Institute
Lesson 23 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Kapag Naantala ang mga Pagpapala ng Kasal na Walang Hanggan o Pagkakaroon ng mga Anak


“Lesson 23 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Kapag Naantala ang mga Pagpapala ng Kasal na Walang Hanggan o Pagkakaroon ng mga Anak,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 23 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya

Larawan
isang young adult na tinatanaw ang templo

Lesson 23 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Kapag Naantala ang mga Pagpapala ng Kasal na Walang Hanggan o Pagkakaroon ng mga Anak

Maraming tao ang nakararanas ng pagkaantala na maipagkaloob sa kanila ang mga pagpapala para sa kanilang matwid na hangarin na makapag-asawa o magkaroon ng mga anak, at ang mga pagkaantalang ito ay maaaring magdulot ng pagkadismaya, pagkabalisa, o pighati. Habang pinag-aaralan mo ang materyal na ito, pag-isipan kung bakit mapagkakatiwalaan natin ang Panginoon na tutuparin Niya ang Kanyang mga ipinangakong pagpapala para sa ating walang-hanggang pamilya kung tayo ay tapat sa Kanya. Isipin din kung bakit kailangan tayong lahat sa Simbahan ng Tagapagligtas at sa plano ng Diyos, anuman ang kalagayan ng ating pamilya.

Bahagi 1

Paano kung hindi tugma ang kalagayan ko sa mga inilarawan sa pahayag tungkol sa mag-anak?

Ang mga lider ng Simbahan ay nagtuturo ng mga huwaran para sa masayang pagsasama ng pamilya. Nauunawaan din nila na hindi nararanasan ng lahat ang mga huwarang ito. Halimbawa, sa pahayag tungkol sa mag-anak, itinuturo ng mga propeta na ang ilang “kalagayan ay maaaring magpabago sa mga takdang tungkulin ng bawat isa” sa pagtupad ng mga sagradong responsibilidad sa pamilya (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” SimbahanniJesucristo.org).

Ipinahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol na magkakaiba ang mga kalagayan ng pamilya ng matatapat na miyembro ng Simbahan:

Larawan
Elder Neil L. Andersen

Maraming bata at matatanda na tapat at totoo sa ebanghelyo ni Jesucristo, kahit na ang kanilang nararanasan sa kasalukuyan ay hindi akma sa pagpapahayag sa mag-anak: mga anak na napariwara dahil sa diborsyo; … mga kababaihan at kalalakihan na labis na nasaktan sa kataksilan ng asawa; mag-asawa na hindi magkaanak; … mga dalaga at binata, na sa iba’t ibang kadahilanan, ay hindi nakapag-asawa. (“Ang Mata ng Pananampalataya,” Liahona, Mayo 2019, 36)

Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Pangulong M. Russell Ballard

Higit sa kalahati ng mga adult sa Simbahan ngayon ay mga balo, diborsyado, o wala pang asawa. May ilang nag-iisip tungkol sa mga oportunidad at lugar nila sa plano ng Diyos at sa Simbahan. Dapat nating maunawaan na ang buhay na walang-hanggan ay hindi simpleng tungkol lamang sa kasalukuyang marital status, kundi sa pagiging disipulo at “matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus” [Doktrina at mga Tipan 76:79; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 121:29]. …

… Lahat ng tumatanggap sa handog na pagsisisi ng Tagapagligtas at sumusunod sa Kanyang mga kautusan ay makatatanggap ng buhay na walang-hanggan, bagama’t hindi nila nakamit ang lahat ng katangian at kasakdalan nito sa buhay na ito. (“Umasa kay Cristo,” Liahona, Mayo 2021, 55)

Larawan
isang young adult na naglalakad sa bangketa

Maaaring magtaka ang ilang tao kung bakit patuloy na nagtuturo ang mga lider ng Simbahan tungkol sa mga huwaran ng buhay may-pamilya gayong maraming miyembro ng Simbahan ang hindi nararanasan ang mga ito.

Ibinahagi ni Sister Sharon Eubank ng Relief Society General Presidency ang ilan sa kanyang karanasan at pananaw bilang isang single adult:

Larawan
Sister Sharon Eubank

Dahil wala akong asawa, nauunawaan ko ang pakiramdam na ito. Wala kayong kasama; nakakaasiwa ang maupo nang mag-isa sa simbahan; mahirap dumalo sa mga kasiyahan; nagkokomento ang mga kamag-anak gayong walang dapat sabihin tungkol dito. …

Ang umakma sa isang Simbahan na nakatuon sa pamilya ay maaari ding maging mahirap. Ngunit ang katotohanan ay marami sa mga miyembro ng Simbahan ang hindi namumuhay sa perpektong kalagayan ng pamilya. Hindi ako nakatitiyak kung may perpekto o huwarang pamilya ang sinuman. Kaya bakit patuloy pa ring binibigyang-diin ang mga huwaran ng buhay may-pamilya? Dahil ang pamilya ang ating tadhana, at narito tayo sa mundong ito upang matutuhan kung paano natin mapatitibay ang ugnayan ng pamilya anuman ang ating sariling sitwasyon. (“A Letter to a Single Sister,” Ensign, Okt. 2019, 40)

Larawan
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Sa paanong mga paraan tayo mananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo tungkol sa pamilya kahit hindi huwaran o perpekto ang kalagayan ng ating pamilya?

Bahagi 2

Paano ako susulong nang may pananampalataya kapag naantala ang mga pagpapalang ninanais ko?

Larawan
Si Abraham sa Kapatagan ng Mamre, ni Grant Romney Clawson

Alam nina Abraham at Sara kung ano ang pakiramdam kapag naantala ang ilang ninanais na pagpapala at hindi natupad ang iba pa sa buhay na ito. Noong 75 taong gulang si Abraham, siya at si Sara ay walang mga anak (tingnan sa Genesis 11:29–30; 12:4). Subalit ipinangako sa kanya ng Panginoon, “Gagawin kong parang alabok ng lupa ang iyong binhi” (Genesis 13:16). Ipinangako rin ng Panginoon na ibibigay kay Abraham at sa kanyang mga inapo ang lupain ng Canaan bilang mana (tingnan sa Genesis 17:8). Kalaunan, noong 100 taong gulang si Abraham at si Sara ay 90 taong gulang, ipinangako sa kanila na si Sara ay magsisilang ng isang anak na lalaki na papangalanang Isaac (tingnan sa Genesis 17:17, 19). Bagama’t natupad ang pangakong ito at ang iba pang mga pangako sa kanila, ang mga pangako ng Panginoon na magkakaroon sila ng napakaraming inapo at matatanggap ang lupang pangako ay hindi natupad sa buhay nina Abraham at Sara dito sa lupa.

Sa aklat ng Mga Hebreo, binanggit ni Apostol Pablo ang mga pangakong ito kina Abraham at Sara.

Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Mga Hebreo 11:8, 11–13, at isipin kung ano ang matututuhan mo mula sa halimbawa nina Abraham at Sara tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo kapag naantala o hindi natupad ang ninanais na mga pagpapala sa buhay na ito.

Larawan
isang ina na nagdarasal kasama ang kanyang maliliit na anak

Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan, “Ang ibig sabihin ng pananampalataya ay pagtitiwala—pagtitiwala sa kalooban ng Diyos, pagtitiwala sa paraan Niya ng paggawa ng mga bagay-bagay, at pagtitiwala sa Kanyang sariling panahon” (“Tiyempo,” Liahona, Okt. 2003, 12).

Ang paghihintay sa Panginoon para sa mga pagpapalang ninanais natin ay maaaring sumubok sa ating pagtitiyaga at pagsunod. Habang naglilingkod bilang miyembro ng Pitumpu, itinuro ni Elder Spencer J. Condie:

Larawan
Elder Spencer J. Condie

Kung minsan, dahil sa ating kakulangan sa tiyaga, maaaring hindi natin makita ang mahahalagang pangako ng Panginoon at mahinto ang ating pagsunod sa katuparan ng mga pangakong ito. (“Angkinin ang Mahahalaga at Napakadakilang Pangako,” Liahona, Nob. 2007, 17)

Itinuro din ni Pangulong Ballard ang sumusunod tungkol sa paghihintay sa Panginoon:

Larawan
Pangulong M. Russell Ballard

Paghihintay sa Panginoon na nangangahulugan ng patuloy na pagsunod at espirituwal na pag-unlad palapit sa Kanya. Ang paghihintay sa Panginoon ay hindi pag-aaksaya ng inyong oras. Hindi ninyo dapat maramdaman kahit kailan na para kayong naghihintay sa loob ng isang silid. …

Ang personal na pag-unlad na mararating ng isang tao ngayon habang naghihintay sa Panginoon at sa Kanyang mga pangako ay walang kasinghalaga at sagradong bahagi ng Kanyang plano para sa bawat isa sa atin. … Ikinararangal ng Panginoon ang mga naglilingkod at naghihintay sa Kanya nang may pagtitiyaga at pananampalataya [tingnan sa Isaias 64:4; Doktrina at mga Tipan 133:45]. (“Umasa kay Cristo,” 55)

Larawan
icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Isulat ang mga karanasan o mga turo na nagpatibay sa pagtitiwala mo na tutuparin ng Panginoon ang Kanyang mga pangako kahit naaantala ang mga pagpapala.

Bahagi 3

Paano ako makatutulong sa Simbahan ng Panginoon sa kabila ng kalagayan ng aking pamilya?

Maaaring isipin ng ilang miyembro ng Simbahan, na ang mga kalagayan ng pamilya ay kasalukuyang hindi tumutugma sa nakasaad sa pahayag tungkol sa mag-anak, kung paano sila makaaakma sa Simbahan. Inihambing ni Apostol Pablo ang Simbahan ni Jesucristo sa pisikal na katawan para ituro sa atin kung bakit kailangan ang bawat miyembro ng Simbahan.

Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang 1 Corinto 12:12, 16–17, 21, 25–27, at isipin kung paanong mahalaga at nakatutulong ang bawat miyembro ng Simbahan sa kabuuan.

Larawan
mga kalalakihang nag-uusap sa isang elders quorum meeting

Ang magkakaiba nating kalagayan ay magdudulot ng kahalagahan at karanasan sa ating ward o branch. Binigyang-diin ni Pangulong Ballard:

Larawan
Pangulong M. Russell Ballard

Huwag kalimutan na kayo’y anak ng Diyos, na ating Amang Walang Hanggan, ngayon at magpakailanman. Mahal Niya kayo, at gusto at kailangan kayo ng Simbahan. Oo, kailangan namin kayo! Kailangan namin ang inyong mga tinig, talento, kasanayan, kabutihan, at pagkamatuwid. (“Umasa kay Cristo,” 55)

Itinuro ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Robert D. Hales

Sinuman sa atin ay maaaring ihiwalay ang ating sarili sa ating ward o branch batay sa ating mga pagkakaiba. … Ngunit sa halip na gawin iyan, ibahagi natin ang ating mga kaloob at talento sa iba, na magdadala ng liwanag ng pag-asa at galak sa kanila, at sa paggawa nito ay mapasisigla ang ating espiritu. (“Belonging to a Ward Family,” Ensign, Mar. 1996, 16)

Larawan
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang maaari kong gawin para mas maunawaan ang iba pang mga miyembro ng aking ward o branch at matulungan sila na maramdaman na pinahahalagahan at kabilang sila? Kung pakiramdam ko ay hindi ako kabilang sa Simbahan, ano ang maaari kong gawin para matulungan ako ng Tagapagligtas na madama ang aking kahalagahan at lugar sa Kanyang Simbahan?