuturo sa mga refugee na iyon.

Pagmamahal ang Pinakamahalagang Bagay

Madalas sabihin ng mga miyembro ng Simbahan na, “Walang pakialam ang mga tao sa dami ng nalalaman mo hangga’t hindi nila nalalaman kung gaano mo sila kamahal.” Sa aking misyon, nalaman ko kung gaano katotoo ang pahayag na iyan sa tagumpay ng missionary.

Sa kanilang inang bayan, marami sa mga pamilyang refugee na tinuruan namin ang nakakita ng kakila-kilabot na mga bagay sa hidwaan at digmaan na mahirap isipin. Nasaksihan nila talaga ang pagkamuhi at kung anong masasamang bagay ang kayang gawin ng mga tao sa iba. Marami ang nawalan ng pag-asa sa sangkatauhan at kinailangang lisanin ang kanilang tahanan.

Nang simulan naming mga missionary na turuan sila, hindi naman ang dami ng nalalaman namin tungkol sa ebanghelyo ang nakatulong sa kanila na lumapit kay Cristo. Mas dahil iyon sa kung gaano namin sila minahal ng mga miyembro ng ward na tulad ni Cristo. Nang mahalin namin sila at pagmalasakitan, muli silang nakadama ng pag-asa. Nakita nila na mayroon pa ring mabubuting tao sa mundo at ang mabubuting taong nakilala nila sa ward ay nakaugnay sa ebanghelyo ni Jesucristo. Gusto nilang madama ang pagmamahal na iyon, na maging bahagi niyon, kaya nagsisimba sila at bumabalik sa simbahan.

“Puno ng pagmamahal ang simbahan ninyo,” sabi sa akin ng isang lalaking tinuturuan namin.

Bago pa man kami makahingi ng tulong sa fellowshipping, magtatanong na ang mga miyembro ng Lincoln Heights Ward, na namamahala sa grupo ng mga Swahili, kung ano ang puwede nilang gawin. Madalas sabihin sa amin ng mga pamilyang refugee, “Tinulungan kami ng taong ito sa ganito at ng taong ito sa ganyan.” Nagpasimula pa nga ang ward ng isang Sunday School sa Swahili.

Napakasayang makita na sa pagpapakita ng pagmamahal, tinulungan ng mga miyembro ng ward ang mga African na sumapi sa Simbahan. Pagmamahal ang pinakamalaking tulong sa aming tagumpay sa mga Swahili. Isinasakay sila ng ilang miyembro papunta sa simbahan, ang ilan ay nagkukupkop ng mga pamilya, ang ilan ay bumibisita sa mga pamilya, at ang ilan ay lihim na gumagawa ng mga bagay-bagay para sa mga pamilya. At laging naroon ang ward bishop na si Philip Huber, na nagsikap na matuto ng Swahili, na nagpapakita rin ng kanyang pagmamahal at suporta. Wala nang ibang ward na mas gaganda pa kaysa rito para makasama ko sa gawaing ito.

Ito ang Kanyang Gawain

Lahat tayo ay mga anak ng Diyos. Kilala Niya tayo at kakasangkapanin tayo sa mga lugar kung saan pinakamainam natin Siyang mapaglilingkuran gamit ang ating natatanging mga kakayahan. Ito ay Kanyang gawain. Ito ay hindi ating gawain. Alam Niya kung saan tayo pinakamainam na mailulugar. Kapag natanggap ng mga missionary ang tawag sa kanila, maaaring hindi sila mapunta sa lugar na gusto nilang puntahan, pero siguradong ipadadala sila ng Panginoon kung saan Niya sila gustong pumunta. Ang lugar na pinagdadalhan Niya sa kanila ay ang lupain kung saan Siya nakapaghanda ng mga taong tatanggap sa kanila.

Pagdating ko sa Spokane, pakiramdam ko ay hindi ko naman pala kailangang magpunta sa Africa. Sa Spokane, pakiramdam ko ay dinala ako sa isang munting Africa sa Amerika.

Kung minsa’y iniisip ko ang aking misyon at sinasabing, “Napakalaking bagay niyon para maging bahagi ako. Talaga bang dapat akong maging bahagi niyon?”

Nakadama ako ng pagpapakumbaba at nagpapasalamat na isiping naging bahagi ako niyon.