2023
Brother Michael. T. Nelson
Mayo 2023


“Brother Michael T. Nelson,” Liahona, Mayo 2023.

Brother Michael T. Nelson

Pangalawang Tagapayo sa Young Men General Presidency

Para kay Brother Michael T. Nelson, pinagtibay ng kanyang panahon bilang mission president na ang pagtuturo ng mga tamang alituntunin sa bagong henerasyon at pagkatapos ay pagtitiwala sa kanila ay nagbubunga ng pinakamagagandang resulta—kapwa para sa gawaing misyonero at sa buhay ng bawat missionary.

“Tiwala ang pinakamahalaga. Natuto kaming magtiwala sa kanila,” sabi niya tungkol sa pakikipagtulungan sa mga full-time missionary sa California San Bernardino Mission, kung saan naglingkod ang mga Nelson bilang mga mission leader mula 1998 hanggang 2001.

Sinabi ni Brother Nelson na ang pagkatuto—at pagbibigay sa mga kabataan ng pagkakataong mamuno—ay nanatiling mahalagang bahagi ng kanyang paglilingkod sa Simbahan at patuloy na magiging bahagi sa kanyang bagong calling sa Young Men General Presidency. Sa nakalipas na tatlong taon, naglingkod si Brother Nelson bilang executive secretary sa Young Men General Presidency. Sa loob ng dalawang taon bago iyon, naglingkod siya bilang miyembro ng ngayon ay Young Men General Advisory Council.

Si Michael Terry Nelson ay isinilang noong Hunyo 10, 1956, sa Salt Lake City, Utah, USA, kina Monte Cannon at Viola Eliza Nelson at lumaki sa Salt Lake area. Matapos maglingkod sa Chile Santiago Mission, nag-aral siya ng organizational communications sa Brigham Young University at sa University of Utah. Noong 1982 pinakasalan niya si Barbara Fluckiger sa Jordan River Temple. Ang mga Nelson ay nanirahan sa Sandy, Utah, bago sila lumipat sa Wallsburg, Utah. Mayroon silang siyam na anak.

Si Brother Nelson ay chief financial officer ng isang commercial at residential real estate and investment company. Ang mga Nelson, kabilang na ang dalawang anak na kasama nila sa bahay, ay nagpapatakbo rin ng isang maliit na sakahan sa kanilang tahanan. Ang pagiging aktibo at paggugol ng oras sa labas ng bahay ay dapat maging mahalaga para sa mga kabataan ng Simbahan, sabi ni Brother Nelson, na tulad sa kanyang pamilya.

Si Brother Nelson ay naglingkod na bilang stake president, counselor sa isang stake presidency, stake executive secretary, bishop, at ward at stake Young Men president. Tumulong siya sa pangangalap ng pondo, pagrerehistro, at logistics noong 1997 para sa sesquicentennial wagon train na nagsadula ng paglalakbay ng unang grupo patungong Salt Lake Valley.