2023
Alalahanin Kung Ano ang Pinakamahalaga
Mayo 2023


Alalahanin Kung Ano ang Pinakamahalaga

Ang pinakamahalaga ay ang ating ugnayan sa Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak, sa ating pamilya, at sa ating kapwa, at pagpayag sa Espiritu na gabayan tayo.

Sa paggunita natin sa matagumpay na pagpasok ng Tagapagligtas sa Jerusalem bago ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, naaalala ko ang Kanyang mga salita ng pag-asa at pagpapanatag: “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, ay mabubuhay.”1

Mahal ko Siya. Naniniwala ako sa Kanya. Pinatototohanan ko na Siya ang Pagkabuhay na Mag-uli at ang Buhay.

Pinanatag at napalakas ako ng patotoong ito sa nakalipas na apat at kalahating taon mula nang pumanaw ang asawa kong si Barbara. Nangungulila ako sa kanya.

Kadalasan, pinagninilayan ko ang aming walang-hanggang kasal at ang buhay naming magkasama.

Naibahagi ko na dati kung paano ko unang nakilala si Barbara at kung paano ako tinuruan ng karanasang iyon na gamitin ang kasanayang “mag-follow up” na natutuhan ko sa aking misyon. Kinailangan kong mag-follow up kaagad sa kanya pagkatapos ng una naming pagkikita dahil maganda siya, popular, at punung-puno ang kanyang kalendaryo ng mga aktibidad. Agad akong napaibig sa kanya dahil siya ay madaling lapitan at mabait. Humanga ako sa kanyang kabutihan. Nadama ko na akma kami sa isa’t isa. Parang simple lang iyon sa aking isipan.

Nagdeyt kami ni Barbara, at nagsimulang lumago ang aming ugnayan, ngunit hindi siya sigurado kung tama para sa kanya na magpakasal sa akin.

Hindi sapat na malaman ko iyon; kinailangang malaman iyon ni Barbara para sa kanyang sarili. Alam ko na kung gugugol kami ng oras sa pag-aayuno at pagdarasal tungkol sa bagay na ito, makatatanggap si Barbara ng pagpapatibay mula sa langit.

Nag-ukol kami ng isang Sabado’t Linggo nang hindi nagdedeyt para makapag-ayuno at makapagdasal kami nang magkahiwalay para malaman namin ito sa aming sarili. Laking suwerte ko, ang natanggap niyang pagpapatibay ay kapareho ng sa akin. Sabi nga nila, alam na ninyo ang nangyari.

Nang pumanaw si Barbara, pinaukitan ng aming mga anak ang kanyang lapida ng ilang aral na nais ni Barbara na maalala nila. Ang isa sa mga aral na iyon ay “ang pinakamahalaga ay kung ano ang pinaka-nagtatagal.”

Ngayo’y ibabahagi ko ilang nadarama at iniisip ko tungkol sa kung ano ang pinakamahalaga.

Una, ang ugnayan sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak, ang Panginoong Jesucristo, ang pinakamahalaga. Ang ugnayang ito ang pinakamahalaga ngayon at sa kawalang-hanggan.

Pangalawa, ang mga ugnayan sa pamilya ay kasama sa mga bagay na pinakamahalaga.

Sa aking paglilingkod, nabisita ko na ang maraming indibiduwal at pamilyang naapektuhan ng nakapanlulumong mga kalamidad na dulot ng kalikasan. Marami ang nawalan ng tahanan, nagutom, at natakot. Kinailangan nila ng tulong-medikal, pagkain, at kanlungan.

Kinailangan din nila ang kanilang pamilya.

Nauunawaan ko na ang ilan ay maaaring hindi nagkaroon ng mga pagpapala ng isang mapagmahal na pamilya, kaya isinasama ko ang malalayong kamag-anak, kaibigan, at maging ang mga pamilya ng ward bilang “pamilya.” Ang mga ugnayang ito ay mahalaga para sa emosyonal at pisikal na kalusugan.

Ang mga ugnayang ito ay maaari ding pagmulan ng pagmamahal, kagalakan, kaligayahan, at damdamin ng pagiging kabilang.

Ang pangangalaga sa mahahalagang ugnayang ito ay isang pagpapasiya. Ang pagpapasiyang maging bahagi ng isang pamilya ay nangangailangan ng katapatan, pagmamahal, pasensya, komunikasyon, at pagpapatawad.2 Maaaring may mga pagkakataon na hindi tayo sumasang-ayon sa ibang tao, ngunit maaari nating gawin iyon nang hindi nakikipagtalo. Sa pagliligawan at pag-aasawa, hindi tayo basta-basta nagmamahal o nawawalan ng pagmamahal na para bang mga bagay tayong pinakikilos sa isang chessboard. Ipinapasiya nating mahalin at suportahan ang isa’t isa. Ginagawa rin natin ito sa iba pang mga ugnayan sa pamilya at mga kaibigan na parang kapamilya na natin.

Isinasaad sa pagpapahayag tungkol sa pamilya na “ang plano ng kaligayahan ng Diyos ang nagpapahintulot sa mga ugnayan ng mag-anak na magpatuloy sa kabilang-buhay. Ang mga banal na ordenansa at tipan na makukuha sa mga banal na templo ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao na makabalik sa kinaroroonan ng Diyos at upang ang mga mag-anak ay magkasama-sama [nang] walang hanggan.”3

Ang isa pang bagay na pinakamahalaga ay ang pagsunod sa mga pahiwatig ng Espiritu sa ating pinakamahahalagang ugnayan at sa ating mga pagsisikap na mahalin ang ating kapwa tulad sa ating sarili, pati na sa ating mga paglilingkod na pribado at pampubliko. Natutuhan ko nang maaga ang aral na ito sa buhay ko habang naglilingkod ako bilang isang bishop.

Isang malamig at maniyebeng gabi ng taglamig, paalis na ako mula sa aking bishop’s office nang nagkaroon ako ng malakas na impresyon na bisitahin ang isang matandang balo sa ward. Sumulyap ako sa aking relo—alas-10 na ng gabi. Binalewala ko iyon dahil gabing-gabi na para bumisita. At bukod pa roon, umuulan ng niyebe. Nagpasiya akong bisitahin ang mahal na kapatid na iyon kinabukasan ng umaga sa halip na istorbohin siya sa oras na iyon. Nagmaneho ako pauwi at humiga na pero magdamag akong pabaling-baling sa kama dahil pinupukaw ako ng Espiritu.

Maaga pa kinaumagahan, dumiretso ako sa bahay ng balo. Binuksan ng kanyang anak na babae ang pinto at malungkot na sinabing, “Ah, Bishop, salamat at dumating kayo. Pumanaw si Inay dalawang oras na ang nakararaan”—lungkot na lungkot ako. Hinding-hindi ko malilimutan ang nadama ko. Umiyak ako. Sino pa bukod sa mahal na biyudang ito ang nararapat hawakan ng kanyang bishop sa kanyang kamay, panatagin siya, at marahil ay bigyan siya ng huling basbas? Napalampas ko ang pagkakataong iyon dahil ipinasiya kong balewalain ang malakas na pahiwatig mula sa Espiritu.4

Mga kapatid, mga kabataang lalaki at babae, at mga batang Primary, pinatototohanan ko na ang pagsunod sa mga pahiwatig ng Espiritu ay isa sa mga bagay na pinakamahalaga sa lahat ng ating ugnayan.

Sa huli, sa Linggo ng Palaspas na ito, pinatototohanan ko na ang pagbabalik-loob sa Panginoon, pagpapatotoo tungkol sa Kanya, at paglilingkod sa Kanya ay kabilang din sa mga bagay na pinakamahalaga.

Ang pananampalataya kay Jesucristo ang pundasyon ng ating mga patotoo. Ang patotoo ay isang pagsaksi o pagpapatibay sa walang-hanggang katotohanang nakintal sa puso’t kaluluwa ng bawat tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang patotoo tungkol kay Jesucristo, na nagmumula sa at pinalalakas ng Espiritu, ay nagpapabago ng buhay—binabago nito ang paraan ng ating pag-iisip at pamumuhay. Ang patotoo ay ibinabaling tayo sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang banal na Anak.

Itinuro ni Alma:

“Masdan, ako ay nagpapatotoo sa inyo na alam ko na ang mga bagay na aking sinabi ay totoo. At paano ninyo inaakala na alam ko ang kanilang katiyakan?

“Masdan, sinasabi ko sa inyo na ang mga yaon ay ipinaalam sa akin ng Banal na Espiritu ng Diyos. Masdan, ako ay nag-ayuno at nanalangin nang maraming araw upang aking malaman ang mga bagay na ito sa aking sarili. At ngayon nalalaman ko sa aking sarili na ang mga yaon ay totoo; sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagbigay-alam nito sa akin sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu.”5

Hindi sapat ang magkaroon lamang ng patotoo. Habang lumalago ang ating pagbabalik-loob kay Jesucristo, likas nating ninanais na patotohanan Siya—ang Kanyang kabutihan, pagmamahal, at kabaitan.

Kadalasan sa ating mga testimony meeting tuwing Linggo ng ayuno, mas naririnig natin ang mga pahayag na “Nagpapasalamat ako” at “Mahal ko” kaysa sa mga pahayag na “Alam ko” at “Naniniwala ako.”

Inaanyayahan ko kayong magpatotoo tungkol kay Jesucristo nang mas madalas. Magpatotoo tungkol sa inyong nalalaman at pinaniniwalaan at nadarama, hindi lamang tungkol sa mga bagay na pinasasalamatan ninyo. Patotohanan ang sarili ninyong mga karanasan sa pagkilala at pagmamahal sa Tagapagligtas, sa pamumuhay ayon sa Kanyang mga turo, at sa Kanyang nanunubos at nagbibigay-kakayahang kapangyarihan sa inyong buhay. Kapag pinatotohanan ninyo ang inyong nalalaman, pinaniniwalaan, at nadarama, pagtitibayin ng Espiritu Santo ang katotohanan sa mga taong taimtim na nakikinig sa inyong patotoo. Gagawin nila iyon dahil namasdan nila kayong maging mapayapang alagad ni Jesucristo. Makikita nila ang kahulugan ng maging Kanyang disipulo. May madarama rin sila na maaaring noon lamang nila nadama. Ang dalisay na patotoo ay nagmumula sa pusong nagbago at maipauunawa ng kapangyarihan ng Espiritu Santo sa puso ng iba na handang tanggapin ito.

Ang mga may nadarama dahil sa inyong patotoo ay maaaring hilingin sa Panginoon sa panalangin na pagtibayin ang katotohanan ng inyong patotoo. Pagkatapos ay malalaman nila iyon mismo.

Mga kapatid, nagpapatotoo at sumasaksi ako sa inyo na alam ko na si Jesucristo ang Tagapagligtas at Manunubos ng sanlibutan. Siya ay buhay. Siya ang nabuhay na mag-uling Anak ng Diyos, at ito ang Kanyang Simbahan na pinamumunuan ng Kanyang propeta at mga apostol. Dalangin ko na balang araw kapag sumakabilang-buhay ako, nawa’y magawa ko ito nang may napakalakas na patotoo.

Sa aking paglilingkod, natutuhan ko na ang pinakamahalaga ay ang ating mga ugnayan sa Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak, sa ating pamilya, at sa ating kapwa, at ang pagpayag sa Espiritu ng Panginoon na gabayan tayo sa mga ugnayang iyon upang mapatotohanan natin ang mga bagay na pinakamahalaga at pinaka-nagtatagal. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Juan 11:25.

  2. Tingnan sa mga artikulong “Pamilya,” “Pagkakaisa,” at “Pagmamahal” sa Mga Paksa ng Ebanghelyo sa Gospel Library (sa https://www.churchofjesuschrist.org/study/manual/gospel-topics?lang=tgl o sa mobile app) para mabasa ang mga banal na kasulatan at ang mga mensahe mula sa mga propeta, apostol, at iba pang pinuno ng Simbahan tungkol sa paksang ito.

  3. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” SimbahanniJesucristo.org.

  4. Ang isang salaysay tungkol sa karanasang ito ay nasa Susan Easton Black at Joseph Walker, Anxiously Engaged: A Biography of M. Russell Ballard (2021), 90–91.

  5. Alma 5:45–46.