2023
Naglingkod ang mga Pinuno ng Simbahan sa Maraming Bansa
Mayo 2023


Patuloy ang Paglilingkod ng mga Apostol sa Buong Mundo

Bumisita si Elder David A. Bednar sa Switzerland, Austria, Albania, at Hungary noong Oktubre 2022. Sa Switzerland, nakipag-usap siya sa matataas na U.N. diplomat at kinatawan ng mga pandaigdigang organisasyon na nakikipagtulungan sa Simbahan sa mga humanitarian project. Sa ibang mga bansa kinausap niya ang mga miyembro, na marami sa kanila ay mga pioneer sa pananampalataya sa mga bansang iyon.

“Nakisalamuha kami sa mga Banal na nagtatatag ng pundasyon ng Simbahan na magtatagal sa maraming henerasyon,” wika niya.

Mula sa São Paulo Temple Visitors’ Center noong Nobyembre 10, 2022, lumahok si Elder Ronald A. Rasband sa isang Facebook Live broadcast, at ibinahagi ang kanyang patotoo tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo.

“Laging alalahanin na si Jesucristo ang Hari ng mga hari. Siya ang Panginoon ng mga panginoon at Prinsipe ng Kapayapaan,” pagpapatotoo ni Elder Rasband.

Noon ding Nobyembre, nagsalita si Elder Gary E. Stevenson sa G20 Religion Forum sa Bali, Indonesia. Sinabi niya na ang mga relihiyon ay pinakamainam na makakatulong sa paglutas sa mga problema ng mundo kapag “nanatili silang tapat sa kanilang mga pangunahing alituntunin habang ginagabayan din ng karagdagang banal na liwanag at kaalaman.”

Nagsalita si Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, sa mga missionary sa Mexico City Missionary Training Center noong Disyembre 2022 at nagpatotoo tungkol sa “pribilehiyong ipahayag sa mundo na si Jesucristo ang Tagapagligtas at Manunubos ng buong sangkatauhan.”

Bumisita si Elder Jeffrey R. Holland sa isang klase sa seminary sa California, USA, at kinausap ang mga miyembrong nagsasalita ng Español sa walong stake sa paligid ng Ventura, California, noong Disyembre 2022. Nagsalita siya kapwa sa Ingles at Español. Hinimok niya ang mga miyembro na magtuon sa mga kabataan at hiniling sa mga kabataan at lider na naroon na maging mga missionary ngayon mismo dahil “ang Diyos ay buhay, mga kapatid, ang Diyos ay buhay. Ang Simbahan ay totoo.”

Nagsalita si Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, sa mga miyembro at kaibigan ng Simbahan sa Illinois, Indiana, at Wisconsin, USA, noong Pebrero 11, 2023. Nagsalita siya mula sa stake center sa Wilmette, Illinois, sa meeting broadcast sa 14 na stake. Nang sumunod na gabi, nagsalita siya sa mga 900 kabataan at young adult na nagtipon sa Rockford Illinois Stake Center. Ang pulong ay ibinrodkast sa iba pang mga lokasyon sa Illinois, Indiana, at Wisconsin.

Malugod na tinanggap ng mga miyembro at service volunteer ng Simbahan sa India si Elder Dieter F. Uchtdorf nang bumisita siya sa New Delhi, Hyderabad, at Bengaluru mula Pebrero 6 hanggang 17. “Mahal namin ang India at ang mga tao,” wika ni Elder Uchtdorf. “Labis kaming naantig at humanga.”

Tinuruan ni Elder Quentin L. Cook ang mga Banal sa Madagascar, Zambia, at Mozambique sa isang pagbisita noong Pebrero. Mahigit 500 katao na hindi miyembro ng Simbahan ang dumalo sa isang pinagsamang stake conference sa Maputo, Mozambique, para marinig na magsalita ang Apostol. “Dahil napakarami ang mga hindi miyembro ng ating relihiyon sa pulong sa araw ng Linggo, iniakma namin ang aming mga mensahe para masaklaw ang mga alituntunin ng doktrina at mag-iwan ng malaking pananaw tungkol sa ebanghelyo, maipaalam ang kahalagahan ng mga propeta, at magtatag ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala,” sabi ni Elder Cook.

Noong Pebrero, bumisita si Elder D. Todd Christofferson sa mga miyembro sa Ghana, Nigeria, Ivory Coast, at Liberia sa 12-araw na pagbisita sa Africa West Area. Kabilang sa paglalakbay ang pakikipagkita sa pangulo ng Ghana. Tinalakay nila ang magkaparehong pananaw at pagtutuon nila sa edukasyon at nirebyu ang BYU–Pathway Worldwide at mga programang Gathering Place.

Bumisita si Elder Dale G. Renlund sa Honduras, Belize, Panama, Nicaragua, at Guatemala noong Pebrero. Kasama ni Elder Renlund ang kanyang asawang si Ruth. Sa kanyang pagbisita, nagpunta siya sa isang ospital sa Nicaragua, at tumulong si Sister Renlund sa isang donasyon ng Simbahan na mga hygiene kit at damit para sa mga nandayuhan sa Honduras.

Noong Marso, bumisita si Elder Neil L. Andersen sa Brazil, kung saan nakipag-usap siya sa mga kilalang pinuno ng pamahalaan, bumisita sa malapit nang ilaan na Brasília Brazil Temple, at nagturo at nagpatotoo sa mga miyembro, missionary, at lider sa buong bansa. Sa kanilang paglilibot, kinausap nila ni Sister Kathy Andersen ang Unang Ginang ng Brazil.

Sa isang pagbisita noong Marso sa Mexico, kinausap ni Elder Gerrit W. Gong si Adán Augusto López, ang interior minister ng Mexico. Si López ang pangalawang pinakamataas na opisyal sa pamahalaan ng Mexico. Sa isang pulong sa headquarters ng Ministry of the Interior, nagsalita si Elder Gong tungkol sa mga pagsisikap ng Simbahan na patatagin ang mga pamilya sa Mexico. “Sa paggawa nito, nakakatulong kaming palakasin ang lipunan,” wika niya.

Hinikayat ni Elder Ulisses Soares ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Pacific Area na patuloy na magtuon kay Jesucristo. “Kapag itinuon natin ang ating buhay sa Tagapagligtas na si Jesucristo at nagsikap tayong ipamuhay ang Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, lagi tayong makasusumpong ng kapayapaan, kapahingahan, at kagalakan sa ating buhay,” sabi niya noong Marso sa isang pagbisita sa New Zealand, Tonga, at Fiji.