2023
Elder Alan T. Phillips
Mayo 2023


“Elder Alan T. Phillips,” Liahona, Mayo 2023.

Elder Alan T. Phillips

General Authority Seventy

Sa murang edad, nadama ni Elder Alan T. Phillips na totoo ang Simbahan, ngunit umasa siyang magkaroon ng mas personal na patotoo tungkol sa Tagapagligtas bago siya naglingkod bilang full-time missionary.

“Nag-ayuno ako, nagdasal, nagpunta sa kakahuyan,” wika niya. “Hinahanap ko noon ang malaking sagot.”

Pagkatapos, isang linggo noong nasa isang assignment malayo sa kanyang pamilya, mag-isa siyang dumalo sa sacrament meeting.

“Hindi ako naghahanap noon. Naroon lang ako—naghahanda para sa sakramento at sumasabay sa pagkanta ng kongregasyon,” wika niya. “Sa unang pagkakataon, ang mga salita at ideya ng ‘kamay N’ya’y pinako bilang pambayad sala’1 para sa akin ay napakalakas ng damdaming tumimo sa puso ko. Nadama ko ang Kanyang realidad para sa akin, hindi na isang konsepto, hindi na malabo. Siya, sa sandaling iyon, ang aking Tagapagligtas.”

Kalaunan ay nanalangin si Elder Phillips, na nagpapasalamat sa Ama sa Langit at sinabi sa Kanya na magiging tapat siya sa nalalabi niyang buhay sa bagong kaalamang ito na ibinigay sa kanya ng Diyos.

Iyon ang sandali na pinagtibay sa kanya ang realidad ng Tagapagligtas. Sinabi niya na lahat ng iba pa sa kanyang patotoo ay nagmumula sa “[tiyak] na saligan” (Helaman 5:12).

Si Alan Thomas Phillips ay isinilang sa Kent, England, noong Hunyo 1970 at lumaki sa Buckinghamshire, England. Pinakasalan niya si Lindsey Iorg noong Hulyo 2005 sa Mesa Arizona Temple. Sila ay may apat na anak at mga miyembro sila ng makasaysayang Hyde Park Stake ng Simbahan sa London.

Si Elder Phillips ay nagtamo ng isang bachelor’s degree at isang master’s degree mula sa London School of Economics and Political Science. Nakapagtrabaho siya para sa iba’t ibang organisasyon sa business, finance, at education, kabilang na ang nakaraang apat na taon bilang academic director ng Brigham Young University London Centre.

Si Elder Phillips ay naglingkod ng full-time mission sa England Manchester Mission. Naglingkod din siya bilang counselor sa Europe North Area Presidency, Area Seventy, stake president, counselor sa isang stake presidency, high councilor, at counselor sa isang bishopric.

Tala

  1. “Ako ay Namangha,” Mga Himno, blg. 115.