Institute
Lesson 16 Materyal ng Titser: Pagtatamo ng Kaligayahan sa Buhay may Pamilya sa pamamagitan ni Jesucristo


“Lesson 16 Materyal ng Titser: Pagtatamo ng Kaligayahan sa Buhay may Pamilya sa Pamamagitan ni Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Walang Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 16 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya

Lesson 16 Materyal ng Titser

Pagtatamo ng Kaligayahan sa Buhay may Pamilya sa pamamagitan ni Jesucristo

“Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” simbahannijesucristo.org). Sa lesson na ito, aalamin ng mga estudyante kung paano nila isasalig ang personal na buhay at buhay may pamilya kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo. Ipapatukoy sa kanila ang mga balakid na maaaring makahadlang sa kanila sa paggawa nito at ang mga paraan para madaig ang mga ito.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang pagsalig ng ating personal na buhay at buhay may pamilya kay Jesucristo ay nagpoprotekta at nagpapalakas sa atin.

Maaari mong idispley ang kalakip na larawan ng Philadelphia Pennsylvania Temple. Ipaalala sa mga estudyante ang layunin ng pundasyon ng isang gusali (tingnan sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda).

Larawan
Philadelphia Pennsylvania Temple

Magkakasamang basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Donald L. Hallstrom, kung saan inilarawan niya ang mga pagsisikap ng mga inhinyero na gumawa ng matibay na pundasyon para sa Philadelphia Pennsylvania Temple.

Larawan
Elder Donald L. Hallstrom

Ang istrukturang ito ay … makararanas ng mapaminsalang malalakas na hangin at pagragasa ng tubig sa ilalim ng lupa. Ang matitinding kondisyong ito, kung pababayaan, ay maaaring makapinsala nang malaki at makawasak rin sa templong ito.

Batid na walang humpay na hahagupitin ng mga pwersang ito ang templo, ang mga inhinyero ay nagdisenyo, at ang kontratista ay naghukay, ng isang butas na 32 talampakan (10 m) ang lalim sa ilalim ng buong footprint ng istruktura. Hinukay ang butas sa granite na likas na yaman ng Pennsylvania na magbibigay ng di-natitinag na pundasyon na pagtatayuan nito. Ang mga kongkretong footing at pundasyon ay ikinabit sa granite bedrock na may mga angkla na yari sa bato para makayanan maging ang matinding hangin at mabilis na pagragasa ng tubig sa ilalim ng lupa. Ang mga angkla ay naka-drill nang 50 hanggang 175 talampakan (15 hanggang 53 m) sa granite. …

Nagbigay ako ng gayong detalyadong impormasyon upang ituro ang puntong ito: hindi tulad ng pagtatayo ng isang istruktura (na pansamantala), sa pagtatayo ng ating buhay na walang hanggan (at, umaasa tayo, ng buhay na walang hanggan), kung minsan ay hindi natin gaanong pinagtutuunan ng pansin ang plano at pagtatayo ng ating mga pundasyon. Dahil dito, lubha tayong nalalantad sa mga mapanganib na puwersa at madaling nasasalakay ng mga ito. (“Jesus Christ: Our Firm Foundation,” Ensign, Abr. 2016, 58)

Sabihin sa mga estudyante na isaisip ang pundasyon ng templong ito habang magkakasasama ninyong nirerebyu ang Helaman 5:12.

  • Ano ang itinuturo ng talatang ito kung bakit kinakailangang magtayo ng espirituwal na pundasyon kay Jesucristo ang mga indibiduwal at pamilya? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag itinayo ng mga indibiduwal at pamilya ang kanilang pundasyon kay Jesucristo, hindi magkakaroon ng kapangyarihan si Satanas na wasakin sila.)

  • Ano ang ilang karaniwang “malalakas na hangin, … mga palaso sa buhawi, … ulang yelo at … mala[la]kas na bagyo” na ipinadadala ng kaaway laban sa mga pamilya sa ating panahon?

  • Ano ang ilang paraan na maitatayo ng mga indibiduwal at pamilya ang kanilang pundasyon kay Jesucristo? (Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila mula sa mga pahayag nina Elder David A. Bednar at Elder Hallstrom, gayundin ang aktibidad na “Isulat ang Iyong mga Naisip” sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)

  • Ano ang mga naranasan ninyo o ng inyong pamilya kung saan nakatulong ang pagtatayo ng pundasyon kay Jesucristo para makayanan o madaig ang iba’t ibang uri ng problema o pagsubok?

Ang pamumuhay ayon sa mga turo ni Jesucristo ay nagdudulot ng kaligayahan sa buhay ng pamilya.

Ipakita ang sumusunod mula sa paghahayag tungkol sa pamilya: “Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” simbahannijesucristo.org).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Hikayating makibahagi ang mga estudyante. Humanap ng mga paraan na mahikayat ang lahat ng estudyante na makibahagi sa klase. Ang bawat estudyante ay may magkakaibang background, mga interes, inaasam, at hamon na nakadaragdag sa kanyang mga ideya at tanong. Ang iba-ibang pananaw ng mga estudyante ay maaaring makatulong nang personal sa iba pa sa klase. Ang pakikinig nang mabuti habang nakikibahagi ang mga estudyante ay makatutulong din sa iyo na masuri ang kanilang mga pangangailangan at alalahanin.

Sabihin sa mga estudyante na buklatin ang scripture passage na nahanap nila na naglalaman ng isang turo ni Jesucristo na nagdulot ng kaligayahan sa kanilang personal na buhay o sa kanilang pamilya nang ipamuhay nila ito. (Tingnan sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda. Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para matukoy ang scripture passage.)

Hatiin ang klase sa maliliit na grupo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga scripture passage, pati ang kanilang mga sagot sa sumusunod na tanong (maaari mong ipakita o isulat sa pisara ang tanong):

  • Paano mapagpapala ang isang indibiduwal, mag-asawa, o pamilya sa pagsunod sa turong ito ng ebanghelyo?

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase kung ano ang natutuhan nila mula sa mga tinalakay nila sa kanilang grupo.

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin nang tahimik ang 4 Nephi 1:1, 11–13, 15–18, at hanapin ang mga salita o parirala na nagsasaad ng mga turo ng Tagapagligtas na pinili ng mga taong ito na ipamuhay. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Anong mga pagpapala ang matatanggap ng isang pamilya kapag magkakasama nilang pinagsisikapang ipamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas? Saan kayo nakakita ng mga halimbawa ng ganitong uri ng mga pagpapala?

  • Ano ang ilan sa mga paraan na tinatangka ng kaaway na mahadlangan tayo sa pagtanggap ng mga pagpapalang ito? (Kung kinakailangan, maaari mong iparebyu sa mga estudyante ang mga halimbawa sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Bradley D. Foster, na naglingkod noon bilang miyembro ng Pitumpu:

Larawan
Elder Bradley D. Foster

Hindi kailangang maging masama ang panggagambala para maging epektibo ito. (“Sinabi sa Akin ni Inay,” Liahona, Mayo 2010, 99)

  • Ano ang ilang panggagambala na maaaring hindi likas na masama ngunit makahahadlang sa atin para makasalig nang matatag kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo? Ano ang ginawa ninyo para mabawasan o maalis ang isa o mahigit pa sa mga panggagambalang ito sa inyong buhay?

  • Anong mga pagpapala ang maaaring mawala sa mga tao kung itinayo nila ang kanilang pundasyon sa isang bagay na tulad ng tradisyon, libangan, o pera?

Mag-isip ng mga paraan na matutulungan mo ang mga estudyante na kumilos nang makabuluhan ayon sa natutuhan nila sa lesson na ito. Halimbawa, maaari mong bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na rebyuhin ang pahayag ni Elder Gary E. Stevenson at ang aktibidad na “Kumilos” sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na magsulat ng anumang karagdagang ideya na gusto nilang iugnay sa kanilang mithiin o plano.

Maaari mong tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa kaligayahang naranasan mo sa iyong personal na buhay at buhay may pamilya nang itayo mo ang iyong pundasyon kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo.

Para sa Susunod

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung kailan nila nakitang nagtutulungan ang mag-asawa bilang magkasama na may pantay na pananagutan. Maaari rin nilang isipin ang mga pagkakataon na maaaring nakakita sila ng mga mag-asawa na hindi nagtutulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan dahil sa ilang kadahilanan. Hikayatin ang mga estudyante na pag-aralan ang materyal para sa susunod na lesson na nasasaisip ang mga halimbawang ito at tukuyin kung anong klaseng pagsasamahan ang gusto nila sa sarili nilang pamilya.