2023
Mga Tampok mula sa Ika-193 Taunang Pangkalahatang Kumperensya
Mayo 2023


Welcome sa Isyung Ito

Mga Tampok mula sa Ika-193 Taunang Pangkalahatang Kumperensya

“Tayo ay espirituwal na pinakain nitong huling dalawang araw,” sabi ni Pangulong Russell M. Nelson sa pagtatapos ng Ika-193 Taunang Pangkalahatang Kumperensya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (tingnan sa pahina 127). Kabilang sa piging na iyon ang payo na tularan ang Tagapagligtas na si Jesucristo—na pinapalitan ang pagtatalo ng pag-ibig sa kapwa, habag, at kapayapaan (tingnan sa Pangulong Nelson, pahina 98; tingnan din sa Elder Christofferson at Elder Soares, pahina 77 at 85).

“Inaanyayahan ko kayo na suriin ang inyong pagkadisipulo ayon sa pakikitungo ninyo sa iba,” sabi ni Pangulong Nelson. “Binabasbasan ko kayo na gumawa ng anumang kinakailangang pagbabago upang ang inyong pag-uugali ay maging marangal, magalang, at kumakatawan sa isang tunay na tagasunod ni Jesucristo” (pahina 98)

Kasama si Pangulong Nelson, ipinahayag ng iba pang mga pinuno ng Simbahan na ang sagot sa ating mga tanong, hamon, kabiguan, at kawalan ay matatagpuan sa halimbawa, mga turo, Pagbabayad-sala, at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas na si Jesucristo, na nagbibigay sa atin ng “kaloob na kapayapaan” (Pangulong Eyring, pahina 29; tingnan din sa Pangulong Oaks, pahina 102; Pangulong Johnson, pahina 81; at Elder Meurs, pahina 39). Hinikayat tayo ng mga tagapagsalita na magtuon sa Tagapagligtas (tingnan sa Elder Camargo, pahina 64), sambahin Siya (tingnan sa Elder Stevenson, pahina 6), lumapit sa Kanya (tingnan sa Pangulong Cordon, pahina 10), palakasin ang ating patotoo tungkol sa Kanya (tingnan sa Pangulong Ballard, pahina 105), maglingkod tulad ng paglilingkod Niya (tingnan sa Elder Gong at Elder Uceda, mga pahina 16 at 70), at pagbutihin ang ating pagkadisipulo (tingnan sa Elder Bednar, Rasband, at Bragg, mga pahina 123, 108, at 60).

Hinikayat din tayo ng mga pinuno ng Simbahan na pahalagahan ang ating patriarchal blessing. Ang mga hindi pa nakatanggap ng kanilang patriarchal blessing ay pinayuhang ipagdasal “[kung kailan] tama ang panahon” para tanggapin ito (tingnan sa Elder Bennett at Elder Yamashita, mga pahina 42 at 88).

Ipinaalala sa atin ni Pangulong Nelson, na ibinalita ang pagtatayo ng 15 bagong templo, “Si Jesucristo ang dahilan kung bakit tayo nagtatayo ng mga templo” (pahina 127; tingnan din sa Elder Renlund, Elder De Hoyos, at Elder Duncan, mga pahina 35, 52, at 95).

Sinang-ayunan natin ang limang bagong General Authority Seventy, isang bagong Young Women General Presidency, at isang bagong miyembro ng Young Men General Presidency, habang ipinapaabot ang taos-pusong pasasalamat sa mga taong na-release o ire-release sa Agosto 1, 2023.

Habang muli nating pinanonood ang pangkalahatang kumperensya, pinag-aaralan ang mga mensahe, at “pinagninilayan … ang mga katotohanang itinuro” (Pangulong Nelson, pahina 127), madarama natin, kasama ng mga nagsalita, ang hangaring mangusap, magalak, mangaral, at magpatotoo tungkol kay Jesucristo—ang pinagmumulan ng ating kaligtasan (tingnan sa 2 Nephi 25:26).